Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Filipos at Colosas


“Filipos at Colosas,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

isang kamay na nakaunat mula sa isang puting balabal

Filipos at Colosas

Sa kanyang pagkabilanggo sa Roma, sumulat si Pablo sa mga Banal sa Filipos at Colosas. Ang dalawang sulat na ito ay palaging positibo at optimistiko. Kabilang dito ang ilan sa pinakamalinaw at pinakataimtim na mga turo ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Itinuro ni Pablo na kung mamumuhay tayo nang may pananampalataya at pasasalamat, maisusulong ng Panginoon ang layunin ng ebanghelyo sa pamamagitan natin. Sa pagtatag sa pundasyon ni Jesucristo, maiiwasan nating malinlang ng mga makamundong pilosopiya at tradisyon.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Filipos at Colosas

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Anong pagsalungat ang naranasan mo kamakailan nang gumawa ka ng isang bagay para sa Panginoon? Basahin ang Filipos 1:12–14, 19–26 para malaman kung paano nakaapekto sa gawain ng Panginoon ang saloobin ni Pablo sa pagharap sa oposisyon.

  • Ano ang isinakripisyo mo kamakailan para sa Panginoon? Basahin ang Filipos 3:4–15, at isipin kung bakit napakahalaga ng sakripisyo sa iyong espirituwal na pag-unlad.

  • Isipin ang isang taong kilala mo na matatag sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Ano ang hinahangaan mo sa kanya? Basahin ang Filipos 4:1, 4–13, at hanapin ang mga paraan na makatutulong sa iyo na “magpakatibay” (talata 1) kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang pilosopiya o turo sa mundo ngayon na maaaring maglayo sa iyo sa Tagapagligtas? Basahin ang Colosas 1–2; 3:1–17, at hanapin ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makapoprotekta sa iyo mula sa maling mga turo.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Filipos at Colosas.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Filipos 4:4–13 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Filipos 1:12–14, 19–26

Paano makakaapekto sa gawain ng Panginoon ang saloobin ko kapag nakararanas ako ng pagsalungat?

Maaari mong simulan sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng ilang karanasan nang makaranas sila ng pagsalungat habang sinisikap na gawin ang gawain ng Panginoon.

  • Kapag nakakaranas kayo ng pagsalungat, paano naaapektuhan ng inyong saloobin ang gawain ng Panginoon?

Isiping pakita ang sumusunod na larawan at ipaliwanag na isinulat ni Pablo ang kanyang liham sa mga taga-Filipos habang siya ay nasa bilangguan, malamang sa Roma (tingnan sa Filipos 1:7, 13, 16).

si Apostol Pablo sa bilangguan

Ipabasa sa mga estudyante ang Filipos 1:12–14, 19–26, na inaalam ang matututuhan nila kay Pablo tungkol sa paggawa ng gawain ng Panginoon habang dumaranas ng pagsalungat. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano nakaapekto ang pagkabilanggo ni Pablo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Tagapagligtas?

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang mga saloobin ni Pablo sa kanyang pagkabilanggo sa pagsulong ng gawain ng Panginoon? (Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag namumuhay tayo nang may pananampalataya, pag-asa, at pasasalamat, maisusulong ng Panginoon ang layunin ng ebanghelyo sa pamamagitan natin.)

  • Kailan ninyo nakitang nakatulong ang pananampalataya, pag-asa, at pasasalamat ng isang taong dumaranas ng pagsalungat sa pagsulong ng gawain ng Panginoon?

Maaari kang magbahagi ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na sitwasyon o ilan sa mga sitwasyon na ginawa mo. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila maisusulong ang gawain ng Tagapagligtas nang may pananampalataya, pag-asa, at pasasalamat sa bawat sitwasyon:

Nagpadala sa iyo ang isa sa iyong mga kaibigan ng negatibong video tungkol sa mga lider ng Simbahan.

Gusto mong magmisyon pero tutol ang mga magulang mo, na hindi mga miyembro ng Simbahan.

Sa lugar na pinaglilingkuran mo bilang missionary, malakas na sinasalungat ang Simbahan.

Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na isipin ang anumang pagkakataong mayroon sila sa darating na linggo na harapin ang pagsalungat nang may pananampalataya, pag-asa, at pasasalamat. Pagkatapos ng sapat na oras, hikayatin ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Pablo sa kanilang mga gagawin sa buong linggo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Filipos 3:4–15

Anong mga sakripisyo ang kailangan kong gawin para kay Jesucristo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na kahulugan ng sakripisyo ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Ang ibig sabihin ng magsakripisyo ay isuko ang isang bagay kapalit ng isang bagay na mas mahalaga. (“Buong Puso Natin,” Liahona, Mayo 2022, 124)

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga ito at isulat ang kanilang mga naisip:

  • Kailan ka huling hinilingang isuko ang isang bagay kapalit ng isang bagay na mas mahalaga? Ano ang mas mahalagang bagay? Pakiramdam mo ba ay sulit ito? Ano ang naiisip, nadarama, o ipinag-aalala mo tungkol sa pagsasakripisyo para sa Panginoon?

Ipaliwanag na itinuro ni Pablo ang mga alituntuning makatutulong sa atin sa mga tanong at alalahanin natin tungkol sa sakripisyo. Basahin ang Filipos 3:4–15 at alamin kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa sakripisyo. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang “matulad” sa talata 10 ay nangangahulugang sang-ayon, ang pariralang “nagpapatuloy” sa talata 12 ay nangangahulugang sumusulong, at ang salitang “maabot” sa talata 12 ay nangangahulugang matamo.)

  • Ano ang isinakripisyo ni Pablo para matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanyang buhay?

  • Ano ang “gantimpala” (talata 14) na ibinibigay ng Tagapagligtas sa mga nagsasakripisyo para sundin Siya?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa saksripisyo mula sa mga talatang ito? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag kusang-loob tayong nagsasakripisyo para sundin si Jesucristo, nakikilala natin Siya at naghahanda tayo para matanggap ang buhay na walang hanggan.)

Basahin nang sama-sama ang iba pang pahayag ni Elder Uchtdorf tungkol sa sakripisyo:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Ang ibig sabihin ng magsakripisyo ay isuko ang isang bagay kapalit ng isang bagay na mas mahalaga. … Sa buong kasaysayan, isinakripisyo ng matatapat na Banal ang mga personal na hangarin, komportableng pamumuhay, at maging ang kanilang buhay para sa Tagapagligtas.

Lahat tayo ay may mga bagay na nasa atin, malaki at maliit, na kailangang isakripisyo upang mas lubos na masunod si Jesucristo. Makikita sa ating mga sakripisyo kung ano ang tunay nating pinahahalagahan. Ang mga sakripisyo ay sagrado at kinikilala ng Panginoon. (“Buong Puso Natin,” Liahona, Mayo 2022, 124)

  • Ano ang ilang bagay na isinakripisyo ninyo, ng inyong pamilya, o mga kaibigan para sundin si Jesucristo?

  • Anong mga pagpapala ang dumating mula sa mga pagsasakripisyong ito para sa Tagapagligtas?

Ipakita ang mga sumusunod na hindi kumpletong pangungusap at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang mga ito at kumilos ayon sa anumang impresyong natanggap nila:

  • Ang sakripisyong pinakakailangan kong ibigay sa Panginoon ay …

  • Kaya kong gawin ang sakripisyong ito sa pamamagitan ng …

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Filipos 4:1, 4–13

Ano ang magagawa ko upang “magpakatibay” sa Panginoon?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage, at anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang mga ito, na inaalam ang karaniwang tema:

1 Corinto 16:13–14; Galacia 5:1; Filipos 1:27; 4:1

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “magpakatibay” sa Panginoon?

Isiping basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:

Elder Ulisses Soares

Sa pagsasaliksik kay Cristo sa bawat pag-iisip at pagsunod sa Kanya nang buo nating puso, kailangan nating iayon sa Kanya ang ating isipan at mga hangarin. Ang pag-aayon na ito ay tinutukoy sa mga banal na kasulatan bilang “[pagpapakatibay] sa Panginoon” [Filipos 4:1]. Ang planong ito na kumilos ay nagpapahiwatig na patuloy tayong namumuhay nang naaayon sa ebanghelyo ni Cristo at araw-araw tayong nakatuon sa lahat ng bagay na mabuti. (“Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2020, 83–84)

  • Ano ang maaaring maging hamon sa mga young adult para magpakatibay sa Panginoon?

Ipabasa sa mga estudyante ang Filipos 4:4–13, na inaalam ang mga alituntuning makatutulong sa isang tao na manatiling matibay o nakaayon sa Panginoon. Pagkatapos ay ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:

  • Piliin ang alituntunin sa Filipos 4:4–13 na pinaka-interesado ka.

  • Maghanda ng maikling mensahe (mga 3 minuto) tungkol sa kung paano makatutulong ang alituntuning ito sa isang tao na magpakatibay sa Panginoon.

    • Maghanap ng talata sa banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na magagamit sa iyong mensahe bilang pangsuporta.

    • Magbahagi ng isang halimbawa mula sa banal na kasulatan o sariling buhay kung paano ito maiaangkop sa ating buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ng mga pagkakataon ang mga estudyante na magturo at magpatotoo. Ang isang resulta ng pag-aaral ng kursong ito ay ang magbigay ng mga pagkakataon para sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman sa mga banal na kasulatan. Kapag ibinabahagi ng mga estudyante ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa isa’t isa, nagiging mga aktibong kalahok sila sa kanilang pag-aaral. Kapag nagpapatotoo sila tungkol sa itinuturo nila, inaanyayahan nila ang nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay.

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na ihanda ang kanilang mga mensahe, sabihin sa kanila na magsalitan sila ng kanilang kapartner sa pagbabahagi ng kanilang mensahe. Hikayatin silang magpatotoo tungkol sa itinuturo nila.

Maaari mong tapusin ito sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mensahe ng kanilang kapartner. Anyayahan sila na ipamuhay ang natutuhan nila mula sa alituntuning itinuro nila.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Colosas 1–2; 3:1–17

Ano ang dapat kong gawin para maprotektahan ang sarili ko mula sa mga maling turo?

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang larawan ng isang halaman na nabunot sa lupa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may kilala silang “nabunot” mula sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. (Paalala: Maging sensitibo na maaaring madama ng ilang estudyante na sila mismo ang nakararanas nito.)

  • Sa inyong obserbasyon, ano ang maaaring maging dahilan para mabunot ang isang tao sa kanyang pananampalataya?

Ipaliwanag na sa kanyang liham sa mga taga-Colosas, nag-alala si Pablo tungkol sa espirituwal na pundasyon ng mga Banal sa Colosas. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nalalantad sa mga maling turo at gawi (tingnan sa Colosas 2:4, 8, 16, 18, 20–23). Ang ilang Banal ay nanganganib na tanggapin ang mga maling turong ito.

Ipahanap sa mga estudyante sa Colosas 1:21–23 at 2:6–7 ang anumang salitang naglalarawan ng pagiging espirituwal na matibay, at isulat ang mga ito sa pisara. (Halimbawa, “matatag,” “matibay,” “nakaugat,” at “nakatayo.”) Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa pagiging matatag at nakaugat kay Jesucristo, maiiwasan natin ang mailigaw sa pamamagitan ng mga maling turo.)

Hatiin ang klase sa kahit apat na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture block. Sabihin sa mga estudyante na markahan o isulat ang mga katotohanang makatutulong sa isang tao na mapatibay kay Jesucristo.

  • Colosas 1:14–22

  • Colosas 2:8–15

  • Colosas 3:1–11

  • Colosas 3:12–17

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang isa o mahigit pa sa mga ito sa kanilang mga grupo:

  • Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang makatutulong sa inyo na madama na matatag o nakaugat kayo kay Jesucristo?

  • Paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa inyo para makaiwas sa panlilinlang ng mga maling turo?

  • Paano nakatulong sa inyo ang patotoo sa isang katotohanan sa mga talatang ito na manatiling tapat kapag nahaharap sa mga maling turo?

Pagkatapos ng oras para sa talakayan ng grupo, maaari mong ipagawa sa ilang estudyante ang isa o mahigit pa sa sumusunod:

  • Ipaliwanag ang tungkol sa isang katotohanang tinalakay ninyo ngayon na tumutulong sa inyo na madamang mas nakaugat kayo kay Jesucristo.

  • Ilarawan ang isang pagkakataon na nakatulong sa inyo ang pananampalataya at patotoo ninyo kay Jesucristo na maiwasang mailigaw ng maling mga turo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”