“1 Corinto 1–7,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
1 Corinto 1–7
Ang mga bagong binyag sa Corinto ay nanirahan sa isang makamundong kapaligiran. Ang ilan ay nahirapang ipamuhay ang ebanghelyo. Sa Kanyang liham sa mga Banal sa Corinto, nagturo si Pablo ng iba’t ibang katotohanan ng ebanghelyo para mapalakas sila. Ipinaalala niya sa kanila na bilang mga Banal, dapat nilang alisin ang pagkakahati-hati sa kanila. Dapat silang magtiwala sa pangangaral ng ebanghelyo at sa kapangyarihan ng Espiritu upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos. Hinikayat sila ni Pablo na mamuhay nang may malinis na moralidad.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “1 Corinthians 1–7 [1 Corinto 1–7]”
Paunawa: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Mayroon bang tao na nahihirapan kang makasundo? Paano makakatulong sa iyo ang payo sa 1 Corinto 1:10–17?
-
Paano natin malalaman ang malalalim na bagay ng Diyos? Ano ang natututuhan mo sa 1 Corinto 2:9–16 tungkol sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman?
-
Napapalibutan tayo ng napakaraming magkakasalungat na mensahe tungkol sa ating katawan. Basahin ang 1 Corinto 6:9–20 para malaman kung paano natin maaaring ituring ang ating katawan bilang isang biyaya. Maaari mo ring panoorin ang “Bodies Are Temples” (4:41).
4:41
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 Corinto 1–7.
Training sa Kasanayan
Ang 1 Corinto 1:10–17 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Taking Meaningful Notes” sa Scripture Study Skills. Ang 1 Corinto 1:17–31 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Cause-and-Effect Relationships in the Scriptures.”
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
1 Corinto 1:4–17
Ano ang magagawa ko para madaig ang pagkakahati-hati at pagtatalu-talo sa aking buhay?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga salita: ward (o branch), pamilya, mga katrabaho, mga roommate, at social media. Anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner na pumili ng isa sa mga salita sa pisara at pagkatapos ay talakayin sa kanilang kapartner kung paano maaaring magkaroon ng pagkakahati-hati at pagtatalu-talo sa sitwasyong iyon.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ipinahayag ni Jesucristo na ang mga may “diwa ng pagtatalo” ay hindi sa Kanya [3 Nephi 11:29]. … Ang mga taong nag-uudyok ng pagtatalo ay ginagawa rin ang ginagawa ni Satanas, sinadya man nila ito o hindi. (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 99)
Ipaalala sa mga estudyante na nag-alala si Apostol Pablo, tulad ni Pangulong Nelson, tungkol sa pagkakahati-hati at pagtatalu-talo ng mga Banal sa kanyang panahon. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Corinto 1:9–17 (tingnan din sa 1 Corinto 3:3–5; 4:6–7; 6:6–8), na hinahanap kung ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga pagkakahati-hati at pagtatalu-talo at kung paano madaraig ang mga iyon. (Maaari mo ring basahin ang “1 Corinthians 1:10–17: Why were there divisions among the Saints in Corinth? [1 Corinto 1:10–17: Bakit may mga pagkakahati-hati sa mga Banal sa Corinto?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan] para sa karagdagang konteksto.)
Isiping talakayin ang sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na maaring makatulong sa atin na madaig ang mga pagkakahati-hati at pagtatalu-talo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod mula sa 1 Corinto 1:9–10: Kapag hinangad nating makisama kay Jesucristo, madaraig natin ang mga pagkakahati-hati at pagtatalu-talo at magkakaisa tayo.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makisama kay Jesucristo? (Ang pakikisama ay nagpapahiwatig ng malapit na pagsasamahan.)
-
Paano makakatulong sa inyo ang paghahangad na makisama kay Jesucristo para maging kaisa ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas?
Sama-samang basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa mga sitwasyong matindi ang kaguluhan at puno ng pagtatalo, inaanyayahan ko kayong alalahanin si Jesucristo. …
… Ngayon ay inaanyayahan ko kayo na suriin ang inyong pagkadisipulo ayon sa pakikitungo ninyo sa iba. Binabasbasan ko kayo na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang ang inyong pag-uugali ay maging marangal, magalang, at kumakatawan sa isang tunay na tagasunod ni Jesucristo. (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 101)
Para matulungan ang mga estudyante na masuri kung ano ang magagawa nila para madaig ang pagkakahati-hati at pagtatalu-talo, anyayahan silang kumpletuhin ang handout na “Pagdaig sa mga Pagkakahati-hati at Pagtatalu-talo”:
Kung may oras pa, maaari kang magpabahagi sa ilang estudyante ng isang mensaheng nahanap nila sa pangkalahatang kumperensyang pinag-aralan nila. Hikayatin sila na ibahagi ang gagawin nila dahil sa natutuhan nila.
1 Corinto 2:9–16
Paano ko mas mauunawaan ang mga bagay ng Diyos?
Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:
Nahirapan si Matt na tanggapin ang kuwento tungkol kay Joseph Smith at sa Pagpapanumbalik. Nadama niya na mahirap paniwalaan ang mga pahayag tungkol sa Unang Pangitain, mga pagbisita ni Moroni, at pagsasalin ng Aklat ni Mormon mula sa mga laminang ginto. Sabi niya sa inyo, “Maniniwala ako na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos kapag nakakita ako ng anghel at nahawakan ko ang mga laminang ginto.”
Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang 1 Corinto 2:9–16, at maghanap ng mga kabatiran na makakatulong na maunawaan ni Matt kung paano niya maaaring malaman na si Joseph Smith ay totoong propeta ng Diyos. Isiping itanong ang ilan sa mga sumusunod habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natuklasan nila:
-
Anong mensahe mula sa mga talatang ito ang maaaring makatulong kay Matt na baguhin ang kanyang palagay sa mga pangitain, anghel, at pagsasalin ng Aklat ni Mormon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Malalaman at mauunawaan natin ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.)
-
Anong mga katotohanan ang nalaman ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Paano naimpluwensyahan ng pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu ang inyong pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang natutuhan ninyo sa pamamagitan ng Espiritu tungkol sa misyon ni Propetang Joseph Smith?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa impluwensya ng “taong hindi ayon sa espiritu” (talata 14) sa ating mga pagsisikap na malaman ang mga espirituwal na katotohanan? (Kung makakatulong, maaari ninyong rebyuhin ang “1 Corinthians 2:14–16 [1 Corinto 2:14–16]. What is the natural man? [Ano ang taong hindi ayon sa espiritu?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng karagdagang kabatiran tungkol sa kung paano tayo tinuturuan ng Diyos ng katotohanan:
Habang nagninilay-nilay at nananalangin kayo tungkol sa mga doktrinal na alituntunin, [mangungusap] ang Espiritu Santo sa inyong [puso’t isipan] [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2]. Mula sa mga pangyayaring inilarawan sa mga banal na kasulatan, darating ang mga bagong kabatiran at ang mga alituntuning naaangkop sa inyong kalagayan ay magpapadalisay sa inyong puso.
Nililinang ninyo ang gayong karanasan ng pagpapahayag sa pamamagitan ng pamumuhay alinsunod sa liwanag na ibinigay sa inyo at sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan nang may dalisay na motibo—nang may tunay na layunin na “lumapit kay Cristo” [Jacob 1:7; Omni 1:26; Moroni 10:30, 32]. Habang ginagawa ninyo ito, ang pananalig ninyo ay “lalakas sa harapan ng Diyos,” at ang Espiritu Santo ang inyong magiging kasama sa tuwina” [Doktrina at mga Tipan 121:45–46]. (“Namumuhay sa Patnubay ng mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Ene. 2001, 18)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang higit nilang pinahahalagahan mula sa pahayag ni Pangulong Nelson.
Isiping anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga karanasan nila nang ituro sa kanila ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong imungkahi na piliin nilang gawin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga aktibidad o gumawa sila ng sariling ideyang isasagawa nila.
-
Ibahagi sa isang tao nang personal o sa social media kung paano mo nalaman ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Gumawa ng plano na makakatulong sa iyo na mas maunawaan ang mga bagay ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Maglaan ng oras na basahin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2018, 93–96).
1 Corinto 6:9–20
Katawan ko ito, kaya magagawa ko ang gusto ko, hindi ba?
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natututuhan nila. Tandaan na ang pagpapalakas ng pananampalataya at pagiging higit na katulad ni Cristo ay hindi nangyayari sa isang iglap. Lahat tayo ay kailangang magpasiyang kumilos nang may pananampalataya at tularan ang Kanyang halimbawa kapwa sa loob at labas ng klase. Kapag inanyayahan mo ang mga estudyante na kumilos nang may pananampalataya, tinutulungan mo silang gamitin ang kanilang natutuhan sa kanilang tahanan at sa pang-araw-araw na buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:8–10).
Maaari kang magsimula sa pagpapakita ng ilang larawan ng mga templo at pagbasa sa “Templo, Bahay ng Panginoon” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library).
-
Bakit banal at sagradong lugar ang templo?
-
Ano ang magagawa ninyo para ipakita na isang sagradong lugar ang templo para sa inyo?
Ipaliwanag na bumatay si Pablo sa matalinghagang paglalarawan sa templo para talakayin ang kasalanang seksuwal na imoralidad, na isang pakikibaka para sa ilang miyembro ng simbahan sa Corinto (tingnan sa 1 Corinto 6:9–17; tingnan din sa unang talata ng “1 Corinto 6:13–19. What did Paul have to say about sexual immorality? [Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa seksuwal na imoralidad?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan]).
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Corinto 6:18–20, na inaalam kung paano ginamit ni Pablo ang simbolismo ng templo para ituro ang kahalagahan ng seksuwal na kalinisan.
-
Ano ang kahalagahan ng pagkukumpara ng ating katawan sa isang templo?
-
Ano ang ibig sabihin ng kayo ay “hindi sa inyong sarili” at “binili sa isang halaga”?
Kung makakatulong, maaari kang maglaan ng kaunting oras para palalimin ang pag-unawa ng mga estudyante sa halagang ibinayad ni Jesucristo para matubos tayo. Maaari mong isulat sa pisara ang salitang tubusin at ipaliwanag na ang isang kahulugan ng salitang ito ay “bilhing muli.” Hatiin sa gitna ang pisara, at hilingin sa mga estudyante na ilista ang lahat ng maiisip nila na natubos o nabili silang muli ni Jesucristo mula sa isang sitwasyon (halimbawa, kasalanan, kamatayan, pagdurusa, mga pagkakamali, mga kahinaan, at iba pa.) Pagkatapos sa kabilang panig ng pisara, anyayahan silang isulat ang halagang ibinayad ng Tagapagligtas para matubos sila mula sa lahat ng bagay na iyon. (Maaari ninyong basahin ang 1 Pedro 1:18–19 at Doktrina at mga Tipan 19:16–19.)
-
Paano naaapektuhan ng pagkaalam sa halagang ibinayad ni Jesucristo para tubusin kayo ang pagtingin at pagtrato ninyo sa inyong katawan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dapat nating luwalhatiin ang Diyos sa ating katawan dahil ito ang templo ng Espiritu Santo at nabili tayo sa halaga ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.)
-
Paano iniimpluwensyahan ng pagkaalam sa mga katotohanang ito ang pagtingin at pagtrato ninyo sa inyong katawan?
Para matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang kanilang natututuhan, maaari kang gumawa ng dalawang column sa pisara. Sulatan ang unang column ng Mga Makamundong Paniniwala, Mga Saloobin, at Mga Palagay tungkol sa Ating Katawan. Sulatan ang pangalawang column ng Mga Katotohanang Naihayag ng Diyos tungkol sa Ating Katawan.
Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Anyayahan silang magbahagi ng ilan sa mga ideya ng mundo tungkol sa katawan, at isulat ang kanilang mga sagot sa unang column sa pisara. Pagkatapos ay ipatalakay sa mga estudyante sa kanilang mga grupo ang ilang inihayag na katotohanan tungkol sa ating katawan, batay sa natutuhan nila mula kay Pablo. Kung makakatulong, maaari silang maghanap ng mga karagdagang katotohanan sa resources ng Simbahan tulad ng sumusunod:
-
“Ang Inyong Katawan Ay Sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)
-
“Kalinisang-puri” sa Mga Paksa at mga Tanong (Gospel Library)
-
Ang video na “God’s Greatest Creation” (2:51)
2:47 -
Mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan (maaaring gamitin ng mga estudyante ang search function sa Gospel Library para makahanap ng mga kaugnay na mensahe o artikulo)
Maaari ding isipin ng mga endowed na miyembro kung paano makakatulong sa kanila ang pagsusuot ng temple garment para magpakita ng paggalang sa kanilang katawan at pag-alala sa Tagapagligtas sa kanilang buhay. Maaari silang maghanap ng mga katotohanan sa resources ng Simbahan tulad ng mga sumusunod:
-
“Mga Garment” sa Mga Paksa at mga Tanong
-
“Pagsusuot ng Temple Garment,” section 26.3.3.2 sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesuscristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (Gospel Library)
Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talakayan nila sa grupo. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong punan ang pangalawang column sa pisara.
Para tapusin ang inyong talakayan, isiping basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa tuwing kayo ay titingin sa salamin, tingnan ang inyong katawan bilang inyong templo. Ang katotohanang iyan—na dapat pasalamatan bawat araw—ay makakaapektong mabuti sa ipapasiya ninyong paraan ng pangangalaga at paggamit ng inyong katawan. At ang mga desisyong iyon ang magtatakda ng inyong tadhana. (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 107)
-
Batid na itinuturing ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang inyong katawan bilang templo, ano ang gagawin ninyong naiiba? (Bigyan ng oras ang mga estudyante na itala ang kanilang mga iniisip at impresyon.)