“Kalinisang-puri,” Mga Paksa at mga Tanong (2025)
Overview
Kalinisang-puri
Tulad ng lahat ng mga kautusan ng Diyos, ang batas ng kalinisang-puri ay pagpapala mula sa Diyos na makatutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan at kagalakan. Ang pamumuhay sa batas na ito ay makatutulong din sa atin na manatiling ligtas at maayos sa emosyonal at pisikal. At tinutulungan tayo nito na maging handang tumanggap ng pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos, kabilang ang buhay na walang hanggan.
Ang kalinisang-puri ay ang hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ang mga taong malinis ang puri ay nagsusumikap din na magkaroon ng naaangkop na pag-iisip, pananalita, at pagkilos ukol sa seksuwalidad. Kabilang sa pamumuhay ng batas na ito ang buong katapatan sa iyong asawa sa loob ng kasal, kapwa sa pisikal at emosyonal.
Isang Handog at Kautusan mula sa Diyos
Ang pisikal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay masaya, maganda, at sagrado. Ito ay kaloob mula sa Diyos para sa paglikha ng mga anak at upang maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Kapag sapat ang pag-iibigan ng dalawang tao upang sundin ang batas ng kalinisang-puri, mag-iibayo ang kanilang pag-ibig, pagtitiwala, at katapatan, na humahantong sa higit na kaligayahan at pagkakaisa.
Ang kalinisang-puri ay kautusang mula sa Diyos, at ang pagsunod sa batas na iyon ay tutulong sa atin na maging handang pumasok sa bahay ng Panginoon. Sa templo, inaanyayahan tayo na lubos na mangakong susundin ang batas ng kalinisang puri sa pamamagitan ng paggawa ng tipan.
Sa mundo ngayon, napaniwala na ni Satanas ang maraming tao na katanggap-tanggap ang seksuwal na intimasiya ng dalawang taong hindi kasal. Gayunpaman, ang pagsuway sa batas ng kalinisang-puri ay napakaseryoso. Ang sinumang nagwawalang-bahala sa batas ng kalinisang-puri ay ginagamit sa mali ang sagradong kapangyarihang ibinigay ng Diyos para lumikha ng buhay.
Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng batas ng kalinisang-puri para sa ating espirituwal at pisikal na proteksiyon. Ang pagsunod sa batas na ito ay mahalaga para sa personal na kapayapaan at kaligayahan. Magiging mas madali ring makahiwatig sa patnubay, lakas, aliw, at proteksiyon ng Espiritu Santo ang mga taong pinananatiling dalisay ang kanilang puri.
Lakas na Sundin ang Batas ng Kalinisang Puri.
Gaano man katindi ang mga tukso, tutulungan tayo ng Panginoon na mapaglabanan ang mga ito kung pipiliin nating tuparin ang ating mga tipan sa Kanya. Itinuro ni Apostol Pablo, “Tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito’y inyong makayang tiisin.”
Pinagkakatiwalaan tayo ng Panginoon na gumawa ng mga desisyon na magbibigay-galang sa kaloob na ating katawan at katawan ng ibang tao, at tayo ay tunay na pagpapalain kapag tayo ay gumagawa ng mga pagpili ayon sa pagtitiwalang iyon. Gagabayan at palalakasin tayo ng Espiritu para tulungan tayong sundin ang batas na ito.
Mga Kasalanang Seksuwal
Ang Panginoon at Kanyang mga propeta ay nagbabala laban sa seksuwal na imoralidad. Itinuro ng propetang si Alma ang tungkol sa kabigatan ng sekswal na kasalanan. Ang lahat ng relasyong seksuwal sa labas ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay lumalabag sa batas ng kalinisang-puri at pisikal at espirituwal na mapanganib para sa mga yaong gumagawa nito.
Ang isang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay pangangalunya, na ang ibig sabihin ay pakikipagtalik sa pagitan ng isang taong may asawa at isang tao na hindi niya asawa. Ang pangangalunya ay isa sa mga kasalanang ibinabala sa Sampung Utos.
Itinuro din ni Apostol Pablo na “kalooban ng Diyos” na “umiwas tayo sa pakikiapid,” na ang ibig sabihin sa konteksto ng ebanghelyo ay pakikibahagi sa seksuwal na gawain sa labas ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
Ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian pati na rin ang anumang seksuwal na relasyon sa pagitan ng mga taong magkapareho ng kasarian ay labag din sa mga kautusan ng Diyos.
Kapatawaran para sa mga Taong Nagsisisi
Bagama’t napakalubha ng mga kasalanang seksuwal, ang kaloob na pagsisisi ay totoo. Dahil mahal tayo ng Panginoon, lubusan Niya tayong patatawarin kapag pinili nating magsisi at bumaling sa Kanya. Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pasensiya, tiyaga, at pagbabago ng puso, ngunit sulit ang pagsisikap na kinakailangan para dito.
Kapag nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang mga miyembro ng Simbahan, bahagi rin ng kanilang pagsisisi ang pagtatapat sa kanilang bishop o stake president. Kung hindi ka sigurado kung dapat kang makipagkita sa iyong bishop o stake president, maaari kang manalangin para sa patnubay. Maaari ka ring humingi ng payo sa isang magulang o pinagkakatiwalaang lider.
Kapag tayo ay nagtapat sa ating lider sa Simbahan, “magagamit niya ang mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi para sa [atin] (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 84:26–27; 107:18, 20). Tinutulungan [tayo] nito na gumaling at bumalik sa landas ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang pagtatapat sa inyong lider ay makatutulong sa iyo na maalis ang pasanin sa iyong sarili para mahingi mo ang tulong sa Panginoon na magbago at gumaling at malaman kung paano sumulong.
Ang kapighatiang dulot ng kasalanan ay maaaring mapalitan ng matamis na kapayapaan at kagalakan ng kapatawaran. Upang malaman pa kung ano paano magsisisi, tingnan ang paksa ng ebanghelyo na “Pagsisisi.”
Mali ang gumawa tayo ng mga kasalanang seksuwal na iniisip na magsisisi na lamang kalaunan. Ang pag-uugaling ito ay nagpapakita ng kawalang-pagpipitagan sa Panginoon at sa mga tipang ginagawa natin sa Kanya. Ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos, sa ating sarili, at sa iba kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang hindi tayo makagawa ng kasalanang seksuwal.
Ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ay walang pananagutan sa nangyari sa kanila. Yaong mga seksuwal na inabuso ay hindi nagkasala o lumabag sa batas ng kalinisang-puri, at hindi nila kailangang pagsisihan ang pang-aabusong iyon.