“Kalinisang-puri,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Kalinisang-puri
Batas ng Diyos tungkol sa kadalisayan ng puri
Ang kalinisang-puri ay batas ng Diyos upang panatilihing sagrado ang seksuwal na intimasiya. Ang pagsisikap na maging malinis sa ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ay naghahatid ng maraming pagpapala—espirituwal, emosyonal, at pisikal. Ang ating pagsisikap na manatiling dalisay ang puri, at magsisi at humingi ng kapatawaran sa Panginoon kung tayo ay naging mahalay, ay magdudulot sa atin ng kapayapaan at kagalakan sa buhay na ito at maghahanda sa atin na makapiling muli ang Diyos kapag namatay na tayo.
Sa iba’t ibang panig ng mundo, ang kalinisang-puri ay hindi gaanong pinahahalagahan at ang piliing makipagtalik bago o sa labas ng kasal ay karaniwan. Ngunit ibinigay sa atin ng Diyos ang batas ng kalinisang-puri sa parehong kadahilanan na ibinigay Niya sa atin ang lahat ng kautusan: Mahal Niya tayo, at alam Niya na makatutulong sa atin ang pamumuhay ng mga kautusan para mapanatili tayong ligtas at maakay sa tunay at walang-hanggang kaligayahan.
Ano ang Kalinisang-puri?
Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay maging seksuwal na dalisay sa ating mga isipan, salita, at gawa. Kabilang sa kalinisang-puri ang hindi pakikipagtalik bago ang kasal. Nangangahulugan din ito ng lubos na katapatan ng mag-asawa sa isa’t isa sa panahon ng kanilang pagsasama—kapwa pisikal at emosyonal. Kabilang sa pagiging malinis ang pag-iwas sa pornograpiya o iba pang nilalaman o konsepto na naglalayong pukawin ang seksuwal na damdamin. Ang kalinisang-puri ay kautusang mula sa Diyos, at mahalaga ang pagsunod sa batas na iyon para tulungan tayong maghanda sa pagpasok sa bahay ng Panginoon. Sa templo, inaanyayahan tayo na maging mas matapat, sa pamamagitan ng tipan, na ipamuhay ang batas ngkalinisang-puri.
Buod ng paksa: Kalinisang-puri
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Kalayaang Pumili, Buhay sa Lupa, Pornograpiya, Pagsisisi
Bahagi 1
Ang Kalinisang-puri ay Mahalagang Bahagi ng Plano ng Diyos
Ang batas ng kalinisang-puri ay napakaimportanteng bahagi ng plano ng Diyos para sa ating kaligtasan at kadakilaan. Sa pamamagitan ng seksuwal na intimasiya maaari tayong maging mga tagalikhang-katuwang ng Diyos at ipadala ang Kanyang mga anak sa mundo. Ang pagiging malinis ay nagpapakita ng paggalang sa kapangyarihan ng Diyos sa paglikha, na pinahihintulutan Niyang gamitin natin. Nagpapakita rin ito ng pasasalamat sa mga katawang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Ang nabubuong ugnayan ng pamilya kapag nagpakasal ang isang lalaki at babae at isilang ang kanilang mga anak ay walang hanggan ang halaga sa ating Ama sa Langit. Isa ito sa dahilan kung bakit Niya iniutos na ang pakikipagtalik ay dapat lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na kasal. Dagdag pa rito, ang pagtutulungan ng mag-asawa ay makatutulong sa pagtataguyod ng mabuting kapaligiran para sa pagpapalaki ng mga anak at makalilikha ng matibay na pundasyon para sa isang walang-hanggang pamilya.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin kung bakit mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Diyos ang kalinisang-puri. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ang pinakadakilang kapangyarihang bigay ng Diyos sa kanyang mga anak.” Pagkatapos ay isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pagpapanatiling dalisay ng iyong mga saloobin sa iba’t ibang sitwasyon para makontrol ang kapangyarihang ito at manatiling espirituwal na malakas. Paano nakaiimpluwensya ang pagsisikap mong maging malinis sa mga iniisip mo tungkol sa ibang tao? Paano ito makaiimpluwensya sa libangan at media na pinipili mong paggugulan ng iyong oras? Paano nito maaapektuhan ang mga relasyon mo sa pamilya? Maaari kang pumili ng paboritong himno o awitin o banal na kasulatan ng Simbahan na maaari mong awitin o ulit-ulitin sa iyong isipan kapag natutukso ka ng malalaswang kaisipan o damdamin. Makagagawa ka ng mithiing isaulo ang awit o talatang iyon at madalas itong rebyuhin.
-
Isipin kung bakit mahalaga o maaaring maging mahalaga para sa iyo ang batas ng kalinisang-puri. Isulat ang pangungusap na “Pinipili kong sundin ang batas ng kalinisang-puri dahil …” Pagkatapos ay humanap ng mga maaari mong isagot sa pangungusap na ito sa pagbabasa ng bahaging “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Pagkatapos ay pag-isipan mo kung paano ka tutugon sa isang taong magtatanong kung bakit mahalaga sa iyo ang kalinisang-puri.
-
Sa mga banal na kasulatan, ang kalinisang-puri kung minsan ay tinutukoy na dangal o “kabanalan.” Sinabi ng Panginoon na ang kabanalan ay dapat “[pagandahin ang ating] mga iniisip nang walang humpay,” at pagkatapos ang ating “pagtitiwala ay lalakas” at “ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa [ating mga kaluluwa at] ang Espiritu Santo ay magiging [ating] kasama sa tuwina” (Doktrina at mga Tipan 121:45–46). Ano ang ibig sabihin ng salitang pagandahin dito? Paano mo nakitang nagbibigay sa mga tao ng tiwala at lakas sa kanilang buhay ang kalinisang-puri at kabanalan? Paano pinalakas ng pamumuhay ng batas ng kalinisang-puri ang iyong patotoo sa ebanghelyo?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Rebyuhin ninyo ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya nang sama-sama. Sinasabi sa talatang ito na naniniwala tayo sa pagiging malinis, at inaanyayahan tayo nito na hanapin ang mga bagay na marangal at kaaya-aya. Paano natin malalaman kung marangal at kaaya-aya ang isang bagay? Matapos magbahagi ng mga ideya, maaari ninyong pag-usapan ang mga bagay-bagay sa inyong buhay na angkop sa paglalarawang iyon at paano kayo tinutulungan nito na maging malinis. Pagkatapos ay sama-sama kayong magsigawa ng mithiin na tutulong sa inyong makibahagi lamang sa mga pag-uusap, sitwasyon, at media at libangan na marangal at kaaya-aya. Pag-usapan kung paano ninyo matutulungan ang isa’t isa na tuparin ang inyong mithiin. Pagkatapos, maaari ninyong talakayin ang natutuhan ninyo mula sa karanasang iyon.
-
Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili na: “Dahil napakasagrado at napakatindi ng mga damdaming seksuwal, ibinigay sa iyo ng Diyos ang Kanyang batas ng kalinisang-puri para ihanda kang gamitin ang mga damdaming ito ayon sa nilalayon Niya. … Marami sa mundo ang nagbabalewala o kumukutya pa sa batas ng Diyos, pero inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging Kanyang mga disipulo at mamuhay nang mas mataas kaysa sa sanlibutan.” Ano ang mga mensaheng ibinibigay sa atin ng Panginoon tungkol sa sex at kalinisang-puri? (Maaari ninyong saliksikin ang “Kalinisang-puri” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o ang buod ng “Kalinisang-puri” sa Mga Paksa at mga Tanong para sa mga ideya.) Anong mga mensahe ang madalas ibigay sa atin ng sanlibutan tungkol sa mga paksang ito? Talakayin kung ano ang magagawa ninyo kapag nakatagpo kayo ng mga maling mensahe tungkol sa kalinisang-puri o mga tukso na maging mahalay.
Alamin ang iba pa
-
1 Corinto 6:18–20; 1 Timoteo 4:12; 2 Pedro 1:2–8; 1 Nephi 10:21; Doktrina at mga Tipan 4:4–6
-
“Ipamuhay ang Batas ng Kalinisang-puri,” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023), 83
-
“We Believe in Being Chaste” (video), Gospel Library
Bahagi 2
Ang Pagsisikap na Maging Malinis ay Makapaghahatid ng Napakagagandang Pagpapala
Pinagpapala tayo sa maraming paraan kapag sinisikap nating ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri, kabilang na ang pag-iwas sa pornograpiya. Kapag sinunod natin ang utos ng Diyos na maging malinis, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na makasama natin at naghahatid ng dagdag na espirituwal na kapangyarihan at lakas sa ating buhay. Ang pagiging malinis ay tumutulong sa atin na maging banal at espirituwal na matatag na tulad ni Jesucristo. Nagbibigay-daan ang espirituwal na paghahandang ito sa atin na maging mas katulad ng ating Ama sa Langit at umunlad sa landas pabalik sa Kanya. Ang pamumuhay nang malinis ay nagbibigay-daan din sa atin na maging halimbawa sa iba at karapat-dapat sa harapan ng Panginoon.
Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang kalinisang-puri at kabanalan ay magiging ‘pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay’ (Moroni 9:9).” Bahagi ng dahilan kung bakit napakahalaga ng kalinisang-puri ay ang kapayapaan at kagalakang maidudulot nito sa atin bilang mga indibiduwal at sa ating mga relasyon sa pamilya. Makatutulong sa atin ang pamumuhay ng batas na ito na magkaroon ng higit na pagmamahal, tiwala, at pagkakaisa sa ating pagsasama o buhay may-asawa. Maaari ding makaiwas tayo sa maraming hinanakit sa mundo sa pagiging malinis bago ikasal at lubos na katapatan sa ating asawa sa panahon ng pagsasama. At maiiwasan natin ang marami pang potensyal na espirituwal, emosyonal, at pisikal na ibubunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri kapag sinusunod natin ang utos na ito buong buhay natin.
May mabigat na pasaning dulot ang kasalanang seksuwal, ngunit ang kapatawaran mula sa Panginoon ay para sa lahat ng taos-pusong nagsisisi.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang salaysay tungkol kay Jose at sa asawa ni Potipar sa Genesis 39:7–23. Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jose mula sa salaysay na ito? Ano ang natutuhan mo sa kanyang halimbawa ng pagiging espirituwal na handa para manatili siyang malinis kahit pa naharap sa tukso? Paano siya pinagpala sa huli dahil sa desisyon niyang sundin ang batas ng kalinisang-puri? (Tingnan, halimbawa, sa Genesis 41:37–45; 45:1–28.) Isipin kung paano ka matutulungan ng kanyang halimbawa na magkaroon ng lakas ng loob na manatiling matatag kapag natutukso kang gumawa ng isang bagay na mahalay.
-
Mababasa mo ang salaysay tungkol sa isang binatilyo sa mensahe ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “Let Virtue Garnish Thy Thoughts Unceasingly.” Ano ang natutuhan ng binatilyong ito mula sa kanyang karanasan? Paano binago nito ang kanyang buhay? Isipin kung ano ang magagawa mo para magkaroon ng lakas ng loob na manatiling karapat-dapat kapag natutukso kang gumawa ng isang bagay na marumi o hindi banal. Paano ka mapagpapala kapag mananatili kang karapat-dapat? Isulat ang mga impresyong natatanggap mo.
-
Nais ni Satanas na maniwala tayo na kapag nilabag natin ang batas ng kalinisang-puri sa paggawa ng kasalanang seksuwal o panonood ng pornograpiya, hindi na tayo karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos. Pero hindi iyan totoo. Basahin ang Lucas 15:11–32, o panoorin ang Bible video na “The Prodigal Son” (5:36). Paano inilalarawan ng salaysay na ito ang pagmamahal ng Diyos sa atin, sa kabila nang nakagagawa tayo ng mabibigat na kasalanan? Pagkatapos ay basahin ang Isaias 43:25, at isipin ang pag-asang ibinibigay ng talatang ito. Kung may kasalanan ka sa moralidad na kailangan mong pagsisihan, gumawa ng appointment para kausapin ang iyong bishop o branch president at simulan ang proseso ng pagsisisi, o ipagdasal ang hangaring gawin ito. Ang pagsisisi at pag-asa sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan ay magdudulot ng pagpapagaling at pag-asa at tutulong sa iyo na mapalapit sa Kanya.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinaalala ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga miyembro ng Simbahan na dumarating ang mga dakilang pagpapala kapag pinipili nating “isipin ang selestiyal,” kabilang na dito ang usapin ng pananatiling malinis. Sinabi niya: “Ang pag-iisip nang selestiyal ay makatutulong din sa inyo na sundin ang batas ng kalinisang-puri. Ang paglabag sa banal na batas na ito ay magpapakumplikado nang mas mabilis sa inyong buhay kaysa sa halos lahat ng bagay. Para sa mga nakipagtipan sa Diyos, ang imoralidad ay isa sa mga pinakamabilis na paraan para mawala ang inyong patotoo. … Ipinahayag ng Panginoon na walang taong imoral ang magtatamo ng kahariang selestiyal. Kaya kapag gumagawa kayo ng mga desisyon tungkol sa moralidad, mangyaring isipin ang selestiyal.” Maaari ninyong pag-usapan kung paano makatutulong sa inyo ang pag-iisip na selestiyal para manatiling malinis sa moralidad at ang mga paraan na mapagpapala kayo sa paggawa nito.
-
Panoorin ang video na “I Choose to Be Pure” (4:19), at pag-usapan kung bakit pinili ng iba’t ibang kabataan sa video na manatiling seksuwal na dalisay at ang mga pagpapalang nararamdaman nilang matatamo nila dahil dito. Maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ginagawa ninyo para tandaang gumawa ng mga pagpili na tutulong sa inyong sundin ang batas ng kalinisang-puri. O maaari ninyong isulat ang sarili ninyong determinasyon na manatiling seksuwal na dalisay buong buhay ninyo at ilagay ang papel sa lugar na madalas ninyo itong makikita.
-
Sa kanyang mensaheng “Maging Matapang sa Kagitingan, Lakas, at Gawain,” itinuro ni Elder Gary E. Stevenson: “‘Ang pinipili mong isipin at gawin kapag nag-iisa ka at sa palagay mo’y walang sinumang nakakikita ay mainam na sukatan ng iyong [kabanalan]’ [Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 118]. Maging magiting! Maging matatag! ‘Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag’ [Doktrina at mga Tipan 87:8].” Pag-usapan kung bakit mahalagang maging malinis kapag ikaw ay nag-iisa. Pagkatapos ay magbahagi kayo ng mga ideya tungkol sa “mga banal na lugar” na maaari ninyong paroonan at sa mga banal na bagay na magagawa ninyo na tutulong sa inyo na manatiling malinis, lalo na kapag kayo ay nag-iisa. Ano ang ilang pagpapalang matatanggap ninyo kapag hinanap ninyo ang mga banal na lugar na iyon at piniling maging malinis?
Alamin ang iba pa
-
Exodo 20:14; 1 Corinto 10:11–13; 1 Tesalonica 4:2–4; 1 Timoteo 4:12
-
David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–44
-
Mary N. Cook, “Banal na Buhay—Isang Proseso,” Liahona, Mayo 2009, 117–19
-
Lori Cluff Schade, “Marriage, Technology, and Emotional Infidelity,” Ensign, Ene. 2017, 50–55
-
“Kabanalan—Isang Batong Panulok na Mapagsasaligan Natin sa Buhay,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 249–57
Iba pang Resources tungkol sa Kalinisang-puri
-
Resources para sa mga bata