“Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
John the Baptist Baptizing Jesus [Binibinyagan ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus], ni Greg K. Olsen
Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3
Upang maihanda ang daan para sa Tagapagligtas, ipinangaral ni Juan na Tagapagbautismo ang kahalagahan ng pagsisisi at binyag. Si Jesus ay bininyagan ni Juan upang “matupad ang buong katuwiran” (Mateo 3:15). Kalaunan, habang naglalakad ang Tagapagligtas sa Dagat ng Galilea, iniutos Niya kina Simon (Pedro), Andres, Santiago, at Juan na iwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Habang nadaragdagan ang mga kinakailangang gawin sa Kanyang ministeryo, patuloy na nag-ukol ng oras si Jesus na makaugnayan nang mag-isa ang Kanyang Ama sa Langit.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Pag-aralan ang Mateo 3, at isipin kung paano tayo mas ilalapit ng pagsisisi at binyag sa Tagapagligtas.
-
Nababalisa ka ba? Basahin ang Marcos 1:35; Mateo 14:22–23; Lucas 6:12 para malaman kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang maharap ang mga kinakailangang gawin sa buhay sa araw-araw.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 3:1–12 at Joseph Smith Translation, Matthew 3:34–36, 38–40 (Gospel Library) ay maaaring magandang paggamitan ng mga kasanayang “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” at “Paggamit ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan upang Maunawaan ang mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Alamin kung ano ang kailangang matutuhan ng mga estudyante. Habang nirerebyu mo ang bahaging “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral” para sa bawat lesson, mapanalanging pag-isipan kung aling mga aktibidad sa pag-aaral ang maaaring pinakanauugnay sa iyong mga estudyante. Hangaring maunawaan ang mga kalagayan ng kanilang buhay. Pakinggang mabuti ang ibinabahagi nila sa iyo bago magklase, habang nagkaklase, at pagkatapos ng klase. Isipin kung ano ang itinuturo ng mga lider ng Simbahan. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman mo kung ano ang pinakamahalaga para sa iyong mga estudyante.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 3:1–12; Joseph Smith Translation, Matthew 3:34–36, 38–40
Paano mas mapapabuti ng pag-unawa sa pagsisisi at binyag ang buhay ko?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang iba’t ibang saloobin ng mga young adult sa kanilang komunidad tungkol sa pagsisisi at binyag.
Matapos igrupu-grupo ang mga estudyante, sabihin sa kanila na gamitin ang Mateo 3:1–12; Joseph Smith Translation, Matthew 3:34–36, 38–40 para makapaghanda ng isang espirituwal na nakasisiglang mensahe upang matulungan ang isang tao na makita kung paano mapagpapala ng pagsisisi at binyag ang kanilang buhay. Ang sumusunod na handout ay maaaring gumabay sa mga estudyante habang inihahanda nila ang kanilang mensahe. Kung kinakailangan, ituro ang kaugnay na mga kasanayan sa pag-aaral tulad ng “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” at “Paggamit ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan upang Maunawaan ang mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga grupo na ibahagi ang kanilang mga mensahe tungkol sa pagsisisi at binyag. Hikayatin sila na magbahagi ng mga personal na karanasan na nauugnay sa kung paano tayo tinutulungan ng pagsisisi, binyag at binyag ng apoy, (ang kaloob na Espiritu Santo) na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Kung tila hindi sigurado ang mga estudyante tungkol sa kahulugan ng binyag ng apoy, panoorin ang “The Baptism of Fire” (1:41), o sama-samang basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:
Ipinag-uutos at itinatagubilin sa atin na mabuhay sa paraang mababago ang nahulog nating kalagayan sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney na ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo ay “pinagbabagong-loob [tayo] mula sa pagiging makamundo tungo sa pagiging espirituwal. Nililinis nito, pinagagaling at ginagawang dalisay ang kaluluwa. … Upang matanggap [ang binyag na ito ng apoy] ang isang tao ay dapat mahugasan sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo” (Learning for the Eternities, comp. George J. Romney [1977], 133; tingnan din sa 3 Nephi 27:19–20).
Kaya nga, habang tayo ay nagbabagong-loob at nagsisikap na mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu, pinagiging banal tayo ng Espiritu Santo at pinadadalisay ang ating kaluluwa na parang tulad ng pagpapadalisay ng apoy (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14, 17). Sa huli, tatayo tayo sa harapan ng Diyos na walang bahid-dungis. (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Liahona, Nob. 2007, 81)
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-isipan ang kanilang saloobin tungkol sa pagsisisi at binyag. O maaari nilang isulat kung ano ang magagawa nila para mas lubos na maanyayahan ang nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo.
Mateo 3:13–17
Ano ang matututuhan ko tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang binyag?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Hinilingan kang magturo sa isang klase ng mga kabataan sa Sunday School tungkol sa binyag. Nang mabasa ng klase ang tungkol sa binyag ng Tagapagligtas, itinanong ng isang binatilyo, “Akala ko perpekto na si Jesus. Bakit kailangan pa Niyang magpabinyag?”
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila sasagutin ang binatilyo. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang Mateo 3:13–15, na inaalam kung paano ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang Kanyang dahilan kug bakit nais Niyang binyagan siya ni Juan.
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, natupad ni Jesucristo ang buong katuwiran sa pamamagitan ng … Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maikling talakayin nang magkakapartner kung paano nila tatapusin ang pangungusap.
Sabihin sa magkakapartner na sama-samang basahin ang 2 Nephi 31:4–9 para malaman ang itinuro ni Nephi tungkol sa mga paraan na natupad ni Jesus ang lahat o buong katuwiran sa pamamagitan ng pagpapabinyag. (Maaari nilang matukoy ang ilan sa mga sumusunod na paraan para makagawa ng kumpletong pahayag: Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, natupad ni Jesucristo ang buong katuwiran sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa. Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, natupad ni Jesucristo ang buong katuwiran sa pamamagitan ng pagpapakita ng pasukan kung saan tayo pumapasok sa landas ng tipan patungo sa kahariang selestiyal. Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, natupad ni Jesucristo ang buong katuwiran sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Kanyang binyag, natupad ni Jesucristo ang buong katuwiran sa pamamagitan ng pagpapakita na Siya ay magiging masunurin sa mga kautusan.)
Para mapalalim ang talakayan ng mga estudyante, maaari mong ipakita o itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa katangian ni Jesucristo mula sa Kanyang binyag?
-
Paano ninyo patuloy na matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas o mas matutularan ang Kanyang katangian?
Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung ano ang pinakatumimo sa kanila ngayon tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang binyag. O maaari mo silang anyayahang alalahanin ang sarili nilang binyag habang pinanonood nila ang “Baptism” (3:13).
Paalala: Depende sa mga pangangailangan ng mga estudyante, maaari kang mag-ukol ng ilang minuto para talakayin kung paano inilalarawan ng binyag ni Jesucristo na ang Panguluhang Diyos ay binubuo ng tatlong magkakahiwalay na nilalang. Ipalabas ang video na “The Baptism of Jesus” (3:10) o rebyuhin ang Mateo 3:13–17, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano malinaw na natukoy ang bawat miyembro ng Panguluhang Diyos sa pangyayaring ito (tingnan din sa Juan 17:1, 21–22; Mga Gawa 7:55–56; Doktrina at mga Tipan 130:22–23; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Ipinapahayag natin na malinaw sa mga banal na kasulatan na ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na nilalang, tatlong banal na mga nilalang, at bilang halimbawa ay ang hindi maipagkakamali at malinaw na paglalarawan ng katotohanan tulad ng dakilang Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas … , ang pagbibinyag sa Kanya ni Juan, ang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, at sa pagkamatay ng martir na si Esteban—na apat lang sa mga ito. (“Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Liahona, Nob. 2007, 41)
Marcos 1:35
Ano ang matututuhan ko mula sa halimbawa ng Tagapagligtas na makatutulong sa akin na makayanan ang aking pagkabalisa?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na pagsusuri sa sarili o self-assessment.
Bigyan ng marka ang iyong sarili sa scale na 1 hanggang 5 (1 = lubos na hindi sumasang-ayon; 5 = lubos na sumasang-ayon):
-
Madalas akong mabalisa dahil sa dami ng mga ginagawa ko.
-
Madalas akong mabalisa dahil sa trabaho, paaralan, o mga responsibilidad sa Simbahan.
-
Madalas akong mabalisa dahil sa mga ugnayan o relasyon.
-
Madalas akong mapagod at manlupaypay dahil sa mahihirap na sitwasyon.
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang self-assessment, talakayin nang maikli ang mga hamon na maaaring magmula sa pagkabalisa, pagod, at panlulupaypay.
Ipaliwanag na habang nadaragdagan ang katanyagan ng Tagapagligtas, tiyak na nadama Niya ang bumibigat na pasanin ng Kanyang ministeryo habang pinagkukulumpunan Siya ng mga tao. Maaaring gumawa ang mga estudyante sa maliliit na grupo at kumpletuhin ang sumusunod na talahanayan upang matuklasan ang isang bagay na ginawa ng Tagapagligtas habang nadaragdagan ang mga kinakailangang gawin sa Kanyang ministeryo.
|
Mga Halimbawa ng mga Kinakailangang Gawin ng Tagapagligtas |
Ang Tugon ng Tagapagligtas |
Mensahe para sa Akin |
|---|---|---|
Mga Halimbawa ng mga Kinakailangang Gawin ng Tagapagligtas Maraming tao ang dumating upang mapagaling ng Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 1:27–34). | Ang Tugon ng Tagapagligtas Marcos 1:35; tingnan din sa Lucas 5:16 | |
Mga Halimbawa ng mga Kinakailangang Gawin ng Tagapagligtas Nalaman ni Jesus ang pagkamatay ni Juan na Tagapagbaustismo at pinakain ang limang libong tao (tingnan sa Mateo 14:1–21). | Ang Tugon ng Tagapagligtas Mateo 14:13, 22–23; tingnan din sa Marcos 6:46 | |
Mga Halimbawa ng mga Kinakailangang Gawin ng Tagapagligtas Sinubukan ng mga eskriba at mga Fariseo na lituhin ang Tagapagligtas. Nagpagaling Siya sa araw ng Sabbath at naghandang humirang ng Kanyang Labindalawang Apostol (tingnan sa Lucas 6:1–16). | Ang Tugon ng Tagapagligtas Lucas 6:12 |
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa mahihirap na kalagayang ito at kung paano maiaangkop sa kanila ang pagpiling ito.
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard:
Si Jesus, na ating huwaran, ay madalas na “pumunta sa mga ilang, at manalangin” (Lucas 5:16). Dapat din nating gawin ang gayon paminsan-minsan upang muling mapasigla ang ating mga sarili sa espirituwal tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. (“Keeping Life’s Demands in Balance,” Ensign, Mayo 1987, 14)
Upang matulungan ang mga estudyante na matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Paano kayo mapagpapala ng pag-uukol ng oras na makaugnayan nang mag-isa ang Ama sa Langit? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Maaari tayong espirituwal na mapasiglang muli kapag hinangad nating makaugnayan nang mag-isa ang Ama sa Langit.)
-
Saan kayo pumupunta, o saan kayo maaaring pumunta, upang makaugnayan nang mag-isa ang Diyos? Anong kaibhan ang nagawa nito, o anong kaibhan ang magagawa nito?
Maaari ninyong panoorin ang “Increase Energy” (2:36).
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para rebyuhin ang survey sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito at pag-isipan ang mga bagay na nagdudulot sa kanila ng pagkabalisa, pagkapagod, at panlulupaypay. Hikayatin sila na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para regular na mag-ukol ng oras na makaugnayan nang mag-isa ang Ama sa Langit. Isipin kung paano ka makakapagpa-follow up at hayaang ibahagi ng mga estudyante ang kanilang karanasan sa susunod na klase ninyo.
Sa pagtatapos ng klase, maaari mong i-play ang video ni Sissel na kumakanta ng “Slow Down” (6:06) kasama ang The Tabernacle Choir and Orchestra at Temple Square.