Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mga Gawa 22–28


“Mga Gawa 22–28,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)

kalalakihan at kababaihan na nakaupo sa hagdanan at nakikinig sa pagtuturo ni Pablo

Mga Gawa 22–28

Habang nasa Jerusalem, pinaratangan ng sedisyon si Pablo. Idinaan siya sa sunud-sunod na paglilitis at pagdinig sa Jerusalem, Cesarea, at kalaunan ay sa Roma. Matapang na pinatotohanan ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob kay Jesucristo saanman siya maglakbay. Sa kanyang paglalakbay sakay ng barko papuntang Roma, maraming buhay ang nailigtas ng kanyang kaloob bilang tagakita. Ang kapangyarihan ng patotoo ni Pablo ay nakaapekto sa lahat ng nakinig.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Acts 22–28 [Mga Gawa 22–28]

Paunawa: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Habang binabasa mo ang mga karanasan ni Pablo sa Mga Gawa 22–26, isipin kung ano ang kaibhang nagawa ng kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa kanyang sarili at sa iba. Habang pinagninilayan mo ang iyong sariling patotoo, maaari mong panoorin ang “A Personal Testimony of Jesus Christ” (1:27).

    1:27
  • Kailan mo nakitang dumating ang mga pagpapala sa iyo o sa iba matapos sundin ang payo ng mga propeta at apostol? Habang binabasa mo ang Mga Gawa 27, maghanap ng mga halimbawang naglalarawan sa kahalagahan ng pagsunod sa mga lingkod ng Panginoon.

  • Habang binabasa mo ang Mga Gawa 28:23–24, alamin ang iba’t ibang reaksyon ng mga taong nakinig sa turo ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Sa iyong palagay, bakit may ilang taong mabilis maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo samantalang ang iba ay hindi ito tinatanggap?

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Gawa 22–28.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Training sa Kasanayan

Ang Mga Gawa 22–26 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Identifying Gospel Truths in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Mga Gawa 22–26

Paano ko sasamantalahin ang mas maraming pagkakataong magpatotoo tungkol kay Jesucristo?

Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na karanasan ni Pangulong Bonnie H. Cordon, dating Young Women General President:

Pangulong Bonnie H. Cordon

Noong 2011, habang naglilingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader sa magandang Curitiba, Brazil, tumunog ang telepono ko habang nasa isang miting. Nang nagmamadali akong i-silent mode ito, napansin ko na ang tawag ay mula sa aking ama. Agad kong iniwan ang miting para sagutin ito: “Hi, Itay!”

Hindi ko inaasahang marinig na puno ng kalungkutan ang kanyang tinig: “Hi, Bonnie. May kailangan akong sabihin sa iyo. Nasuri ako na may ALS.”

Hindi ko malaman ang iisipin, “Sandali! Ano po ‘yung ALS?”

Nagpapaliwanag na si Itay, “Mananatiling alisto ang isip ko habang pahina nang pahina ang katawan ko.”

Ramdam ko na biglang nabago ang mundo ko habang takot na naiisip ang mga implikasyon ng mabigat na balitang ito. Ngunit sa di-malilimutang araw na iyon, ang huling sinabi niya ang nakintal magpakailanman sa puso ko. Kaagad na sinabi ng aking mahal na ama, “Bonnie, kahit kailan huwag mong palampasin ang pagkakataong magpatotoo tungkol kay Cristo.” (“Kahit Kailan Huwag Palampasin ang Pagkakataong Magpatotoo Tungkol kay Cristo,” Liahona, Abr. 2023, 10.)

  • May narinig o nabasa ka bang isang patotoo tungkol kay Cristo kamakailan? Kung oo, paano ito nakaapekto sa iyo?

Ituro na sa Mga Gawa 22–26, nagbigay ng ilang mensahe si Pablo na ipinagtatanggol ang sarili niya sa harap ng mga awtoridad sa relihiyon at pamahalaan. Sa bawat pagkakataon, sinamantala rin niya ang pagkakataong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Ipakita ang sumusunod na mga sipi. Maaaring bumuo ng maliliit na grupo ang mga estudyante. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga sipi. Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng matututuhan nila tungkol sa pagbabahagi ng patotoo mula sa karanasan ni Pablo.

  1. Mga Gawa 21:40; 22:1–8, 12–16, 22–23

  2. Mga Gawa 22:30; 23:1–6, 11–14

  3. Mga Gawa 24:1–6, 9–16, 24–25

  4. Mga Gawa 26:1–3, 12–29

Pagkatapos ng sapat na oras para sa pag-aaral at talakayan ng grupo, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula kay Pablo tungkol sa pagpapatotoo. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang mga disipulo ni Jesucristo ay handang tumayo bilang mga saksi Niya sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. (Maaari ninyong sama-samang basahin ang Mosias 18:9.)

  • Sa anong mga kalagayan o sitwasyon maaaring maging mahirap maging saksi ng Tagapagligtas?

  • Ano ang nakatulong sa inyo na maging mas handang magpatotoo tungkol kay Jesucristo?

  • Paano naimpluwensyahan ang inyong pananampalataya nang marinig ninyong nagpatotoo ang ibang tao tungkol kay Jesucristo?

Maaari mong tapusin ang klase sa pagbabahagi ng sumusunod na paanyaya ni Sister Cordon:

Pangulong Bonnie H. Cordon

Mahigit 11 taon na mula nang mamayapa ang aking ama, ngunit ang kanyang mga salita ay patuloy pa ring nakakaimpluwensya sa akin. “Bonnie, kahit kailan huwag mong palampasin ang pagkakataong magpatotoo tungkol kay Cristo.” Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa pagtanggap sa kanyang paanyaya. Hanapin si Cristo sa lahat ng dako―ipinapangako ko na nariyan Siya! Ang tunay na kagalakan ay nakasalalay sa kahandaan nating mas mapalapit kay Cristo at makasaksi para sa ating sarili. (“Kahit Kailan Huwag Palampasin ang Pagkakataong Magpatotoo Tungkol kay Cristo,” Liahona, Abr. 2023, 12)

Anyayahan ang mga estudyante na tanggapin ang paanyaya ni Sister Cordon sa pamamagitan ng paghahangad at pagdarasal na magkaroon ng pagkakataong magpatotoo tungkol kay Cristo bago ang susunod na klase. Ipaalala sa mga estudyante na ang pagbabahagi ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay hindi kailangang maging kahanga-hanga o pormal. Kadalasan, mangyayari iyon sa maliit at simpleng mga paraan. Maaaring hilingin ng mga estudyante sa kanilang kapartner na paalalahanan sila sa buong linggo na isagawa ang paanyaya ni Sister Cordon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na tulungan ang isa’t isa na tuparin ang kanilang mga pangako. Mas malamang na tumupad ang mga estudyante sa mga pangako kapag tinutulungan sila ng ibang tao. Maaaring pumili ng kapartner ang mga estudyante at pagkatapos ay ipaalala at hikayatin ang isa’t isa sa buong linggo na tuparin ang kanilang mga pangako.

Bumalik sa “Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mga Gawa 27

Paano ako mabibigyan ng mga propeta at apostol ng Panginoon ng kaligtasan at proteksyon?

Isiping isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Sister Sheri L. Dew, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Tinutulungan tayo ng mga propeta na makita ang mga panganib na hindi natin nakikita” (“Prophets Can See around Corners” [debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii, Nob. 2, 2022], speeches.byuh.edu).

  • Ano kaya ang ibig sabihin ng pahayag na ito? (Maaari mong basahin ang Mosias 8:16–18 para magkaroon ng doktrinal na pundasyon ang pahayag ni Sister Dew. Pagkatapos ay maaari mong baguhin ang pahayag sa pisara tulad ng sumusunod: Bilang mga tagakita, matutulungan tayo ng mga propeta at apostol ng Panginoon na maghanda para sa mga mangyayari sa hinaharap upang makapamuhay tayo nang may dagdag na kaligtasan at proteksyon.)

Ipaliwanag na si Pablo ay isang bilanggo nang maglakbay siya sa dagat papuntang Roma sa mga buwan ng taglamig. Habang binabasa ng mga estudyante ang Mga Gawa 27:7–44, anyayahan silang alamin kung paano “[nakita ni Apostol Pablo] ang hindi natin nakikita” sa paglalayag na ito dahil sa kanyang kaloob bilang tagakita. (Paunawa: Maaari mong ituro sa mga estudyante ang “Gawa 27:9. What is the ‘fast’ referred to here? [Ano ang ‘pag-aayuno’ na tinutukoy rito?]”at “Acts 27:14 [Mga Gawa 27:14]. What is a ‘Euroclydon’? [Ano ang ‘Euraclidon’]?” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan] para sa karagdagang konteksto.)

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na basahin ang sipi, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kaloob ni Pablo bilang tagakita. Kung makakatulong, maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang mga ibinunga ng pagbabalewala sa payo ni Pablo (tingnan sa talata 10–20)?

  • Ano ang naging epekto ng mga salita ni Pablo sa mga pasahero ng barko (tingnan sa talata 21–36)?

  • Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa kaloob bilang tagakita mula sa salaysay na ito?

Maaari kang magpakita ng mga larawan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol at magpatotoo na tinawag sila ni Jesucristo na pamunuan ang Kanyang Simbahan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

  • Bakit napakahalaga na mayroon tayong mga tagakita sa ating panahon?

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano tayo pinagpapala ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag? (Maaari mong ipasaliksik sa mga estudyante ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o mga mensahe sa mga young adult kamakailan.)

  • Paano kayo mas mapapalapit kay Jesucristo sa pagsunod sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Paano ipinakikita ng pagsunod sa kanilang mga salita ang tiwala ninyo sa Tagapagligtas?

Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister Dew:

Sister Sheri L. Dew

Nakikita ng mga propeta ang mga bagay na hindi natin nakikita dahil ang Panginoon ay “walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta” [Amos 3:7].

Kaya nga tayo ginagawang mas matalino ng mga propeta kaysa sa iba pang mga lider o influencer sa mundo. Tinutulungan tayo ng mga propeta na makita ang mga panganib na hindi pa natin nakikita at ang mga pagkakataong ni hindi natin akalain. …

Mahal kong mga kaibigan, kanino kayo nakikinig? Nasaan ang buhay na propeta sa listahan ng mga taong inyong nilalapitan para hingan ng payo? Ilang mga bulag na gabay, na ang limitadong pananaw sa buhay ay hindi maikukumpara sa inyo, ang pina-follow ninyo sa mga podcast at TikTok? Huwag hayaang matakpan ng mga bulag na gabay ang inyong paningin sa mga tagakita, na nakikita ang mga pangyayaring hindi natin nakikita. …

… Ang inyong pinakamalaking espirituwal na kaligtasan ay magmumula sa pagsunod sa propeta. (“Prophets Can See around Corners” [debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii, Nob. 2, 2022], speeches.byuh.edu)

Bigyan ng panahon ang mga estudyante na pagnilayan ang pahayag ni Sister Dew. Hikayatin sila na Itala kung ano ang magagawa nila para matiyak na sinusunod nila ang payo ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante kung paano sila nakaranas ng dagdag na kaligtasan at proteksyon sa pagsunod sa mga buhay na tagakita ng Panginoon.

Bumalik sa “Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”