“Mateo 11–12; Lucas 11,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mateo 11–12; Lucas 11
Nang magturo at magpagaling ng mga maysakit si Jesus sa Galilea, nagpatotoo Siya na isinugo si Juan na Tagapagbautismo upang ihanda ang daan sa Kanyang pagparito. Nangako ang Tagapagligtas ng kapahingahan sa lahat ng lumalapit sa Kanya, nakikipagtipan sa Kanya, at nag-aaral tungkol sa Kanya. Sinalungat din Niya ang mga maling turo ng mga Fariseo sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang isang kaharian na nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili ay babagsak at na ang ating mga salita ay sumasalamin sa kung ano ang nasa ating puso.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament, “Matthew 11–12; Luke 11”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Basahin ang Mateo 11:7–10, at pag-isipan kung bakit naging dakilang propeta si Juan na Tagapagbautismo. Pagnilayan kung ano ang ginagampanan ng buhay na propeta ng Panginoon sa buhay mo.
-
Isipin ang isang pagkakataon na kailangan mong magpahinga o makaramdam ng higit na kapayapaan sa iyong buhay. Habang binabasa mo ang Mateo 11:28–30, ano ang natutuhan mo tungkol sa paano ka makatatanggap ng gayong pagpapala? Maaari mong saliksikin ang sinabi ng mga lider ng Simbahan tungkol sa scripture passage na ito at maghandang ibahagi ang nalaman mo.
-
Basahin ang Mateo 12:22–30, at pagnilayan ang mga salita ng Tagapagligtas, “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin” (talata 30). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging nasa panig ng Tagapagligtas?
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 11–12; Lucas 11.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 11:2–15 at Mateo 11:28–30 ay maaaring makatutulong para gamitin ang kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 11:2–15
Bakit ko hahanapin ang mga propeta ng Panginoon?
Maaari mong ipakita ang isang larawan ni Juan na Tagapagbautismo mula sa Scripture Helps: New Testament at ipaliwanag na kahit ikinulong siya ni Herodes, patuloy siyang itinuring ng kanyang mga tagasunod bilang propeta. Isinugo ni Juan ang dalawa sa kanyang mga disipulo para tanungin si Jesus.
Sama-samang basahin ang Mateo 11:2–6, na inaalam kung paano tinugon ni Jesus ang mga disipulo ni Juan na Tagapagbautismo.
-
May patotoo na si Juan kung sino si Jesus (tingnan sa Mateo 3:13–17; Doktrina at mga Tipan 93:11, 15). Bakit kaya isinugo ni Juan ang kanyang mga disipulo para itanong kung si Jesus ang ipinangakong Mesiyas?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga ginawa ni Juan tungkol sa tungkulin ng mga propeta? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na itinuturo tayo ng mga propeta sa Tagapagligtas.)
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga propeta? Paano nila kayo itinuro sa Kanya?
Ipaliwanag sa mga estudyante na matapos umalis ang mga disipulo ni Juan na Tagapagbautismo, nagbigay si Jesus ng magandang pagpaparangal kay Juan. Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 11:7–15 para malaman ang itinuro ni Jesus tungkol kay Juan.
-
Bakit kakaiba si Juan sa mga propeta? (tingnan sa “Mateo 11:7–15. What made John the Baptist such a great prophet?” sa Scripture Helps: New Testament).
Kung kinakailangan, ituro na si Juan ang ipinropesiyang sugo na naghanda ng daan para matanggap ng mga tao si Jesucristo (tingnan sa talata 10). Maaari kang magpakita ng katotohanan na tulad ng sumusunod: Inihahanda tayo ng mga propeta na tanggapin si Jesucristo.)
Isiping ibahagi ang sumusunod na mga pahayag nina Elder Neil L. Andersen at Sister Carol F. McConkie:
Nalaman ko na kapag mapanalangin kong pinag-aralan ang mga salita ng propeta ng Panginoon at maingat at matiyaga kong espirituwal na iniayon ang aking kalooban sa kanyang mga turo, ang aking pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay palaging nadaragdagan. (“Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26)
Ginagawa [ng mga propeta] ang lahat ng bagay sa pangalan ni Jesucristo. Sa kanilang mga salita naririnig natin ang tinig ng Panginoon at nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas. (“Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 77)
Maaari ninyong sanayin ang kasanayan na “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills sa pamamagitan ng pagsabi sa mga estudyante na maghanap ng halimbawa mula sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan tungkol sa isang propetang nagtuturo sa atin o naghahanda sa atin na tanggapin si Jesucristo. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa maliliit na grupo ang mga halimbawang nakita nila.
Maaari mo ring bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi sa iba ang turo ng propeta na nahanap nila sa pamamagitan ng text messaging, social media, email, o isang nakasulat na tala. Maaari nilang ibahagi kung paano nakatutulong ang turo ng propeta sa paglakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Mateo 11:28–30
Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas na makahanap ng kapahingahan?
Isiping anyayahan ang mga estudyante na bigyang-kahulugan ang konsepto ng kapahingahan. Maaari din nilang banggitin ang entry na “Kapahingahan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na matatagpuan sa Gospel Library.
Sama-samang basahin ang Mateo 11:28–30. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga estudyante na basahing muli ang mga talatang ito, na inaalam ang mga paanyaya ng Tagapagligtas na humahantong sa kapahingahan.
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag lumapit tayo kay Jesucristo, pinasan ang Kanyang pamatok, at natuto tungkol sa Kanya, bibigyan Niya tayo ng kapahingahan.
Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa katotohanang ito, maaari mo silang anyayahan na sanayin ang kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Maaaring gumamit ang mga estudyante ng resources na tulad ng Gospel Library o ang Scripture Citation Index na matatagpuan sa scriptures.byu.edu para maghanap ng mga turo mula sa mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na may kaugnayan sa Mateo 11:28–30. O maaaring gamitin ng mga estudyante ang resources na ito sa paghahanap ng mga kataga at parirala tulad ng “lumapit kayo sa akin,” “pamatok,” “matuto kayo sa akin,” “maamo,” o “kapahingahan.”
Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante para maghanap ng mga turo at parirala, anyayahan sila na ibahagi sa isang kapartner, sa maliliit na grupo, o sa klase ang nahanap nila. Anyayahan sila na ibahagi kung paano nakatutulong ang mga turong ito sa pagpapalalim ng kanilang pag-unawa sa Mateo 11:28–30. Maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga tanong na tulad ng:
-
Paano tayo makalalapit sa Tagapagligtas?
-
Ano ang ibig sabihin ng pasanin natin ang Kanyang pamatok? Paano sumasagisag ang pamatok sa ating pakikipagtipan kay Jesucristo? (Kung kinakailangan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tingnan ang larawan ng pamatok at basahin ang paglalarawan na matatagpuan sa “Mateo 11:28–30. What does a yoke represent?” sa Scripture Helps: New Testament.)
-
Ano ang ibig sabihin ng matuto sa Tagapagligtas? Paano natin mapagbubuti ito? Sa palagay ninyo bakit partikular na binanggit ng Tagapagligtas na Siya ay “maamo at may mapagpakumbabang puso”? (talata 29).
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Magbigay ng mga pagkakataon sa mga mag-aaral na makapagbahagi ng kanilang mga patotoo. Ang taos-pusong patotoo ay maaaring magpabago ng karanasan sa pagkatuto. Ang patotoo ay hindi kailangang mahusay na masabi o mahaba para makaimpluwensya. Hanapin ang mga karaniwang pagkakataon habang natututo na anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang pinaniniwalaan, inaasam, o nalalaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang mga pagpapahayag ng patotoo ay lalong magiging makapangyarihan kapag nakatuon ang mga ito kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Maaari mong bigyan ng kaunting oras ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa katotohanang matatagpuan sa Mateo 11:28–30. O maaaring ibahagi ng mga estudyante kung paano nila naranasan ang kapahingahan ng Tagapagligtas sa kanilang sariling buhay.
Maaari ding isulat ng mga estudyante ang anumang impresyon nila kung paano makatanggap ng higit pa sa kapahingahan na maibibigay ni Jesucristo.
Mateo 12:22–30; Lucas 11:14–23
Paano ko madaragdagan ang katapatan ko sa Tagapagligtas at sa Kanyang kaharian?
Ipaalala sa mga estudyante na nang pagalingin ni Jesus ang isang taong sinapian ng demonyo, tinangka ng ilan sa mga Fariseo na siraan Siya. Inakusahan nila Siya na gumagawa ng himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng demonyo (tingnan sa Mateo 12:22–24).
Sama-samang basahin ang Mateo 12:25–30 o Lucas 11:17–23, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa paratang ng mga Fariseo.
-
Anong mahahalagang mensahe ang nakita ninyo sa mga turo ng Tagapagligtas?
Ipakita ang sumusunod na katotohanan mula sa Mateo 12:30: “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.”
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging nasa panig ng Panginoon? Paano tayo nagtitipon sa Kanya?
-
Kung hindi tayo panig sa Tagapagligtas, paano tayo laban sa Kanya?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Gary B. Sabin:
Noong binyagan tayo, inilubog tayo bilang simbolo ng ating pangako na lubos na susunod sa Tagapagligtas, nang walang pag-aalangan. Kapag tayo ay lubos na masigasig at handang “ibigay ang lahat ng kaya nating gawin,” yayanig ang kalangitan para sa ating ikabubuti [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:6]. Kapag tayo ay nag-aalangan o hindi lubos na masigasig, nawawala sa atin ang ilan sa mga natatanging pagpapala ng langit [tingnan sa Apocalipsis 3:15–16]. (“Magpakatatag at Gawin ang Lahat ng Makakaya,” Liahona, Mayo 2017, 52)
-
Ano ang ilang paraan na maaari nating “ibigay ang lahat ng kaya nating gawin,” o maging lubos na tapat sa Tagapagligtas?
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga tao na lubos na tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain?
Maaari kang maglaan ng oras para pagnilayan ng mga estudyante ang kanilang tapat na pangako sa Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang paraan na mapapalakas o mapapatibay nila ang kanilang katapatan sa Kanya.
Mateo 12:34–37
Ano ang inihahayag ng aking mga salita tungkol sa mga layunin ng aking puso?
Ipakita ang mga sumusunod na parirala:
-
“Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” (Marcos 4:38).
-
“Ama, … huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42).
-
“Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus” (Mateo 27:40).
-
“Sa pangalan ni [Jesucristong] taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad” (Mga Gawa 3:6).
Sabihin sa mga estudyante na talakayin nang magkakapartner kung ano ang masasabi sa atin ng mga salita sa bawat parirala tungkol sa mga nagsabi nito. Pagkatapos, maaaring talakayin ninyo ang sumusunod na tanong bilang isang klase:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng mga salitang inyong sinasabi?
Basahin ang Mateo 12:34–37, at sama-samang talakayin ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Fariseo tungkol sa mga salitang sinasabi natin. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “sa kasaganaan ng puso” [talata 34] ay kung ano ang pumupuno sa puso at ang “salita na binigkas na walang ingat” [talata 36] sa kontekstong ito ay nangangahulugang hindi pinag-isipan, walang kabuluhan na mga salita na masama o nakakapinsala.)
Bilang bahagi ng talakayan, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ipinapakita ng ating mga salita ang nilalaman ng ating puso.
-
Ano ang inihahayag ng mga salita ng Tagapagligtas, kapwa sa panahon ng Kanyang ministeryo at ngayon, tungkol sa nilalaman ng Kanyang puso?
-
Paano natin mapagbubuti ang ating sariling pananalita at mga mensahe sa ating sarili at sa iba?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa impluwensya ng mga salita. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi rin ng kanilang mga patotoo.