Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Lucas 12–17; Juan 11


“Lucas 12–17; Juan 11,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

pinapanatag ni Jesus sina Maria at Marta

Lucas 12–17; Juan 11

Nagbabala ang Tagapagligtas tungkol sa pagkukunwari, pagmamataaas sa sarili, at kaimbutan. Binigyang-diin Niya na mahalaga ang magsisi at maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Nagturo Siya ng ilang talinghaga, kabilang na ang mga talinghaga tungkol sa malaking hapunan, nawawalang tupa, nawawalang barya, at alibughang anak. Pinagaling Niya ang sampung ketongin at binuhay Niya si Lazaro mula sa kamatayan.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Luke 12–17; John 11 [Lucas 12–17; Juan 11]

Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Napagtanto mo ba na nagdadahilan ka para hindi ganap na ipamuhay ang ebanghelyo? Sa pag-aaral mo ng Lucas 14:15–33, isipin ang ibig sabihin ng maging lubos na tapat na disipulo ng Tagapagligtas.

  • Isipin ang isang pagkakataon na nadama mong nawala, napabayaan, nahiwalay, o nakalimutan ka. Basahin ang Lucas 15:1–10, at maghanap ng mensahe ng pag-asa.

    6:46
  • May mga taong nag-aakala na hindi na sila kailanman mapapatawad o mamahalin ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan. Anong mga mensahe ng pag-asa ang nahanap mo sa Lucas 15:11–32 na makatutulong sa isang taong nakadarama nito?

    5:37
  • Gaano ka kadalas na nagpapasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Sa pag-aaral mo ng Lucas 17:11–19, pagnilayan kung paano mapapalakas ng pagpapasalamat sa Diyos ang iyong pananampalataya sa Kanya.

  • Juan 11:35 (“Umiyak si Jesus”) ang pinakamaikling talata sa mga banal na kasulatan. Basahin ang Juan 11:1–46 para malaman kung bakit umiyak si Jesus. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanyang pagkatao at mga katangian?

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Lucas 12–17; Juan 11.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Juan 11:1–46 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Listening with Love” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Lucas 14:15–33

Anong mga pagdadahilan ang maaaring pumipigil sa akin na sundin ang Tagapagligtas?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang Mga Pagdadahilan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumunta sa pisara at sumulat ng mga halimbawa ng mga pagdadahilan na maaaring ibigay ng mga tao sa hindi pagsisimba, pagtupad sa mga tungkulin, o paglilingkod sa iba.

Ipaliwanag na ibinahagi ni Jesus ang talinghaga tungkol sa malaking hapunan habang kumakain sa bahay ng isang Fariseo. Maaari mong basahin ang talinghaga sa Lucas 14:16–24 at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tumugon ang mga tao sa paanyaya ng lalaki na dumalo sa hapunan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga aral na natutuhan nila mula sa talinghagang ito. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano nahahalintulad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang malaking piging?

  • Ano ang matatanto natin tungkol sa ating sarili mula sa mga pagdadahilan na ginagawa natin para hindi gawin ang gawain ng Panginoon?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ituro na sa Lucas 14:25–33, itinuro ng Panginoon ang inaasahan Niya sa Kanyang mga disipulo—yaong mga tumanggap ng paanyaya na dumalo sa Kanyang hapunan. Maaari ninyong basahin ang lahat ng talatang ito kung may oras kayo, o maaari ninyong basahin ang talata 33 lamang. (Kung nahihirapan ang mga estudyante na maunawaan ang Lucas 14:26, maaari mong rebyuhin ang “Luke 14:26 [Lucas 14:26]. What is meant by the word ‘hate’? [Ano ang ibig sabihin ng salitang ‘napopoot’?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].) Pagkatapos magbasa, maaari mong ipakita ang sumusunod na alituntunin: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging handang talikuran ang lahat ng bagay para sumunod sa Kanya.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na maaari nating talikuran o isakripisyo para sumunod kay Jesucristo?

  • Ano ang mga karaniwang pagdadahilan na maaaring pumigil sa atin na sundin ang Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang mga bagay-bagay na maaaring mahirapan silang talikuran, o isuko, kung iuutos sa kanila ng Tagapagligtas. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong nagsakripisyo para sa Panginoon.

Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natututuhan, ipasulat sa kanila ang sumusunod:

  • Isang karanasan nang magsakripisyo sila para sundin ang Tagapagligtas

  • Isang karanasan nang gumawa sila ng pagdadahilan na pumigil sa kanila na sumunod sa Tagapagligtas

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang gagawin nila kapag nakita nila ang kanilang sarili na gustong magdahilan na pipigil sa kanila na sumunod sa Tagapagligtas.

Lucas 15:1–10

Ano ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga nawawala?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang nawala, napabayaan, nahiwalay, at nakalimutan. Sabihin sa mga estudyante na maikling ibahagi ang ilang dahilan kung bakit ganito ang nadarama ng mga tao. Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila, marahil kasama na ang kanilang sarili, na maaaring nakararanas ng mga damdaming ito. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila o sa mga taong kilala nila ang mga katotohanang itinuro sa mga talinghaga tungkol sa nawawalang tupa at sa nawawalang barya.

Ipaliwanag na ibinahagi ng Tagapagligtas ang mga talinghagang ito nang batikusin Siya ng mga Fariseo dahil sa pakikisama sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan—mga taong tinatrato nila nang may paghamak at itinuturing na espirituwal na nawawala.

Para maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga talinghagang ito, isiping idispley ang sumusunod na mga larawan:

isang nawawalang tupa
si Jesus na hawak ang isang tupa

Rescue of the Lost Lamb [Pagsagip sa Nawawalang Tupa], ni Minerva Teichert

isang babaeng naghahanap ng kanyang nawawalang barya

The Lost Drachma [Ang Nawawalang Draschma], ni James Tissot

Maaaring mag-aral sa maliliit na grupo ang mga estudyante at magkakasamang basahin ang Lucas 15:4–10. Sabihin sa kanila na maghanap ng matututuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga talinghagang ito.

2:25
  • Ano ang matututuhan natin mula sa pagkakatulad at pagkakaiba ng dalawang talinghagang ito?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga ginawa ng pastol at ng babae tungkol kay Jesucristo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Hinahanap tayo ni Jesucristo kapag tayo ay nawawala.)

Para matulungan ang mga estudyante na matuto pa ng tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talinghagang ito, ipakita at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa paglipas ng mga siglo, ang pagkaunawa sa talinghagang ito ay isa itong utos sa atin na ibalik ang nawawalang tupa at tulungan ang mga naliligaw ng landas. Bagama’t angkop at mabuti naman ito, iniisip ko na baka higit pa ito rito.

Posible kaya na ang layunin ni Jesus, una sa lahat, ay ituro ang gawain ng Mabuting Pastol? …

Kilala at mahal tayo ng ating Tagapagligtas, ang Mabuting Pastol. Kilala at mahal Niya kayo.

Alam Niya kapag nawawala kayo, at alam Niya kung nasaan kayo. Alam Niya ang inyong dalamhati. Ang tahimik ninyong mga pagsamo. Ang inyong mga pangamba. Ang inyong mga pagtangis …

Dahil mahal Niya kayo, hahanapin Niya kayo. Papasanin Niya kayo sa Kanyang balikat, na natutuwa. (“Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi,” Liahona, Mayo 2016, 102)

Isiping anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nang madama nila na nawala, napabayaan, nahiwalay, o nakalimutan sila at tinulungan sila ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na madalas tayong tulungan ng Tagapagligtas at sinasagot Niya ang ating mga panalangin sa pamamagitan ng ibang tao. Para tapusin ang lesson, anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano ko maipapakita ang pasasalamat ko sa kahandaan ng Tagapagligtas na sagipin ako?

  • Sino ang maaaring nangangailangan na madama ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Tagapagligtas sa pamamagitan ko ngayon?

Lucas 15:11–32

Ano ang nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga bumabalik at nagsisisi?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang maaaring madama nila kung sasabihin sa kanila ng isang malapit na kaibigan o kapamilya, “Pagkatapos ng nagawa ko, imposibleng mahalin pa ako ng Diyos o gustuhin pa Niyang bumalik ako.” Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa talinghaga tungkol sa alibughang anak na maaaring magdulot ng pag-asa sa isang taong ganito ang pakiramdam.

Isulat sa pisara ang mga salitang ama, alibughang anak, at kapatid. Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng mga grupo na may tig-tatlong tao at pumili ng isa sa mga taong nakasulat sa pisara. Ipabasa nang sabay-sabay sa mga estudyante ang Lucas 15:11–32, na tinitingnan ang talinghaga sa pananaw ng mga taong pinili nila. Matapos magbasa ang mga estudyante, sabihin sa bawat miyembro ng grupo na magsalitan at ibahagi ang kanilang mga naiisip tungkol sa talinghaga.

Ipaliwanag na sa talinghagang ito, ang ama ay kumakatawan sa Ama sa Langit. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang natututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit sa paraan ng pagtugon ng ama sa talinghaga sa bawat isa sa kanyang mga anak?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa talinghagang ito na makatutulong sa mga taong nag-aakala na hindi sila karapat-dapat na iligtas? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Mahabagin na nagagalak ang Ama sa Langit at pinatatawad ang lahat ng nagsisisi.)

Maaari ninyong sabay-sabay na basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Anuman ang nangyari sa buhay ninyo, inuulit ko at ipinapahayag ang mga salita ng mahal kong kaibigan at kapwa Apostol na si Elder Jeffrey R. Holland: “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang hanggang liwanag ng [nagbabayad-salang sakripisyo] ni Cristo. (“Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33).

Bagama’t maaaring inilayo kayo ng mga pagpiling ginawa mula sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, ang Dalubhasang Manggagamot ay nakatayo sa daan pauwi, at malugod kayong tinatanggap. …

Dalangin ko na marinig ng bawat isa sa atin, sa malalim na talinghagang ito, ang tinig ng Ama na tumatawag sa atin na pumasok sa landas na pauwi—upang magkaroon tayo ng lakas-ng-loob na magsisi, tumanggap ng kapatawaran, at sundan ang landas pabalik sa ating mahabagin at maawaing Diyos. (“Dieter F. Uchtdorf, “Ang Alibugha at ang Daan Pauwi,” Liahona, Nob. 2023, 88)

Maaari mong talakayin kung paano naging mensahe ng pag-asa ang talinghagang ito para sa isang taong nadarama na hindi siya kailanman mamahalin o tatanggapin ng Diyos.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang mga iniisip o espirituwal na impresyon nila sa buong aktibidad na ito sa pag-aaral. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila tungkol sa Ama sa Langit sa inyong talakayan.

Lucas 17:11–19

Paano makapagpapalakas ng aking pananampalataya kay Jesucristo ang pagpapasalamat?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng mga pag-assess sa sarili. Ang pag-assess sa sarili ay maaaring maging mahalaga sa pagtulong sa mga mag-aaral na mas malalim na pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang alituntunin ng ebanghelyo. Kapag ipinapaliwanag ang mga pag-assess sa sarili, bigyang-diin na ang mga ito ay mga pagkakataon para sa pag-unlad at hindi para gamitin sa pagpuna sa sarili.

Maaari mong ipakita ang handout na “Pag-assess sa Sarili ukol sa Pagiging Mapagpasalamat” o ibigay ito sa mga estudyante.

Handout na Pag-assess sa Sarili ukol sa Pagiging Mapagpasalamat

Sabihin sa bawat estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para maging mas mapagpasalamat sila sa pag-aaral nila ng kuwento tungkol sa sampung ketongin.

Rebyuhin nang maikli kung ano ang sakit at kung paano tinatrato ang mga ketongin sa panahon ng Biblia (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ketong,” Gospel Library).

0:55

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang mabuti ang Lucas 17:11–19 at alamin ang kaugnayan ng pasasalamat at pananampalataya sa Diyos. Hikayatin sila na magtala ng isang alituntunin bilang buod ng kanilang natutuhan.

Matapos maglaan ng oras para sa pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga alituntuning naitala nila. (Maaari nilang matukoy ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Ang pagpapasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay isang mahalagang paraan ng pagpapakita ng ating pananampalataya sa Kanila.) Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang kanilang pag-unawa:

  • Paano mapapalakas ng pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang inyong pananampalataya sa Kanila?

    11:46
  • Ano ang makatutulong sa inyo na makadama ng higit na pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Ano ang mga paraan na maipapakita ninyo ang inyong pasasalamat sa Kanila?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maglaan ng ilang minuto sa bawat araw sa susunod na linggo para itala ang kahit isang paraan ng pagpapala sa kanila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa araw na iyon. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magpadala ng mga paalala sa isa’t isa sa buong linggo. Maaaring makatulong na magbigay ng paraan para maiulat nila ang kanilang karanasan.

Juan 11:1–46

Ano ang matututuhan natin mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagharap sa kamatayan at pighati?

Isiping idispley ang larawan sa ibaba at anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga hamon na dumarating kapag namatay ang isang mahal sa buhay.

isang dalagita na naglalagay ng bulaklak sa puntod

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring:

Pangulong Henry B. Eyring

Bawat isa sa atin ay masusubok kapag naranasang mamatayan ng isang taong mahal natin. Ang pinakamahirap na bahagi ng pagsubok na iyon ay ang malaman kung ano ang gagawin sa dinaranas na dalamhati, kalungkutan, at ang kawalan na nagpapadama sa atin na tila isang bahagi natin ang nawala. Ang kalungkutan ay maaaring magpatuloy tulad ng isang talamak na sakit. At para sa ilan ito ay maaaring makapagpadama ng galit o kawalang katarungan. (“Face Life’s Tests with the Savior’s Help,” New Era, Abr. 2019, 4)

Para maihanda ang mga estudyante na talakayin ang matututuhan natin mula sa Tagapagligtas tungkol sa pagharap sa kamatayan at pighati, isiping ibuod ang mga pangyayari sa Juan 11. Magagawa mo ito sa pagpapabasa sa mga estudyante ng chapter heading para sa Juan 11. O maaari mong anyayahan ang isang estudyanteng pamilyar sa kabanata na ibuod ito sa sarili niyang mga salita.

8:2

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Ipabasa sa kanila ang isa sa mga column mula sa handout na “Ano ang Matututuhan Natin sa Tagapagligtas tungkol sa Pagharap sa Kamatayan at Pighati?” Pagkatapos ay anyayahan silang talakayin ang natutuhan nila mula sa Tagapagligtas tungkol sa kamatayan at pighati. (Sa aktibidad, hinihikayat ang mga estudyante na sanayin ang kasanayang “Listening with Love” sa Scripture Study Skills.)

Handout na Pagharap sa Kamatayan at Pighati

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatulong o makatutulong sa kanila o sa isang taong kilala nila ang isa sa mga alituntuning natuklasan nila kapag hinaharap ang kamatayan at pighati. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa taong mahal nila ang natutuhan nila.