Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Juan 2–4


“Juan 2–4,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

ang babaeng taga-Samaria na nakikipag-usap kay Jesus sa tabi ng balon

Woman at the Well [Babae sa Tabi ng Balon], ni Crystal Close

Juan 2–4

Ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng Tagapagligtas ay makikita sa buong Bagong Tipan, tulad ng panahong ginawa Niyang alak ang tubig at nang pagalingin Niya ang anak ng isang maharlikang tao na may malubhang maysakit. Nilinis din ni Jesus ang templo, itinuturo na dapat pagpitaganan at igalang ang bahay ng Diyos. Ang paanyaya ni Jesus kay Nicodemo na espirituwal na ipanganak o isilang sa Diyos at sa babae sa tabi ng balon na tanggapin Siya bilang ang Cristo ay nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan at misyon na iligtas ang mga naniniwala at sumusunod sa Kanya.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Juan 2–4

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Sa iyong palagay, bakit isinama ni Juan sa kanyang Ebanghelyo ang himala ng tubig na ginawang alak? Hanapin ang mga posibleng sagot habang binabasa mo ang Juan 2:1–11 o habang pinanonood mo ang “Jesus Turns Water into Wine” (2:26).

    2:39
  • Pag-aralan ang Juan 2:13–17, at pag-isipan kung ano ang ginagawa o magagawa mo para maipakita ang paggalang mo sa templo bilang bahay ng Diyos. Maaari mong panoorin ang “Jesus Cleanses the Temple” (1:34) para mapagbuti ang iyong pag-aaral.

    1:34
  • Paano mo nalaman na mahal ka ng Diyos? Alamin ang isang mahalagang sagot sa tanong na ito sa Juan 3:14–17.

  • Panoorin ang “The Woman at the Well” (7:49) o basahin ang Juan 4:1–29, at isipin kung paano rin mababago ng mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas sa Samaritana ang iyong buhay.

    7:30

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Juan 2–4.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magrebyu bago magbahagi. Kung nag-aalangan ang mga estudyante na magtanong o magbahagi ng mga ideya, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para rebyuhin ang mga naka-assign na scripture passage. Ang pagkakaroon ng oras para magrebyu ay makatutulong sa ilang estudyante na maalala ang nabasa nila bago magklase at hikayatin ang iba na maghanap ng isang bagay na gusto nilang pag-usapan.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

May ilang pagkakataon para matulungan ang mga estudyante na mapraktis ang mga kasanayan sa pag-aaral sa lesson na ito. Ang Juan 2:13–17 ay maaaring magandang paggamitan ng mga estudyante ng kasanayang “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Ang Juan 3:3–8 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Paggamit ng mga Banal na Kasulatan ng Panunumbalik upang Maunawaan ang Biblia” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Ang pag-unawa ng mga estudyante sa Juan 3:14–17 at Juan 4:10–14 ay mapapahusay sa paggamit ng kasanayang “Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Juan 2:1–11

Anong mga katotohanan ang matututuhan ko mula sa unang nakatalang himala ng Tagapagligtas?

Maaari mong idispley ang kalakip na larawan at ipaliwanag na ang mga pagdiriwang ng mga Judio sa kasal sa panahon ng Bagong Tipan ay maaaring magtagal nang ilang araw. Ang pagkaubos ng alak ay malamang na magdulot ng pagkabalisa para sa nagpahanda ng pagkain sa kasal.

Handaan sa kasal ng mga Judio

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na piliin ang pinaka-interesado sila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-aralan ang Juan 2:1–11 para mahanap ang sagot sa kanilang tanong.

  • Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa salaysay na ito?

  • Ano ang matututuhan mo mula kay Maria sa kuwentong ito?

  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo sa unang nakatalang himalang ito ng Tagapagligtas?

Pagkatapos ng oras na makapag-aral, maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang isang sagot na nahanap nila sa kanilang tanong. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga ideyang tulad ng sumusunod: Nakibahagi si Jesus sa mga pang-araw-araw na gawain sa buhay. May kapangyarihan si Jesucristo sa mga pisikal na elemento. Alam ng Tagapagligtas na mayroon Siyang banal na misyon na isasakatuparan. Minahal at iginalang ni Jesus ang Kanyang ina. Nagtiwala si Maria kay Jesus.)

Pagkatapos ay maaaring maghalinhinan ang mga estudyante sa pagpili ng iba’t ibang pahayag mula sa pisara at itanong sa mga taong sumulat ng mga ito kung bakit mahalaga sa kanila ang pahayag na ito at kung paano ito maiaangkop sa ating buhay. Huwag munang manguna at hayaang magabayan ang talakayan ng mga tanong, kaalaman, at pagsasabuhay ng mga estudyante.

Paalala: Kung may mga alalahanin ang iyong mga estudyante kung paano tinawag ni Jesus ang Kanyang ina sa Juan 2:4 o nagtataka sila kung bakit gagawin Niyang alak ang tubig gayong dapat sundin ang Word of Wisdom (tingnan sa Juan 2:1–11), ituro sa kanila ang mga kaugnay na tala sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 2:13–17

Paano ako makapagpapakita ng higit na pagpipitagan sa bahay ng Panginoon?

Maaari mong idispley ang kalakip na larawan ni Jesus na naglilinis ng templo o ipanood ang “Jesus Cleanses the Temple” (1:34). Ipaliwanag na noong Paskua, libu-libong bisita ang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang sagradong pista. Marami sa kanila ang kailangang bumili ng mga hayop na iaalay bilang mga sakripisyo sa templo. (Maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang “Juan 2:16. Bakit may mga mamamalit ng salapi sa templo?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan para sa karagdagang impormasyon.)

Pinalayas ni Jesus ang mga mamamalit ng pera sa templo

Jesus Cleansing the Temple [Nililinis ni Jesus ang Templo], ni Carl Bloch

1:34

Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 2:13–17, at talakayin kung ano ang maaaring ituro sa atin ng ginawa at sinabi ni Jesus na nakatala sa passage na ito tungkol sa templo. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang templo ay bahay ng Panginoon at dapat ituring nang may pagpipitagan at paggalang.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa ibig sabihin ng pagpipitagan sa bahay ng Panginoon, maaari mong ipakita ang sumusunod na mga opsiyon sa pag-aaral. (Maaaring mahalagang mag-ukol ng oras na rebyuhin ang kasanayang “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.) Sabihin sa bawat estudyante na piliin ang aktibidad na pinaka-interesado sila at maging handa na ibahagi ang natutuhan nila.

  • Alamin ang iba pa tungkol sa kahulugan ng pagpipitagan gamit ang Define feature sa Gospel Library. Pagkatapos ay pag-aralan ang entry na “Paggalang” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Isipin ang mga partikular na saloobin at pag-uugali na makatutulong sa atin na maging mas magalang at mapitagan kapag pumupunta tayo sa templo.

  • Nakaukit sa bawat templo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga salitang “Kabanalan sa Panginoon; ang Bahay ng Panginoon.” Alamin ang kahulugan ng kabanalan gamit ang Define feature sa Gospel Library. Pag-aralan din ang mga entry para sa “Kabanalan” at “Banal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Isipin kung paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit nakaukit ang “Kabanalan sa Panginoon” sa ating mga templo.

  • Ang mga temple garment ay maaaring maging mabisang paalala ng ating karanasan sa templo. Basahin o panoorin ang “Sacred Temple Clothing” (4:12) at isipin kung paano mo ipaliliwanag ang kasagraduhan ng temple garment sa isang tao na naghahandang pumasok sa templo sa unang pagkakataon.

    4:16

Matapos ang sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, maaari silang bumuo ng maliliit na grupo at magsalitan sa pagbabahagi ng natutuhan nila sa kanilang pag-aaral.

Para tapusin ang aktibidad na ito, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang isang bagay na gagawin mo upang magpakita ng higit na pagpipitagan at paggalang sa bahay ng Panginoon?

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 3:1–8

Paano ko malalaman kung ako ay ipinanganak na muli?

Ipakita ang sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang sagot: Paano ko malalaman kung ako ay ipinanganak na muli?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito habang nagsasalita ka tungkol sa mga turo ng Tagapagligtas kay Nicodemo.

Sama-samang basahin ang Juan 3:1–2, at talakayin kung ano ang inihahayag ng mga talatang ito tungkol kay Nicodemo. Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang Juan 3:3–8, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagiging ipinanganak na muli.

  • Sa paanong paraan naging mali ang pagkaunawa ni Nicodemo sa mga salita ng Tagapagligtas?

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas para palawakin ang pang-unawa ni Nicodemo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kailangan tayong ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos.)

  • Paano nauugnay ang maipanganak ng tubig at ng Espiritu sa mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon? (Kung makatutulong, ipaliwanag na itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “Ang pagkapanganak na muli, ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 112]).

  • Anong mga karagdagang tanong ang maaaring mayroon ang isang tao habang binabasa niya ang sagot ng Tagapagligtas kay Nicodemo?

Ipaliwanag na ang isang paraan para malaman pa kung ano ang ibig sabihin ng “ipanganak na muli” ay bumaling sa mga banal na kasulatan ng Panunumbalik (tingnan sa “Paggamit ng mga Banal na Kasulatan ng Panunumbalik upang Maunawaan ang Biblia” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang talata ng banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, o Mahalagang Perlas na tumutulong na linawin kung ano ang ibig sabihin ng ipanganak na muli. Kung kinakailangan, maaaring tingnan ng mga estudyante ang “Isilang na Muli, Isinilang sa Diyos” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library) para sa mga kaugnay na scripture passage.

Matapos bigyan ng oras ang pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa ipinanganak o isinilang na muli. (Maaari nilang isama ang scripture reference.) Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na magtanong o magbigay ng mga komento tungkol sa mga pahayag sa pisara. Maaari mong anyayahan ang taong sumulat ng pahayag na magbigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa isinulat niya.

Sabihin sa mga estudyante na balikan ang tanong kanina: Paano ko malalaman kung ako ay ipinanganak na muli? Sabihin sa kanila na magsulat ng anumang karagdagang mga kabatiran, ideya, o impresyon na dumating sa kanila sa oras ng talakayan.

Paalala: Dahil ang pagiging ipinanganak na muli ay kinapapalooban ng pagbabago at pagiging nabago, maaaring panghinaan ng loob ang ilang estudyante at madama na hindi sila nagbabago nang mabilis. Kung inaalala ito ng iyong mga estudyante, maaari mong basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga di pangkaraniwang halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang na muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang pinakamahalagang layunin ng mortalidad. (Isinilang na Muli,” Liahona, Mayo 2008, 78)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 3:9–21

Talaga bang mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Kung hindi mo ginawa ang naunang aktibidad sa pag-aaral, maaari kang magbigay ng konteksto para sa scripture block na ito sa pamamagitan ng panonood ng “Jesus Teaches of Being Born Again” mula sa time code na 0:00 hanggang 2:40 o ibuod ang Juan 3:1–10. Ipaliwanag na upang matulungan si Nicodemo na maunawaan ang Kanyang mga salita, ginamit ng Tagapagligtas ang isang pamilyar na kuwento mula sa Lumang Tipan. Sama-samang basahin ang Juan 3:14–15 at, kung kinakailangan, basahin ang Mga Bilang 21:4–9.

6:4
Si Moises na nakaturo sa ahas na tanso

Moses and the Brass Serpent [Si Moises at ang Ahas na Tanso], ni Judith Mehr

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaalala sa mga estudyante na madalas gumamit ang Panginoon ng mga simbolo para ituro ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. (Tingnan sa “Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan kung sa palagay mo ay kailangan ng mga estudyante ng karagdagang tulong tungkol sa mga simbolo.) Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang sinisimbolo ng ahas na tanso.

Pagkatapos ay maaari mong idispley ang sumusunod na larawan sa tabi ng larawan ng ahas na tanso at basahin ang Juan 3:16–17.

si Jesucristo na nakapako sa krus

Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson

  • Sa paanong paraan maaaring sinisimbolo ng ahas na tanso si Jesucristo? (Mga posibleng sagot: Pareho silang “itinaas”; pareho silang inilaan ng Panginoon upang iligtas ang Kanyang mga tao; pareho silang inilaan bilang tugon sa mga kasalanan ng mga tao; ang kailangang gawin upang maligtas ay “tumingin,” o “maniwala.”)

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na banal na kasulatan at hindi kumpletong mga pahayag. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga scripture passage, at alamin kung paano kukumpletuhin ang mga pahayag (ang mga salitang nasa panaklong ay ibinibigay lamang bilang mga posibleng sagot):

  • Juan 3:16–21; Doktrina at mga Tipan 34:1–3; Juan 14:15

  • Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na … (ibinigay Niya ang Kanyang Tanging Anak).

  • Mahal tayo ni Jesus kaya … (inialay Niya ang Kanyang buhay).

  • Labis nating mahal ang Ama sa Langit at si Jesucristo kaya tayo ay … (sumusunod sa mga kautusan).

Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang iba’t ibang paraan na nakumpleto nila ang mga pahayag. Habang ibinabahagi nila kung paano nila nakumpleto ang unang dalawang pahayag, hikayatin silang magkuwento ng mga karanasan na nakatulong sa kanila na malaman na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Habang ibinabahagi ng mga estudyante kung paano nila nakumpleto ang pangatlong pahayag, anyayahan sila na ibahagi ang mga paraan na ipinapakita nila ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Kung may oras pa, maaaring isaulo ng mga estudyante ang Juan 3:16–17 upang ang mga salitang ito ay makapagbigay sa kanila ng inspirasyon at kapanatagan sa hinaharap. (Paalala: Ang “Pagsasaulo ng mga Scripture Passage” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ay nagbibigay ng iba’t ibang paraan na makatutulong sa pagsasaulo.)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 4:5–42

Paano mapapawi ng Tagapagligtas ang aking espirituwal na pagkauhaw?

Maaari mong simulan ang aktibidad sa pag-aaral na ito sa pamamagitan ng maikling pagtalakay sa mga palatandaan at problemang may kaugnayan sa dehydration. Pagkatapos ay isiping talakayin ang mga palatandaan at problemang may kaugnayan sa espirituwal na dehydration.

Maaari kang magpakita ng larawan ng Tagapagligtas na kasama ang babae sa tabi ng balon at anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang pangyayari o sama-samang basahin ang salaysay na ito sa Juan 4:3–15. Kung makatutulong, rebyuhin ang “Juan 4:27. Bakit ‘nagtaka [ang mga disipulo ni Jesus] na siya’y nakikipag-usap sa isang babae[ng Samaritana]’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

si Jesus na nakikipag-usap sa isang babae sa tabi ng balon

Living Water [Tubig na Buhay], ni Simon Dewey

  • Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa pakikipag-usap Niya sa babaeng Samaritana?

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ng Tagapagligtas sa babaeng ito? (Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang katotohanang tulad nito: Ang pag-inom nang mas marami sa tubig na buhay ng Tagapagligtas ay pumapawi ng espirituwal na pagkauhaw at umaakay sa atin tungo sa buhay na walang hanggan.)

  • Paano maaaring katawanin ng tubig si Jesucristo? Ano kaya ang ibig sabihin ng “tubig na buhay”? (Kung gusto mo ng mga karagdagang ideya kung paano matutulungan ang mga estudyante na maunawaan ang simbolismo sa mga banal na kasulatan, magpunta sa “Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.)

Maaari ninyong basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:

Elder David A. Bednar

Ang tubig na buhay na tinutukoy sa pangyayaring iyan ay sumisimbolo sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. At tulad ng tubig na kinakailangan para mabuhay, gayon din ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga doktrina, alituntunin, at ordenansa ay kinakailangan para sa buhay na walang hanggan. Kailangan natin ang Kanyang tubig na buhay araw-araw at sapat na suplay nito na tutulong sa patuloy na paglakas at pag-unlad natin sa espirituwal. (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 2, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

  • Bakit mahalaga ang doktrina at mga ordenansa ng Panginoon para sa buhay na walang hanggan? Ano ang magagawa ninyo para makatanggap ng tubig na buhay ng Panginoon “araw-araw at sapat na suplay”? (Maaari mong ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara.)

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang anumang nadarama o pahiwatig na mayroon sila habang pinag-iisipan nila kung paano sila maaaring uminom nang mas marami at madalas sa tubig na buhay ng Tagapagligtas.

Karagdagang Opsiyon sa Pag-aaral

Para maituro ang karagdagang alituntunin tungkol sa pagiging isang saksi sa Tagapagligtas, maaari mong ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 4:25–26, 28–30, 39–42, na inaalam ang natutuhan ng babae sa tabi ng balon at kung paano siya kumilos ayon sa kaalamang iyon.

  • Paano natin matutulungan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas at uminom sa Kanyang tubig na buhay?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister Carole M. Stephens:

Sister Carole M. Stephens

Kapag lumapit tayo [kay Cristo] nang may pusong mapagpakumbaba at madaling turuan—kahit nabibigatan tayo sa ating mga pagkakamali, kasalanan, at paglabag—mababago Niya tayo, “sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas” [Alma 34:18]. At kapag nabago na ang ating puso, gaya ng Samaritana, maaari na tayong magpunta sa sarili nating lungsod—sa ating mga tahanan, paaralan, at trabaho—upang patotohanan Siya. (“Ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2016, 10)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa maliliit na grupo ang kanilang mga karanasan sa espirituwal na pagdala sa kanila sa tubig na buhay ng Tagapagligtas. O maaari nilang ibahagi kung paano nila natulungan ang isang tao na lumapit kay Cristo at matanggap ang Kanyang tubig na buhay.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kailangang marinig ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang tubig na buhay. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang impresyong matatanggap nila. Mag-follow up sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagtatanong kung may mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”