1040
Ang Tinig Niya ay Himig
1. Ang tinig N’ya ay himig na kaylugod,
Dinig sa’n ka man naroon.
Sa paanan N’ya ay nagsisiluhod
Mga sedar ng Lebanon.
Hardin ng biyaya’y dinidiligang
Lubos ng Kanyang salita.
At makikilala ng sanlibutan
Kung sa’n kaligtasa’y mula.
2. ’Di mailarawan maging sa tula
Kanyang kabutihang taglay.
Liwanag ng awa N’ya ay kayganda
At tila bukang‑liwayway,
Natatanglawan ang mga nilikha.
Pagmamahal N’ya’y kaylawak.
Ngiti N’ya’y sa langit nagpapasigla,
Sa lupa nagpapagalak.
3. Ang mga anghel sadyang nagbubunyi,
Hudyat N’ya’y inaabangan.
Ang sandaigdigan ay nagpupuri
Kay Cristo magpakailanman.
O aking Pastol, tawag N’yo’y susundin;
Ang tinig N’yo’y kilala ko.
O, palakasin at ako’y kanlungin;
Ang aking galak ay Kayo.
Ang mga puno ng sedar ng Lebanon ay simbolo ng lakas at kasaganaan. Sa saknong 1 kumakatawan ang mga ito sa kapangyarihan at kapalaluan ng mundo, na sa kalaunan ay yuyukod sa harap ng Panginoon.
Titik: Joseph Swain, 1790; salin sa Tagalog, 2026
Himig: Katutubong himig ng America; A Supplement to the Kentucky Harmony, 1820; isinaayos, 2025 | SAMANTHRA
Salin sa Tagalog © 2026 Intellectual Reserve, Inc.; areglo © 2025 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved. Ang awiting ito ay maaaring kopyahin para sa insidental at di-pangkalakal na gamit sa Simbahan o tahanan.
Juan 10:1–5, 27