Tungkol sa Koleksyong ito: Mga Himno—Para sa Tahanan at Simbahan
Sabi ng Panginoon, “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (Doktrina at mga Tipan 25:12). Ang sagradong musika ay maaaring maghatid ng kagalakan, kapanatagan, at inspirasyon. Maaaring mapagkaisa ng sama-samang pagkanta ang ating mga pamilya at kongregasyon sa pananampalataya at pagsamba.
Bago ilathala ang bagong pandaigdigang aklat ng mga himno na Mga Himno—Para sa Tahanan at Simbahan, ikinalulugod naming ilabas ang maliliit na grupo ng mga bagong himno sa digital na paraan. Ang bagong grupo ng mga himno ay ilalabas kada ilang buwan hanggang sa maging available na ang buong koleksyon na naka-print. Ang bagong musika ay pipiliin mula sa mga himnong kinatha ng mga Banal sa mga Huling Araw, mga himno mula sa iba pang mga tradisyong Kristiyano, at mga awitin sa pandaigdigang sagradong music library ng Simbahan. Ang mga seleksyong ito ay kabibilangan kapwa ng mga himno at ng mga awiting pambata, na pawang magagamit sa tahanan, sa sacrament meeting, at sa iba pang mga miting ng Simbahan.
Inaanyayahan namin kayong maging pamilyar sa bagong musika kapag inilabas ito. Gamitin ang mga seleksyong ito sa inyong araw araw na pagsamba at pag aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, kapwa sa tahanan at sa simbahan. Ang mga sheet music at audio recording ay matatagpuan sa Gospel Library at Sacred Music apps at sa music.ChurchofJesusChrist.org. Mayroon ding mga training material para tulungan ang mga miyembro at lider na gamitin ang bagong musika sa kanilang mga tahanan at kongregasyon.
Pinasasalamatan namin ang maraming miyembrong nag-ambag ng kanilang oras, mga talento, at kakayahan sa sagradong koleksyong ito ng musika. Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Panginoon sa pag-aalay natin sa Kanya ng mga awit ng ating puso sa pamamagitan ng sagradong musika.
Mensahe mula kay Elder Renlund tungkol sa Mga Bagong Himno
Inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ang proseso ng pagpili ng mga himno para sa bagong koleksiyon. Hinihikayat niya ang mga miyembro at lider na gamitin ang mga bagong himno upang mapalakas ang pananampalataya at mapabanal ang pagsamba at upang mapagkaisa ang kanilang mga pamilya at kongregasyon.
Mga Bagong Himno sa Tahanan
Ang sagradong musika ay maaaring makatulong sa inyong pag-aaral at pagsamba sa tahanan, kapwa nang indibiduwal at sa inyong pamilya. Alamin kung paano ninyo maisasama ang sagradong musika sa inyong buhay at matatanggap ang mga pagpapalang kaakibat nito.
Mga Bagong Himno sa Simbahan
Ang sagradong musika ay pundasyon ng ating pagsamba sa simbahan. Alamin ang ilang ideya sa pagsasama ng bagong musika sa mga karanasan sa simbahan.