Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
2 Samuel 11–12; 1 Mga Hari 3; 6–9; 11


paglalarawan sa isang bumagsak na hari na may espada malapit sa kanya

Paglalarawan ni David S. Green

2 Samuel 11–12; 1 Mga Hari 3; 6–9; 11

Parehong sinimulan ni Haring David at ng kanyang anak na si Solomon ang kanilang pamumuno sa Israel nang umaasa sa Panginoon, at kapwa silang nakatanggap ng mga dakilang pagpapala. Sa kasamaang-palad, ang mga desisyon ni David ang naging dahilan ng pagtalikod niya sa Panginoon at nagdulot ito ng pagkawala ng kanyang kadakilaan. Sa mga unang taon ng kanyang paghahari, ang mapagpakumbabang hangarin ni Haring Solomon na hingin ang karunungan, patnubay, at mga pagpapala ng Panginoon ang nagpamarapat sa kanya na itayo ang bahay ng Panginoon. Sa pagtanda ni Solomon, sinuway niya ang mga kautusan ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aasawa nang marami sa labas ng tipan. Kalaunan ay inilayo niya ang kanyang puso sa Diyos at inilapit ito sa mga diyus-diyosan na sinasamba ng kanyang mga asawa.

Mga Karagdagang Resource

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “2 Samuel 11–12; 1 Mga Hari 3; 6–9; 11

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Kahit na si Haring David ay isang matagumpay na hari at nagpakita ng malaking pananampalataya sa Panginoon, gumawa siya ng mga kalunus-lunos na desisyon na naging sanhi ng pagkawala ng maraming espirituwal na pagpapala. Habang pinag-aaralan mo ang 2 Samuel 11–12, isipin ang natutuhan mo mula sa kanyang karanasan na makatutulong sa iyo na manatiling matapat sa Panginoon.

  • Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo” (“Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 121–22). Pag-isipang mabuti kung paano ka aakayin ng templo kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang 1 Mga Hari 6 at 8.

  • Paano mo mapananatiling nakatuon ang iyong puso sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Suriin ang sarili mong buhay at mga priyoridad habang pinag-aaralan mo ang 1 Mga Hari 11:1–13.

icon ng talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng 2 Samuel 11–12 at 1 Mga Hari 3; 6–9; 11.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Mga Hari 11:1–13 ay maaaring maging magandang pagkakataon para matulungan ang mga estudyante na mapraktis ang “Paghahanap ng mga Sanhi-at-Bunga sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Anyayahan ang mga mag-aaral na ipamuhay ang natututuhan nila. Habang natututuhan ng mga estudyante ang ebanghelyo ng Tagapagligtas, matutulungan sila ng Espiritu Santo na malaman ang mga pagbabagong kailangan nilang gawin sa kanilang buhay. Ang pag-anyaya sa kanilang balikan ang mga mithiing itinakda nila noon ay makatutulong din sa mga estudyante na makita kung paano sila umuunlad at gawin ang mga kinakailangang pagwawasto. Para sa karagdagang kaalaman sa kung paano ito ginawa ng Tagapagligtas, tingnan ang bahaging “Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Iba na Ipamuhay ang Kanyang Itinuro,” sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 27.

2 Samuel 11–12

Ano ang matututuhan ko sa malagim na pagbagsak ni Haring David?

Maaaring magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating miyembro ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ipagpalagay na lilipad ang eroplano ninyo mula sa paliparan sa ekwador at plano ninyong ikutin ang mundo, pero lihis ng isang antas lang ang tatahakin ninyo. Sa sandaling bumalik na kayo sa dating longtitude, gaano na kalaki ang inilihis ninyo? Ilang milya? Isang daang milya? Baka magulat kayo sa sagot. Kahit isang antas lang ang diperensya, aabutin ng halos 500 milya (800 km) ang layo ninyo, o isang oras na biyahe sa eroplano. (“Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Liahona, Mayo 2008, 59)

  • Ano ang ilang tila maliliit na desisyon na maaari nating gawin sa ating buhay na maaaring maglihis sa atin sa huli sa dapat nating tahakin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tuksong maaari nilang maranasan na makakaimpluwensiya sa kanila na lumihis, kahit bahagya lang, sa mga kautusan ng Diyos. Anyayahan sila, habang nag-aaral sila ngayon, na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila kapag nahaharap sila sa mga tukso.

Ipaalala sa mga estudyante na sa tulong ng Panginoon, natalo ni David si Goliat, natulungan niya ang mga Israelita na talunin ang kanilang mga kaaway sa labanan, at napag-isa niya ang mga lipi ng Israel bilang kanilang hari. Gayunpaman, kalaunan ay gumawa si David ng mga sunud-sunod na pagpili na naglihis sa kanya sa espirituwal na landas. Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Samuel 11:1–17, 26–27, at alamin ang mga partikular na pagpiling ginawa ni David.

Maaari mong itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya:

  • Ano ang ilan sa mga desisyong ginawa ni David na humantong sa mas malalaking kasalanan?

  • Ano ang mga matwid na pagpili na dapat sana ay ginawa ni David upang itama ang direksiyon na kanyang tinatahak?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa pagpili ni David na magpatangay sa mahahalay na pagnanasa? (Ang isang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ito: Ang pagpapatangay sa mahahalay at hindi katanggap-tanggap na kaisipan ay maaaring humantong sa mabigat na kasalanan.)

Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante habang iniisip mo kung paano ipagpapatuloy ang aktibidad sa pag-aaral na ito. Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na ideya:

  1. Bigyan ang mga estudyante ng oras para maghanap ng mga resource na makatutulong sa kanila na mas maiwasan ang seksuwal na kasalanan. Kabilang sa mga halimbawa ng mga resource na maaari nilang pag-aralan ay “Ang Pagsisikap na Maging Malinis ay Makapaghahatid ng Napakagagandang Pagpapala” sa Mga Paksa at Tanong, “Kalinisang-puri” (Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo); o ang mga bahaging may pamagat na “Ano ang gagawin sa sandaling iyon” at “Ang inyong katawan ay sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022). Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga natutuhan sa isang ka-partner, sa maliit na grupo, o sa buong klase.

  2. Panoorin ang isa sa mga sumusunod na video: “Watch Your Step” (2:35); “Why Do I Feel So Bad About Myself?” (3:45); o “Can I Do This On My Own?” (3:19). Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga natutuhann nila.

    2:49
    3:45
    3:19
  3. Pag-aralan ang mensahe ni Natan kay David sa 2 Samuel 12:1–10, at ipabahagi sa mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila mula rito. Maaari ding talakayin ng mga estudyante kung paano maituturing na isang pagpapala na hindi natin maitatago ang ating mga kasalanan sa Diyos.

  4. Sabihin sa mga estudyante na isipin na may kakilala sila na nakagawa ng mga seksuwal na kasalanan at hindi na niya nararamdaman na karapat-dapat siya sa pagmamahal at kapatawaran ng Diyos. Anyayahan silang maghanap at magbahagi ng mga banal na kasulatan o mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa sitwasyong ito. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ng mga makatutulong na mga resource ang Isaias 1:18; Doktrina at mga Tipan 58:42–43; o ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund:

Elder Dale G. Renlund

Kapag taos-puso tayong nagsisisi, walang maiiwang espirituwal na pilat, anuman ang nagawa natin, gaano man ito kabigat, o ilang beses man natin itong inulit. Sa tuwing nagsisisi tayo at humihingi ng kapatawaran nang may tunay na layunin, mapapatawad tayo. Kamangha-manghang kaloob ito mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo! Matitiyak sa atin ng Espiritu Santo na napatawad na tayo. Kapag nadarama natin ang kagalakan at kapayapaan, ang pagkakasala ay napapawi, at hindi na tayo pinahihirapan pa ng ating kasalanan. (“Ang Inyong Banal na Katangian at Walang Hanggang Tadhana,” Liahona, Mayo 2022, 76)

Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na isipin ang natutuhan at nadama nila na gusto nilang matandaan. Maaari mong hilingin sa kanila na isulat ang isang tiyak at masusuring plano na gagawin nila ayon sa kanilang natutuhan.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Mga Hari 6; 8

Bakit mahalagang bahagi ng ating pagsamba ang bahay ng Panginoon?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng larawan ng isang templo na gustung-gusto nila at ipaliwanag kung bakit ito ay partikular na makabuluhan sa kanila. O maaari silang magbanggit ng isang templo na inihayag na kinasasabikan nila at ipaliwanag kung bakit. Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Si Jesucristo ang dahilan kung bakit tayo nagtatayo ng mga templo. Ang bawat isa sa mga ito ay Kanyang banal na bahay. Ang paggawa ng mga tipan at pagtanggap ng kinakailangang mga ordenansa sa templo, gayundin ang paghahangad na mas mapalapit sa Kanya roon, ay magpapala sa inyong buhay sa mga paraang hindi magagawa ng ibang uri ng pagsamba. Dahil dito, ginagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya upang mas madaling matanggap ng ating mga miyembro sa iba’t ibang dako ng mundo ang mga pagpapala ng templo. (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127–28)

  • Sa palagay ninyo, paano mapagpapala ng pagsamba sa templo ang inyong buhay sa mga paraang hindi magagawa ng ibang uri ng pagsamba?

Ipaliwanag na matapos maging hari ng Israel si Solomon, hinangad niyang tuparin ang hangarin ng kanyang amang si David na magtayo ng permanenteng bahay para sa Panginoon (tingnan sa 2 Samuel 7:12–13). Ang aktibidad sa pag-aaral na ito ay nakatuon sa mga pagsisikap ni Solomon na itayo at ilaan ang templo sa Jerusalem. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na madagdagan ang kanilang patotoo sa kahalagahan ng pagsamba sa bahay ng Panginoon.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Mga Hari 5:2–5 at 6:11–14, at alamin ang mga katotohanang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa templo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Kabilang sa mga halimbawa ng mga katotohanang maaaring matukoy nila ay ang mga ito: Ang templo ay bahay ng Panginoon at Kung lalakad tayo sa mga daan ng Panginoon, tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako at makakasama natin Siya sa Kanyang templo.

  • Sa palagay ninyo, paano makakaapekto sa inyong pagsamba sa templo ang pag-alaala sa mga katotohanang ito?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan:

paglalarawan sa Templo ni Solomon

Solomon’s Temple [Templo ni Solomon], ni Sam Lawlor

Inilaan ni Solomon ang templo sa Jerusalem

Solomon Dedicates the Temple at Jerusalem [Inilaan ni Solomon ang Templo sa Jerusalem], c. 1896–1902, ni James Jacques Joseph Tissot (French, 1836–1902) o mga tagasunod

Ipaliwanag na nang matapos ang templo, tinipon ni Solomon ang maraming Israelita upang makibahagi sa paglalaan nito. Nang inilagay nila ang kaban ng tipan sa Dakong Kabanal-banalan, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw gaya ng isang ulap na pumuno sa templo. Pagkatapos ay nag-alay ng panalangin si Solomon para ilaan ang templo sa Panginoon (tingnan sa 1 Mga Hari 8:12–53).

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 1 Mga Hari 8:29–40, na naglalaman ng isang bahagi ng panalangin ng paglalaan ni Solomon. Ipahanap sa kanila ang mga pagpapalang hiniling ni Solomon sa Panginoon na ipagkaloob sa mga tao habang sila ay sumasamba sa templo. Para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, maaari mong itanong:

  • Ano ang pinakamakabuluhan sa iyo sa panalanging ito?

Ipaliwanag na tulad noong sinaunang panahon, nangangako sa atin ang Panginoon ng mga dakilang pagpapala para sa pagsamba sa templo. Para matulungan ang mga estudyante na matuto pa tungkol sa mga pagpapalang ito, maaari mo silang anyayahang pumili ng isa sa mga sumusunod na opsiyon, at bigyan sila ng ilang minuto upang:

  1. Pag-aralan ang mga bahagi ng “Ang Banal na Templo—ang Bahay ng Panginoon” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson. Maghanap ng mga ipinangakong pagpapala para sa pagsamba sa templo na partikular na makabuluhan sa inyo.

  2. Pag-aralan ang panalangin ng paglalaan para sa isang templo sa inyong area. Makakakita kayo ng panalangin ng paglalaan sa pamamagitan ng pagpili ng templo sa “Listahan ng mga Templo” sa ChurchofJesusChrist.org/temples.

  3. Pag-aralan ang ilang bahagi ng panalangin sa paglalaan ng unang templo sa ating dispensasyon—ang Kirtland Temple—sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilan sa mga sumusunod na talata: Doktrina at mga Tipan 109:10–19, 22–26, 54–59, 72–80. Maghanap ng mga pagpapala na ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na ninanais ninyo sa inyong buhay.

Kapag natapos na ang sapat na oras ng pag-aaral ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi sa isang ka-partner o sa maliit na grupo ang mga natutuhan nila. Pagkatapos ay ipabahagi sa ilang estudyante ang natutuhan nila sa klase. Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na gaya ng sumusunod:

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pagkakaroon ng mga templo sa lupa tungkol sa pagmamahal at awa ng Diyos?

  • Anong kaibahan ang nagagawa ng pagsamba sa templo sa inyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para mapabuti ang kanilang pagsamba sa templo. Sabihin sa kanila na itala ang kanilang mga plano o ang mga pahiwatig na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Mga Hari 11:1–13

Paano ko mapananatiling nakatuon ang aking puso sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat ang mga naiisip nila.

  • Ano ang ilan sa mga aktibidad na gumugugol ng malaking bahagi ng iyong oras at lakas sa ngayon?

  • Paano ka nagpapasiya sa kung ano ang pinakapagtutuunan mo ng pansin sa iyong buhay?

Ipaalala sa mga estudyante na pagkamatay ni David, ang kanyang anak na si Solomon ang naging hari ng Israel. Sa simula ng paghahari ni Solomon, mapagpakumbaba niyang hinangad ang tulong ng Panginoon at labis Niya siyang pinagpala (tingnan sa 1 Mga Hari 3:5–14, 28). Dalawang beses pa siyang dinalaw ng Panginoon sa panahon ng kanyang paghahari (tingnan sa 1 Mga Hari 9:1–3). Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, ang mga priyoridad ni Solomon ay nagbago, at tinalikuran ng kanyang puso ang Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang salaysay tungkol kay Solomon na isipin kung ano ang ipagagawa sa kanila ng Panginoon para protektahan ang kanilang sarili mula sa katulad na kapalaran.

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Mga Hari 11:1–13, at alamin ang mga detalye tungkol sa huling bahagi ng buhay ni Solomon. (Ipaliwanag na ang “[mga] babaing banyaga” sa 1 Mga Hari 11:1 ay mga babaeng hindi kabilang sa sambahayan ni Israel.) Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang pinakanapansin nila. (Maaari itong magandang pagkakataon para sanayin ang kasanayang “Paghahanap ng mga Sanhi-at-Bunga sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang natutuhan nila, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang nakaambag sa pagbabago ng loob ni Solomon?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo sa espirituwal na pagbagsak ni Solomon? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng katotohanang tulad ng sumusunod: Kung tatalikuran ng ating mga puso ang Diyos at hindi natin susundin ang Kanyang mga kautusan, maaaring mawala sa atin ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala.)

  • Ano ang makatutulong sa atin para makita natin na parang napapalayo na sa Diyos ang ating sariling puso?

Maaari mong hilingin sa klase na gumawa ng listahan sa pisara ng mga impluwensiya o mga pangyayari na maaaring maging dahilan ng paglayo ng puso ng isang young adult sa Diyos.

Anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang ka-partner o maliit na grupo upang lumikha at magsulat ng isang sitwasyon batay sa isa sa mga item sa listahan. Maaaring ipasa ng mga estudyante ang kanilang sitwasyon sa ibang grupo o huwag ipasa ang ginawa nila at pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano maaapektuhan ng mga desisyon ng tao sa sitwasyon ang kanyang kakayahang tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa buhay niya?

  • Anong payo ang maibibigay mo, o anong mga banal na kasulatan ang maibabahagi mo, para matulungan ang taong nasa sitwasyon?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang sitwasyon, pati na rin ang ilan sa mga natutuhan nila mula sa kanilang talakayan.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila magagamit ang mga katotohanang pinag-aralan nila sa mga personal nilang sitwasyon. Maaari ninyong sama-samang kantahin o pakinggan ang himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” (Mga Himno, 80) para matulungan silang pagnilayan ang kanilang mga espirituwal na priyoridad sa kasalukuyan.

Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:

Elder David A. Bednar

Dapat mataimtim at mapanalanging suriin ng bawat isa sa atin ang ating mga temporal at espirituwal na priyoridad upang matukoy ang mga bagay sa ating buhay na humahadlang sa saganang mga biyaya na nais ibigay sa atin ng ating Ama sa Langit at Tagapagligtas. At tunay na tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita kung sino talaga tayo. (“Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 94)

Anyayahan ang mga estudyante na itala ang anumang pagbabago na sa palagay nila ay nais nilang gawin sa kanilang buhay upang mas lubusang ituon ang kanilang mga puso sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”