Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Genesis 37-41


“Genesis 37–41,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

Si Jose ng Egipto na nasa bilangguan

Sinaunang mga Halimbawa/Makabagong mga Pangako, ni Jeff Ward

Genesis 37–41

Dahil sa kanilang inggit, si Jose ay ipinagbili ng kanyang mga kapatid bilang alipin. Si Jose ay naging tagapangasiwa ng bahay ni Potiphar sa Egipto. Ipinakita niya ang kanyang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng paglaban sa tuksong gumawa ng kasalanang seksuwal sa asawa ni Potiphar. Si Jose ay pinaratangan ng asawa ni Potiphar at ibinilanggo, pero nanatiling kasama niya ang Panginoon dahil sa kanyang katapatan. Binigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip ni Faraon, kung saan nagbabala ang Panginoon tungkol sa darating na taggutom. Si Jose ay ginawang pinuno ng Egipto ni Faraon, at nagpatupad siya ng planong mag-imbak ng pagkain bilang paghahanda sa taggutom.

Karagdagang mga Resource

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 37–41

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:

  • Si Jose ng Egipto ay humarap sa maraming pagsubok mula sa murang edad. Habang pinag-aaralan mo ang kabanata 37 at 39–41 ng Genesis, pagnilayan kung paano ka makikinabang at ang mga mahal mo sa buhay sa iyong mga pagsubok.

  • Kung magbibigay ng payo si Jose sa paglaban sa tuksong gumawa ng kasalanang seksuwal, ano sa palagay mo ang sasabihin niya? Isipin ito habang pinag-aaralan mo ang Genesis 39.

  • Sinabi ng Panginoon, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (Doktrina at mga Tipan 38:30). Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 41, pag-isipan kung paano ka maaaring pagpalain ng Panginoon sa iyong paghahanda para sa hinaharap.

icon na talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 37–41.

icon ng pagsasanay ng skill o  kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Genesis 39 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Likening the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natututuhan nila. “Ang pag-aaral ng tungkol sa ebanghelyo ay hindi sapat kung nais ng mga mag-aaral na makayanan ang lahat ng pagsubok na mararanasan nila. Kaya nga hindi tayo dapat mag-atubiling anyayahan ang mga mag-aaral na pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas27). Kapag inaanyayahan mo ang iyong mga tinuturuan na kumilos nang may pananampalataya sa totoong doktrina, binibigyan mo sila ng mga pagkakataong palalimin ang kanilang pagbabalik-loob at maging lalong katulad ni Jesucristo.

Genesis 37, 39–41

Paano magagamit ng Panginoon ang aking mga pagsubok para matulungan ako?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband, pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng pagtulong ng Panginoon sa kanilang buhay:

Elder Ronald A. Rasband

Ang kamay ng Panginoon ay gumagabay sa inyo. Sa “banal na plano,” may impluwensya Siya sa maliliit na detalye ng inyong buhay gayundin sa mahahalagang pangyayari. (“Sa Banal na Plano,” Liahona, Nob. 2017, 57)

Sabihin sa mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang salaysay tungkol kay Jose ng Egipto ngayon, isipin ang mga pagkakataong napansin nilang ginagabayan ng Panginoon ang kanilang buhay sa mga hindi inaasahang paraan. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga karanasan ni Jose bilang alipin sa Egipto, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang isang miyembro ng klase na ibuod ang Genesis 37. (Kung kinakailangan, maaari ding basahin ng mga estudyante ang heading ng kabanata.)

Si Jose ay ipinagbili ng kanyang mga kapatid bilang alipin

Joseph Is Sold by His Brothers [Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid], ni Ted Henninger

Maaari mong ipakita ang sumusunod na talahanayan. Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang isa o higit pa sa mga hanay ng mga talata sa column sa kaliwa, nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Anyayahan silang hanapin at itala ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa iba pang column.

Mga talata

Ano ang nangyari kay Jose?

Paano pinagpala ng Diyos si Jose?

Mga talata

Genesis 39:1–6*

Mga talata

Genesis 39:7–15, 19–23

Mga talata

Genesis 41:1, 8, 14–16, 25

Mga talata

Genesis 41:38–43

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman. Maaari mo ring hilingin sa kanila na ibahagi ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa mga karanasan ni Jose. Maaaring kabilang sa mga sagot ng estudyante ang mga katotohanang tulad ng: Ang Panginoon ay makakasama natin sa lahat ng sitwasyon ng ating buhay. Magagamit ng Diyos ang ating mga pagsubok upang pagpalain ang buhay natin at ang buhay ng iba. (Maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 90:24 at anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano maiaangkop ang mga turo ng Panginoon sa talatang ito sa sitwasyon ni Jose.)

Maaari mo ring itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Kailan mo nakilalang ginagamit ng Diyos ang iyong mga pagsubok para pagpalain ang iyong buhay o ang buhay ng iba?

  • Paano ipinakita ng Diyos na Siya ay nakikibahagi sa maliliit na detalye o malalaking milestone ng iyong buhay?

  • Paano mo mapapanatili ang walang-hanggang pananaw kapag may pinagdaraanan kang mahihirap na sitwasyon o tila hindi lantad ang mga sagot?

Para sa mga karagdagang halimbawa ng mga taong nakaranas ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pagsubok, maaari mong ipanood ang mga video na “Trial of Adversity” (2:40) o “How I Found Out God Loves Me” (5:26).

2:50
1:36

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat ng isang bagay na gusto nilang maalala sa kanilang pagharap sa mga sarili nilang pagsubok. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kakayahan ng Diyos na gamitin ang mga pagsubok upang hubugin ang ating buhay para sa ating ikabubuti.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Genesis 39

Paano ako matutulungan ng Panginoon na mapaglabanan ang mga panunukso na gumawa ng kasalanang seksuwal?

Sabihin sa mga estudyante na isipin na mayroon silang kaibigan na nagsabing “Hindi ko maunawaan kung paano kinakaya ng mga tao na manatiling dalisay ang puri sa mundong tinitirhan natin.”

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Bakit maaaring ganito ang nadarama ng isang tao?

  • Ano sa palagay mo ang maaaring makatulong sa isang taong may ganitong alalahanin?

Ipaliwanag na si Jose ng Egipto ay pinilit ng asawa ni Potiphar na gumawa ng kasalanang seksuwal habang siya ay naglilingkod bilang tagapamahala ng bahay ni Potiphar. Sabihin sa mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang kanyang karanasan na pansinin ang natutuhan nila mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na labanan ang pamimilit o mga tuksong maaari nilang harapin.

Upang matulungang gabayan ang pag-aaral ng mga estudyante ng Genesis 39, ipamahagi ang handout na pinamagatang “Pagkatuto mula sa Halimbawa ng Paglaban sa Tukso ni Jose.” Sabihin sa mga estudyante na gawin ito nang may kapartner o sa maliit na grupo. (Maaari din itong maging magandang lugar para matulungan ang mga estudyante na makapagsanay ng “Likening the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.)

handout na Pagkatuto mula sa Halimbawa ng Paglaban ni Jose sa Tukso

Pagkatapos ng mga talakayan ng mga estudyante, anyayahan ang ilan na ibahagi sa klase ang ilan sa mga ideyang isinulat nila kasama ang kapartner o grupo nila. (Habang nagbabahagi ang mga estudyante, matutulungan mo silang matukoy ang mga katotohanang tulad ng: Ang ating katapatan sa Diyos ay makapagbibigay sa atin ng lakas na labanan ang tukso. Kung aalisin o ilalayo natin ang ating sarili sa mga nakatutuksong sitwasyon, mas magiging malakas tayo na mapaglabanan ang tukso.)

Maaaring mayroon kang mga estudyante na nahihirapang labanan ang tukso at kailangang makadama ng pag-asa na mapagsisihan at madaraig nila ang kanilang mga kasalanan. Magpatotoo tungkol sa mapagmahal, matiyaga, at mapagpatawad na katangian ni Jesucristo “na may kapangyarihang makapagligtas at maglinis sa lahat ng kasamaan” (Alma 7:14). Maaari mong ipanood ang video na “Temptation Fades as We Seek Christ in Every Thought” (2:57) at anyayahan ang mga estudyante na alamin kung paano tayo mabibigyan ng pag-asa ng Tagapagligtas.

2:58

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang maaaring napag-aralan nila:

Gumawa ng plano na makatutulong sa iyo na maiwasan at malabanan ang tukso. Halimbawa, maaari mong:

  1. Isipin ang isang tuksong madalas mong kinakaharap.

  2. Tukuyin ang mga sitwasyong maaaring kailanganin mong iwasan para mabawasan mo ang tukso.

  3. Tukuyin kung paano mo magagawang “tumakas” kapag dumarating ang tukso.

  4. Manalangin para sa lakas at patnubay sa pagdaig sa tuksong ito.

Itala ang iyong plano, at madalas na sumangguni dito sa mga susunod na ilang linggo upang ma-assess ang iyong pag-usad.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Genesis 41

Paano ako higit na makapaghahanda para sa hinaharap?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahayag. Anyayahan ang mga estudyante na suriin ang kanilang sarili sa bawat pahayag, gamit ang scale na 1 (lubos na hindi sumasang-ayon) hanggang 5 (lubos na sumasang-ayon). Hindi ibabahagi sa iba ang kanilang mga sagot.

  1. Nadarama kong may patutunguhan ako sa aking buhay.

  2. Alam ko kung anong mga layunin ang gusto kong makamit sa susunod na 5, 10, at 20 taon.

  3. Mayroon akong mga karanasan sa aking buhay kung saan natulungan ako sa ibang pagkakataon ng pagiging handa.

Habang nakikibahagi ang mga estudyante sa aktibidad sa pag-aaral na ito, anyayahan silang isipin kung paano magdudulot ng kapayapaan at katatagan sa kanila ang pagiging handa sa mga darating na araw.

Ipaalala sa mga estudyante na sa tulong ng Diyos, matagumpay na nabigyang-kahulugan ni Jose ang panaginip ni Faraon na walang iba pang makapagpaliwanag. Sa pamamagitan ng panaginip, binalaan ng Diyos si Faraon tungkol sa paparating na taggutom, at nagrekomenda si Jose ng isang plano ng pagkilos na makatutulong sa kanyang maghanda.

Bilang klase, basahin ang Genesis 41:33–42, 53–57, at alamin ang mga rekomendasyon ni Jose kay Faraon at ang ginawa ni Faraon dahil dito.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa talatang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng sumusunod:

  • Paano pinagpala ng Panginoon si Jose at ang tao sa kanyang paligid?

  • Ano ang katotohanang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo inihahanda ng Panginoon para sa hinaharap? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Sa pamamagitan ng Kanyang mga inspiradong tagapaglingkod, pinayuhan tayo ng Panginoon na maghanda para sa hinaharap.)

Bigyan ng oras ang mga estudyante na hanapin at ibahagi ang payo na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na maaaring makapaghanda sa atin para sa hinaharap sa ilan sa mga sumusunod na aspeto:

  • Espirituwal

  • Intelektuwal

  • Pananalapi

  • Pisikal

  • Emosyonal

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaari mo ring hilingin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang maituturo sa kanila ng mga payong ito tungkol sa mga hangarin ng Tagapagligtas para sa kanila.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Bishop W. Christopher Waddell:

Bishop W. Christopher Waddell

Ngayon, tayo ay pinagpala na mapamunuan ng mga propeta na nakauunawa sa pangangailangan natin na maghanda laban sa mga kalamidad na “sasapit” [Doktrina at mga Tipan 1:17] at kumikilala rin sa mga limitasyon o restriksiyon na maaari nating maranasan sa pagsisikap nating sundin ang kanilang mga payo. …

… Dapat ipamuhay ang mga alituntuning ito [ng paghahanda] “sa karunungan at kaayusan” [Mosias 4:27] upang sa hinaharap ay maaari nating masabi ang sinabi ni Jose sa Ehipto, “May pagkain” [Genesis 41:54].

Hindi inaasahan ng Panginoon na gumawa tayo nang higit sa ating makakaya, ngunit ang inaasahan Niya ay gawin natin ang kaya natin, kapag kaya na natin itong gawin. (“May Pagkain,” Liahona, Nob. 2020, 43)

  • Paano ka pinagpala ng Panginoon habang nagsisikap kang maghanda para sa hinaharap? Paano ka nakinabang sa paghahanda ng iba?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila sinusunod ang mga paanyaya ng Panginoon na maghanda para sa hinaharap. Anyayahan silang pag-isipan ang mga pagsasaayos na maaari nilang gawin batay sa kanilang natutuhan o nadama mula sa Espiritu Santo. Hikayatin silang itala ang kanilang mga mithiin at kumilos ayon sa mga ito.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”