“Genesis 12–17; Abraham 1–2,“ Manwal ng Lumang Tipan para sa Titser ng Institute (2026)
Abraham on the Plains of Mamre [Abraham sa Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson
Genesis 12–17; Abraham 1–2
Hinanap ni Abraham ang Panginoon at hinangad niyang maging tagasunod ng kabutihan. Mahimala siyang iniligtas ng Panginoon at hindi siya naihandog sa mga diyus-diyusan. Nakipagtipan Siyang ibibigay kay Abraham ang lupain, inapo, at mga pagpapala ng priesthood. Ang mga inapo ni Abraham ay magkakaroon ng responsibilidad na pagpalain ang lahat ng bansa sa lupa sa pamamagitan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Ang tipan na ito ay nakilala bilang tipang Abraham. Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, matatanggap natin ang mga pagpapala at responsibilidad ng tipang Abraham.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 12–17; Abraham 1–2”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Sa kabila ng maligalig na kapaligirang kinalakhan niya, hinanap ni Abraham ang Diyos. Sa pag-aaral mo ng Abraham 1:1–19, isipin kung paano mo mas lubos na hahanapin ang Panginoon.
-
Ano ang nalalaman mo sa tipang Abraham? Habang binabasa mo ang Abraham 2, isipin kung ano ang kinalaman ng tipang ito sa iyo.
-
Sino ang kilala mong tagapamayapa? Ano ang natutuhan mo mula sa kanyang halimbawa? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Genesis 13:1–12.
-
Habang pinag-aaralan mo ang karanasan ni Agar sa Genesis 16, isipin ang mga pagkakataon na ipinakita sa iyo ng Diyos na mahal ka Niya at alam Niya ang tungkol sa iyo.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 12–17 at Abraham 1–2.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga mag-aaral na maghangad, makahiwatig, at kumilos ayon sa personal na paghahayag. Tulungan ang iyong mga estudyante na makilala at kumilos ayon sa personal na paghahayag na natatanggap nila mula sa Espiritu Santo. Ang isang paraan para magawa mo ito ay sa pamamagitan ng mga itatanong mo, tulad ng “Ano ang naging mga saloobin o impresyon mo habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito?” o “Ano ang ipinagagawa sa iyo ng Espiritu Santo ngayon?” Upang malaman ang iba pa, tingnan sa “Tinulungan ng Tagapagligtas ang Iba na Maghangad, Makahiwatig, at Kumilos ayon sa Personal na Paghahayag” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 18).
Paano ko mas masigasig na hahanapin ang Panginoon?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf:
Itinuro ni Jesus, “Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo” [Mateo 7:7].
Naniniwala ako na ang simpleng pariralang ito ay hindi lamang espirituwal na pangako; ito ay pagpapahayag ng katotohanan. …
Bihira tayong makahanap ng isang bagay na hindi natin hinahanap. (“Isang Mas Mataas na Uri ng Kagalakan,” Liahona, Mayo 2024, 68)
-
Paano mahuhubog ang ating buhay sa pamamagitan ng ating hinahanap? (Maaari mong hilingin sa mga estudyante na magbahagi ng ilang halimbawa na naglalarawan nito.)
Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming turo tungkol sa kung ano ang nais ng Panginoon na hanapin natin at kung ano ang nais Niyang iwasan nating hanapin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at scripture passage.
Gamit ang scale na mula 1 (hindi talaga nadarama) hanggang 5 (talagang nadarama), suriin kung gaano katindi mo nadaramang naipapakita ng iyong mga pang-araw-araw na pagpili ang bawat isa sa mga sumusunod na scripture passage:
-
“Bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos” (Jacob 2:18).
-
“Isasantabi mo ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” (Doktrina at mga Tipan 25:10).
-
“Inyong hinangad … ang yaong hindi ninyo matatamo; at kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan” (Helaman 13:38).
-
“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 88:63).
Ipaliwanag na matututuhan natin ang mahahalagang aral tungkol sa paghahanap sa Panginoon mula sa salaysay sa aklat ni Abraham. (Kung hindi pamilyar ang mga estudyante sa aklat ni Abraham, maaaring sama-sama ninyong basahin ang “Abraham 3. Ano ang aklat ni Abraham?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Abraham 1:1–7, at alamin kung ano ang hinahangad ni Abraham at ang mga balakid na kanyang kinaharap. Para matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang natutuhan nila, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit kinailangan ni Abraham na “makakuha ng ibang lugar na matitirahan?”
-
Ano ang partikular na hinanap at hinangad ni Abraham na makamit sa kanyang buhay?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Abraham 1:15–20 o Abraham 2:8–13, at alamin kung paano pinagpala si Abraham sa paghahangad sa Panginoon at sa Kanyang mga pagpapala. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na inilarawan sa Abraham 2:8–13 ang isang karanasan ni Abraham kalaunan sa kanyang buhay.)
Pagkatapos mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kapartner na nag-aral ng ibang set ng mga talata:
-
Paano pinagpala ng Panginoon si Abraham sa mga talatang pinag-aralan ninyo? Ano ang inihahayag ng mga pagpapalang ito tungkol sa katangian ng Panginoon?
-
Ano ang natutuhan o nadama ninyo mula sa salaysay na ito na maaaring makatulong sa mga young adult ngayon?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang talakayan sa kanilang kapartner. Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Kung masigasig nating hahangarin ang Panginoon, mahahanap natin Siya. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang mga salita ni Abraham sa Abraham 2:12 na nagpapakita ng katotohanang ito.
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano natin masigasig na hahanapin ang Panginoon? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipanood ang video na “Nourish Your Own Faith” [2:08].)
2:7 -
Anong payo ang ibibigay mo sa isang taong kasalukuyang hindi nakadarama ng labis na hangaring hanapin ang Panginoon?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng karanasan nang masigasig nilang hinanap ang Panginoon at kung paano nila Siya natagpuan.
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natutuhan, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon tungkol sa paghahanap sa Panginoon na gusto mong matandaan?
-
Ano ang isang mithiin na maaari mong itakda upang matulungan kang mas lubos na hanapin ang Panginoon? Paano mo matitiyak na kikilos ka ayon sa kung ano ang madarama mong dapat mong gawin?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot kung hindi gaanong personal ang mga ito. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo ngayong araw.
Ano ang kinalaman ng tipang Abraham sa akin?
Maaari mong ipakita ang larawan ni Abraham na matatagpuan sa simula ng lesson na ito. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Para sa atin mahalaga ang kagalang-galang na pangalan ni Abraham. Binanggit ito nang mas maraming beses sa mga talata ng mga banal na kasulatan ng Panunumbalik kaysa lahat ng mga talata ng Biblia. Iniuugnay si Abraham sa lahat ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 80)
-
Paano nauugnay si Abraham sa lahat ng miyembro ng Simbahan? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na si Abraham ang tinutukoy natin kapag binabanggit ang tipang Abraham. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang Abraham 1:1–7, 15–19 para malaman ang mga sitwasyon na humantong sa pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham.)
Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng kopya ng sumusunod na talahanayan. Maaari nilang kumpletuhin ang talahanayan habang pinag-aaralan nila ang Abraham 2:6–11. Maaari mo ring sabihin sa kanila na pag-aralan ang “Genesis 12:1–3; Abraham 2:6–11. Ano ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.
|
Ano ang mga pangako ng Diyos kay Abraham? |
Ano ang kinalaman sa akin ng mga pangakong ito? |
|---|---|
Ano ang mga pangako ng Diyos kay Abraham? | Ano ang kinalaman sa akin ng mga pangakong ito? |
Ano ang mga pangako ng Diyos kay Abraham? | Ano ang kinalaman sa akin ng mga pangakong ito? |
Ano ang mga pangako ng Diyos kay Abraham? | Ano ang kinalaman sa akin ng mga pangakong ito? |
Maaaring ibuod ng mga estudyante ang natutuhan nila tungkol sa tipang Abraham sa isang kapartner. Maaari mo ring itanong ang mga ito:
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pangakong ito tungkol sa katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa iyong mga responsibilidad bilang miyembro ng Simbahan ngayon? (Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Bilang binhi ni Abraham, responsibilidad nating dalhin ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa lahat ng tao.)
-
Sa anong mga paraan mo matutupad ang iyong mga responsibilidad na nauugnay sa tipang Abraham? (Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ay maaaring makatulong sa talakayang ito.)
Iniutos ng Panginoon na ipalaganap natin ang ebanghelyo at ibahagi natin ang tipan. Ito ang dahilan kaya tayo may mga missionary. Nais Niyang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa sa Kanyang mga anak na piliin ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at tahakin ang landas ng tipan. Nais ng Diyos na iugnay ang lahat ng tao sa tipang ginawa Niya kay Abraham noong sinaunang panahon.
Dahil dito, ang gawaing misyonero ay mahalagang bahagi ng dakilang pagtitipon ng Israel. Ang pagtitipon na iyon ang pinakamahalagang gawain na nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki nito. Walang maikukumpara sa halaga nito. Ang mga missionary ng Panginoon—ang Kanyang mga disipulo—ay nakikibahagi sa pinakamalaking hamon, pinakadakilang layunin, pinakamahalagang gawain sa mundo ngayon.
Ngunit hindi lamang iyon—may iba pa. May malaking pangangailangan na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga tao na nasa kabilang panig ng tabing. Nais ng Diyos na matamasa ng lahat, sa magkabilang panig ng tabing, ang mga pagpapala ng Kanyang tipan. (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 9)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila sa pakikibahagi sa Panginoon sa pagtitipon ng Israel. Hikayatin silang ibahagi kung paano sila pinagpala ng Panginoon o ang iba sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong mga karanasan.
Bigyan ng oras ang mga estudyante na gumawa ng planong gampanan ang kanilang responsibilidad na tipunin ang Israel at ibahagi ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa iba. Hikayatin silang itala ang kanilang plano. Maaari kang mag-follow up sa mga estudyante tungkol sa kanilang pag-usad sa lesson sa hinaharap.
Genesis 13
Paano ako magiging tagapamayapa?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na hindi sila sumang-ayon sa isang tao sa personal o online. Ipakita ang sumusunod na pagsusuri sa sarili, at sabihin sa mga estudyante na tahimik na i-assess kung may posibilidad silang maging tagapamayapa kapag may mahihirap na pag-uusap.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong gamit ang scale na 1 (talagang hindi totoo) hanggang 5 (napakatotoo).
Kapag hindi ako sumasang-ayon sa isang tao …
-
Nahihikayat ako ng hangarin na patunayang tama ako.*
-
Hinahangad kong mapakinggan at maunawaan kung ano ang pinanggagalingan ng iba.
-
Madalas kong sinasabi sa ibang tao kung bakit kailangan niyang magbago.
-
Hinahangad kong makipagkompromiso sa ibang tao upang maging maganda ang kahihinatnan para sa aming dalawa.
Ipaliwanag na matapos manirahan sandali sa Egipto, si Abram (na kalaunan ay tinawag na Abraham) at ang kanyang pamilya ay bumalik sa lupain ng Canaan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 13:1–12 at tukuyin kung bakit nagsimula ang pagtatalo sa pagitan ng mga tao ni Abram.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa tugon ni Abram sa alitan nila ni Lot? (tingnan sa talata 8–11).
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook:
Malinaw ang aral na dapat tayong maging handang makipagkasundo at iwaksi ang alitan tungkol sa mga bagay na walang kaugnayan sa kabutihan upang magkaroon ng payapang mga ugnayan. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, “Hindi kayo maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa” [Mosias 4:13]. Ngunit sa ugaling may kaugnayan sa kabutihan at mga utos sa doktrina, kailangang manatili tayong matatag at hindi natitinag. (“Personal na Kapayapaan sa Mahihirap na Panahon,” Liahona, Nob. 2021, 91)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isang katotohanang natutuhan nila mula sa Genesis 13 at sa pahayag ni Elder Cook. Matutukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Maaari tayong maging mga tagapamayapa sa pamamagitan ng pagiging handang magkompromiso sa mga bagay na walang kabutihan.
-
Ano ang magpapahirap sa pagiging tagapamayapa?
-
Ano ang maaari mong gawin upang maging higit na katulad ng tagapamayapa sa mga taong nakapaligid sa iyo?
Maaaring makatulong na ituro na ang pagiging tagapamayapa ay hindi nangangahulugan na pag-iwas sa hidwaan anuman ang mangyari, at hindi ito nangangahulugan na dapat nating hayaang magsamantala o manakit sa atin ang iba. Para mas maunawaan ng mga estudyante kung paano nila matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagiging tagapamayapa, maaari mong panoorin ang “Blessed Are the Peacemakers” (2:17) o “Peacemakers in Contentious Times” (2:42). Bilang alternatibo, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kailangan ng mga Tagapamayapa” (Liahona, Mayo 2023, 98–101). Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang natuklasan sa isang kapartner o nang magkakasama bilang isang klase.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa isang kapartner o sa maliit na grupo ang kanilang mga sagot sa isa o dalawa sa mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga positibong resulta ang nakita mo habang nagsisikap kang maging tagapamayapa?
-
Paano ka napagpala ng mga pagsisikap ng iba na maging tagapamayapa?
Bilang pagtatapos, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Bigyan ang mga estudyante ng oras na isulat ang kanilang mga sagot:
-
Ano ang ilang sitwasyon sa iyong buhay kung saan maaari kang maging mas mahusay na tagapamayapa?
-
Ano ang isang bagay na sisimulan mong gawin ngayon upang maging tagapamayapa?
Genesis 16
Paano ko malalamang kilala ako ng Diyos?
Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang tulad ng sumusunod: malungkot, pinabayaan, hindi nakikita, hindi nauunawaan, binabalewala. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang huling pagkakataon na naranasan nila ang isa sa mga damdaming ito.
Sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga karanasan nina Agar at Sarai sa Genesis 16 at isipin kung paano sila makahihingi ng tulong sa Panginoon kapag nadarama nilang malungkot sila o hindi sila nakikita.
Ipaliwanag na bagama’t pinangakuan ng Diyos sina Abram at Sarai (na kalaunan ay pinalitan ng Diyos ang mga pangalan ng Abraham at Sara) na magkakaroon sila ng malaking angkan, umabot sa katandaan si Sarai nang hindi nakakapag-anak. Ibinigay ni Sarai ang kanyang alilang babae na si Agar kay Abram bilang isa pang asawa upang tumulong sa pagtupad sa mga pangako ng Panginoon na mga inapo. Maaaring makatulong na ituro na inutusan ng Diyos sina Abram at Sarai na gawin ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:34; Genesis 16:1–3; Tingnan din sa “Genesis 16:1–3. Bakit ibinigay ni Sarai si Agar kay Abram bilang asawa?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan).
Ipabasa nang sabay-sabay sa mga estudyante ang Genesis 16:4–6, at ipahanap sa kanila ang nangyari kina Agar at Sarai.
-
Ano ang iyong madarama kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Agar? Paano naman kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Sarai?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 16:7–16, at alamin ang nangyari pagkatapos umalis ni Agar.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos mula sa karanasan ni Agar? (Maaaring makatulong na ituro na ang ibig sabihin ng pangalan ni Ismael ay “nakikinig ang Diyos” [tingnan sa Genesis 16:11 footnote Beer-lahai-roi.)
Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Naririnig at nakikita tayo ng Panginoon sa ating mga pagsubok at tutulungan Niya tayong malampasan ang mga ito.
-
Ano ang ilang paraan na ipinapakita ng Diyos na nakikita at naririnig Niya tayo?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf:
Hindi kayo nag-iisa sa paglalakbay na ito. Kilala kayo ng inyong Ama sa Langit. Kahit walang sinumang nakikinig sa inyo, pinakikinggan Niya kayo. Kapag nagagalak kayo sa kabutihan, kasama ninyo Siyang nagagalak. Kapag kayo ay puno ng pagsubok, nagdadalamhati Siyang kasama ninyo. (“Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi,” Liahona, Mayo 2013, 127–28)
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga panahon noong nadama nilang alam ng Diyos ang tungkol sa kanila at ang pinagdadaanan nila. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na magbahagi sa klase ng mga karanasang hindi masyadong personal.
Maaari mong tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagpapatotoo na nakikita at naririnig ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak sa kanilang mga pagsubok at pagpapalain Niya sila.