Nakikita ni Gideon ang Tagumpay
Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16
Pagkatapos pumanaw ni Josue, nagpatuloy ang mga lipi ng Israel sa pagsakop nila sa Canaan. Nabigo ang ilan sa mga lipi na itaboy ang lahat ng mga naninirahan sa lupain ng Canaan gaya ng iniutos sa kanila. Iniwan ng ilang Israelita ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsamba sa mga huwad na diyus-diyusan ng mga Cananita, at inalis ng Panginoon ang Kanyang proteksyon sa kanila. Sa kabila ng pagsuway ng mga Israelita, nagbangon ang Panginoon ng mga hukom para iligtas sila mula sa kanilang mga kaaway.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16”
Tandaan: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong padalhan ang mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano makatutulong sa iyo na bumaling sa Diyos ang pag-alam kung sino Siya? Isipin ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang katangian habang pinag-aaralan mo ang Mga Hukom 2–4.
-
Pag-aralan ang Mga Hukom 4 upang makita kung paano binigyang-sigla ng isang matapang na babae ang pananampalataya ng iba. Paano ka mabibigyang-sigla ng kanyang halimbawa na mamuno nang may pananampalataya sa Diyos?
-
Habang pinag-aaralan mo ang Mga Hukom 6–8, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pag-asa kay Jesucristo sa paggawa ng Kanyang kalooban kahit nadarama mong imposible ito.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Mga Hukom 2–4 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Finding Patterns in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang pagtulong sa mga estudyante na mahiwatigan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang buhay ay magpapalakas ng kanilang ugnayan sa Kanila. Upang malaman ang iba pa, tingnan ang “Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo” sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 9.
Mga Hukom 2–4
Paano ko mararanasan ang pagliligtas ng Diyos sa buhay ko?
Maaari mong ituro ang kasanayang “Finding Patterns in the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Upang ipakita ang kahalagahan ng paghahanap ng mga pattern, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at ipatingin sa mga estudyante kung ilang numero ang makikita nila nang magkakasunod, simula sa numero 1, sa loob ng 30 segundo.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung may napansin silang pattern kung paano nakaayos ang mga numero. Kung kinakailangan, ipaliwanag na kung magsisingit ka ng patayo at pahalang na linya sa gitna ng chart para makagawa ng apat na magkakasukat na kuwadrante, makikita mo na ang mga numero ay sumusunod sa isang clockwise na pattern, kung saan makikita ang bawat kasunod na numero sa susunod na kuwadrante (tingnan ang larawan).
Anyayahan ang mga estudyante na maglaan pa ng 30 segundo para ulitin ang hamon at makita ang kaibhang nagagawa nito kapag sumunod sila sa pattern.
Ipaliwanag na ikinukuwento ng aklat ng Mga Hukom ang kasaysayan ng mga Israelita kasunod ng kanilang paninirahan sa lupain ng Canaan at ang pagkamatay ni Josue (tingnan sa “Ano ang aklat ng Mga Hukom?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan). Sa aklat ng Mga Hukom, natutuhan natin ang tungkol sa espirituwal na pattern, o cycle na naranasan ng mga Israelita dahil paulit-ulit nilang sinuway ang mga tagubilin ng Panginoon. Maaari kang magpakita sa pisara ng blangkong diagram ng cycle, tulad ng nasa ibaba. Anyayahan ang mga estudyante na kopyahin ito sa isang piraso ng papel.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata kasama ng isang ka-partner o sa maliit na grupo, at alamin ang huwaran o pattern ng pag-uugali na nangyari sa mga Israelita. Maaaring ibuod ng mga estudyante ang bawat hanay ng mga talata gamit ang isang salita o parirala at pagkatapos ay isulat ang salita o pariralang iyon sa naaangkop na kahon sa kanilang mga diagram.
-
Mga Hukom 3:5–7
-
Mga Hukom 3:8
-
Mga Hukom 3:9 (unang parirala ng talata)
-
Mga Hukom 3:9–11
Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga talata, sabihin sa kanila na ibahagi ang mga salita o parirala na isinama nila sa kanilang mga diagram. Kung kinakailangan, maaari mong ibigay ang mga sumusunod na mungkahi para sa bawat kahon: (1) Kasalanan, (2) Mga Bunga, (3) Pagsusumamo sa Panginoon, (4) Kaligtasan. Maaari mo ring ipahanap sa kanila ang mga karagdagang halimbawa ng cycle o mga bahagi ng cycle sa Mga Hukom 2:10–18; 3:12–15, 26–30; 4:1–4, 14–16. Pagkatapos, maaari mong itanong:
-
Ano ang ilang katotohanang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa cycle na ito sa Mga Hukom? (Kabilang sa mga halimbawa ng mga katotohanang maibabahagi nila ay ang mga ito: Kung pipiliin nating tanggihan ang Panginoon, nanganganib na mawala sa ating buhay ang Kanyang patnubay at proteksyon. Kapag pinili nating bumaling sa Panginoon at manawagan sa Kanyang pangalan, ililigtas Niya tayo.)
Ituro na ang isa sa mga titulo ni Jesucristo ay Tagapagligtas (tingnan sa 2 Samuel 22:2). Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga sitwasyon o pagkakataong kailangan nating magpasagip sa Tagapagligtas. Maaari mong ilista ang kanilang mga sagot sa pisara. (Para sa mga ideya, maaari mong ipaaral sa mga estudyante ang Alma 36:27–29; 38:5.)
-
Ano ang ilang pagkilos na magagawa natin upang matulungan tayong matanggap ang pagliligtas ng Tagapagligtas? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong pag-aralan ang Mosias 7:33; 29:20; Alma 58:10–11.)
-
Ano ang mga halimbawa ng pagliligtas ng Tagapagligtas na naiisip ninyo sa mga banal na kasulatan, sa buhay ng mga kilala ninyo, o sa sarili ninyong buhay?
Maaari mong patingnan ulit sa mga estudyante ang diagram ng cycle mula sa naunang aktibidad. Maaari mong isulat ang Ako sa pisara sa gitna ng cycle. Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung nasaan sila sa cycle sa kasalukuyan at pag-isipan ang mga sitwasyon sa kanilang buhay kung saan kailangan nila ang pagliligtas ng Tagapagligtas. Hikayatin silang itala ang mga pagkilos na maaari nilang gawin para anyayahan ang pagliligtas ng Tagapagligtas sa kanilang buhay.
Mga Hukom 4
Paano makakaimpluwensya sa iba ang aking pananampalataya kay Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga indibiduwal na pinaka-nakaimpluwensya sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Maaari silang magsama ng mga partikular na katangian, pag-uugali, o kilos ng mga indibiduwal na ito na nagbigay-inspirasyon sa kanila. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang halimbawa sa klase.
Ipaalala sa mga estudyante na ang aklat ng Mga Hukom ay naglalarawan ng maraming pagkakataon na nahulog ang mga Israelita sa kasalanan matapos makapasok sa lupang pangako. Dahil dito, hindi na sila pinrotektahan ng Panginoon mula sa kanilang mga kaaway. Nang magsisi ang mga Israelita, nagbangon ang Panginoon ng mga hukom upang iligtas sila. Ang isa sa mga hukom na ito ay si Debora, na isang babaeng may malaking pananampalataya. Habang pinag-aaralan nila ang salaysay tungkol kay Debora, anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano sila maaaring maging halimbawa ng pananampalataya sa kanilang mga kaibigan, pamilya, o sa iba pa.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Hukom 4:4; 5:7 upang mahanap ang dalawa sa mga titulo ni Debora. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang babaeng propeta ay “isang babae na nakatatanggap ng patotoo tungkol kay Jesus at nagtatamasa ng diwa ng paghahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propetisa,” Gospel Library).
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mga Hukom 4:1–15, at alamin ang impluwensya ni Debora sa mga tao sa kanyang paligid. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang ilan sa mga salita o kilos ni Debora na nagpakita ng kanyang pananampalataya sa Panginoon?
-
Paano naimpluwensyahan ng pananampalataya ni Debora si Barak at ang iba pa? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag kumikilos tayo nang may pananampalataya sa Panginoon, matutulungan natin ang iba na magkaroon ng lakas na sumunod sa Kanya.)
Tulungan ang mga estudyante na isipin kung paano nila matutularan ang halimbawa ng pananampalataya ni Debora. Ang isang paraan kung paano mo ito magagawa ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na pahayag at ng mga kaukulang tanong at paanyaya nito. Anyayahan ang mga estudyante na itala ang kanilang mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga naka-bullet na item.
-
Ang pananampalataya ni Debora sa Panginoon ay nakatulong sa kanya na kumilos nang may tapang at lakas ng loob. Ano ang mahihirap na bagay na nagagawa mo nang may tapang dahil sa iyong pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang magagawa mo para madagdagan ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
-
Umasa si Debora sa Panginoon habang pinamumunuan niya ang Israel sa panahon ng matinding hirap. Paano nagbibigay sa iyo ng lakas ang pag-asa kay Jesucristo? Paano makatutulong ang iyong pananampalataya na palakasin ang iba sa mahihirap na panahon?
-
Ang pananampalataya ni Debora sa Panginoon ay nagpalakas sa iba. Gumawa ng listahan ng mga bagay na alam mo tungkol kay Jesucristo—mula sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, o sa sarili mong mga karanasan. Sino ang kailangang makaalam nito? Paano mo ito ibabahagi?
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng ilang ideya na naitala nila. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.
Mga Hukom 6–8
Ano ang pagkakaibang magagawa ng pag-asa sa Panginoon sa aking buhay?
Ipakita ang sumusunod na diagram:
Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na isipin kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa linya sa bawat isa sa mga sumusunod na sitwasyon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magmungkahi ng mga karagdagang sitwasyon.
-
Pagpapasiya sa isang propesyon
-
Pagtanggap ng edukasyon
-
Pagharap sa mga hamon o pagsubok
-
Pagbuti bilang isang tao
-
Pagsagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo
Ipaliwanag na inilalarawan sa Mga Hukom 6 ang isang panahon kung kailan nalimutan ng mga Israelita ang Panginoon at nawala sa kanila ang Kanyang mga pagpapala. Sa loob ng pitong taon, inapi ng mga Midianita ang mga Israelita. Sa kawalan ng pag-asa, sa wakas ay humingi sila ng tulong sa Panginoon (tingnan sa Mga Hukom 6:1–7). Pagkatapos maalala ng mga Israelita ang Panginoon at magsumamo sa Kanya, nagbangon Siya ng isang matwid na lalaking nagngangalang Gideon upang iligtas sila mula sa kanilang mga kaaway. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na higit pang umasa sa Panginoon habang pinag-aaralan nila ang salaysay tungkol kay Gideon.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Hukom 6:11–16, 24–27, na inaalam ang mga tagubilin ng Panginoon kay Gideon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang mahalaga para sa kanila mula sa mga talatang ito. Maaari ka ring magtanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa inyo tungkol sa Panginoon?
-
Ano kaya ang itinuturo ng Panginoon kay Gideon at sa mga tao sa Kanyang mga tagubilin sa talata 25–27?
Ipaliwanag na tinanggap ni Gideon ang tawag ng Panginoon na pamunuan ang Israel laban sa mga Midianita. Maaaring makatulong na ituro na ang hukbo ng mga Israelita noong una ay may 32,000 kalalakihan (tingnan sa Mga Hukom 7:3), habang ang hukbo ng Midianita ay may 135,000 kalalakihan (tingnan sa Mga Hukom 8:10).
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata at talakayin ang mga kasamang tanong sa isang ka-partner.
-
Bago ang digmaan: Mga Hukom 7:2–7
-
Sa panahon ng digmaan: Mga Hukom 7:15–21; 8:28
-
Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Gideon, ano ang ilang tanong o alalahanin na maaaring naisip mo bago at sa panahon ng digmaan?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pag-asa sa Panginoon mula sa salaysay tungkol kay Gideon?
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga pananaw mula sa mga talakayan sa klase. Habang nagbabahagi sila, maaaring mabanggit ng mga estudyante ang katotohanang tulad nito: Kapag umaasa tayo sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo ng Kanyang lakas.
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong ipakopya sa kanila ang sumusunod na chart. Anyayahan silang talakayin sa isang ka-partner o sa maliit na grupo ang iba’t ibang paraan kung paano nila makukumpleto ang bawat kahon sa chart.
|
Mga sitwasyong kinakailangan nating umasa sa Panginoon: |
Mga paraan kung paano tayo makakaasa sa Panginoon: |
|
Bakit tayo makakaasa sa Panginoon: |
Mga paraan kung paano tayo mapapalakas ng Panginoon: |
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga bagay na isinulat nila sa kanilang chart. Maaari mo ring itanong ang mga tulad nito:
-
Anong mga talata o salaysay sa mga banal na kasulatan ang nagbibigay-inspirasyon sa inyo na umasa sa Panginoon? (Kung kinakailangan, maaari kang magmungkahi ng ilang halimbawa, tulad ng Mga Kawikaan 3:5–6; Filipos 4:13; Alma 26:12; Eter 12:27.)
-
Kailan kayo pinalakas ng Panginoon nang higit pa sa sarili ninyong kakayahan?
Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, dinaig ng Panginoong Jesucristo ang sanlibutan. Samakatuwid, Siya ay “may kapangyarihang … maglinis sa [inyo] sa lahat ng kasamaan” (Alma 7:14). Ililigtas Niya kayo mula sa inyong pinakamasasakit na sitwasyon sa Kanyang sariling paraan at panahon. Kapag lumapit kayo sa Kanya nang may pananampalataya, gagabayan, iingatan, at poprotektahan Niya kayo. Pagagalingin Niya ang inyong sawing puso at aaliwin kayo sa inyong kalungkutan. Tutulungan Niya kayong matanggap ang Kanyang kapangyarihan. At gagawin Niyang posible ang imposible sa inyong buhay. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library)
Banggitin ang arrow diagram mula sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bahagi sa kanilang buhay kung saan maaaring pinipili nilang umasa nang labis sa sarili nilang kakayahan. Hikayatin silang isulat ang anumang naisip o espirituwal na impresyon nila tungkol sa kung paano sila higit na makakaasa sa Panginoon.