Sina Josue at Caleb: Mga Masunuring Espiya
Mga Bilang 11–14; 20–24; 27
Habang naglalakbay ang mga Israelita sa ilang, napagod si Moises sa pagbulung-bulong nila at humingi siya ng tulong sa Panginoon. Dahil dito, pumili ang Panginoon ng 70 lider para tulungan si Moises na mamahala sa Israel. Nagsalita sina Miriam at Aaron laban kay Moises, at pinarusahan sila ng Panginoon dahil sa pagsasalita laban sa Kanyang piniling tagapaglingkod. Nagpadala si Moises ng 12 espiya upang magmanman sa lupain ng Canaan at magbalik para mag-ulat; dalawa lamang sa kanila, sina Caleb at Josue, ang may pananampalatayang matutulungan sila ng Panginoon na matagumpay na malupig ang lupain gaya ng ipinangako Niya. Bilang tugon, ipinahayag ng Panginoon na ang mga anak ni Israel ay maglalakbay sa ilang hanggang sa pumanaw ang lahat ng nakatatanda maliban kina Caleb at Josue. Nagpadala ang Panginoon ng mga makamandag na ahas upang pahirapan ang mga Israelita na patuloy na bumubulung-bulong sa ilang. Inutusan Niya si Moises na magtaas ng isang ahas na tanso sa isang kahoy na mahaba o tikin. Ang mga tumingin sa ahas na tanso, na sumisimbolo kay Jesucristo, ay gumaling.
Mga Karagdagang Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Mga Bilang 11–14; 20–24; 27”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang sumusunod na mga pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o higit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Habang pinag-aaralan ang Mga Bilang 11–12 at 27:1–7, pagnilayan ang mga pagkakaiba sa pagitan ng personal na paghahayag at paghahayag mula sa mga propeta ng Panginoon. Bakit mahalaga ang dalawang ito?
-
Paano maiiba ang inyong buhay kung palagi kayong magtitiwala na tutulungan kayo ng Tagapagligtas? Pagnilayan kung paano kayo magkakaroon ng higit na pananampalataya sa Kanya habang pinag-aaralan ninyo ang Mga Bilang 13–14.
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang Mga Bilang 21:4–9, isipin kung paano makatutulong ang pag-asa sa Tagapagligtas kapag nasasaktan kayo o nangangailangan kayo ng pagpapagaling.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante para magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Mga Bilang 11–14; 20–24; 27.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Mga Bilang 21:4–9 ay maaaring makatulong sa paggamit ng kasanayang “Pag-uugnay ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang nakalaan para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input mula sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Magpatotoo nang madalas, at anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga nadarama, karanasan, at patotoo. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga damdamin, karanasan, at patotoo, ang Espiritu Santo ay magpapatotoo tungkol sa katotohanang sinasabi nila. Upang matuto pa tungkol sa kapangyarihan ng pagbabahagi ng patotoo, tingnan sa “Ang Tagapagligtas ay Nagpatotoo sa mga Tinuruan Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 19).
Mga Bilang 11–12; 27:1–7
Bakit pareho kong kailangan ang personal na paghahayag at paghahayag mula sa mga propeta ng Panginoon?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon at talakayin ang mga kaugnay na tanong:
Kailan lamang ay naguguluhan si Rachel sa ilan sa mga turo ng mga lider ng Simbahan. May kumpiyansa siya na makatatanggap siya ng personal na paghahayag para sa mga desisyon at tanong na mayroon siya. Dahil dito, nagtataka siya kung bakit mahalaga ang patnubay na nagmumula sa mga propeta.
-
Ano kaya ang kailangang maunawaan ni Rachel tungkol sa personal na paghahayag?
-
Ano ang kailangang maunawaan ni Rachel sa kung bakit tumatawag ang Diyos ng mga propeta?
Sa aktibidad sa pag-aaral na ito, hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano nakikipag-ugnayan ang Diyos sa kanila sa pamamagitan ng personal na paghahayag at sa pamamagitan din ng mga salita ng Kanyang mga propeta.
Ipaliwanag na pagkatapos ng isang taong paglalakbay sa ilang, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises matapos silang masuya sa pagkain ng manna. Napagod si Moises sa kanilang pagbulung-bulong at humingi siya ng tulong sa Panginoon. Dahil dito, pumili ang Panginoon ng 70 lider para tulungan si Moises na pamahalaan ang Israel (tingnan sa Mga Bilang 11:1–17).
Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Bilang 11:24–29, at alamin ang nangyari matapos piliin ni Moises ang 70 elder. Maaari mo ring itanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niyang gusto niyang “ang buong bayan ng Panginoon ay maging mga propeta”? (Mga Bilang 11:29).
Ipaliwanag na hindi sinasabi ni Moises na gusto niyang mamuno ang bawat tao at tumanggap ng paghahayag para sa kampo ng Israel. Sa halip, marahil ay ipinapahayag niya ang hangarin na mamuhay ang kanyang mga tao nang karapat-dapat na tumanggap ng paghahayag para sa sarili nilang buhay (tingnan sa “Mga Bilang 11:24–29; 12:1–15. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niyang gusto niyang maging propeta ang lahat ng tao?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan).
Upang tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pangangailangang magabayan ng propesiya at personal na paghahayag, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund:
Tulad ng mga piloto, kailangan nating maunawaan ang framework kung saan kumikilos ang Espiritu Santo para makapaglaan ng personal na paghahayag. Kapag kumilos tayo sa loob ng framework, maaaring makapagbigay ang Espiritu Santo ng nakamamanghang mga kabatiran, direksyon, at kapanatagan. Sa labas ng framework na iyan, gaano man tayo kagaling o katalino, maaari tayong malinlang at masaktan sa kabiguan. …
Ang mga doktrina, kautusan, at paghahayag para sa Simbahan ay pribilehiyo ng buhay na propeta, na tumatanggap sa mga ito mula sa Panginoong Jesucristo. Iyon ang runway ng propeta. …
Ang personal na paghahayag ay para sa mga indibiduwal. Makatatanggap kayo ng paghahayag, halimbawa, kung saan titira, kung anong trabaho ang kukunin, o kung sino ang pakakasalan. Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring magturo ng doktrina at magbahagi ng inspiradong payo, ngunit ang responsibilidad para sa mga desisyong ito ay nasa inyo. Iyon ang paghahayag na tatanggapin ninyo; iyon ang inyong runway. (“Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2022, 16, 17)
-
Ano ang ilang katotohanang matututuhan natin tungkol sa paghahayag mula sa Mga Bilang 11 at sa mga turo ni Elder Renlund? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad nito: Maaaring tumanggap ng paghahayag ang bawat miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling propeta.)
Maaari mong gamitin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga katotohanang ito:
-
Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang mga ginawa nina Aaron at Miriam sa Mga Bilang 12:1–8 sa mga anak na babae ni Zelofehad sa Mga Bilang 27:1–7. Ipaliwanag na madalas lumapit ang mga tao kay Moises nang may mga alalahanin upang ‘sumangguni sa Diyos’ at tulungan silang ‘[malaman] ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan’ (tingnan sa Exodo 18:15-16). Maaaring talakayin ng mga estudyante kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga salaysay na ito tungkol sa ugnayan ng personal na paghahayag at pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.
-
Bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-aralan ang tungkol sa kung paano tayo pinagpapala ng personal na paghahayag at ng paghahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari mo silang bigyan ng oras para pag-aralan ang mga bahagi ng isa sa mga sumusunod na mensahe: Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96 o Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 83–86.
Kapag tapos na ang mga estudyante sa pag-aaral, sabihin sa kanila na ituro sa bawat ka-partner o sa maliit na grupo ang nalaman nila. Maaari din ninyong talakayin bilang isang klase ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng huwaran ng Panginoon para sa personal na paghahayag at paghahayag mula sa propeta tungkol sa Kanya?
-
Paano pinagpala ang inyong buhay ng personal na paghahayag at ng paghahayag sa pamamagitan ng propeta ng Panginoon?
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng patnubay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga propeta at paghahangad ng personal na paghahayag.
Mga Bilang 13–14
Paano ako matutulungan ng Panginoon na madaig ang aking mga takot?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at itala ang kanilang mga naiisip tungkol sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano maaapektuhan ng takot ang aking kaugnayan sa Diyos?
-
Ano ang maaari kong kayang gawin kung may higit akong pananampalataya kay Jesucristo?
Maaari mong iwan sa pisara ang mga tanong na ito sa buong aktibidad at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at magdagdag sa kanilang mga sagot habang pinag-aaralan nila ang Mga Bilang 13–14.
Ipaliwanag na pagkatapos maglakbay ng mga anak ni Israel sa ilang, dinala sila ng Panginoon sa hangganan ng lupain ng Canaan, na siyang lupang pangako. Sinabi sa kanila ng Panginoon na kakailanganin nilang malupig ang lupain upang makuha ito. Inutusan Niya si Moises na pumili ng isang tao mula sa bawat labindalawang lipi upang siyasatin ang lupain at magbalik para mag-ulat ng nalaman nila (tingnan sa Mga Bilang 13:1–25).
Maaari mong idispley ang sumusunod na talahanayan sa pisara o sabihin sa mga estudyante na gumawa ng sarili nilang kopya. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talata at isulat ang mga salita o parirala mula sa mga banal na kasulatan na maaari nilang ilagay sa pangalawang column.
|
Kaganapan |
Paglalarawan |
|---|---|
Kaganapan Ang ulat ng sampung espiya | |
Kaganapan Ang tugon ng mga tao | |
Kaganapan Ang ulat nina Caleb at Josue |
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga salita o pariralang isinulat nila. Maaari mong ipatala sa isang estudyante ang mga sagot ng mga miyembro ng klase sa pisara. Maaari mo ring itanong:
-
Ano ang pinakanapansin ninyo sa tugon nina Josue at Caleb?
-
Ano ang matututuhan ninyo sa kanilang tugon na makatutulong sa inyo kapag nahaharap kayo sa mga alanganing sitwasyon? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pagtitiwala sa Panginoon ay makatutulong sa atin na makita ang ating mga hamon nang may pananampalataya sa halip nang may takot.)
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tagubilin. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad na ito nang may ka-partner.
-
Maghanap ng halimbawa mula sa buhay ni Jesucristo na nagpapakita kung paano Siya tumugon sa isang sitwasyon na karaniwang makapagdudulot ng takot.
-
Talakayin ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa halimbawang ito. Paano kayo matutulungan ng Kanyang halimbawa kapag nakararanas kayo ng takot?
Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilan na magbahagi sa klase ng kanilang mga kabatiran. Maaari mo ring anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang karanasan kung saan nalampasan nila ang isang nakatatakot na sitwasyon nang dahil sa kanilang pagtitiwala sa Tagapagligtas. (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipanood ang video na “Be Not Troubled [Huwag Kayong Mabagabag]” [4:30].)
Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan ang kanilang mga kasalukuyang kalagayan at ang mga bagay na maaaring kinatatakutan nila. Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tagubilin at sabihin sa mga estudyante na itala ang kanilang mga sagot:
-
Tukuyin ang isang aspeto sa inyong buhay na nagdudulot sa inyo ng takot.
-
Magpasiya kung paano ninyo maaaring harapin ang bahaging ito ng inyong buhay nang may higit na pananampalataya sa Tagapagligtas.
-
Itala ang iyong plano.
Mga Bilang 21:4–9
Ano ang nangyayari kapag umaasa ako kay Jesucristo?
Magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:
Naghahanap tayo ng kaligayahan. Nangangarap tayo ng kapayapaan. Umaasam tayo ng pagmamahal. At binubuhusan tayo ng Panginoon ng kamangha-mangha at saganang mga pagpapala. Ngunit kasabay ng kagalakan at kaligayahan, isang bagay ang tiyak: magkakaroon ng mga sandali, oras, araw, kung minsa’y taon na masusugatan ang inyong kaluluwa. (“Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 84)
Maaari mong itanong sa mga estudyante ang sumusunod at sabihin sa isa sa kanila na ilista sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase.
-
Anong mga impluwensya o hamon ang maaaring magdulot sa isang young adult na madama na emosyonal o espirituwal siyang nasasaktan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung saan sila madalas bumaling kapag nasusugatan ang kanilang mga kaluluwa. Hikayatin sila habang nag-aaral sila ngayon na maging sensitibo sa mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanilang mga sitwasyon.
Ipaliwanag na habang naglalakbay ang mga Israelita sa ilang, nagreklamo sila sa Diyos at nasuya sa manna na Kanyang inilaan. Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Bilang 21:4–9, at alamin ang mga tugon ng Panginoon sa pagbubulung-bulong ng mga Israelita. Ipabahagi sa mga estudyante kung ano ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang ibang mga talata sa banal na kasulatan ay nagbibigay ng mahahalagang karagdagang detalye tungkol sa salaysay na ito. Idispley ang mga sumusunod na scripture reference. Ipabasa sa mga estudyante ang bawat talata at magsulat ng isang buod na pangungusap na idinaragdag ng bawat talata sa kanilang pang-unawa ng salaysay sa Mga Bilang 21. (Para magamit ang kasanayang “Pag-uugnay ng mga Banal na Kasulatan,” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na digital na iugnay ang mga banal na kasulatang ito sa Mga Bilang 21:4–9 sa Gospel Library o isulat ang mga reference sa margin ng banal na kasulatan nila bilang mga cross-reference.)
-
Juan 3:14–16
Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante upang mag-aral, anyayahan silang ibahagi sa ka-partner o sa maliit na grupo ang mga nalaman nila. Maaari mong idispley ang sumusunod na larawan sa kanilang talakayan.
Kaliwa: The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson (detalye). Kanan: Moses and the Brass Serpent [Si Moises at ang Ahas na Tanso], ni Judith Mehr (detalye)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa mga katotohanang nalaman nila mula sa kanilang pag-aaral at talakayan. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang maraming alituntunin, kabilang na ang sumusunod: Kung aasa tayo kay Jesucristo nang may pananampalataya, tayo ay mapapagaling.
Maaari mong itanong ang mga sumusunod upang tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito:
-
Ano ang mga partikular na paraan na makaaasa tayo kay Jesucristo para sa pagpapagaling? (Maaari kang magpahanap o magpabahagi sa mga estudyante ng mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa pagsagot sa tanong na ito.)
-
Ano ang maaaring magpahirap sa pag-asa kay Jesucristo? Paano natin madaraig ang mga hamong ito?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang karanasan sa kanilang buhay noong pinili nilang umasa kay Jesucristo para sa pagpapagaling. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan kung hindi gaanong personal ang mga ito.
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito. (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127)
Bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-isipan kung paano nila maaaring nadama na dapat nilang ipamuhay ang natutuhan nila ngayon. Hikayatin silang isulat ang anumang plano at espirituwal na impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.