Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Moises 1; Abraham 3


“Moises 1; Abraham 3,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

Photographic illustration of the pre-mortal Jesus Christ (seen from the back) wearing a white robe.   He has His arms extended as he looks at a darkened expanse of space filled with stars.

In the Beginning Was the Word [Sa Simula ay ang Salita], ni Eva Timothy

Moises 1; Abraham 3

Nangungusap para sa Ama sa Langit, nakipag-usap si Jesucristo kay Moises nang harapan. Mula kay Jesucristo, nalaman ni Moises ang tungkol sa kanyang identidad o pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos at na may gawain ang Panginoon para sa kanya. Ipinakita rin ng Panginoon kay Moises ang mga daigdig na hindi mabilang at sinabi kay Moises na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Nalaman ni Abraham ang tungkol sa kaayusan ng mga bituin at ang konseho sa langit. Itinuro ng Panginoon kay Abraham na maraming marangal at dakilang espiritu ang inorden noon pa man sa buhay bago tayo isinilang.

Karagdagang mga Resource

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Moises 1; Abraham 3

Tandaan: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:

  • Anong mga label at identifier ang madalas mong gamitin para ilarawan ang iyong sarili? Habang pinag-aaralan mo ang Moises 1:1–11, ano ang natututuhan mo tungkol sa iyong identidad o pagkakakilanlan?

  • Mahirap bang madaig o malampasan ang mga tukso ni Satanas? Pag-aralan ang Moises 1:12–22, at pag-isipan kung paano ka matutulungan ni Jesucristo. Maaari mo ring panoorin ang “I Am a Son of God” (6:30); Gospel Library.

    6:34
  • Itinuro ng Panginoon kay Moises na ang kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Habang pinag-aaralan mo ang Moises 1:27–40, pag-isipan kung ano ang ginagawa Niya para maisakatuparan ang iyong kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

  • Naisip mo na ba kung ano ang pakiramdam sa o hitsura noon ng buhay bago tayo isinilang? Tingnan kung anong mga kabatiran ang makukuha mo sa Abraham 3:22–28.

icon na talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Moises 1 at Abraham 3.

icon ng pagsasanay ng skill o  kasanayan
Pagsasanay ng Skill o Kasanayan

Ang Moises 1:12–22 ay maaaring magandang paggamitan ng skill o kasanayang “Looking for Contrasts in the Scriptures,” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Ang Abraham 3 ay maaaring magamit kasabay ng skill o kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures.”

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming aktibidad sa pag-aaral ang ibinigay para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga mag-aaral na makahanap ng personal na kaugnayan sa doktrina ni Jesucristo. “Habang isinasaalang-alang mo ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo, pag-isipan kung paano magiging makabuluhan at kapaki-pakinabang sa kanilang mga sitwasyon ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan. … Hikayatin sila [ang mga mag-aaral] na iugnay ang mga turo ng Tagapagligtas sa sarili nilang buhay. Maaari mo ring ibahagi kung paano mo naiugnay ang sarili mong buhay sa itinuturo mo. Ang paggawa nito ay makapag-aanyaya sa Espiritu na turuan ang bawat mag-aaral kung paano makagagawa ng kaibhan ang doktrina sa kanilang buhay” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas” [2022], 23).

Moises 1:1–11

Paano magdudulot ng higit na layunin sa buhay ko ang pagkaunawa sa aking tunay na pagkatao?

Isulat ang pariralang Sino ako? sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang iba’t ibang paraan na masasagot nila ang tanong na ito. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

  • Paano makakaapekto sa iyong buhay at sa mga pagpiling gagawin mo ang mga paraan ng pagkakilala mo sa iyong sarili?

Ipaliwanag na habang nakikipag-usap si Moises sa Panginoon, natutuhan niya ang mahahalagang katotohanan tungkol sa kung sino siya. (Maaaring mahalagang tukuyin na sa Moises 1, nangungusap si Jesucristo sa ngalan ng Ama sa Langit. Ang awtoridad na magsalita para sa Ama sa Langit ay tinatawag na banal na pagkakaloob ng awtoridad [tingnan sa “Moises 1:2–8. Sino ang kumakausap kay Moises?Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan]).

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Moises 1:1–11 at isiping markahan ang natutuhan ni Moises at kung paano naaangkop ang mga katotohanang ito sa kanilang sarili.

  • Anong mga katotohanan ang nalaman ni Moises tungkol sa kanyang sarili na makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung sino ka talaga? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ako ay anak ng Ama sa Langit. Alam Niya ang pangalan ko, at may gawain Siya para sa akin.)

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang paniniwala sa mga katotohanang ito sa iniisip mo tungkol sa iyong sarili? Paano ito maaaring makaimpluwensya sa pagtingin mo sa iba? Paano ito maaaring makaimpluwensya sa pagtingin mo sa Diyos?

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos, sama-samang talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon ngayong gabi, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao. Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos” [Mga Himno, blg. 301]. Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? May nadaig ba kayong tukso dahil sa katotohanang ito?

Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library.)

  • Ano ang tumatak sa isipan mo mula sa mga turo ni Pangulong Nelson? Bakit?

  • Sa palagay mo, bakit “nakakaapekto sa halos lahat ng desisyon na gagawin mo” ang pag-alala sa iyong identidad o pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan ang pag-unawa sa kanilang tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos ay nakaimpluwensya sa isang desisyong ginawa nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ding mag-isip ang mga estudyante ng desisyon na kailangan nilang gawin—ngayon o sa hinaharap—at itala kung paano makakaapekto ang mga katotohanang natutuhan nila ngayon sa desisyong iyon. Hikayatin silang kumilos ayon sa kanilang mga espirituwal na impresyon.

Paalala: Depende sa kung paano umunlad ang inyong talakayan, maaaring makatulong na ipaliwanag kung paano pinalakas si Moises, nang harapin niya si Satanas, ng pag-alam sa kanyang tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos (tingnan sa Moises 1:13). Maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang Moises 1:12–22 at maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang kaalaman ni Moises tungkol sa kanyang banal na pagkatao.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Moises 1:12–22

Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas na madaig o malampasan ang mga tukso ni Satanas?

Maaari ninyong sama-samang talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang pakikipaglaban sa kasalanan ay totoo. Lalong pinatitindi ng kaaway ang kanyang mga ginagawa para pahinain ang mga patotoo at hadlangan ang gawain ng Panginoon. Binibigyan niya ang kanyang mga kampon ng napakalakas na mga sandata para hadlangan tayo na matanggap ang kagalakan at pagmamahal ng Panginoon. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68)

  • Ano ang ilan sa mga “makapangyarihang sandata” na ginagamit ni Satanas laban sa mga young adult ngayon? (Maaari kang gumawa ng listahan ng mga sagot ng mga estudyante sa pisara.)

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sarili nilang mga personal na pagsisikap upang mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas. Hikayatin silang humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo upang matukoy ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na tumanggap ng higit na lakas para maiwasan at mapaglabanan ang tukso.

Ipaalala sa mga estudyante na nang kausapin ni Moises ang Panginoon nang harapan, nalaman niya na anak siya ng Diyos at na may gawain ang Diyos para sa kanya (tingnan sa Moises 1:1–11). Pagkatapos ng sagradong karanasang ito, “dumating si Satanas na tinutukso siya” (Moises 1:12).

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 1:12–24, na inaalam ang ginawa ni Moises para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas. Maaari mo rin silang hikayatin na bigyang-pansin ang pagkakaibang napuna ni Moises sa pagitan ng Panginoon at ni Satanas. (Para sa iba pang ideya tungkol sa kung paano matutulungan ang mga estudyante na gamitin ang kasanayang ito, tingnan sa “Looking for Contrasts in the Scriptures,” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.)

Itanong ang mga sumusunod para maanyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito:

  • Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa iyo kapag nahaharap ka sa tukso? (Maaari mong ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsulat ng isang katotohanang tulad ng sumusunod sa pisara: Matatanggap natin ang tulong ng Diyos na madaig ang impluwensya ni Satanas kapag naunawaan at naalala natin ang ating pagkatao bilang mga anak ng Diyos, naaalala ang mga nakaraang espirituwal na karanasan, at nananawagan sa Diyos para sa lakas.)

  • Ano ang iba pang paraan kung paano natin maaaring gamitin ang kapangyarihan ng Diyos upang mapaglabanan ang impluwensya ni Satanas? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa pagsagot sa tanong na ito. Kabilang sa mga halimbawa ng mga gayong banal na kasulatan ang 1 Nephi 15:23–24; Helaman 5:11–12; at Doktrina at mga Tipan 10:5.)

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang nakatulong sa kanila para maiwasan at mapaglabanan ang mga panunukso ni Satanas. (Ipaliwanag na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasang masyadong personal.)

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang mga katotohanang napag-aralan nila para mapaglabanan ang mga panunukso sa kanila. Hikayatin silang magtakda at magtala ng mithiin batay sa natutuhan nila at anumang espirituwal na impresyon na maaaring natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Moises 1:27–40

Paano nauugnay sa akin ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos?

Maaari mong ipakita ang larawang ito at talakayin ang sumusunod na tanong:

taong nakatingin sa kalangitan sa gabi
  • Anong mga damdamin o tanong ang mayroon ka habang pinag-iisipan ang napakaraming nilikha ng Diyos?

Ipaliwanag na habang nakikipag-usap si Moises sa Panginoon nang harapan, ipinakita sa kanya ang isang pangitain tungkol sa mga nilikha ng Panginoon. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 1:27–30, na inaalam kung ano ang ipinakita ng Panginoon kay Moises at kung paano tumugon si Moises.

  • Ano ang itinanong ni Moises sa Panginoon pagkatapos niyang makita ang hindi kapani-paniwalang pangitaing ito? (Maaari mong isulat sa pisara ang dalawang tanong ni Moises mula sa talata 30.)

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 1:31–39, na inaalam kung paano sinagot ng Panginoon ang mga tanong ni Moises. (Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang mga entry na may kaugnayan sa mga talatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan para mas maunawaan ang mga turo ng Panginoon kay Moises.)

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kapartner o sa isang maliit na grupo. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong para talakayin nila:

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang binabasa mo ang mga talatang ito?

  • Paano naaangkop sa iyo ang mga salita ng Panginoon sa dulo ng talata 35?

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa iyong mga desisyon at pakikisalamuha sa iba ang pag-alaala sa gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit (tingnan sa talata 39)?

Pagkatapos ng mga talakayan ng mga estudyante, anyayahan ang ilan na magbahagi ng kanilang mga pananaw sa buong klase. Kung kinakailangan, tulungan silang matukoy ang ilan sa sumusunod na katotohanan mula sa mga talatang ito: Sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mga daigdig na hindi mabilang. Bagama’t bahagi tayo ng napakaraming nilikha, kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Ang layunin ng Ama sa Langit ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Itinataas natin ang ating mga tinig sa pagbibigay-puri sa ating mapagbigay at mapagpatawad na Diyos. … Ang dakilang layunin ng Kanyang mga gawa ay tulungan tayo, ang Kanyang mga anak, na magtagumpay sa ating mga pagsisikap na makamit ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. (“Araw-araw na Pagbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2021, 79)

Anyayahan ang mga estudyante na isipin o talakayin ang mga paraan kung paano aktibong gumagawa ang Panginoon upang tulungan silang magtagumpay sa kanilang paghahanap sa buhay na walang hanggan. Maaari mo rin silang anyayahan na isipin kung paano nila lubos na makakatuwang ang Panginoon upang tumulong na maisagawa ang Kanyang gawain at kaluwalhatian, kapwa para sa kanila nang personal at para sa iba. Hikayatin silang itala ang mga espirituwal na impresyon na maaaring natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Abraham 3

Napili ako para sa anong gawain?

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang sumusunod na paanyaya ni Sister Wendy W. Nelson: “Isipin ninyo [ang epekto sa buhay ninyo] kung [papayagan kayong makita] ang 10 minuto ng buhay ninyo bago kayo isinilang” (“Pag-asa ng Israel,” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library).

  • Kung makikita mo ang iyong sarili sa buhay bago tayo isinilang, anong mga partikular na bagay ang inaasahan mong matutuhan tungkol sa iyong sarili?

  • Ano sa palagay mo ang kaibhang maaaring magawa nito sa iyong buhay?

Ipaliwanag na itinala sa Abraham 3 ang pangitain ni Abraham tungkol sa buhay bago tayo isinilang. Anyayahan ang mga estudyante na humingi ng patnubay ng Espiritu habang nag-aaral sila upang matulungan silang mas maunawaan kung sino sila bago sila naparito sa lupa.

Sama-samang pag-aralan ang Abraham 3:22–28. Anyayahan ang mga estudyante na alamin kung ano ang natutuhan ni Abraham tungkol sa mga espiritung anak ng Diyos sa buhay bago tayo isinilang. (Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga entry para sa mga talatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)

Maaari kang magtanong ng tulad sa sumusunod para matulungan ang mga estudyante na magbahagi ng natuklasan nila:

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa buhay bago tayo isinilang mula sa mga talatang ito? (Bukod sa iba pang mga katotohanan, matutukoy ng mga estudyante na pinili ng Diyos ang Kanyang “marangal at dakilang” espiritung mga anak bago sila isinilang upang maging mga lider ng Kanyang kaharian sa lupa.)

  • Sa palagay mo, paano binibigyang-kahulugan ng Panginoon ang “marangal at dakila”?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na kabilang sila sa mga pinili sa premortal na mundo upang gampanan ang ilang partikular na responsibilidad sa lupa, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Steven R. Bangerter. (Maaari mo ring panoorin ang bahagi ng kanyang mensahe na “Inorden Na Noon Pa Man Upang Maglingkod” mula sa mga time code na 2:13 hanggang 5:28.)

11:29
Elder Steven R. Bangerter

Bago kayo isinilang, itinalaga ng Diyos ang bawat isa sa inyo upang gampanan ang isang partikular na misyon sa iyong mortal na buhay dito sa mundo. Kung kayo ay mananatiling karapat-dapat, ang mga pagpapala ng utos na iyon na ibinigay bago pa tayo isinilang ang magbibigay sa inyo ng lahat ng uri ng oportunidad sa buhay na ito, kabilang ang mga oportunidad na maglingkod sa Simbahan at makilahok sa pinakamahalagang gawaing nagaganap sa mundo ngayon: ang pagtitipon ng Israel. Ang mga pangako at pagpapalang iyon sa buhay bago isilang ay tinatawag na inyong pag-oorden noon pa man. “Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan.” [Mga Paksa at mga Tanong, “Pag-oorden Noon Pa Man,” Gospel Library]. Ito ay hindi garantiya na tatanggap kayo ng mga partikular na tungkulin o responsibilidad. Ang mga pagpapala at oportunidad sa buhay na ito ay resulta ng inyong matwid na paggamit sa inyong kalayaan sa pagpili, tulad ng inyong pag-oorden noon pa man sa inyong buhay bago pa isilang ay resulta ng pagkamatwid. (“Inorden Na Noon Pa Man Upang Maglingkod,” Liahona, Mayo 2024, 57)

Hayaang talakayin ng mga estudyante kung ano ang makabuluhan sa kanila mula sa pahayag. Maaari mo rin silang hikayatin na magsanay ng pagtuturo sa isa’t isa kung ano ang ibig sabihin ng pag-oorden noon pa man at kung bakit napakahalaga ng doktrinang ito.

Bilang pagtatapos, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante upang mapanalangin nilang mapagnilayan at maitala ang kanilang mga saloobin tungkol sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:

  • Pinapahintulutan ba ako ng aking mga pagpili na gampanan ang mga responsibilidad na ibinigay sa akin ng Panginoon o gusto Niyang ibigay sa akin?

  • Paano ko masusunod ang halimbawa ni Jesucristo at magagampanan ang gawaing pinili ng Diyos na gawin ko?

  • Ano ang maaari kong gawin para maalala na kilala ako ng Ama sa Langit at pinili ako?

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”