Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Moises 1; Abraham 3


“Moises 1; Abraham 3,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Moises 1; Abraham 3

Nakipag-usap si Moises nang harapan kay Jesucristo, na nangusap para sa Ama sa Langit. Nalaman ni Moises ang tungkol sa kanyang identidad bilang anak ng Diyos at na may ipagagawa sa kanya ang Diyos. Pagkatapos ay nakaharap ni Moises si Satanas at nagawa niyang daigin ito sa pangalan ng Bugtong na Anak. Sa isa pang pangitain, ipinakita ng Panginoon kay Moises ang mga daigdig na hindi mabilang at itinuro kay Moises na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay iligtas at dakilain ang Kanyang mga anak. Nakipag-usap din nang harapan ang propetang si Abraham sa Panginoon. Nalaman niya ang tungkol sa kalikasan at kaayusan ng cosmos at ang pangunahing tungkulin ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan. Ipinakita ng Panginoon kay Abraham ang Kapulungan sa Langit, na naganap bago nilikha ang daigdig, kabilang na ang pagpili ng Ama sa Langit kay Jesucristo upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Moises 1

Ano ang aklat ni Moises?

Pagkatapos ilathala ang Aklat ni Mormon noong 1830, nagsimula si Propetang Joseph Smith ng inspiradong pagsasalin, o rebisyon, ng King James Version ng Biblia. Ngayon, ang inspiradong pagsasalin na ito, na pinagsikapan ng Propeta hanggang sa kanyang kamatayan, ay kilala bilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith. Ang aklat ni Moises ay bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Pagsasalin ni Joseph Smith, tingnan sa “Ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith?” na nasa pambungad sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)

Ang Moises 1 ay talagang pambihira dahil isa itong ganap na natatanging materyal, na walang katumbas sa Biblia. Ang mga sagradong karanasan ni Moises na nakatala sa Moses 1 ay nagsisilbing paunang salita sa salaysay tungkol sa Paglikha. Dagdag pa rito, inilalahad sa Moises 2–8 ang impormasyon na hindi matatagpuan sa katumbas na materyal sa Genesis. Ang mahahalagang kontribusyong ito ay kinabibilangan ng:

  • Ang kahalagahan ng Pagkahulog nina Adan at Eva at ang malinaw na pagpapaliwanag ng mga epekto nito sa sangkatauhan.

  • Ang mga ginawa ni Lucifer bago siya itinaboy sa langit.

  • Ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Katibayan na natamasa nina Adan at Eva at ng kanilang mga inapo ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Ang pagtatatag sa Sion noong panahon ni Enoc at ang kanyang mga pangitain tungkol sa Panginoon.

  • Mga detalye tungkol sa mga kalagayan ng mundo bago ang Baha, pati na rin ang mga pagsisikap ni Noe na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo at balaan ang mga tao na magsisi.

Moises 1:2–8

Sino ang kausap ni Moises?

Sa Moises 1, ang kausap ni Moises ay ang premortal na si Jesucristo, na si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Dahil kaisa Siya ng Ama sa Langit, si Jesucristo ay nagsasalita kung minsan na para bang Siya ang Diyos Ama. Kilala ito bilang banal na pagkakaloob ng awtoridad, kung saan pinagkalooban si Cristo ng awtoridad na magsalita para sa at sa ngalan ng Ama.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Bago ang Pagkahulog, direktang nakipag-usap ang ating Ama sa Langit kina Adan at Eva. Pagkatapos noon, ipinakilala ng Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, bilang ating Tagapagligtas at Manunubos at iniutos sa ating ‘pakinggan Siya.’ Mula sa utos na iyon masasabi natin na ang mga talaan sa mga banal na kasulatan ng mga salitang binigkas ng ‘Diyos’ o ng ‘Panginoon’ ay halos palaging ang mga salita ni Jehova, na ating nagbangon na Panginoon, si Jesucristo.”

Moises 1:6

Ano ang ibig sabihin ng “lahat ng bagay ay kapiling” ng Diyos?

Bilang mga mortal, limitado ang ating pananaw sa nakaraan at kasalukuyan at maaari lang nating hulaan kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Hindi ganito ang sitwasyon ng Diyos. Nalalaman Niya “ang wakas mula sa simula.”

Dahil sa ganap na karunungan ng Diyos—ang Kanyang kaalaman sa lahat ng bagay—nagiging posible ang plano ng kaligtasan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Pinag-isipan ng dakilang Jehova ang buong mga pangyayaring nauugnay sa daigdig, tungkol sa plano ng kaligtasan, bago pa ito umiral … ; ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap, para sa Kanya, ay isang walang hanggang ‘ngayon’; … naunawaan Niya ang pagkahulog ng tao, at ang pagtubos sa kanya; batid Niya ang plano ng kaligtasan at itinuro ito; alam Niya ang sitwasyon ng lahat ng bansa at ang kanilang tadhana; isinaayos Niya ang lahat ng bagay ayon sa patnubay ng sarili Niyang kalooban; alam Niya ang sitwasyon ng kapwa mga buhay at mga patay, at naglaan ng sapat para sa pagtubos sa kanila, ayon sa iba’t ibang kalagayan nila, at sa mga batas ng kaharian ng Diyos, sa mundo mang ito, o sa mundong darating.”

Moises 1:8–10

Bakit sinabi ni Moises na “ang tao ay walang kabuluhan”?

Bilang miyembro ng sambahayan ng Faraon, “tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.” Gayunman, matapos makaranas ng pangitain tungkol sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos, mapagpakumbaba niyang kinilala na kung ikukumpara, “ang tao ay walang kabuluhan.”

Kahit na nadama ni Moises na wala siyang kabuluhan kumpara sa Diyos, ang katotohanan ay lahat ng tao ay walang-hanggan [ang kahalagahan]. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na dating miyembro ng Unang Panguluhan: “Ito ang kabalintunaan ng tao: kung ihahambing sa Diyos, ang tao ay walang-kabuluhan; subalit tayo ang pinakamahalaga sa Diyos. Kapag inihambing sa walang-hanggang paglikha tayo ay tila walang-kabuluhan, ngunit may munting apoy na walang-hanggan na nag-aalab sa ating kalooban. Tayo ay pinangakuan ng kadakilaan na di-kayang maunawaan—mga daigdig na walang hanggan—na abot-kamay natin. At matinding hangarin ng Diyos na tulungan tayo na makamtan ito.”

Moises 1:11, 14

Ano ang ibig sabihin ng magbagong-anyo?

Ang pagbabagong-anyo ay “ang kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na [nilalang].”

Moises 1:35–37

Ano ang ibig sabihin ng nilikha ni Jesucristo ang “mga daigdig na hindi mabilang?”

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Bago pa man Siya isinilang sa Bethlehem at nakilala bilang si Jesus na taga-Nazaret, ang ating Tagapagligtas ay si Jehova. Noon pa man, sa patnubay ng Ama, si Cristo ang Panginoon ng sansinukob, na lumikha ng mga daigdig na hindi mabilang—at isa lang doon ang ating mundo (tingnan sa Ef. 3:9; Heb. 1:2). Ilang planeta ba sa kalawakan ang may mga tao? Hindi natin alam, pero hindi tayo nag-iisa sa sansinukob! Ang Diyos ay hindi Diyos ng isang planeta lamang!”

spiral na galaxy

Moises 1:39

Ano ang pagkakaiba ng imortalidad at ng buhay na walang hanggan?

“Ang buhay na walang hanggan ay ang pariralang ginamit sa mga banal na kasulatan upang ilarawan ang uri ng pamumuhay ng ating Amang Walang Hanggan. Sinabi ng Panginoon, ‘Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ [Moises 1:39]. Ang kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman bilang nabuhay na muling nilalang. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay tatanggap ng kaloob na ito. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang mamuhay sa piling ng Diyos at magpatuloy bilang pamilya. Tulad ng kawalang-kamatayan, ang kaloob na ito ay ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gayunman, ang pagmana ng buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng ating ‘pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3].”

Abraham 3

Ano ang aklat ni Abraham?

Ang aklat ni Abraham ay “inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng mga isinulat ni Abraham.” Naglalaman ito ng mga natatanging detalye tungkol sa buhay at ministeryo ni Abraham. Nagbibigay rin ito ng mahahalagang kabatiran tungkol sa mahahalagang paksa ng doktrina tulad ng tipang Abraham, pag-oorden noon pa man, Kapulungan sa Langit, at ang pagpaplano at Paglikha ng mundo.

Noong 1835, isang lalaking nagngangalang Michael Chandler ang nagdala sa Kirtland, Ohio ng apat na mummy mula sa Egipto at ilang papyrus scroll ng sinaunang sulatin ng Egipto. Binili ng mga miyembro ng Simbahan ang mga mummy at ang mga scroll ng papyrus. Kalaunan ay isinalin ni Joseph Smith ang ilan sa mga isinulat at inilathala ang mga ito bilang “Aklat ni Abraham” sa isang pahayagan ng Simbahan na tinatawag na Times and Seasons simula noong Marso 1842.

Bahagi ng papyrus na nagpapakita ng bahagi ng “Isang Paksimile mula sa Aklat ni Abraham, Bilang 1”

Bahagi ng papyrus na nagpapakita ng bahagi ng “Isang Paksimile mula sa Aklat ni Abraham, Bilang 1”

Ngayon, maliliit na piraso na lang ng mahahabang papyrus scroll na nasa kamay ni Joseph Smith ang nananatili. Naibenta na ang mga orihinal na scroll matapos ang pagkamatay ng Propeta at maraming bahagi ang nawala. Ang mga nakasulat sa mga natitirang bahaging ito ay tila hindi nagmula sa natitirang bahagi ng mga scroll na tumutugma sa pagsasalin na ibinigay sa aklat ni Abraham. Posibleng isinalin ni Joseph ang aklat ni Abraham mula sa mga bahagi ng papyrus na nawawala na ngayon. Ang isa pang posibilidad ay nagsilbing katalista ang pag-aaral ng Propeta sa papyrus na naghikayat ng paghahayag tungkol kay Abraham—katulad ng pagtanggap ni Joseph ng paghahayag tungkol sa buhay ni Moises habang nag-aaral ng Biblia. Anuman ang nangyari, malinaw na hindi isinalin ni Joseph Smith ang aklat ni Abraham gamit ang karaniwang paraan. Hindi siya marunong ng wikang Egipcio o wala siyang kagamitan na kinakailangan upang maunawaan ito nang walang tulong ng Panginoon. Tulad ng kanyang naunang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, isinalin ni Propetang Joseph Smith ang aklat ni Abraham sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos.

Ang aklat ni Abraham ay naglalaman ng mga detalye na hindi matatagpuan sa Biblia pero naaayon sa ibang sinaunang teksto. Gayunpaman, ang pinakadakilang katibayan ng katotohanan ng aklat ni Abraham ay hindi matatagpuan sa pisikal o makasaysayang katibayan kundi sa mapanalanging pagsasaalang-alang sa nilalaman at kapangyarihan nito. Tulad sa iba pang mga banal na kasulatan, ang pagpapatotoo sa katotohanan ng mga kasulatang ito ay nakasalalay, unang-una, sa pananampalataya.

Abraham 3:1

Ano ang Urim at Tummim?

Ang Urim at Tummim ay nagmula sa mga salitang Hebreo na nangangahulugang “mga liwanag” at “kaganapan.” Ibinigay ang pangalang Urim at Tummim sa isang kasangkapan na inihanda ng Panginoon upang tulungan ang mga tao na tumanggap ng paghahayag at magsalin ng mga wika.

Inihahayag ng mga banal na kasulatan na may mahigit sa isang kasangkapang ganoon. Nakasaad sa Lumang Tipan na gumamit ang mga high priest na Israelita ng Urim at Tummim upang makatanggap ng paghahayag. Sa Bagong Daigdig, ginamit ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang isang pares ng bato na tinawag nilang “mga pansalin.” Ibinigay kay Propetang Joseph Smith ang mga pansalin na dati nang ibinigay sa kapatid ni Jared. Inilarawan ng Propeta ang mga ito bilang “dalawang bato sa mga balantok na pilak—at ang mga batong ito, na nakakabit sa isang baluti sa dibdib, ay siyang bumubuo ng tinatawag na Urim at Tummim.”

Abraham 3:2–21

Bakit ipinakita ng Panginoon kay Abraham ang pagkakasunud-sunod, paggalaw, at panahon ng mga bituin at planeta?

Nangyari ang pangitain ni Abraham tungkol sa mga bituin at planeta habang siya ay naglalakbay sa Egipto. Pamilyar ang mga sinaunang taga-Egipto sa paggalaw ng mga planeta at bituin, at may mga paniniwala sila sa relihiyon na konektado sa mga ito. Sa pangitain ni Abraham, iniutos ng Panginoon kay Abraham na ituro sa mga taga-Egipto ang mga katotohanang natutuhan niya. Posibleng itinuro ng Panginoon kay Abraham ang tungkol sa cosmos upang maibahagi niya ang ebanghelyo sa mga taga-Egipto sa paraang mauunawaan nila.

Inilalarawan ang Kolob bilang isang bituin o planeta na pinakamalapit sa kung saan naninirahan ang Diyos

Ang isa sa mga bituing ito, na tinukoy ng Ama sa Langit bilang Kolob, ay maaaring maging simbolo ni Jesucristo. Ang Kolob ay isang napakaningning na bituin, na “pinakamalapit sa trono ng Diyos,” “ang pinakamaningning,” “ang unang paglikha” at “inilagay … upang mamahala sa lahat ng yaong nabibilang sa gayon ding kaayusan.” Nalaman ni Abraham na hindi ang laki ang nagpapaningning sa isang bituin o planeta kaysa sa isa pa kundi ang pagiging malapit nito sa Kolob. Ganoon din sa mga anak ng Diyos—ang kanilang kadakilaan at kaluwalhatian ay nakasalalay sa kanilang pagiging malapit sa Diyos.

Abraham 3:21–23

Ano ang “mga katalinuhan”?

Ang salitang mga katalinuhan ay maaaring magamit upang ilarawan ang mga espiritung anak ng Diyos. Maaari din nitong ilarawan ang “elementong espiritu na umiiral bago tayo isinilang bilang mga espiritung anak.” Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Inihayag na ng mga propeta na nabuhay muna tayo bilang mga katalinuhan at na pinagkalooban tayo ng anyo, o mga espiritung katawan, ng Diyos, kaya tayo naging Kanyang mga espiritung anak—mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit.”

Abraham 3:22–25

Ano ang ibig sabihin ng “pinili,” o naorden na noon pa man?

Nalaman ni Abraham na isa siya sa maraming mararangal at dakilang espiritu sa premortal na buhay o sa buhay bago tayo isinilang. Sinabi ng Diyos na gagawin Niyang “mga tagapamahala” ang mga espiritung ito. Sa kanyang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu, inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mararangal at mga dakilang espiritu “na pinili sa simula na maging mga pinuno sa Simbahan ng Diyos.” Tungkol sa mga espiritung ito, inihayag ng pangitain ni Joseph F. Smith: “Maging bago pa man sila isilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.”

Ang pagtatalaga ng Diyos sa ilang partikular na espiritu upang gampanan ang mga partikular na misyon sa lupa ay tinatawag na pag-oorden noon pa man.

“Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang. …

“Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Bago nilikha ang daigdig, nabigyan na ng tiyak na mga responsibilidad ang matatapat na kababaihan at inorden na noon pa man sa tiyak na mga tungkulin sa priesthood ang matatapat na kalalakihan. Kapag naipapakita ng mga tao na karapat-dapat sila, bibigyan sila ng mga oportunidad na matupad ang mga tungkuling natanggap nila noon.”

Abraham 3:26–28

Ano ang isang kalagayan, at paano ito iniingatan?

Tumutukoy ang salitang “unang kalagayan” sa ating buhay bago isilang. Iningatan natin ang ating unang kalagayan sa pamamagitan ng pagtanggap sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at pagpili na sundin si Jesucristo. Dahil iningatan natin ang ating unang kalagayan, binigyan tayo ng pagkakataong pumarito sa lupa at tumanggap ng pisikal na katawan.

Ang ating mortal na buhay sa lupa ay kilala bilang “ikalawang kalagayan.” Iniingatan natin ang ating ikalawang kalagayan sa pamamagitan ng pagpili na sundin si Jesucristo at tanggapin ang mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga taong iniingatan ang kanilang ikalawang kalagayan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan at magtatamo ng “kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.” Ang mga taong walang pagkakataong tanggapin at ipamuhay ang ebanghelyo sa mortalidad ay bibigyan ng pagkakataong iyon sa daigdig ng mga espiritu, pagkatapos nilang mamatay.

Alamin ang Iba pa

Pagdaig sa mga oposisyon ni Satanas

  • Jeffrey R. Holland, “Cast Not Away Therefore Your Confidence,” Ensign, Mar. 2000, 6–11

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos

Ang aklat ni Abraham

  • Andrew C. Skinner, “The Book of Abraham: A Most Remarkable Gift for Our Time” (artikulong digital lamang), Liahona, Ene. 2022, Gospel Library

  • Topics and Questions, “Abraham, Book of,” Gospel Library

  • Gospel Topics Essays, “Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Library

Media

Video

“I Am a Son of God” (6:30)

6:34

Mga Larawan

Nagtutulungan sina Joseph at Sidney sa pagrebisa ng Bagong Tipan

Joseph and Sidney [Joseph at Sidney], ni Annie Henrie Nader

Harapang nakikipag-usap si Moises kay Jehova

Moses Seeing Jehovah [Nakita ni Moises si Jehova], ni Joseph Brickey

Itinataboy ni Moises si Satanas sa pangalan ng Bugtong na Anak

Moses Overcomes Satan [Dinaig ni Moises si Satanas], ni Joseph Brickey