Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7

Nang dumating ang mga Filisteo upang makipagdigma sa mga Israelita, hinamon ng higanteng si Goliat ang hukbo ng Israel na magpadala ng isang kawal upang harapin siya sa labanan. Tinanggap ni David, na isang batang pastol, ang hamon at pinatay niya si Goliat sa tulong ng Panginoon. Inilagay ni Haring Saul si David bilang pinuno ng kanyang mga hukbo ngunit kalaunan ay nainggit siya at tinangkang patayin si David. Nagkaroon ng pagkakataon si David na patayin si Saul ngunit tinanggihan niya ito dahil ang hari ay hinirang ng Panginoon. Habang nasa ilang si David at ang kanyang mga tauhan, ininsulto sila ng isang lalaking nagngangalang Nabal at tumanggi siyang tulungan sila. Namagitan ang asawa ni Nabal na si Abigail para sa kanyang asawa at pinakalma niya si David. Pagkamatay ni Saul, naging hari si David sa Juda at pagkatapos ay sa buong Israel. Ipinangako ng Panginoon na itatatag ang kaharian ni David magpakailanman.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

1 Samuel 17:4

Gaano katangkad si Goliat?

Batay sa tradisyonal na tekstong Hebreo, inilalarawan ng karamihan sa makabagong bersiyon ng Lumang Tipan ang taas ni Goliat bilang anim na siko at isang dangkal. Ang isang siko ay humigit-kumulang 18 pulgada (45 sentimetro), at ang isang dangkal ay humigit-kumulang anim na pulgada (15 sentimetro). Gamit ang mga sukat na ito, maaaring ang taas ni Goliat ay tinatayang 9.5 talampakan (halos tatlong metro). Sa ilang sinaunang teksto, tulad ng Septuagint at ng mga Dead Sea Scroll, isinasaad na ang taas ni Goliat ay apat na siko at isang dangkal—humigit-kumulang 6.5 talampakan (dalawang metro) ang taas. Anuman ang tumpak na bilang, si Goliat ay isang malupit at nakakatakot na nilalang.

Tinirador ni David ng bato si Goliat at bumagsak si Goliat

David Slays Goliath [Pinaslang ni David si Goliat], ni Gary L. Kapp

1 Samuel 17:4, 8–10

Bakit pumili ng dalawang mandirigma na maglalaban ang magkalabang hukbo?

Noong unang panahon, pipili kung minsan ang mga magkalabang hukbo ng isang kinatawan na makikipaglaban para sa kanila sa halip na makipaglaban ang lahat. Dahil sa gawaing ito, matutukoy ang nagwagi nang mas kaunti ang nasasawi. Ang piniling tao sa magkabilang panig ay tinatawag na kampeon, na isang katagang isinalin mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “isang taong namamagitan.”

1 Samuel 17:45

Ano ang ibig sabihin ng titulong Panginoon ng mga Hukbo?

Madalas tawaging Panginoon ng mga Hukbo si Jehova sa lahat ng banal na kasulatan. Tumutukoy ang titulong ito sa Kanyang tungkulin bilang pinuno ng mga hukbo ng Israel at ng mga hukbo ng anghel sa langit. Binibigyang-diin ng titulo ang banal na kapangyarihan ni Jehova. Sa pagtukoy sa Panginoon ng mga Hukbo, ipinahayag ni David ang Kanyang pananampalataya na tutulungan siya ni Jehova sa kanyang pakikipaglaban kay Goliat.

1 Samuel 17:49–50

Paano ginamit ang mga tirador noong sinaunang panahon?

Karaniwang ginagamit ang mga tirador bilang sandata sa panahon ni David, kapwa ng mga pastol na nagpoprotekta sa kanilang mga kawan at ng mga kawal sa digmaan. Ang karaniwang tirador ay gawa sa dalawang lubid na nakakabit sa isang maliit na sisidlan na gawa sa balat ng hayop o tela na sapat ang laki upang malagyan ng bato. Iba’t ibang laki ng mga bato ang maaaring ilagay sa sisidlan at ihahagis nang buong lakas. Ang isang taong mahusay sa paggamit ng tirador ay maaaring maghagis ng mga bato nang asintado mula sa malayo.

isang tirador na may limang makinis na bato

1 Samuel 18:1–4

Bakit ibinigay ni Jonathan ang kanyang balabal at mga sandata kay David?

Sa pagbibigay ng kanyang balabal at mga sandata kay David, ipinakita ni Jonathan ang kanyang pakikipagkaibigan at suporta sa pagiging susunod na hari ni David. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Sa isang nakabababang tao—o hindi tunay na kaibigan—kumpara kay Jonathan, magiging isang matinding banta si David, tunay na karibal. Ngunit hindi siya ganoon. Hindi natin alam kung inaasahan ni Jonathan na siya ang hahalili sa kanyang ama bilang hari, ngunit tiyak na nakita niya ang posibilidad na iyon. Ang alam natin ay ‘ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa’ [1 Samuel 18:1]. Napakatindi ng pagmamahal nila sa isa’t isa kung kaya’t ‘nakipagtipan’ sila na magiging matapat sa isa’t isa. Bilang simbolo ng kanyang pagmamahal sa bagong hirang na hari, hinubad ni Jonathan ang kanyang suot na pangmaharlikang balabal ‘at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis’ [1 Samuel 18:4].”

1 Samuel 18:5–11

Bakit nagalit si Saul kay David?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Naging kaaway ni David si Saul dahil sa kapalaluan. Nagselos siya dahil inawit ng kababaihang Israelita na ‘Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, at ni David ang kaniyang laksa-laksa‘ [1 Samuel 18:6–8].” Ang kapalaluan ni Saul ang nagtulak sa kanya na kamuhian si David at tangkaing patayin siya. Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang masamang espiritung dumating kay Saul na inilalarawan sa talata 10 ay hindi mula sa Panginoon.

1 Samuel 24:4–6

Bakit pumutol si David ng kapiraso sa balabal ni Saul?

Habang tinutugis ni Saul si David, nakapasok siya sa isang yungib kung saan nagtatago si David. Maaari nang patayin ni David si Saul, ngunit pinili niya ang putulin ang laylayan ng balabal nito. Ang bahagi ng balabal na pinutol ni David ay mula sa laylayan o gilid na naglalaman ng mga natatanging marka ng maharlikang katayuan. Kalaunan ay ginamit ni David ang piraso ng balabal upang ipakita kay Saul na lubos na nakasalalay ang kanyang kaligtasan sa awa ni David.

Nakalingon si Saul kay David, na may hawak na piraso ng balabal ni Saul

David Cuts Off a Piece of Saul’s Robe [Pumutol si David ng Kapiraso sa Balabal ni Saul], ni Wilson J. Ong

1 Samuel 25

Paano mapapaalala sa atin ng mga ginawa ni Abigail si Jesucristo?

Itinuro ni Sister Kristin M. Yee ng Relief Society General Presidency:

“Sa kuwentong ito, maihahalintulad si Abigail bilang makapangyarihang simbolo ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mapapalaya Niya tayo mula sa kasalanan at pagkapoot at bibigyan tayo ng mga pangangailangan natin.

“Tulad ni Abigail na handang akuin ang kasalanan ni Nabal, gayon din ang Tagapagligtas—sa paraang hindi kayang maunawaan—inako Niya ang ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng mga taong nakasakit sa atin. …

“Ang pagdadala ni Abigail ng maraming pagkain at suplay ay makapagtuturo sa atin na ang Tagapagligtas ay nagbibigay sa mga taong nasaktan at napinsala ng mga pangangailangan at ng tulong na kailangan natin upang mapagaling. …

“Tulad ni Abigail na tinulungan si David na hindi magkaroon ng ‘pag-uusig ng budhi‘ (1 Samuel 25:31) at tumanggap ng tulong na kailangan niya, tutulungan din kayo ng Tagapagligtas.”

Hindi lang inako ni Abigail ang buong responsibilidad para sa mga ginawa ni Nabal, kundi mapagpakumbaba rin niyang hinangad ang pagpapatawad ni David para sa mga pagkakamali ng kanyang asawa. Katulad nito, nagsusumamo si Jesucristo para sa atin sa harapan ng Ama bilang ating Tagapagtanggol at Tagapamagitan.

1 Samuel 25:17

Ano ang ibig sabihin ng “may masamang ugali”?

Tingnan sa “1 Samuel 2:12–17, 22–25. Sino ang ‘mga lapastangan’?

1 Samuel 25:22

Ano ang ibig sabihin ng pariralang “lahat ng pag-aari niya”?

[No translation] Dapat nating tandaan na ang mga sinaunang manunulat na Hebreo ay gumagamit ng matalinghagang pananalita upang makalikha ng “mga pangmatagalang imahe at impresyon.” Sa sitwasyong ito, ang pariralang “lahat ng pag-aari niya” ay tumutukoy sa kalalakihan at “katumbas nito ang konseptong pagpuksa sa isang pamilya. Makikita rin ang parehong idyoma (ngunit wala ang nakasasakit na salita), na may parehong kahulugan, sa makabagong banal na kasulatan: ‘At hindi bibilang ng maraming taon mula ngayon, na sila at ang kanilang angkan ay wawalisin sa silong ng langit, wika ng Diyos, na wala ni isa sa kanila ang maiiwang nakatayo sa may dingding’’ [Doktrina at mga Tipan 121:15].”

Ano ang aklat ng 2 Samuel?

Ang mga aklat ng 1 at 2 Samuel ay orihinal na isang aklat, na kilala bilang aklat ni Samuel. Pinaniniwalaang hinati ito sa dalawang aklat noong isalin ang Biblia sa Griyego. Inilarawan sa 2 Samuel ang pagpapahid ng langis kay David at ang kanyang paghahari, una sa kaharian ng Juda at pagkatapos ay sa buong Israel. Naaalala si David bilang pinakadakilang hari sa kasaysayan ng Israel. Dahil sa katapatan ni David, pinagpala at pinarangalan siya ng Panginoon.

Gayunpaman, ipinakita sa 2 Samuel na maging ang pinakamatwid ay maaaring mahulog kung hindi sila masigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. Ipinaliwanag sa kabanata 11 kung paanong ang desisyon ni David na mangalunya kasama ni Batseba ay humantong sa panlilinlang at higit pang pagkakasala. Inilarawan sa nalalabing bahagi ng 2 Samuel ang pagdurusa at paghihirap na sumapit sa sambahayan ni David.

2 Samuel 5:6–9

Ano ang kahalagahan ng pagpili ni David sa Jerusalem bilang kabisera ng kanyang kaharian?

Maaaring pinili ni David ang Jerusalem na maging kabisera ng kanyang kaharian sa ilang kadahilanan—kabilang na ang neutral na lokasyon nito, access sa mga likas na yaman, at nasa mataas na lugar na napaliligiran ng malalalim na lambak, para mas madaling makadepensa laban sa mga kaaway.

Ang Jerusalem “ang pinakamahalagang lungsod sa kasaysayan ng Biblia.” Marahil ay ito ang parehong lokasyon ng sinaunang lungsod ng Salem, kung saan namuno si Melquisedec bilang isang matwid na hari. Tinukoy rin ng tradisyon sa Biblia na ang lokasyon ng templo ni Solomon sa Jerusalem ay ang mismong burol kung saan iniutos kay Abraham na isakripisyo si Isaac. Maraming propeta ang nangaral, nagpropesiya, at nagsagawa ng mga himala sa Jerusalem. Higit sa lahat, sa Jerusalem naganap ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Bilang bahagi ng Kanyang Ikalawang Pagparito, babalik si Jesucristo sa Bundok ng mga Olibo malapit sa Jerusalem.

2 Samuel 5:13

Nagkasala ba si David sa pagkakaroon ng maraming asawa at asawang-lingkod?

Pinagtitibay ng paghahayag sa huling araw na pinayagan ng Panginoon ang mga asawang-lingkod o kalunya at asawa ni David, na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Natan—maliban sa kaso ni Batseba.

Tingnan din sa “Genesis 16:1–3. Bakit ibinigay ni Sara si Hagar kay Abraham bilang asawa?” at “Genesis 25:6. Ano ang asawang-lingkod?

2 Samuel 6:6–8

Bakit pinarusahan ng Diyos si Uzah dahil hinawakan niya ang arka para hindi ito mahulog?

Ang kaban ng tipan ay simbolo ng presensiya ng Diyos, ng Kanyang kaluwalhatian, at ng Kanyang karingalan. Karaniwang inilalagay ito sa Dakong Kabanal-banalan ng tabernakulo, at kahit ang mga saserdoteng Levita ay hindi pinahihintulutang lumapit doon. Tanging ang mataas na saserdote lamang ang makalalapit dito, at ito ay pagkatapos lamang ng detalyadong ritwal ng paglilinis ng sarili na sumasagisag sa paglilinis ng kanyang mga kasalanan.

Nang tagubilinan ang mga Israelita kung paano ilipat ang kaban ng tipan, nagbabala ang Panginoon na sinumang tao na hindi awtorisadong humawak nito ay mamamatay. Tungkol sa kaparusahan ni Uzah, itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Maaaring ikatuwiran ng ilan na sinisikap lamang ni [Uzah]—bagama’t mali—na tumulong. Ngunit sa maraming pagkakataong iniligtas at isinalba ng Panginoon ang Israel, kabilang ang lubos na nakaaantig na kaganapan sa Dagat na Pula at ang manna mula sa langit, tiyak na alam Niya kung paano panatilihing balanse ang arka!”

2 Samuel 7

Paano itinatag ang kaharian ni David magpakailanman?

Habang nagpapahinga si David sa kanyang bahay, naisip niya kung paanong ang kaban ng tipan ay walang permanenteng tirahan. Inisip niya kung dapat ba siyang magtayo ng bahay (o templo) para sa Panginoon at para sa arka. Sa pamamagitan ng propetang si Natan, tumugon ang Panginoon na hindi dapat magtayo si David ng bahay para sa Kanya. Sa halip, nangako ang Panginoon na itatatag niya ang sariling bahay ni David (ang kanyang trono at kaharian) magpakailanman.

Kung minsan ay tinatawag ang mga pangako ng Panginoon kay David bilang tipang David. Nagdaragdag ang Mga Awit 132:11–12 ng mahahalagang kwalipikasyon na tatagal lamang ang kaharian ni David sa lupa kung mananatiling matapat sa Panginoon ang kanyang mga inapo. Dahil sa kasamaan, nahati ang kaharian ni David pagkamatay ni Solomon, kung saan pinamunuan lang ng kanyang mga inapo ang kaharian ng Juda. Noong ikaanim na siglo BC, binihag ng Babilonia ang Juda, at nagwakas ang kaharian ni David.

Bagama’t nagwakas ang kaharian ni David sa lupa, ang pangako ng kahariang itatatag magpakailanman ay natupad sa huli sa pamamagitan ni Jesucristo, isang inapo ni David. Bilang Anak ng Diyos, si Jesucristo ay maghahari magpakailanman bilang ating Walang Hanggang Hari.

Si Haring David na nakaupo sa kanyang trono

King David Enthroned [Iniluklok sa Trono si Haring David], ni Jerry Harston

Alamin ang Iba pa

David at Goliat

Abigail

Media

Video

3:30

Mga Larawan

Si David kasama si Goliat na nasa likuran

Illustration of David [Paglalarawan kay David], ni Dilleen Marsh

Ang kamay ni David na may hawak na limang makikinis na bato
Tinitira ni David ng bato si Goliat

David Slays Goliath [Pinatay ni David si Goliat], ni Ted Henninger

Nakaupo si Abigail sa tabi ng ilawan

A Lamp unto My Feet [Ilawan sa Aking mga Paa], ni Elspeth Young

Mga Tala

  1. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 414, tala sa 1 Samuel 17:4.

  2. Tingnan sa Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga pat., The Jewish Study Bible, ika-2 ed. (2014), 578, tala sa 1 Samuel 17:4–7.

  3. Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 420, tala sa 1 Samuel 17:4.

  4. Ang salitang Hebreo para sa mga hukbo ay isinasalin kung minsan bilang “Sabaoth” (tingnan sa Kerry Muhlestein, “A Savior with a Sword: The Power of a Fuller Scriptural Picture of Christ,” Religious Educator, tomo 20, blg. 3 (2019), 123.

  5. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panginoon ng mga Hukbo,” Gospel Library. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Sabaoth.”

  6. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 433, tala sa 1 Samuel 17:40.

  7. Jeffrey R. Holland, “Real Friendship,” New Era, Hunyo 1998, 62–63.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 274.

  9. Tingnan sa Joseph Smith Translation, 1 Samuel 18:10 (sa 1 Samuel 18:10, footnote a).

  10. Tingnan sa 1 Samuel 24:4. footnote a.

  11. Tingnan sa 1 Samuel 24:10–11. Tingnan din sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 431, tala sa 1 Samuel 24:4.

  12. Kristin M. Yee, “Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad,” Liahona, Nob. 2022, 36–37.

  13. Tingnan sa 1 Samuel 25:28.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5. Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapamagitan,” Gospel Library.

  15. D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: The Old Testament, tomo 2 (2013), 27.

  16. Tingnan sa Bible Dictionary, “Samuel, books of.”

  17. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 209.

  18. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jerusalem,” Gospel Library.

  19. Tingnan sa Genesis 14:18; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:33–36, Gospel Library. Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jerusalem,” Gospel Library.

  20. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 452, tala para sa 2 Samuel 5:6–9. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Moriah.”

  21. Tingnan sa D. Kelly Ogden, “Jerusalem,” Ensign, Abr. 2003, 14, 16.

  22. Tingnan sa Zacarias 14:2–5; Doktrina at mga Tipan 45:48–53.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:38–39.

  24. Tingnan sa “Levitico 16. Ano ang Araw ng Pagtubos?

  25. Neal A. Maxwell, Meek and Lowly (1987), 15. Binanggit ng Panginoon ang pangyayaring ito sa makabagong paghahayag upang ituro na wala tayong awtoridad na mag-utos sa mga taong tinawag ng Diyos upang pamunuan ang Kanyang Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 85:7–8). Katulad nito ang itinuro ni Brigham Young, “Huwag pakialaman ang Kaharian, pinatatatag ng Panginoon ang arka; at kung gagalaw nga ito, at tila kailangang patatagin, kung medyo patagilid ang daan kung minsan, at mukhang babagsak ito, mag-ingat kung paano ninyo inuunat ang inyong kamay para patatagin ito; huwag tayong lubhang manghimasok sa isang bagay na walang kinalaman sa atin; huwag itong pakialaman, gawain ito ng Panginoon” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 66).

  26. Tingnan sa 2 Samuel 7:1–17.

  27. Tingnan sa Bible Dictionary, “Judah, Kingdom of.” Tingnan din sa Richard D. Draper, “The Prophets of the Exile: Saviors of a People,” sa Sperry Symposium Classics: The Old Testament, pat. Paul Y. Hoskisson (2005), 245–46.

  28. Tingnan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026, 171.

  29. Tingnan sa Lucas 1:32–33; Apocalipsis 22:16.