Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Exodo 7–13


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Exodo 7–13

Matapos tanggihan ni Faraon ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan nina Moises at Aaron na palayain niya ang mga Israelita, inihayag ng Panginoon na magpapakita Siya ng mga palatandaan at himala sa Egipto. Sa kabila ng nakitang mga himala at salot, patuloy na pinatigas ni Faraon ang kanyang puso at tumangging palayain ang mga Israelita. Nagpadala ang Panginoon ng isang huling salot—ang pagkamatay ng lahat ng panganay na lalaki sa Egipto. Pinalampas ng Panginoon ang mapangwasak na anghel sa mga tahanan ng mga Israelita na may marka ng dugo ng kordero. Pinasimulan ng Panginoon ang Paskua, na magsisilbing alaala ng pagliligtas ng Panginoon sa Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Ang Paskua ay makatutulong sa mga Israelita na umasa sa pagdating ng Mesiyas at sa pagliligtas sa mga anak ng Diyos mula sa espirituwal na kamatayan.

Resources

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Exodo 7:3, 13; 9:12; 10:1, 20, 27; 11:10

Pinatigas ba ng Diyos ang puso ni Faraon?

Tingnan sa “Exodo 4:21. Pinatigas ba ng Diyos ang puso ni Faraon?

Exodo 7–11

Bakit nagpadala ang Panginoon ng mga salot sa Egipto?

Nang unang tawagin ng Panginoon si Moises upang iligtas ang mga Israelita mula sa Egipto, ipinaliwanag Niya na hindi hahayaan ni Faraon na umalis ang mga Israelita maliban “sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.” Pagkatapos ay ipinangako ng Panginoon, “Aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis.”

Sinabi ng Panginoon na sa pamamagitan ng mga salot na ipapadala Niya, “malalaman [ni Faraon at ng mga taga-Egipto] na ako ang Panginoon” at “walang tulad ko sa buong daigdig.” Malinaw na ipinakita ng mga salot na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa mga diyos ng Egipto, pati na si Faraon, na itinuturing ng mga taga-Egipto bilang diyos.

Ang sumusunod ay isang listahan ng mga salot na inilarawan sa Exodo 7–11:

  1. Ang tubig ay naging dugo (tingnan sa Exodo 7:19–25)

  2. Mga palaka (tingnan sa Exodo 8:5–15)

  3. Mga kuto (tingnan sa Exodo 8:16–19)

  4. Mga langaw (tingnan sa Exodo 8:20–24, 29–32)

  5. Namatay ang mga baka (tingnan sa Exodo 9:1–7)

  6. Mga pigsa (tingnan sa Exodo 9:8–12)

  7. Yelong ulan at apoy mula sa langit (tingnan sa Exodo 9:22–35)

  8. Mga balang (tingnan sa Exodo 10:12–20)

  9. Kadiliman (tingnan sa Exodo 10:21–27)

  10. Kamatayan ng lahat ng panganay (tingnan sa Exodo 11:4–10)

Exodo 7:10–12, 20–22; 8:6–7

Paano nagawang gayahin ng mga salamangkero ni Faraon ang ilan sa mga himalang ginawa nina Moises at Aaron?

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Matatandaan ninyo na ginaya ng mga salamangkero sa korte ni Faraon ang ilan sa mga himalang ginawa ni Moises sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos [tingnan sa Exodo 7–8]. Marahil mga alipin ng diyablo ang mga salamangkerong ito, na gumagamit ng kanyang kapangyarihan, ngunit sa palagay ko ay mas malamang na sila lamang ay mga bihasa sa mga magic trick na ginamit nila upang palakasin ang kanilang posisyon sa korte ni Faraon.”

Bagama’t nakagawa ang mga salamangkero ng Egipto ng ilang panggagaya, hindi nila napigilan o nadaig kailanman ang mga salot na ipinadala ng Panginoon sa Egipto. Sa katunayan, malamang na nagpalala ang kanilang panggagaya sa unang dalawang salot sa kalagayan ng mga tao sa Egipto. Ang pagkakaiba ng kapangyarihan ng priesthood ng Panginoon na ginamit ni Moises at ng mga panggagaya ng mga salamangkero ng Egipto ay nagpapakita na ang kapangyarihan ng Diyos ay nakahihigit sa lahat ng iba pang uri ng kapangyarihan.

Exodo 8:8–10

Bakit pinahintulutan ng Panginoon si Faraon na pumili kung kailan magwawakas ang ikalawang salot?

Ang katotohanang nakiusap si Faraon kina Moises at Aaron—sa halip na sa kanyang mga salamangkero—na wakasan ang salot ng mga palaka ay nagpapahiwatig na nagsisimula na si Faraon na kilalanin ang kapangyarihan ni Jehova. Sumagot si Moises sa kahilingan ni Faraon sa pamamagitan ng pagtatanong kay Faraon kung kailan niya nais na manawagan si Moises sa Panginoon upang itigil ang salot. Sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Faraon na pumili kung kailan matatapos ang salot, marahil ay malinaw na ipinapakita ni Moises na hindi nagkataon ang pag-aalis ng salot kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Exodo 12:1–15

Ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolo ng Paskua tungkol kay Jesucristo?

Ang ikasampung salot ay nagbanta sa kamatayan ng lahat ng panganay na anak at hayop sa Egipto. Gayunpaman, naglaan ang Panginoon ng paraan para makaligtas ang mga Israelita sa salot na ito. Iniutos Niya sa kanila na makibahagi sa isang espesyal na hapunan habang nilalampasan sila ng salot—ang hapunan ng Paskua. Kasama sa mga tagubilin ng Panginoon ang maraming mahahalagang simbolo na nakatuon sa Kanya, kabilang ang sumusunod.

Nakibahagi ang mga Israelita sa Paskua

The Passover Supper [Ang Hapunan sa Paskua], ni Brian Call

Korderong walang kapintasan (Exodo 12:4–6, 46)

Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na patayin at kainin ang isang lalaking kordero na “walang kapintasan.” Iniutos pa Niya sa kanila na dapat walang buto ng kordero ang mababali. Inilarawan ni Apostol Pedro si Jesucristo bilang “korderong walang kapintasan.” Bilang Kordero ng Diyos, pinatay si Jesucristo para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Wala ni isa man sa mga buto ng Tagapagligtas ang nabali sa panahon ng Kanyang kamatayan.

Dugo ng kordero sa itaas ng pintuan at sa mga haligi ng pintuan (Exodo 12:6–7, 12–13)

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong:

“Ang huling salot ay nagbanta sa pagkamatay ng mga panganay na anak sa buong lupain, ngunit hindi sa sambahayan ni Israel kung—kung magpapahid ang mga pamilyang iyon ng dugo ng panganay na tupa na walang kapintasan sa mga pintuan ng kanilang bahay.

“Nilampasan ng anghel ng kamatayan ang mga bahay na may marka ng simbolikong dugo ng tupa. Ang paglampas na iyon ay kumakatawan sa pagdaig ni Jesucristo sa kamatayan. Katunayan, ang nagbayad-salang dugo ng Cordero ng Diyos ay nagbigay sa ating Mabuting Pastol ng kapangyarihan na tipunin ang Kanyang mga tao sa lahat ng lugar at kalagayan patungo sa kaligtasan ng Kanyang kawan sa magkabilang tabing.”

isang lalaking Israelita na nagpipinta ng dugo ng kordero sa haligi ng kanyang pintuan

The Passover [Ang Paskua], ni W. H. Margetson

Tinapay na walang pampaalsa (Exodo 12:8, 15)

Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na kumain ng tinapay na walang pampaalsa bilang bahagi ng kanilang hapunan ng Paskua at alisin ang lahat ng pampaalsa sa kanilang mga tahanan sa loob ng pitong araw. Ang tinapay ay isang simbolo ni Jesucristo. Pinatotohanan ng Tagapagligtas, “Ako ang tinapay ng buhay: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.”

Ang pampaalsa, o lebadura, ay nagpapaalsa sa tinapay. Wala nang oras ang mga Israelita na magpaalsa ng kanilang tinapay sa gabi ng Paskua dahil malapit na silang iligtas ng Diyos at kakailanganin nilang magmadaling umalis ng Egipto. Nang lumaon, nauugnay ang pampaalsa sa mga impluwensya ng mundo na nakagagambala at nakasasama. Ang pag-alis ng lahat ng pampaalsa sa tahanan sa loob ng pitong araw pagkatapos ng Paskua ay maaaring sumimbolo sa pagsisisi sa pamamagitan ni Jesucristo. Bilang bahagi ng ating pagsisisi, kailangan nating alisin sa ating sarili ang anumang bagay na espirituwal na magpapasama sa atin.

Mapapait na gulay (Exodo 12:8)

Dapat kainin ang mapapait na gulay kasama ng karne ng tupa. Maaaring naipaalala ng mga ito sa mga Israelita ang kapaitan ng kanilang pagkaalipin sa Egipto o ang kapaitan ng kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ininom ng Tagapagligtas ang “mapait na saro” upang matubos tayo mula sa kasalanan at kamatayan.

Dali-daling kumain (Exodo 12:11)

Ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga Israelita sa talata 11 ay isang pahiwatig na mangyayari na ang kanilang kaligtasan sa lalong madaling panahon. Dapat silang kumain nang mabilis, na may bigkis sa kanilang mga baywang, mga sapatos sa kanilang mga paa, at tungkod sa kamay. Maaaring magsilbing paalala ang mga tagubiling ito ng hangarin ng Panginoon na sumunod agad tayosa Kanyang mga kautusan.

Exodo 13:1–2, 12

Bakit pinabanal sa Panginoon ang mga panganay na anak at hayop?

Iniutos ng Panginoon na ilaan sa Kanya ang mga panganay na anak na lalaki ng Israel at ialay sa Kanya ang kanilang mga panganay na hayop bilang sakripisyo. Nauugnay ang kautusang ito sa Kanyang pagliligtas sa mga panganay na anak at hayop ng Israel mula sa huling salot. Dahil nailigtas ang panganay ng matatapat mula sa kamatayan, inangkin sila ng Panginoon bilang pag-aari Niya.

Ang utos na ilaan ang mga panganay na anak na lalaki sa Panginoon ay magpapaalala sa atin kay Jesucristo, na panganay ng lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit. Sa Kanyang mortal na ministeryo, ipinahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang katapatan sa kalooban ng Ama: “Ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

Exodo 13:3–10

Paano patuloy na inaalala ng mga sumunod na henerasyon ang Paskua?

Iniutos ni Moises sa mga Israelita na alalahanin ang araw na inilabas sila ng Egipto. Upang magawa ito, dapat nilang ulitin ang pista ng Paskua bawat taon sa anibersaryo ng kanilang kaligtasan. Tapat na sinunod ng mga Israelita ang utos na ito, na may ilang partikular na aspeto ng pagdiriwang ng Paskua na nagbabago sa paglipas ng panahon.

Noong gabi bago ipako sa krus si Jesucristo, Siya at ang Kanyang mga disipulo ay nagsalu-salo sa hapunan ng Paskua. Sa pagtatapos ng hapunang ito, pinasimulan ni Jesus ang ordenansa ng sakramento, na sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na ulitin ito bilang pag-alaala sa Kanya. Kinabukasan, kahalintulad ng kordero na inihain bilang bahagi ng Paskua, ang Kordero ng Diyos ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Winakasan ng Kanyang sakripisyo ang mga pagsasakripisyo ng hayop.

Matapos ang Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas, nagsimulang magpulong ang Kanyang mga disipulo sa unang araw ng linggo upang kumain ng tinapay at uminom ng alak bilang pag-alaala sa Kanya. Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer na pagkatapos ng kamatayan ni Jesucristo, “ang Paskua ay aalalahanin bilang sakramento magpakailanman.”

Nakikibahagi si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa sakramento ng Huling Hapunan

In Remembrance of Me [Bilang Pag-alaala sa Akin], ni Walter Rane

Alamin ang Iba pa

Ang Paskua

  • Howard W. Hunter, “Christ, Our Passover,Ensign, Mayo 1985, 17–19

  • The Passover Supper,” Ensign, Abr. 2014, 74–75

Ang Sakramento

Media

Musika

Video

3:7

Mga Larawan

Nakatayo si Moises at ang kanyang kapatid na si Aaron sa korte ni Faraon

Illustration of Moses and Aaron in the court of Pharaoh [Paglalarawan kina Moises at Aaron sa korte ni Faraon], ni Robert T. Barrett

Nakatayo si Moises at Aaron sa harap ng Faraon na may isang ahas sa lupa

Moses and Aaron before the Pharaoh [Sina Moises at Aaron sa harap ni Faraon], ni Paul Gustave Doré

isang babaeng Israelita na nagpipinta ng dugo ng kordero sa haligi ng kanyang pintuan para sa Paskua

Passover [Paskua], ni Eva Timothy

Mga Tala

  1. Exodo 3:19.

  2. Exodo 3:20.

  3. Exodo 7:5. Tingnan din sa Exodo 8:22; 9:29; 14:4, 18.

  4. Exodo 9:14.

  5. “Ang [ilang] interpreter ay nagsasabi ng masimbolikong koneksyon ng bawat salot at ng isang diyos ng mga taga-Egipto, na ipinagpapalagay na bawat isa ay nilayong magpakita ng kahigitan ni Jehova sa isang partikular na diyos. Ang paliwanag na ito ay mahirap na patunayan sa lahat ng pagkakataon. … [Gayunman,] walang duda na ang layunin ng mga salot sa kabuuan ay ipakita na nakahihigit ang kapangyarihan ni Jehova sa diyos ng mga taga-Egipto, kung saan kabilang ang maringal na Faraon mismo” (Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints [2009], 90). Tingnan din sa Kerry Muhlestein, “‘What I Will Do to Pharaoh’: The Plagues Viewed as a Divine Confrontation with Pharaoh,” sa From Creation to Sinai: The Old Testament through the Lens of the Restoration, pat. Daniel L. Belnap at Aaron P. Schade (2021), 450.

  6. Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6.

  7. Ang pariralang “pakisabi mo sa akin” sa King James Version ay maaari ding sabihing “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang pagkakataong maunang magpahayag” (tingnan sa Exodo 8:9).

  8. “Ang pagpapahintulot kay Faraon na tukuyin ang panahon ng pag-alis sa mga palaka ay dapat magbigay-diin sa lesson tungkol sa natatanging kapangyarihan ng Panginoon: Maaari Niyang wakasan ang isang salot sa mismong sandaling tinukoy” (Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, eds., The Jewish Study Bible, ika-2 ed. [2014], 111, tala sa Exodo 8:6).

  9. Exodo 12:5.

  10. Tingnan sa Exodo 12:46.

  11. 1 Pedro 1:19.

  12. Tingnan sa 1 Nephi 11:32–33.

  13. Nang ipako sa krus ang Tagapagligtas, pumunta ang mga kawal na Romano upang baliin ang Kanyang mga binti para magdulot ng kamatayan. Gayunman, tumigil sila nang makita nilang patay na Siya (tingnan sa Juan 19:31–33). Itinuro ni Juan, “ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang banal na kasulatan, Kahit isa mang buto niya’y hindi mababali” (Juan 19:36).

  14. Gerrit W. Gong, “Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 54. Ang dugo sa mga pasukan ng mga tahanan ng mga Israelita ay tanda rin sa Panginoon ng kanilang pagsunod at pagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang propeta. Sa ating panahon, ginamit ng Panginoon ang matalinghagang paglalarawan tungkol sa mapangwasak na anghel na dumadaan nang ilarawan Niya ang mga pagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21).

  15. Tingnan sa Exodo 12:8, 15.

  16. Juan 6:35.

  17. Tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 118, tala sa Exodo 12:14–20.

  18. Tingnan sa Mateo 16:6, 12; 1 Corinto 5:6–8.

  19. Matapos makatakas ang mga Israelita sa Egipto, pinasimulan ng Panginoon ang taunang pista ng tinapay na walang pampaalsa bilang patuloy na pag-alaala ng kanilang kaligtasan. Tumatagal ang pistang ito nang pitong araw. Ang una at ikapitong araw ay mga Sabbath at mga araw ng banal na pagpupulong (tingnan sa Exodo 12:15–17; Bible Dictionary, “Feasts”).

  20. Tingnan sa Moroni 10:30–33; Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

  21. Tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 117, tala sa Exodus 12:8; tingnan din sa Exodo 1:14.

  22. Tingnan sa “The Passover Supper,” Ensign, Abr. 2014, 74.

  23. 3 Nephi 11:11.

  24. Tingnan sa Exodo 13:2, 12. Noong una, ang panganay na lalaki mula sa bawat pamilya ay dapat maglingkod sa isang tungkulin ng priest sa tabernakulo. Kalaunan, ang lipi ni Levi na lamang ang gumaganap sa tungkuling iyon (tingnan sa Mga Bilang 3:12).

  25. Tingnan sa Exodo 13:15.

  26. Tingnan sa Colosas 1:14–18; Doktrina at mga Tipan 93:21.

  27. Juan 6:38.

  28. Tingnan sa Exodo 13:3–10.

  29. Tingnan sa Bible Dictionary, “Feasts.”

  30. Tingnan sa Mateo 26:17–30; Marcos 14:12–18; Lucas 22:7–20.

  31. Tingnan sa Mateo 27:1–50. Tingnan din sa 1 Nephi 11:32–33.

  32. Tingnan sa 3 Nephi 9:19–20.

  33. Tingnan sa Mga Gawa 20:7.

  34. Boyd K. Packer, “Atonement, Agency, Accountability,” Ensign, Mayo 1988, 72.