Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 42–50


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Genesis 42–50

Dahil sa taggutom sa Canaan, sinugo ni Jacob ang kanyang mga anak sa Egipto upang bumili ng butil. Nakaharap nila ang kanilang kapatid na si Jose ngunit hindi nila siya nakilala, bagama’t nakilala niya sila. Pagkatapos subukan ang kanyang mga kapatid, inihayag ni Jose ang kanyang identidad sa kanyang mga kapatid at pinatawad niya sila. Kalaunan, pumunta si Jacob at ang kanyang buong pamilya niya sa Egipto upang tumira dito. Bago siya pumanaw, inampon ni Jacob ang mga anak ni Jose na sina Efraim at Manases, at binasbasan niya sila. Binasbasan din niya ang bawat isa sa kanyang mga anak na lalaki. Bago pumanaw si Jose, nagpropesiya siya tungkol kina Moises at Joseph Smith at sa kanilang magiging tungkulin sa kanyang mga inapo.

Resources

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Genesis 42–45

Bakit sinubukan ni Jose ang kanyang mga kapatid?

Sa Genesis 42–45, ilang beses na sinubukan ni Jose ang kanyang mga kapatid bago niya inihayag ang kanyang pagkakakilanlan. Ang karamihan sa mga pagsubok na ito ay nakatuon sa batang si Benjamin, na naging paboritong anak ni Jacob pagkatapos ipagbili si Jose sa pagkaalipin. Tila binibigyan ni Jose ng pagkakataon ang kanyang mga kapatid na patunayan na sila ay nagbago na at hindi nila ipagkakanulo si Benjamin gaya ng kanilang pagtataksil sa kanya.

Sa buong salayasay na ito, makikita natin ang mga pahiwatig na talagang nagbago na ang mga kapatid ni Jose. Nagpahayag si Ruben ng pagsisisi dahil ipinagbili nila si Jose bilang alipin. Nang maling akusahan si Benjamin ng pagnanakaw, nag-alok si Juda na akuin ang kaparusahan ni Benjamin sa halip na hayaang maging tagapaglingkod o alipin si Benjamin sa Egipto. At determinado si Juda at ang iba pang kapatid na protektahan si Benjamin, upang hindi magdalamhati ang kanilang ama sa pagkawala ng isa pang anak.

Genesis 44:1–5

Ano ang kahalagahan ng kopang pilak ni Jose?

Bahagi ng pagsubok ni Jose para sa kanyang mga kapatid ang paglalagay ng kanyang kopang pilak sa sako ni Benjamin. Ang kopa ay inilarawan bilang isang bagay na kung saan “sa pamamagitan nito ay nanghuhula [si Jose].” Ang panghuhula ay ang paggamit ng mga pamamaraan alinsunod sa pamahiin upang subukang mahulaan ang mga pangyayari sa hinaharap. Ang panghuhula ay karaniwang kinokondena sa mga banal na kasulatan.

Gayunpaman, binanggit din sa mga banal na kasulatan ang mga halimbawa ng mga indibiduwal na lehitimong gumagamit ng mga instrumento upang tulungan silang matuklasan o matanggap ang katotohanan mula sa langit. Ang mga bagay na gaya ng Urim at Tummim, mga bato ng tagakita, mga tungkod o patpat, at ang Liahona ay ginamit para sa mga matwid na layunin.

Ang salaysay sa Genesis ay hindi nagbibigay ng sapat na mga detalye para malaman kung paano ginamit ni Jose ang kanyang kopang pilak. Bagama’t maaaring ginamit para sa matwid na layunin ang kopa, posible rin na sinabi lamang ni Joseph na ginamit niya ang kopa para sa panghuhula bilang bahagi ng kanyang pagpapanggap sa pag-aakusa kay Benjamin sa pagnanakaw ng isang napakahalagang bagay.

Genesis 44:32–34

Paano naipapaalala sa atin ng mga ginawa ni Juda ang tungkol sa Tagapagligtas?

Minsang kinasuklaman ni Juda si Jose dahil sa pagiging paboritong anak nito at siya ang nagmungkahi na ipagbili si Jose bilang alipin. Ngunit pagkaraan ng maraming taon sa Egipto, inialok ni Juda ang sarili kapalit ni Benjamin bilang tagapaglingkod o alipin. Maaaring ang ginawa ni Juda ay magpaalala sa atin kay Jesucristo, na inapo ni Juda,. Tulad ng inialok ni Juda na akuin ang kaparusahan ni Benjamin upang makabalik si Benjamin sa kanyang ama, gayundin inako ni Jesucristo ang ating mga kasalanan upang makabalik tayo sa ating Ama sa Langit.

Genesis 45:5–8

Ano ang ibig sabihin ni Jose nang sabihin niyang isinugo siya ng Diyos sa Egipto?

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na huwag magdalamhati o magalit sa kanilang sarili dahil sa ipinagbili nila siya bilang alipin, at ipinaliwanag na isinugo siya ng Diyos sa Egipto “upang magligtas ng buhay.” Ang mga salita ni Jose ay hindi dapat ipagpalagay na ang ibig sabihin nito ay Diyos ang naghikayat sa mga kapatid ni Jose na ipagbili siya bilang alipin. Sa halip, kinikilala ni Jose ang karunungan ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kakayahang ilabas ang mabuti sa mahihirap na sitwasyon. Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell na “Ang masamang layunin ng mga kapatid ni Jose ay nakapaloob sa mga plano ng Diyos, na nalalaman ang simula mula sa wakas at ang lahat ng nasa pagitan nito.”

Si Jose ng Egipto na hawak ang kamay ng kanyang kapatid

Joseph of Egypt [Si Jose ng Egipto], ni Michael T. Malm

Genesis 46:4

Ano ang kahulugan ng pangako ng Panginoon kay Jacob na “isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata?”

Ipinangako ng Panginoon kay Jacob na ipipikit ni Jose ang mga mata ni Jacob pagkatapos ng kanyang kamatayan. Sa kaugalian ng mga Hebreo, responsibilidad ng pinakamalapit at pinakamamahal na kamag-anak na ipikit ang mga mata ng isang yumao at hagkan siya bilang pamamaalam.

Genesis 48:1–6

Bakit inampon ni Jacob ang dalawang anak ni Jose?

Bago siya pumanaw, kinailangang iatas ni Jacob ang mga tungkulin ng pagkapanganay. Karaniwang ang panganay na anak na lalaki ang tumatanggap ng karapatan sa pagkapanganay. Gayunpaman, ang panganay ni Jacob na si Ruben ay nawalan ng karapatan sa pagkapanganay dahil sa kasalanan, na naging dahilan upang tanggapin ni Jose ang pagkapanganay. Bilang panganay na anak, may karapatan si Jose sa dalawang bahagi ng mana ng kanyang ama. Ang dalawang bahagi ng mana ni Jose ay pinaghatian ng kanyang mga anak na sina Efraim at Manases. Dahil sa pag-ampon sa kanila ni Jacob, ang mga anak ni Jose ay kabilang na sa mga anak ni Israel, at ang mga inapo ng bawat anak ay naging isang hiwalay na lipi ng Israel.

Genesis 48:8–20

Bakit ipinatong ni Jacob ang kanyang kanang kamay kay Efraim sa halip na kay Manases?

Pagkatapos ampunin sina Manases at Efraim, ninais ni Jacob na basbasan sila. Ipinatong ni Jacob ang kanyang kanang kamay sa ulo ng nakababatang kapatid na si Efraim, na nagpapahiwatig na sa huli ay tatanggapin ni Efraim ang pagkapanganay ni Jose. Bagama’t hindi ipinaliwanag ng mga banal na kasulatan kung bakit pinili si Efraim sa halip na ang kanyang nakatatandang kapatid na si Manases, nilinaw ng tugon ni Jacob sa pagtatangka ni Jose na makialam na ito ang kalooban ng Panginoon.

Bilang bahagi ng mga responsibilidad ni Efraim sa pagkapanganay, binigyan siya at ang kanyang mga inapo ng mga responsibilidad sa pamumuno kasama ang lipi ni Juda. Sa mga huling araw, ang mga yaong kabilang sa lipi ni Efraim ay may pribilehiyo at responsibilidad na “humawak ng pagkasaserdote, ihayag ang mensahe ng pinanumbalik na ebanghelyo sa daigdig, at magtaas ng isang sagisag upang tipunin ang nakalat na Israel.”

Si Jacob na nagpapatong ng kanyang mga kamay sa mga ulo ng kanyang mga anak upang basbasan sila

Israel Blesses Ephraim with Birthright [Binabasbasan ni Israel si Efraim ng Pagkapanganay], ni D. Keith Larson

Genesis 49:8–12

Ano ang kahalagahan ng pagbabasbas ni Jacob kay Juda?

Sa pagtatapos ng kanyang buhay, binasbasan ni Jacob ang bawat isa sa kanyang mga anak. Sa mga pagpapalang ito, nagbigay si Jacob ng mga babala, naglarawan ng mga bunga ng ilan sa mga ginawa noon ng kanyang mga anak, at nagpropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap. Ang pinakakapansin-pansin at pinakadetalyadong basbas ay ibinigay kina Juda at Jose.

Ang “setro” na binanggit sa talata 10 ay nangangahulugang ang karapatan o awtoridad ng mga inapo ni Juda na mamuno. Ang mga hari ng Israel, kabilang sina David at Solomon, ay mga inapo ni Juda, maging si Jesucristo, ang “Hari ng mga hari.”

Ipinropesiya rin ni Jacob na ang kaharian ni Juda ay mananatiling buo “hanggang sa ang Shilo ay dumating.” Sa wikang Hebreo, ang pangalang Shilo ay maaaring mangahulugang “Siya na tunay na may-ari.” at tumutukoy kay Jesucristo, isang inapo ni Juda. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang lipi ni Juda ay binigyan ng responsibilidad na ihanda ang mundo para sa unang pagparito ng Panginoon. Mula sa liping iyon, si Maria ay tinawag na maging ina ng Anak ng Diyos.”

Genesis 49:22–26

Ano ang kahalagahan ng basbas ni Jacob kay Jose?

Ang propesiya na ang “mga sanga [ni Jose ay gagapang] sa ibabaw ng pader” ay maaaring tumukoy sa pagkalat ng lipi ni Jose sa iba’t ibang panig ng mundo. Si Lehi at ang kanyang pamilya, na lumipat sa Amerika mula sa Jerusalem, ay may mahalagang ginampanan sa katuparan ng propesiyang ito. Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang pamilya ni Lehi ay mula sa angkan ng anak ni Jose na si Manases.

isang paglalarawan ng isang sanga na sumasaklaw sa ilang kontinente sa mapa ng mundo

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Tayo ay nagpapatotoo sa mundo na nasa atin ang talaan ni Jose—maging ang Aklat ni Mormon. Tulad ni Juda, si Jose ay may mga tao—ang mga Nephita at Lamanita. Tulad ni Juda, si Jose ay may lupain—ang Amerika. Tulad ni Juda, si Jose ay may mga propeta, at ang kanyang mga inapo ay nabisita rin ni Jesucristo, maging ng nabuhay na mag-uling Panginoon.”

Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38

Ano ang idinagdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith sa ating naunawaan sa mga huling salita ni Jose ng Egipto?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Sa [Biblia], nagtatapos ang Genesis 50 sa talata 26, na nagtatala ng pagkamatay ni Jose. Sa Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS), hindi lamang nagdagdag ang kabanatang iyon ng mahalagang impormasyon sa talata 24 hanggang 26 kundi nagbigay din ng karagdagang labindalawang talata na nagpapayaman sa ating kaalaman tungkol sa koneksyon ni Joseph (tingnan sa PJS, Genesis 50:27–38). Kasama sa mga karagdagang iyon ang mga sumusunod na pananaw, na ipa-paraphrase ko:

  1. Isang mabuting sanga ang ibabangon kalaunan mula sa balakang ni Jose (tingnan sa PJS, Genesis 50:24).

  2. Ikakalat ang Israel. Isang sanga ang mababali at dadalhin sa malayong bayan (tingnan sa PJS, Genesis 50:25).

  3. Isang piling tagakita ang ibabangon mula sa balakang ni Jose na may gawaing gagawin para sa bunga ng kanyang balakang (tingnan sa PJS, Genesis 50:26–29).

  4. Ang mga isinulat mula sa bunga ng balakang ni Jose at ang mga isinulat mula sa bunga ng balakang ni Juda ay magsasama upang magdala ng kaalaman tungkol sa kanilang mga ama at tungkol sa walang hanggang tipan. Ang kaalamang iyan ay darating sa mga huling araw (tingnan sa PJS, Genesis 50:30–32).

  5. Ang ipinangakong tagakita ay tatawaging Jose [Joseph], ayon sa pangalan ng kanyang ama, at siya ay magiging katulad ni Jose, na anak ni Jacob, na magdadala ng kaligtasan sa mga anak ng Panginoon (tingnan sa PJS, Genesis 50:33).

“Ang mga karagdagang ito ay magagandang halimbawa ng ‘malilinaw at mahahalagang’ katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa 1 Nephi 13:40).”

Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:26–33

Paano natupad ang mga propesiya ni Jose tungkol kay Joseph Smith?

Nakatala sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Genesis 50:26–33 ang propesiya ni Jose tungkol sa isang “piling tagakita,” na tumutukoy kay Propetang Joseph Smith. Ang mga sumusunod ay mga posibleng katuparan ng ilan sa mga propesiya ni Jose tungkol kay Joseph Smith.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

Posibleng katuparan

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Siya ay bibigyan ng malaking pagpapahalaga” (talata 27).

Posibleng katuparan

Itinuturing si Joseph Smith ng milyun-milyong mananampalataya bilang Propeta ng Pagpapanumbalik.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Kanya silang dadalhin sa kaalaman ng mga tipang aking ginawa sa iyong mga ama” (talata 28).

Posibleng katuparan

Isa sa mga layunin ng Aklat ni Mormon ay ang dalhin ang sambahayan ni Israel sa kaalaman sa mga tipan ng Panginoon.

Dahil ipinanumbalik ang priesthood sa pamamagitan ni Joseph Smith, maaari tayong makipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang dalhin ang aking salita” (talata 30).

Posibleng katuparan

Inihayag ng Panginoon ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, at ang iba pang inspiradong kasulatan sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas” (talata 32).

Posibleng katuparan

Mula sa abang simula at pagkakaroon ng kaunting pormal na edukasyon ay naging makapangyarihang propeta si Joseph Smith.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Sila na maghahangad na pinsalain siya ay malilito” (talata 33).

Posibleng katuparan

Hindi nagtagumpay ang mga naghangad na siraan si Joseph Smith at ang kanyang gawa.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith

“Ang kanyang pangalan ay tatawaging Jose, at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama” (talata 33).

Posibleng katuparan

Si Joseph Smith Jr. ang pangatlong anak na lalaki ni Joseph Smith Sr. at ipinangalan sa kanyang ama.

Si Joseph Smith na may hawak na kopya ng Aklat ni Mormon

Brother Joseph [Kapatid na Joseph], ni David Lindsley

Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:31

Ano ang ibig sabihin na ang mga isinulat ng binhi ni Jose at ni Juda ay magsasama?

Si Jose ng Egipto ay nagpropesiya tungkol sa dalawang set ng mga kasulatan na “magsasama” sa mga huling araw: ang mga isinulat ng kanyang sariling mga inapo (ang Aklat ni Mormon) at ang mga isinulat ng mga inapo ni Juda (ang Biblia). Napansin ni Pangulong Boyd K. Packer na sa ating panahon, ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay “pinagsama sa paraang kapag pinag-aralan ninyo ang isa ay nanaisin din ninyong pag-aralan ang isa pa; kapag natutuhan ninyo ang isa ay lilinawin ng isa ang inyong pang-unawa. Ang mga ito ay talagang naging isa sa ating mga kamay.”

Alamin ang Iba pa

Pagpapatawad sa kapwa

Mga patriarchal blessing

Si Propetang Joseph Smith

Media

Musika

Mga Larawan

Si Jose ng Egipto na nakatayo at kinakausap ang kanyang mga kapatid

An illustration of Joseph of Egypt [Isang paglalarawan kay Jose ng Egipto], ni Robert T. Barrett

Si Jose na hinahawakan ang kanyang mga kapatid at pinapatawad sila

Forgiveness [Pagpapatawad], ni Megan Rieker

Si Jacob na ipinapatong ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang anak upang basbasan siya

Jacob Blessing His Sons [Si Jacob na Binabasbasan ang Kanyang mga Anak], ni Harry Anderson

isang painting na naglalarawan ng Pagpapako sa Krus kay Cristo sa Jerusalem at pagbisita ni Cristo sa mga Nephita sa lupalop ng Amerika

The Bible and the Book of Mormon Testify of Christ [Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo tungkol kay Cristo], ni Greg K. Olsen

Si Jose ng Egipto na may pangitain kay Joseph Smith na tinatanggap ang mga laminang ginto mula sa anghel na si Moroni

Joseph in Egypt [Si Jose sa Egipto], ni Paul Mann

Mga Tala

  1. Tingnan sa Genesis 42:21–24.

  2. Tingnan sa Genesis 44:1–33. Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na isinalin bilang “lingkod” ay maaari ding isalin bilang “alipin.” Ang salitang Hebreo ay maaaring magpahiwatig ng boluntaryong paglilingkod o pagkaalipin (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], entry 5650, pahina 998).

  3. Tingnan sa Genesis 42:36–38; 43:8–9; 44:20–22, 30–34.

  4. Genesis 44:5.

  5. Tingnan sa Bible Dictionary, “Divination.”

  6. Tingnan sa Levitico 19:31; 20:6; Deuteronomio 18:10; 2 Mga Hari 21:6; Isaias 8:19; 19:3; Mga Gawa 8:9; 13:6, 8; 16:16.

  7. Tingnan sa Mga Bilang 27:21; Abraham 3:1; Joseph Smith—Kasaysayan 1:35, 62. Tingnan din sa “Abraham 3:1. Ano ang Urim at Tummim?

  8. Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Bato ng Tagakita,” Gospel Library.

  9. Tingnan sa Exodo 7:9–12; Mga Bilang 17:1–8; Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Divining Rod,” Gospel Library.

  10. Tingnan sa 1 Nephi 16:10, 26–30; Alma 37:38–42.

  11. Tingnan sa Genesis 37:26–27.

  12. Tingnan sa Genesis 49:10; Mateo 1:1–17.

  13. Tingnan sa Mosias 15:9.

  14. Genesis 45:5.

  15. Neal A. Maxwell, Notwithstanding My Weakness (1981), 22.

  16. Tingnan sa Kenneth W. Godfrey, “Making the Old Testament Live,” sa A Symposium on the Old Testament (mensahe sa mga religious educator, Ago. 16–18, 1979), 111. Sa Genesis 50:1 nalaman natin na pagkatapos pumanaw ni Jacob, “Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.”

  17. Tingnan sa 1 Mga Cronica 5:1–2. “Ang pagkapanganay ngayon ay napasa kay Jose, na anak na panganay ni Jacob sa kanyang pangalawang asawang si Raquel” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel,” Gospel Library).

  18. Ang panganay na anak ay kadalasang nagmamana ng dalawang bahagi ng mga ari-arian ng ama, na inaasahang gagamitin niya upang makatulong sa pangangalaga sa mga pisikal na pangangailangan ng pamilya (tingnan sa Deuteronomio 21:17; tingnan din sa Bradley R. Wilcox, “O Mga Kabataang May Marangal na Pamana,” Liahona, Nob. 2024, 94; Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints, 62).

  19. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 48:5–6, Gospel Library. Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel,” Gospel Library.

  20. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ephraim,” Gospel Library. Tingnan din sa Jeremias 31:9; Doktrina at mga Tipan 133:34. “Natanggap ni Efraim ang pagkapanganay ni Jose, at natanggap ni Jose ang pagkapanganay ni Jacob (Israel)” (Daniel H. Ludlow, “What Laws Governed the Inheritance of Birthright in the Old Testament?Ensign, Set. 1980, 53.

  21. Tingnan sa Genesis 48:19–20. Gaya kina Isaac, Jacob, at Jose, ang anak na tatanggap ng pagkapanganay sa pamilya ni Abraham ay hindi palaging ang panganay.

  22. Tingnan sa Kerry Muhlestein, God Will Prevail (2021), 94–96.

  23. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ephraim,” Gospel Library.

  24. Tingnan sa Genesis 49. Katulad ng mga patriarchal blessing na ibinibigay sa ating panahon, ang mga basbas ni Jacob sa kanyang mga anak ay naglalarawan ng mga posibilidad sa hinaharap para sa kanila.

  25. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “David” at “Solomon,” Gospel Library.

  26. Apocalipsis 17:14; 19:16.

  27. Genesis 49:10.

  28. Bible Dictionary, “Shiloh.” Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ang propesiyang ito na tungkol sa Silo ay napailalim sa maraming interpretasyon ng rabi at Kristiyano at ang paksa ng malaking kontrobersya. Ang interpretasyong ibinigay sa passage na ito ng … Simbahan ay batay sa paghahayag sa mga makabagong propeta, hindi sa komentaryo ng mga iskolar. Ipinahayag kay Joseph Smith na ang Silo ay ang Mesiyas [tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24, Gospel Library]” (“A Message to Judah from Joseph,” Ensign, Dis. 1976, 71).

  29. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 11.

  30. Genesis 49:22.

  31. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–25, Gospel Library.

  32. Tingnan sa 1 Nephi 15:12; 3 Nephi 15:12–14.

  33. Tingnan sa Alma 10:3. Tingnan din sa 1 Nephi 5:14–16.

  34. Ezra Taft Benson, “A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 8.

  35. Russell M. Nelson, “Remnants Gathered, Covenants Fulfilled,” sa Sperry Symposium Classics: The Old Testament, ed. Paul Y. Hoskisson (2005), 3.

  36. Tingnan ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.

  37. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:4.

  38. Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:31, Gospel Library.

  39. Boyd K. Packer, “Scriptures,” Ensign, Nob. 1982, 53.