Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19
Sa pamamagitan ni Moises, inutusan ng Panginoon ang mga Israelita na magtayo ng tabernakulo sa ilang. Ang tabernakulo ay magiging isang santuwaryo kung saan maaaring manirahan ang Panginoon kasama ng Kanyang mga tao. Kusang-loob na ibinigay ng mga Israelita ang mga materyales na kailangan sa pagtatayo ng tabernakulo, at itinayo ng mahuhusay na manggagawa ang bawat bahagi nito. Nang matapos ang tabernakulo, napuno ito ng kaluwalhatian ng Panginoon. Inihayag din ng Panginoon kay Moises kung paano dapat maghandog ang mga Israelita ng iba’t ibang uri ng pag-aalay sa Kanya. Nakatuon ang mga pag-aalay na ito sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at tinulungan ang mga Israelita na umasa kay Jehova para sa pagtubos.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay iniendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Exodo 35–40
Ano ang layunin ng tabernakulo?
Sa loob ng 40 araw na nasa Bundok ng Sinai si Moises, inutusan siya ng Panginoon na magtayo ng isang santuwaryo, o tabernakulo, upang “makapanirahan sa gitna” ng Kanyang mga tao ang Panginoon. Ang tabernakulo ay nagsilbi bilang sentrong lugar ng pagsamba ng Israel sa buong panahon ng paglalakbay nila sa ilang at patungo sa lupang pangako. Dahil naililipat ang tabernakulo, puwedeng pagbaklas-baklasin ito ng mga Israelita at buuin ito ulit habang naglalakbay sila sa ilang.
The Ancient Tabernacle [Ang Sinaunang Tabernakulo], ni Bradley Clark
Tulad ng mga makabagong templo, ang tabernakulo ay bahay ng Panginoon. Simbolikong itinuro sa Israel ng mga bagay sa loob at ng mga ordenansa sa tabernakulo ang tungkol sa kanilang paglalakbay sa buhay at pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Nahahati sa tatlong pangunahing bahagi ang tabernakulo: ang looban, ang banal na lugar, at ang pinakabanal na lugar (na tinatawag ding Dakong Kabanal-banalan). Ang bawat espasyo ay palapit nang palapit sa banal na presensya ng Diyos.
Nakapaloob ang mga sumusunod na bagay sa sinaunang tabernakulo:
Dambana ng pag-aalay
(Exodo 38:1–7; tingnan din sa Exodo 29:10–14)
Ginagamit ang dambana sa looban para sa mga pag-aalay ng hayop. Mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Israelita ang pag-aalay. Sumisimbolo ang mga pag-aalay ng hayop sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng mga pag-aalay, ipinapakita ng mga sinaunang Israelita ang kanilang katapatan sa Diyos, paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan, at pasasalamat.
Hugasan
(Exodo 38:8; 40:30–32)
Ang hugasan, isang palanggana ng tubig, ay nakalagay sa pagitan ng dambana ng pag-aalay at ng pintuan ng tabernakulo. Dito hinuhugasan ng mga priest ang kanilang mga kamay at paa bago pumasok sa tabernakulo o bago mangasiwa sa dambana ng pag-aalay. Isa itong paalala sa mga Israelita na kailangang maging malinis habang nakikibahagi sila sa mga sagradong ordenansa at naghahandang pumasok sa kinaroroonan ng Panginoon.
Hapag ng tinapay
(Exodo 40:22–23; tingnan din sa Exodo 25:23–30; Levitico 24:5–9)
Tuwing Sabbath, maglalagay ang mga priest ng 12 tinapay na walang lebadura sa hapag ng tinapay. Nagsisilbing paalala ang mga tinapay sa mga Israelita na si Jehova ang patuloy nilang tagapaglaan. Kapag naglalagay ng mga bagong tinapay ang mga priest sa hapag tuwing Sabbath, kakainin nila ang mga lumang tinapay, na kumakatawan sa isang sagradong pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang ibig sabihin ng salitang shewbread ay “ang Tinapay ng Presensiya,” na nagpapahiwatig sa presensiya ng Diyos sa tabernakulo. Ginagamit ang tinapay sa buong banal na kasulatan bilang sagisag ni Jesucristo. Bukod pa rito, kumakatawan ang 12 tinapay sa labindalawang lipi ng Israel. Ang paglagay ng tinapay sa banal na lugar ng tabernakulo ay nagsilbing paalala na patuloy na ipinapakilala ang bawat lipi sa harapan ng Panginoon.
Kandelero
(Exodo 37:17–24)
Ang kandelero, na kilala rin sa Hebreong pangalan nito na menorah, ay nakalagay sa tapat ng hapag ng tinapay sa tabernakulo. Ang pitong ilawan nito ay nagsunog ng purong langis ng olibo upang magbigay ng liwanag sa banal na lugar. Ang liwanag ay isang sagisag ni Jesucristo, na siyang “ilaw ng sanlibutan.” Maaari ding sumimbolo ang liwanag mula sa mga ilawan sa iba pang mapagkukunan ng liwanag na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, kabilang na ang Espiritu Santo at ang mga banal na kasulatan. Ang langis ng olibo ay maaaring maging sagisag ng kadalisayan, ng impluwensya ng Espiritu Santo, at ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo.
Dambana ng insenso
(Exodo 37:25–29; 40:26–27)
Nakalagay sa harap ng tabing patungo sa Dakong Kabanal-banalan ang dambana ng insenso. Nagsusunog ng insenso ang high priest tuwing umaga at gabi sa dambanang ito. Sumasagisag ang usok mula sa insenso sa mga panalangin ng matapat na umaakyat patungo sa Diyos.
Tabing
(Exodo 36:35; 40:21; tingnan din sa Exodo 26:31–33)
Hinahati ng tabing ang banal na lugar mula sa Dakong Kabanal-banalan. Gawa ito sa linong kinulayan ng asul, lila, at pula at binurda ng larawan ng mga querubin. Sumisimbolo ang tabing sa “paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at tao.” Isang beses sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, tatawid ang high priest sa tabing upang makapasok sa Dakong Kabanal-banalan, na kumakatawan sa kinaroroonan ng Diyos.
Itinuturo ng liham sa mga Hebreo na sumisimbolo ang tabing sa laman at dugo ni Jesucristo. Kung paano dinadala ng tabing ng templo ang high priest sa Dakong Kabanal-banalan, makapapasok lang tayo sa kinaroroonan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Kaban ng tipan
(Exodo 37:1–9; 40:20–21; tingnan din sa Exodo 25:21–22)
Ang kaban ng tipan lang ang bagay na nasa Dakong Kabanal-banalan. Isa itong malaking kahon na gawa sa matibay na kahoy na binalutan ng ginto. Ang takip, na tinatawag na luklukan ng awa, ay gawa sa ginto at may dalawang anghel na tinatawag na mga querubin sa ibabaw. Kumakatawan ang luklukan ng awa sa trono ng Diyos. Pagkatapos ibigay ng Panginoon kay Moises ang mga tagubilin para sa paggawa ng kaban ng tipan, nangako Siya, “Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa.”
Nakalagay sa loob ng kaban ng tipan ang mga tapyas ng bato na naglalaman ng batas na ibinigay kay Moises sa Bundok ng Sinai. Sa paglipas ng mga taon, idinagdag ang iba pang sagradong relikiya, kabilang ang isang palayok ng manna, tungkod ni Aaron, at isang scroll o balumbon ng batas. Nagpakita ng lubos na paggalang ang mga Israelita sa kaban, at bumigkas sila ng mga panalangin bago inilipat o inilagay sa posisyon ang kaban.
Exodo 35:19; 38:21; 39:27
Paano naiiba ang mga responsibilidad sa priesthood ni Aaron at ng kanyang mga anak sa iba pang mga Levita?
Habang nakikipag-usap kay Moises sa Bundok ng Sinai, sinabi ng Panginoon na maglilingkod si Aaron at ang kanyang mga anak sa “katungkulan ng [saserdote].” Tinutukoy ng paghahayag sa huling araw na natanggap ni Aaron at ng kanyang mga anak ang Aaronic (o Levitical) Priesthood. Bagama’t tumanggap ang iba pang lalaki mula sa lipi ni Levi ng Aaronic Priesthood, tanging si Aaron at ang kanyang mga inapo ang itinalaga bilang mga priest. Itinalaga pa si Aaron bilang unang high priest, o ang namumunong opisyal ng Pagkasaserdoteng Levitical. Ang mga mas dakilang katungkulan sa Pagkasaserdoteng Levitical na hawak ni Aaron at ng kanyang mga anak ay nag-awtorisa sa kanila na mangasiwa sa mga sagradong ordenansang isinasagawa sa tabernakulo.
Moses Calls Aaron to the Ministry [Tinawag ni Moises si Aaron sa Ministeryo], ni Harry Anderson
Exodo 39; 40:12–15
Bakit inutusan ng Panginoon si Moises na hugasan, pahiran, at damitan si Aaron at ang kanyang mga anak?
Nakatulong ang mga seremonya ng paghuhugas, pagpapahid ng langis, at pananamit ng mga banal na kasuotan para ihanda si Aaron at ang kanyang mga anak na mangasiwa sa mga sagradong ordenansa ng tabernakulo. Sumisimbolo ang paghuhugas sa pagiging espirituwal na malinis. Nang pahiran ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak ng sagradong langis, itinalaga niya sila na isagawa ang kanilang mga espesyal na tungkulin sa paglilingkod sa Diyos.
Nagsuot ang mga priest na Israelita ng apat na pangunahing kasuotan: mga kasuotang panloob na lino (mga damit na panloob), isang pamigkis, isang turbante, at isang tunika. Nagsuot si Aaron at ang mga sumunod na high priest ng apat na karagdagang item: isang balabal, isang baluti sa dibdib o pektoral, isang efod, at isang banal na koronang nababalot ng ginto sa gora. Tulad ng damit na nauugnay sa mga ordenansa sa templo sa ating panahon, ang damit na isinusuot ng mga priest na Israelita ay sagrado at may malalim na simbolo. Higit sa lahat, maraming aspeto sa pananamit ng mga high priest ang nakaturo kay Jesucristo, ang “pinakapunong [saserdote].“
Ang sumusunod ay mga paglalarawan ng iba’t ibang piraso ng kasuotan ng high priest:
Efod
(Exodo 39:2–4)
Ang efod ay isang uri ng apron na may gintong itinahi sa materyal. May dalawang strap ito sa balikat na ang bawat isa ay may onyx na batong sinulatan ng mga pangalan ng kalahati sa mga lipi ng Israel.
Pamigkis
(Exodo 39:5)
Ang pamigkis ay isang burdadong sash na ipinapalibot sa baywang.
Baluti sa dibdib o pektoral
(Exodo 39:8–21)
Ang baluti sa dibdib ay isang piraso ng burdadong materyal na nakakabit sa ibabaw ng efod sa dibdib ng high priest. Tinawag itong “ang pektoral ng kahatulan.” Labindalawang batong may iba’t ibang kulay ang nakakabit sa harap, sa bawat isa ay may nakaukit na pangalan ng isa sa mga lipi ng Israel. Nakalagay rin sa loob ng baluti sa dibdib ang Urim at Tummim.
Balabal
(Exodo 39:22–26)
Gawa sa isang piraso ng walang tahing asul na materyal, umabot ang balabal nang lampas sa efod hanggang sa tuhod. Pinalamutian sa palawit nito ng mga gintong kampana at telang pomegranate.
Tunika
(Exodo 39:27)
Ang tunika ay isang kasuotang gawa sa pinong lino na umaabot sa o sa ibaba ng mga tuhod. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “pinong lino” ay nagpapahiwatig na kulay puti ang tunika, isang kulay na nauugnay sa kadalisayan sa mga banal na kasulatan.
Turbante
(Exodo 39:28)
Ang turbante ay isang linong gora o bonnet.
Banal na korona
(Exodo 39:30–31)
Ang banal na korona ay isang gintong plata na nakalagay sa noo ng high priest at nakakabit sa turbante gamit ang panaling asul. Inukitan ang gintong plata ng pariralang “Banal sa Panginoon.”
Exodo 40:34–38
Ano ang isinisimbolo ng ulap at apoy sa ibabaw ng tabernakulo?
Tingnan sa “Exodo 14:19–20, 24. Ano ang layunin ng haligi ng ulap at apoy?”
Levitico
Ano ang aklat ng Levitico?
Ang salitang Levitico ay isang anyo ng salitang Griyego na nangangahulugang “mga bagay na nauukol sa mga Levita.” Naglalaman ang aklat ng mga tagubilin sa mga Levita tungkol sa kanilang mga tungkulin sa priesthood, tulad ng pagsasagawa ng pag-aalay ng hayop at iba pang ritwal na ginagawa sa tabernakulo. Naglalaman din ang Levitico ng mga tagubilin ng Panginoon sa buong Israel. Sa pamamagitan ng mga tagubiling ito, nalaman natin ang tungkol sa mga batas, ritwal, seremonya, at pista na nagturo sa Israel kung paano maging malinis, banal, at naiiba sa mundo.
Sentro sa aklat ng Levitico ang konsepto ng pagbabayad-sala—ang salitang mas madalas na lumilitaw sa Levitico kaysa sa anupamang aklat ng banal na kasulatan. Ang salitang Pagbabayad-sala ay isinalin mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “takpan” o “punasan.” Itinuro ang Israel ng mga gawain sa batas ni Moises sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, na siyang magpapadalisay at tutubos sa huli sa lahat ng sumusunod sa Kanya.
Levitico 1–7
Ano ang layunin ng mga pag-aalay na hinihingi ng batas ni Moises?
Nagsimula ang batas ng sakripisyo sa kautusan ng Panginoon kina Adan at Eva na “ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon.” Kalaunan, nang pasimulan ng Panginoon ang batas ni Moises, pinalawak ang pagkakaiba-iba at dalas ng mga handog na iaalay. Naglalaman ang unang pitong kabanata ng Levitico ng mga tagubilin tungkol sa iba’t ibang pag-aalay na iniutos sa Israel na gawin.
Tulad ng mga pag-aalay na isinagawa noong unang panahon, itinuro ng mga handog na ito ang Israel kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Halimbawa, kinakailangan ng mga handog na susunugin ang pag-aalay ng isang panganay na lalaking hayop na walang dungis, at kinakailangan ng karamihan sa mga handog ang pagbuhos ng dugo ng isang hayop. Sa kanyang mensahe tungkol sa mga pag-aalay na ito, napansin ni Pangulong Russell M. Nelson na si Jesucristo “ang panganay na Kordero ng Diyos, na walang dungis. Ang Kanyang sakripisyo ay naganap sa pamamagitan ng pagbuhos ng Kanyang dugo.” Bukod pa rito, lubos na susunugin sa dambana ang buong handog na susunugin, na nagpaalala sa Israel ng ganap at walang-hanggang sakripisyong gagawin ni Jesucristo.
Paglalarawan ng mga Israelita na nagdadala ng kordero sa tabernakulo, ni Robert T. Barrett
Bukod pa sa itinutuon ng batas ng sakripisyo ang Israel kay Jesucristo, ginawa rin ito para tulungan silang maging mas banal. Sa pag-aalay ng mahahalaga at nakapagpapalakas na bagay sa Panginoon nang may “sariling pagkukusa,” ipinakita ng mga Israelita ang kanilang katapatan sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang mga handog na pag-aalay, maaaring makatanggap ang mga Israelita ng kapatawaran ng mga kasalanan, magpasalamat sa Diyos, at magpalakas ng kanilang ugnayan sa pakikipagtipan sa Kanya.
Ang pag-aalay ng hayop ay nagwakas sa kamatayan ni Jesucristo, na ang Pagbabayad-sala ay “dakila at huling hain.” Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard: “Pagkatapos ng sukdulang sakripisyo ng Tagapagligtas, dalawang pagsasaayos ang ginawa sa pagsasagawa ng batas na ito. Una, pinalitan ng ordenansa ng sakramento ang ordenansa ng sakripisyo; at pangalawa, inilipat ng pagbabagong ito ang tuon ng sakripisyo mula sa hayop na alaga ng tao tungo sa tao mismo. Sa isang banda, nagbago ang tuon ng sakripisyo mula sa alay tungo sa nag-aalay.” Sa ating panahon, inuutusan ang mga tagasunod ni Jesucristo na tumanggap ng sakramento bilang pag-alaala sa Tagapagligtas. Inuutusan din tayo na “mag-aalay bilang hain [sa Tagapagligtas] ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.”
Levitico 16
Ano ang Araw ng Pagbabayad-sala?
Ang Araw ng Pag-babayad-sala (Yom Kippur sa Hebreo) ang pinakamahalagang banal na araw ng taon para sa sinaunang Israel. Isa itong araw ng pag-aayuno at pagpapanibago, kung kailan ang high priest ay simbolikong gumagawa ng “[pagbabayad-sala] sa mga anak ni Israel dahil sa lahat nilang mga kasalanan.”
Natatangi ang araw na ito dahil ito lang ang pagkakataon kung kailan makapapasok ang high priest sa Dakong Kabanal-banalan, ang pinakasagradong lugar ng tabernakulo. Bago ito gawin, nagbibihis siya ng puting lino at nagsasagawa ng iba’t ibang pag-aalay ng hayop para sa mga tao. Pagkatapos ay pumapasok siya sa Dakong Kabanal-banalan at nagwiwisik ng dugo mula sa mga pag-aalay sa luklukan ng awa ng kaban ng tipan. Pagkatapos ay ipinapatong ng high priest ang kanyang mga kamay sa ulo ng isang lalaking kambing, na kilala bilang para kay Azazel o scapegoat, at ipagtatapat ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Simbolikong inililipat ng gawaing ito ang mga kasalanan ng mga tao sa kambing, na pagkatapos ay pinakakawalan sa ilang.
May mahalagang simbolikong kahulugan ang mga ritwal ng Araw ng Pagbabayad-sala. Halimbawa, ang high priest na nagdala ng dugong iaalay sa tabing ay nagbigay-pahiwatig tungkol kay Jesucristo, ang “pinakapunong [saserdote]” na tumawid sa tabing upang mamagitan para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang dugo ng mga pinatay na hayop na iwinisik sa luklukan ng awa ay maaari ding kumatawan sa dugo ni Jesucristo, na dugong “ibinuhos para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan.” At ang kambing na “dadalhin ang lahat ng mga kasamaan [ng Israel]” ay maaaring sumagisag kay Jesucristo, na “pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan,” maging “ang lahat nating kasamaan.”
Alamin ang Iba pa
Ang tabernakulo
-
“Paglalakbay sa Pamamagitan ng Sinaunang Tabernakulo,” Liahona, Mar. 2018, 52–53
-
“The Menorah,” Ensign, Dis. 2018, 36–37
Ang batas ng sakripisyo
-
M. Russell Ballard, “The Law of Sacrifice,” Liahona, Mar. 2002, 10–20
-
David Rolph Seely at Jo Ann H. Seely, “Sacrifice: In Similitude of the Savior” (digital lang na artikulo), Liahona, Set. 2022, Gospel Library
Media
Mga Video
Mga Larawan
Paglalarawan ng mga anak ni Israel na nagbibigay ng mga handog para sa tabernakulo, ni Corbert Gauthier
Kaliwa: Paglalarawan ng isang priest sa Lumang Tipan na naghahandog ng pag-aalay; Kanan: The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson
The Scapegoat [Para kay Azazel], ni Ted Henninger