“Genesis 6–11; Moises 8,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 6–11; Moises 8
Malulupit at masasama ang mga tao noong panahon ni Noe. Isang daan at dalawampung taon bago ang Baha, tinawag ng Diyos si Noe upang mangaral ng pagsisisi. Binalaan niya ang mga tao na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi. Tinanggihan ng mga tao ang mga babalang ito, at ipinadala ng Panginoon ang Baha. Sinunod ni Noe ang utos na gumawa ng arka, at iniligtas ng Diyos si Noe at ang kanyang pamilya. Pinanibago ng Panginoon sa pamamagitan ni Noe ang tipan na ginawa Niya kay Enoc. Nagtayo ng tore ang mga tao ng Babel. Ginulo ng Panginoon ang kanilang wika at ikinalat sila sa buong lupain.
Resources
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Genesis 6:3; Moises 8:17
Ano ang kahalagahan ng pangako ng 120 taon?
Nilinaw ng aklat ni Moises na ang 120 taon ay ang inilaang panahon ng Diyos para iparangal ni Noe ang pagsisisi bago Niya ipadala ang Baha. Tinukoy ni Pedro ang panahong ito bilang panahon kung kailan “ang Diyos ay matiyagang naghintay.” Sa Kanyang awa, binigyan ng Panginoon ang mga tao ng maraming pagkakataong magsisi sa loob ng maraming taon.
Building the Ark (Noah’s Preaching Scorned) [Paggawa ng Arka (Kinukutya ang Pangangaral ni Noe)], ni Harry Anderson
Genesis 6:4; Moises 8:18
Ano ang ibig sabihin ng may “mga higante sa mundo”?
Tingnan sa “Moises 7:15. Ano ang ibig sabihin ng may mga higante sa lupain?”
Genesis 6:6
Ano ang dapat nating maunawaan mula sa mga pariralang “nalungkot ang Panginoon”?
Sa King James Version ng Biblia, mababasa sa Genesis 6:6, “Nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso.” Binago ng Moises 8:25 at ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Genesis 6:6 ang talatang ito upang sabihing, “At ito ay pinanghinayangan ni Noe, at ang kanyang puso ay nasaktan na ang Panginoon ay lumikha ng tao sa mundo, at ito ay nagpadalamhati sa kanyang puso.”
Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “nalungkot” sa Genesis 6:6 ay maaaring magpahiwatig ng panghihinayang, awa, o “isang desisyong baguhin ang isang paraan ng pagkilos.” .
Genesis 6:9; Moises 8:27
Perpekto ba si Noe?
Sa Hebreo, ang salitang isinalin bilang “walang kapintasan” o perpekto ay nangangahulugang “kumpleto, buo, may integridad.” Tinutukoy kung paano inilarawan si Noe at ang iba pa bilang perpekto, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Inilalarawan sa mga banal na kasulatan sina Noe, Set, at Job bilang mga taong walang kapintasan o perpekto. …
“Hindi ito nangangahulugan na hindi nakagagawa ng mga pagkakamali o hindi nangangailangan ng pagwawasto ang mga taong ito. Kasama sa pagiging walang kapintasan o perpekto ang mga hamon na dadaigin at mga hakbang sa pagsisisi na maaaring napakasakit. …
“Ang pagiging perpekto sa buhay na ito ay maaaring makamit habang sinusubukan nating gampanan ang bawat tungkulin, sundin ang bawat batas, at sikaping maging perpekto sa mundong ginagalawan natin tulad ng Ama sa Langit sa kinaroroonan Niya. Kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin, pagpapalain tayo ng Panginoon ayon sa ating mga gawa at hangarin ng ating puso.”
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na si Noe ay kilala rin bilang Gabriel, na “kasunod siya ni Adan sa awtoridad sa Priesthood; tinawag siya ng Diyos sa katungkulang ito.” Bilang anghel na si Gabriel, nagpakita si Noe kay Maria at sinabi sa kanya na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Bago iyon, isinugo ng Panginoon si Gabriel upang sabihin kay Zacarias na siya at ang kanyang asawang si Elizabeth ay magkakaroon ng anak na lalaki, si Juan Bautista, na maghahanda ng daan para sa Tagapagligtas.
Genesis 6:7–13, 17; Moises 8:17, 22–30
Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos ang Baha?
Dahil patuloy na napupuno ng karahasan at kasamaan ang mundo, hindi na nito maisakatuparan ang layunin ng Diyos. Ipinaliwanag ni Pangulong John Taylor na “sa pamamagitan ng pagkuha sa buhay [ng masasama] pinigilan sila [ng Diyos] na ipasa ang kanilang mga kasalanan sa kanilang mga inapo at sirain [o pasamain] sila.” Itinuro din ni Elder Neal A. Maxwell na “ang kasamaan ay umabot na sa puntong nasisira na ang kalayaang pumili kaya makatarungan na hindi maaaring ipadala ang mga espiritu rito sa mundo.”
Itinuro ng propetang si Nephi na ang Diyos ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan.” Ang isipin ang tungkol sa Baha nang may walang-hanggang pananaw ay makatutulong sa atin na makita kung paano kumikilos ang Panginoon para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Sa kanyang pangitain na nakatala sa Moises 7, nasaksihan ni Enoc ang pagtangis ng Panginoon dahil sa Kanyang mga anak na tumangging sumunod sa Kanya. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga masasawi sa Baha ay pupunta sa daigdig ng mga espiritu. Doon ay magkakaroon sila ng pagkakataong maturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at magsisi sa kanilang mga kasalanan. Pagkatapos ay nakita ni Enoc na si Jesucristo ay paparito sa lupa at isasagawa ang Pagbabayad-sala, at nagalak si Enoc sa plano ng kaligtasan ng Panginoon para sa lahat ng Kanyang anak.
Genesis 6:14
Ano ang makabuluhan sa pagpahid ng alkitran sa arka?
Sinabi ng Diyos kay Noe na ”pahiran” ang arka, ibig sabihin ay pahiran ito ng alkitran, upang matakpan ang mga siwang at gawing waterproof. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “pahiran” ay salitang ugat din para sa “magbayad-sala.” Sinasabing “ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng panakip na nagpoprotekta; pinoprotektahan tayo nito mula sa kapangyarihan ng kaaway, tulad ng pagprotekta ng alkitran sa arka mula sa mga tubig na mapanganib sa buhay.”
Genesis 6:15–16
Gaano kalaki ang arka?
Sa mga banal na kasulatan, sinusukat ang arka gamit ang cubit o siko. Ang isang siko ay batay sa distansya mula sa siko hanggang sa dulo ng gitnang daliri. Ang isang siko ay karaniwang tinatayang sa pagitan ng 46 at 56 sentimentro (18–22 pulgada). Gamit ang 46 sentimentro (18 pulgadas) na isang siko, ang arka ay mga 138 metro ang haba (450 talampakan), 23 metro ang lapad (75 talampakan), at 14 metro ang taas (46 talampakan).
Preserved by Covenant [Iningatan ng Tipan], ni Eva Koleva Timothy
Genesis 7:19
Ano ang sinisimbolo ng Baha?
Simbolikong iniugnay ni Apostol Pedro ang Baha sa pagbibinyag. Tulad ng kinakatawan ng pagkakaligtas ng pamilya ni Noe mula sa Baha ang panibagong simula ng mundo, ganoon din kinakatawan ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ang pagiging isinilang muli sa panibagong buhay kay Cristo.
Genesis 9:4–7
Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa pagpapadanak ng dugo?
Nilinaw sa inspiradong pagsasalin ni Propetang Joseph Smith ang mga talatang ito, na binibigyang-diin na pananagutin ng Diyos si Noe at ang kanyang mga inapo sa kung paano nila tinatrato ang buhay ng mga hayop. Iniutos Niya na patayin lamang ang mga hayop para sa pagkain upang mabuhay ang tao: “At tunay na, hindi magbububo ng dugo, tanging sa pagkain lamang, upang iligtas ang inyong mga buhay; at ang dugo ng bawat hayop ay hihingan ko ng sulit sa inyong mga kamay.” Iniutos din ng Panginoon sa pamilya ni Noe na pangalagaan ang buhay ng ibang tao, na ipinahahayag, “Hindi magbububo ng dugo ng tao ang tao.”
Sa Doktrina at mga Tipan, inulit ng Panginoon na inilaan Niya ang mga hayop sa mundo “upang gamitin ng tao para sa pagkain at para sa kasuotan.” Ipinaliwanag din Niya na hindi Siya nalulugod kapag pumatay tayo ng mga hayop nang hindi kinakailangan, na nagsasabing: “Sa aba sa tao na magpapadanak ng dugo o kaya ay mag-aaksaya ng laman at walang pangangailangan.”
Genesis 9:12–17
Ano ang matututuhan natin mula sa tanda ng bahaghari?
Genesis 9:20–27
Bakit isinumpa ni Noe si Canaan?
Hindi ipinaliwanag nang malinaw sa mga banal na kasulatan kung bakit isinumpa ang anak ni Ham na si Canaan sa pagkakasala ng kanyang ama kay Noe. Hindi rin malinaw kung ano ang pagkakasala ni Ham, ngunit tila maaaring nilapastangan niya ang kanyang ama o marahil hindi niya iginalang ang isang bagay na banal. Dahil wala tayo ng lahat ng detalye na nauugnay sakuwento, hindi natin alam kung ano talaga ang nangyari o ang kahulugan nito.
Sa pagsumpa kay Canaan, ipinahayag ni Noe na magiging alipin nina Sem at Jafet si Canaan. Idinagdag ng inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia na tatakpan ng “isang tabing ng kadiliman” si Canaan “upang siya ay makilala ng lahat ng tao.” Hindi malinaw ang kahulugan ng “tabing ng kadiliman” na ito.
May ilan na ginagamit nang mali ang sumpa kay Canaan para bigyang-katwiran ang pang-aalipin at diskriminasyon—lalo na sa mga taong may lahing Black African. Itinuro ng Panginoon, “Hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.” Bukod pa rito, itinuturo ng Aklat ni Mormon na inaanyayahan ng Panginoon ang lahat na lumapit sa kanya at “makibahagi sa kanyang kabutihan,” sapagkat “pantaypantay ang lahat sa Diyos.”
Genesis 10:8–10
Sino si Nimrod?
Nilinaw sa Joseph Smith Translation ng Genesis 10:9 na si Nimrod ay isang mahusay na mangangaso “sa lupain” sa halip na “sa harap ng Panginoon.” Siya ang nagtatag ng isang malaking kaharian na kinabibilangan ng Babel (na tinawag na Babilonia kalaunan). Binanggit din si Nimrod sa Aklat ni Mormon.
Genesis 11:1–9
Ano ang mali sa pagtatayo ng Tore ng Babel?
Iminumungkahi ng mga sinaunang tradisyon ng mga Judio at Kristiyano na ang Tore ng Babel ay isang huwad na templo. Itinatayo ang mga tunay na templo upang tipunin ang mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng mga tipan. Sa kabilang banda, nagtayo ng tore ang mga tao ng Babel upang makarating sa kinaroroonan ng Diyos, ngunit hindi umayon ang kanilang mga ginawa sa Kanyang kalooban. Ang naging resulta nito ay ginulo ng Panginoon ang kanilang wika at ikinalat sila sa buong mundo.
Sinasabi sa Genesis na itinayo ang tore gamit ang mga tisa [bricks] na inihurno sa apoy. Ang gayong mga tisa ay mas matibay kaysa sa mga tisa na pinatuyo sa sikat ng araw na ginamit sa mga nakaraang henerasyon, kaya maaaring itayo nang mas mataas ang tore. Ang “alkitran,” o bitumen, ay isang substance na tulad ng aspalto na ginamit na pandikit sa mga tisa. May mga nagmungkahi na ang alkitran ay sadyang para gawing waterproof ang tore sakaling magdesisyon ang Diyos na bahain muli ang mundo.
Tower of Babel [Tore ng Babel], ni David Green
Genesis 11:7–9
Gaano kabilis ginulo ng Panginoon ang wika ng mga tao sa Babel?
Sa salaysay tungkol sa Tore ng Babel na nakatala sa Aklat ni Mormon, hiniling ni Jared sa kanyang kapatid na magsumamo sa Panginoon at manalangin na huwag lituhin o guluhin ang kanilang wika. Ipinagkaloob ng Panginoon ang kahilingang ito. Pagkatapos ay hiniling ni Jared sa kanyang kapatid na manalangin at hilingin na manatiling kapareho pa rin ng kanilang wika ang wika ng kanilang mga kaibigan. Ipinagkaloob din ang kahilingang ito. Ipinahihiwatig ng mga pangyayaring ito na ang paglito sa wika ay maaaring nangyari nang paunti-unti at hindi sa isang iglap.
Genesis 11:10–32
Ano ang kabuluhan ng talaangkanan ni Sem?
Sa Genesis 11, nakatala ang talaangkanan ni Sem pagkatapos ilahad ang tungkol sa pagkalat ng Panginoon sa mga tao ng Babel. Maaaring makatulong na paghambingin ang mga tao ng Babel kay Sem at sa ilan sa kanyang mga inapo.
Hinangad ng mga tao ng Babel na gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtayo ng lungsod at isang tore “na ang taluktok nito ay hanggang sa langit.” Ang ibig sabihin ng Shem ay “pangalan” o “reputasyon.” Ang isang kilalang inapo na nakatala sa talaangkanan ni Sem ay si Abraham. Kabaligtaran ng mga tao ng Babel, na naghangad na gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili, nangako ang Diyos na gagawin Niya na dakila ang pangalan ni Abraham. Ipinangako rin ng Diyos kay Abraham na ipapanganak si Jesucristo sa kanyang angkan. Sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Jesucristo tayo maliligtas at makararating sa kinaroroonan ng Diyos. Tinataglay natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo.
Ang isa pang dahilan kung bakit nagtayo ng lungsod at tore ang mga tao ng Babel ay upang mapigilan ang pagkalat sa kanila. Sa kabila ng kanilang mga intensyon, ikinalat sila ng Panginoon sa buong mundo. Sa kabilang banda, kabilang sa tipang Abraham ang pagpapala ng mga pamilyang tinitipon nang magkakasama at ibinubuklod sa kawalang-hanggan. Ipinangako kay Abraham na sa pamamagitan niya at ng kanyang binhi, ang lahat ng mga pamilya sa mundo ay pagpapalain.
Alamin ang Iba pa
Noe
-
“Arka ni Noe,” Liahona, Peb. 2022, 46
Tore ng Babel
-
“The Tower of Babel,” Ensign, Peb. 2018, 66–67
-
“I Have a Question,” Ensign, Peb. 1994, 60–61
Media
Musika
-
“Jesus Is the Way,” Hymns—For Home and Church
Mga Larawan
The Lord Fulfilleth All His Words [Tinutupad ng Panginoon ang Lahat ng Kanyang Salita], ni Clark Kelley Price
Jehovah Keeps a Promise [Tinutupad ni Jehova ang Pangako], ni Sam Lawlor
Family Prayer [Panalangin ng Pamilya], ni Kendal Ray Johnson
Confusion of Tongues [Ang Paglito sa mga Wika], ni Gustave Doré
The Jaredites Leaving Babel [Nililisan ng mga Jaredita ang Babel], ni Albin Veselka