Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 3–4; Moises 4–5


“Genesis 3–4; Moises 4–5,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Genesis 3–4; Moises 4–5

Sa buhay bago isilang, sinunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit at Siya ang piniling maging ating Tagapagligtas. Hinangad ni Satanas na wasakin ang kalayaang pumili ng lahat ng tao. Tinukso niya sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, na humantong sa Pagkahulog. Matapos kumain sina Adan at Eva ng ipinagbabawal na bunga, nalaman nila ang kanilang kahubaran at sinubukan nilang magtago sa Diyos. Itinuro ng Panginoon kina Adan at Eva ang mga epekto ng Pagkahulog. Binihisan din Niya sila at binigyan sila ng batas ng sakripisyo, na sumisimbolo sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Sina Adan at Eva ay nagalak kay Cristo at sinimulan nila ang pamilya ng sangkatauhan. Pinatay ni Cain si Abel at siya ay isinumpa. Nahati ang mga inapo nina Adan at Eva nang tanggapin ng ilan ang ebanghelyo at ang iba ay tumanggi.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Moises 4:1–4

Paano naghimagsik si Satanas sa Kapulungan sa Langit?

Sa premortal na Kapulungan sa Langit, ipinakita ng ating Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa kaligtasan. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell na ang kapulungang ito “ay hindi isang hindi planadong pagpupulong, ni isang talakayan tungkol sa mga plano, ni isang sesyon para magbigay ng mga ideya, kung paano bubuuin ang plano para sa kaligtasan at paano isasakatuparan ito. Ang plano ng ating Ama ay ipinabatid, at ang aktuwal na tanong na ibinigay ay kung sino ang isusugo ng Ama upang isakatuparan ang plano.”

Si Jesucristo, ang “Minamahal at Pinili mula pa sa simula,” ay sinuportahan at sinang-ayunan ang plano ng Ama sa Langit. Sinabi Niya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.” Sa paghihimagsik, nagmungkahi si Satanas ng alternatibo sa naitatag na plano ng Ama. Siya ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” at humalili sa Diyos.

Pinakilala si Jesucristo bilang Manunubos

The Grand Council [Ang Malaking Kapulungan], ni Robert T. Barrett

Genesis 3:1–5; Moises 4:5–11

Nagbigay ba ng magkakasalungat na kautusan ang Diyos kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden?

(Ihambing ang Genesis 1:28; 2:16–17; Moises 2:28; 3:16–17; Abraham 4:28; 5:12–13.)

Ang salaysay tungkol kina Adan at Eva ay naglalahad ng tila magkakasalungat na kautusan mula sa Diyos. Iniutos Niya sa kanila na magkaanak, pero ipinagbawal din Niya sa kanila na kumain ng bunga mula sa punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Kapag kinain nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga, sila ay magiging mortal at maaari silang magkaroon ng mga anak.

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Ngayon, ganito ko mabibigyang-kahulugan iyan [Moises 3:16–17]: Sinabi ng Panginoon kay Adan, narito ang punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Kung gusto mong manatili rito, huwag mong kainin ang bungang iyon. Kung gusto mong manatili rito, ipinagbabawal ko sa iyo na kainin ito. Ngunit ikaw ang pipili para sa iyong sarili, at maaari mong kainin ito kung gusto mo. At kung kakainin mo ito, mamamatay ka.”

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay kinakailangang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, ngunit maipababatid lang ito sa mundo sa pamamagitan ng paggamit ng kalayaan. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, “Masyadong maraming problema kung pasisimulan ang mortalidad sa tao sa pamamagitan ng pamimilit. Lalabag iyon sa mismong batas na mahalaga sa plano.”

Kabilang sa plano ng Diyos na tubusin sina Adan at Eva matapos nilang piliin na kumain ng ipinagbabawal na bunga ang pagsugo sa Kanyang Anak bilang Manunubos. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matututo sila—at ang lahat ng mga anak ng Diyos—mula sa kanilang mga karanasan (kabilang na sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan) nang hindi sila sinusumpa dahil sa mga ito. Kaya, sa pamamagitan ng kanilang sariling pagpili, pumasok sa mortalidad sina Adan at Eva, natutuhan nila sa kanilang sarili ang pagkakaiba ng mabuti at masama, at naranasan nila ang kagalakan ng pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo.

Genesis 3:1–6; Moises 4:5–12

Sa paanong paraan namatay sina Adan at Eva matapos kainin ang bunga?

Sinabi ng Diyos kay Adan na mamamatay siya kung kakain siya ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Matapos kainin nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga, patuloy silang nabuhay, ngunit napilitan silang lisanin ang halamanan at ang presensya ng Panginoon, na naging dahilan para sila ay dumanas ng kamatayang espirituwal. Bukod pa rito, nang sila ay nahulog, nagbago ang kanilang katawan patungo sa isang mortal na kalagayan, at sa huli ay nakaranas sila ng pisikal na kamatayan.

Genesis 3:6; Moises 4:12

Kasalanan ba ang pagkain nina Adan at Eva ng ipinagbabawal na bunga?

Maraming tao ang naniniwala na nakagawa ng isang mabigat na kasalanan sina Adan at Eva noong kinain nila ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Nagbigay ng ibang pananaw ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating dakilang Inang Eva—na may malawak na pananaw sa plano ng ating Ama sa Langit—ang nagpasimula sa tinatawag nating ‘Pagkahulog.’ Ang kanyang matalino at matapang na pagpili at ang pagsuporta ni Adan sa desisyong iyon ang nagsulong sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Ginawa nilang posible para sa bawat isa sa atin na pumarito sa lupa, tumanggap ng katawan, at patunayan na pipiliin nating suportahan si Jesucristo ngayon, tulad ng ginawa natin bago tayo isilang.”

Tinalakay ni Pangulong Dallin H. Oaks ang pagkakaiba ng kasalanan sa paglabag. Itinuro niya: “[Ang] iminumungkahing pagkakaiba sa pagitan ng isang kasalanan at ng isang paglabag ay nagpapaalala sa atin ng maingat na paggamit ng mga salita sa ikalawang saligan ng pananampalataya na: ‘Naniniwala kami na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan’ (idinagdag ang pagbibigay-diin). Inuulit din nito ang isang pamilyar na pagkakaiba sa batas. Ang ilang gawain, tulad ng pagpatay, ay kasalanan dahil likas na mali ito. Ang iba pang mga gawain, tulad ng pagpapatakbo [ng negosyo] nang walang lisensya, ay kasalanan lamang dahil ipinagbabawal ang mga ito ng batas. Sa ilalim ng mga pagkakaibang ito, ang ginawa na nagdulot ng Pagkahulog ay hindi kasalanan—hindi likas na mali—kundi paglabag—mali dahil ipinagbawal ito. Hindi palaging ginagamit ang mga salitang ito upang mangahulugan ng isang bagay na naiiba, ngunit ang pagkakaibang ito ay tila makabuluhan sa mga kalagayan ng Pagkahulog.”

Genesis 3:15; Moises 4:21

Sino ang binhi ng babae?

Ang binhi ng babae ay tumutukoy kay Jesucristo, na inapo nina Eva at Adan. Ipinahayag ng Diyos na si Jesucristo ang dudurog sa ulo ni Satanas, samantalang madudurog lang ni Satanas ang sakong ng Tagapagligtas. Inilalarawan ng pahayag na ito ang kapangyarihan ni Jesucristo laban kay Satanas, sa kabila ng mga pagtatangka ni Satanas na labanan ang Tagapagligtas at ang Kanyang gawain.

Genesis 3:16; Moises 4:22

Ano ang ibig sabihin ng si Adan ay “mamumuno” kay Eva?

Kung minsan, mali ang pag-unawa sa passage na ito ng banal na kasulatan na ang asawang lalaki ay pinahihintulutan ng Diyos na maging dominante o mapagkontrol. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “May tanong ako tungkol sa salitang mamuno. Nagbibigay ito ng maling impresyon. Mas gusto kong gamitin ang salitang mangulo.”

Sa ating panahon, itinuro ng mga propeta ng Panginoon na dapat ituring ng mag-asawa ang isa’t isa bilang magkatuwang. Itinuro ni Elder Ulisses Soares: “Walang mas mataas o mas mababa sa relasyon ng mag-asawa, at walang nauuna o nahuhuling maglakad. Lumalakad silang katabi ng banal na anak ng Diyos bilang magkapantay. Nagiging isa sila sa isipan, ninanais, at layunin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo, pinamumunuan at ginagabayan ang pamilya nang magkasama.”

Genesis 3:21; Moises 4:27

Ano ang kahalagahan ng dinamitan ng Diyos sina Adan at Eva ng mga kasuotang balat?

May malalim na simbolikong kahulugan ang mga kasuotang balat na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva—simbolismong kinakatawan din ng mga sagradong garment na natatanggap natin sa pamamagitan ng endowment sa templo. Itinuro ni Sister J. Anette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga at kailangang nilang umalis sa Halamanan ng Eden, sila ay binigyan ng kasuotang balat na isinuot nila. Marahil ay isang hayop ang isinakripisyo upang gawin ang mga kasuotang balat na iyon—na simbolo ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ang salitang kaphar ay salitang Hebreo para sa pagbabayad-sala, at isa sa mga kahulugan nito ay ‘takpan.’ Ipinapaalala sa atin ng ating temple garment na ang Tagapagligtas at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay tumatakip o bumabalot sa atin habambuhay. Kapag isinuot natin ang garment ng banal na priesthood sa bawat araw, ang magandang simbolong iyan ay nagiging bahagi natin.”

Sina Adan at Eva na naglalakad nang magkasama sa kaparangan

Adam and Eve [Adan at Eva], ni Douglas M. Fryer

Itinuro ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa sagradong garment sa templo: “Ang kasuotan ng banal na priesthood ay nagpapaalala sa atin sa tabing sa templo, at ang tabing na iyon ay sumisimbolo kay Jesucristo. Kapag nagsusuot ka ng iyong garment, isinusuot mo ang sagradong simbolo ni Jesucristo. Ang pagsusuot nito ay pagpapakita ng iyong tapat na pangakong sundin Siya. Ang garment ay isa ring paalala sa iyong mga tipan sa templo. … Kapag tinutupad mo ang iyong mga tipan, kabilang na ang sagradong pribilehiyong magsuot ng garment ayon sa itinagubilin sa mga panimulang ordenansa, mas matatanggap mo ang awa, proteksyon, lakas, at kapangyarihan ng Tagapagligtas.”

Genesis 3:24; Moises 4:31

Ano ang kerubin?

Ang mga kerubin ay “mga anyo na sumasagisag sa mga makalangit na nilikha, na ang tiyak na anyo ay hindi alam. Tinawag ang mga kerubin upang magbantay sa mga banal na lugar.” Naglagay ang Diyos ng kerubin at isang nagniningas na tabak upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay. Itinuro ng propetang si Alma na inilayo sina Adan at Eva sa punungkahoy dahil ang bunga nito ay magbibigay-daan sa kanila na mabuhay magpakailanman; sa halip, kinailangan nilang manatili sa kanilang mortal na kalagayan ng “pagsubok” upang sila ay makapagsisi.

Moises 5:9–11

Bakit nagalak sina Adan at Eva matapos silang paalisin sa Halamanan ng Eden?

Bilang mga mortal na itinaboy mula sa halamanan, mararanasan nina Adan at Eva ang mga pasakit, kalungkutan, at paghihirap na kaugnay ng ating makasalanang mundo. Subalit matapos silang turuan ng anghel ng Panginoon at mapuspos ng Espiritu Santo, nagpasalamat sila para sa mga pagpapalang darating dahil sa Pagkahulog.

“Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Mayroon itong dalawang direksyon—ito ay isang pagkahulog pero nagdulot din ito ng pag-unlad natin. Dagdag pa sa ibinunga nito na pisikal at espirituwal na kamatayan, binigyan tayo nito ng pagkakataong maisilang sa mundo at matuto at umunlad. Sa matwid na paggamit natin ng kalayaang pumili at taos-pusong pagsisisi kapag nagkakasala tayo, makalalapit tayo kay Cristo at, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay makapaghahanda para tanggapin ang kaloob na buhay na walang hanggan.”

Genesis 4:3–5; Moises 5:18–21

Bakit hindi tinanggap ng Panginoon ang handog ni Cain?

Hindi partikular na nakasaad sa salaysay sa Genesis o sa Moises kung bakit tinanggap ng Panginoon ang handog ni Abel ngunit hindi ang handog ni Cain. Gayunpaman, ibinigay sa Moises 5:18 ang mahahalagang detalye na “mas minahal ni Cain si Satanas kaysa sa Diyos” at “iniutos ni Satanas” kay Cain na “maghandog sa Panginoon.” Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang kahalagahan ng pagsunod at ng pagkakaroon ng mabubuting intensyon kapag naghahandog sa Panginoon. Sinunod ni Cain ang mga utos ni Satanas at ang kanyang mga intensyon ay hindi dalisay. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na si Cain sa kanyang pag-aalay ng handog ay hindi sumampalataya sa pagtubos ni Jesucristo.

Genesis 4:7–15; Moises 5:23–40

Ano ang alam natin sa sumpa at tanda na inilagay kay Cain?

Isinumpa ng Diyos si Cain dahil sa pagpatay sa kanyang kapatid. Ang sumpa kay Cain ay hindi tutubo ang mga pananim sa lupa para sa kanya, magpapagala-gala siya na parang isang takas, at mahihiwalay siya sa presensya ng Panginoon. Naglagay rin ang Diyos ng “tanda” kay Cain, na palatandaan para sa iba na huwag maghiganti at huwag siyang patayin.

Hindi malinaw kung ano ang tanda ni Cain, bagama’t marami na ang nagbigay ng haka-haka tungkol dito. Isinasaad ng mga kamakailang pag-aaral na ang salitang Hebreo na ginamit para sa tanda “ay hindi karaniwang nakadikit sa pisikal na anyo o katangian.” Sa halip na isang pisikal na tanda o marka, isinasaad ng Hebreo ang mga kilos na dahilan kung bakit si Cain ay isang “‘markadong tao,’ ibig sabihin alam ng mga tao kung sino siya at na hindi nila siya dapat pagbuhatan ng kamay at hahayaan na ang Diyos na magparusa sa kanya.”

Dapat nating iwasan ang pagbibigay ng haka-haka sa katangian o hitsura ng tanda na inilagay kay Cain o na ang sumpa ay para din sa iba pang tao at hindi lamang sa kanya. Hindi tinatanggap at kinokondena ng Simbahan ang anumang uri ng pagtatangi sa lahi at kultura. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.”

Alamin ang Iba pa

Ang Pagkahulog

Mga temple garment

Media

Video

“Sacred Temple Clothing” (4:12)

4:16

Mga Larawan

isang anghel na nagpakita kina Adan at Eva habang sila ay nag-aalay ng mga hain

Similitude [Kahalintulad], ni Walter Rane

Sina Adan at Eva na nakaupo sa ilalim ng puno kasama ang kanilang mga anak

Adam and Eve Teaching Their Children [Sina Adan at Eva na Tinuturuan ang Kanilang mga Anak], ni Del Parson

isang anghel na nagpakita kina Adan at Eva habang naghahanda silang mag-alay ng kordero bilang handog na susunugin

Adam and Eve Offering Sacrifices [Sina Adan at Eva na Nag-aalay ng mga Hain], ni Keith Larson

Nakasandal sa isang tungkod si Cain at hawak ni Abel ang isang tupa

Cain and Abel [Cain at Abel], ni Robert T. Barrett

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Kapulungan sa Langit,” “Plano ng Kaligtasan,” Gospel Library.

  2. Neal A. Maxwell, Deposition of a Disciple (1976), 11; tingnan din sa Juan 7:16–18.

  3. Moises 4:2.

  4. Moises 4:2.

  5. Tingnan sa Moises 4:1.

  6. Moises 4:3.

  7. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–5. Tingnan din sa Mark A. Matthews, “Paghihimagsik ni Satanas,” Liahona, Mar. 2015, 69.

  8. Tingnan sa Genesis 1:28; Moises 2:28; Abraham 4:28.

  9. Tingnan sa Genesis 2:16–17; Moises 3:16–17; Abraham 5:12–13.

  10. Tingnan sa 2 Nephi 2:19–25; Moises 5:11.

  11. Joseph Fielding Smith, “Fall—Atonement—Resurrection—Sacrament,” sa Charge to Religious Educators, ika-2 ed. (1982), 24.

  12. Boyd K. Packer, “Atonement, Agency, Accountability,” Ensign, Mayo 1988, 70.

  13. Tingnan sa 2 Nephi 2:25–26.

  14. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8–9; Bruce C. Hafen, “Ang Templo at ang Likas na Orden ng Kasal,” Liahona, Set. 2015, 24.

  15. Tingnan sa Moises 5:9–11.

  16. Tingnan sa Genesis 2:16–17; Moises 3:16–17; Abraham 5:12–13.

  17. Tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagkahulog nina Adan at Eva,” Gospel Library.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:40–43.

  19. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68–69.

  20. Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 73.

  21. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 43.

  22. Para sa mga halimbawa ng kapangyarihan ni Jesucristo kay Satanas at sa kanyang mga kampon, tingnan sa Marcos 5:2–13; 2 Nephi 9:19, 26; Doktrina at mga Tipan 76:61.

  23. Spencer W. Kimball, “The Blessings and Responsibilities of Womanhood,” Ensign, Mar. 1976, 72.

  24. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  25. Ulisses Soares, “Katuwang ang Panginoon,” Liahona, Nob. 2022, 42.

  26. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Ang Garment ng Banal na Priesthood,” Liahona, Set. 2024, 5.

  27. J. Anette Dennis, “Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2024, 11.

  28. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 26.3.3.2.

  29. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kerubin, Mga,” Gospel Library.

  30. Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga pat., The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), “Cherub,” 147.

  31. Tingnan sa Genesis 3:24; Moises 4:31.

  32. Tingnan sa Alma 42:2–5.

  33. Tingnan sa Moises 5:9–11.

  34. Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagkahulog nina Adan at Eva,” Gospel Library.

  35. Matapos palayasin sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, iniutos sa kanila ng Diyos na parehong ialay ang “mga panganay ng kanilang mga kawan” (Moises 5:5) at ang “una sa mga bunga ng lupa” (M. Russell Ballard, “The Law of Sacrifice,” Ensign, Mar. 2002, 13, 15). Posibleng hindi inihandog ni Cain ang una sa mga bunga, dahil nakasaad lang sa mga banal na kasulatan na siya ay “nagdala mula sa mga bunga ng lupa” (Genesis 4:3; Moises 5:19). Posible rin na sa panahong iyon, ang hinihingi ng Panginoon ay mag-alay si Cain ng hayop (tingnan sa Carol Frogley Ellertson, “The Sanctifying Power of True Ritual Worship,” sa The Gospel of Jesus Christ in the Old Testament (2009), 99. Tingnan din sa Aaron P. Schade at Matthew L. Bowen, The Book of Moses: From the Ancient of Days to the Latter Days (2021), 229‒54.

  36. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:34.

  37. Tingnan sa Moroni 7:6.

  38. “Sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala o plano ng pagtubos na ito, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng isang hain na tinanggap, na mga panganay ng kawan. Inalay ni Cain ang bunga ng lupa, at hindi ito tinanggap, sapagkat hindi niya ito magawa nang may pananampalataya; … hindi niya kayang magkaroon ng pananampalataya, o makapagpakita ng pananampalataya na salungat sa plano ng langit. Kailangan ay pagbuhos ng dugo ng Bugtong na Anak ang tumubos sa tao, dahil ito ang plano ng pagtubos, at kung walang pagbuhos ng dugo ay walang kapatawaran [ng kasalanan]. At dahil isinagawa ang sakripisyo para pamarisan kung saan malalaman ng tao ang dakilang Sakripisyo na inihanda ng Diyos, kapag nag-alay ng sakripisyong taliwas doon ay walang pananampalatayang iiral, dahil ang pagtubos ay hindi isinagawa sa gayong paraan, ni ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ay hindi isinagawa sa gayong paraan; dahil dito hindi maaaring magkaroon ng pananampalataya si Cain; at anumang bagay na hindi ginawa sa pananampalataya, ay kasalanan.” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 56–57. Tingnan din sa Mga Hebreo 11:4.

  39. Tingnan sa Genesis 4:11–14; Moises 5:36–39.

  40. Tingnan sa Genesis 4:15; Moises 5:40.

  41. Tingnan sa Schade at Bowen, Book of Moses, 247–50.

  42. Schade at Bowen, Book of Moses, 251.

  43. Tingnan sa Topics and Questions, “Race and The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library.

  44. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.