Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16

Pagkatapos pumanaw ni Josue, nagpatuloy ang mga lipi ng Israel sa pagsakop nila sa Canaan. Nabigo ang ilan sa mga lipi na itaboy ang lahat ng mga naninirahan sa Canaan gaya ng iniutos sa kanila. Mabilis na tinalikuran ng ilang Israelita ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsamba sa mga huwad na diyos ng mga Cananeo, at inalis ng Panginoon ang Kanyang proteksyon sa kanila. Sa kabila ng pagsuway ng mga Israelita, dininig ng Panginoon ang kanilang mga pagsamo nang magpakumbaba sila, at nagbangon Siya ng mga hukom upang iligtas sila mula sa kanilang mga kaaway. Ang isa sa mga hukom na ito ay si Debora, na may pananampalataya na nagbigay-inspirasyon sa mga Israelita na umasa sa Panginoon. Kalaunan ay tinawag ng Panginoon si Gideon upang iligtas ang Israel. Tinalo ni Gideon at ng kanyang hukbo na may 300 kalalakihan ang napakalaking hukbo ng mga Midianita sa pamamagitan ng pag-asa sa Panginoon. Si Samson, na isa pang hukom, ay biniyayaan ng matinding pisikal na lakas ngunit nabigo siyang gampanan ang kanyang banal na tungkulin dahil sa makasarili at di-matwid na mga pagpili.

Mga Resource

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Ano ang aklat ng Mga Hukom?

Isinasalaysay ng aklat ng Mga Hukom ang kasaysayan ng mga Israelita pagkatapos nilang manirahan sa lupain ng Canaan at pagkatapos pumanaw ni Josue. Ipinangalan ito sa iba’t ibang lider sa aklat na tinatawag na “mga hukom.“ Binabanggit ng aklat ang 12 hukom na namuno nang may iba’t ibang antas ng pagiging epektibo.

Sa Mga Hukom, nalaman natin na dahil nabigo ang mga anak ni Israel na alisin ang masasamang impluwensya sa lupang pangako, nahulog sila sa kasalanan at pagkatapos ay pinahirapan at madalas masakop ng kanilang mga kaaway. Pagkatapos nilang magsumamo sa Panginoon para humingi ng tulong, nagpadala Siya ng mga hukom upang iligtas sila. Gayunpaman, hindi nagtagal ay bumalik ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan. Ang pattern na ito ay maraming beses na paulit-ulit sa buong aklat.

paglalarawan ng cycle ng kasalanan at kaligtasan sa aklat ng Mga Hukom

Maaaring hatiin ang aklat ng Mga Hukom sa tatlong bahagi:

  1. Mga Hukom 1:1–3:6: Ang patuloy na pagsisikap ng Israel na lupigin at ayusin ang lupang pangako; pambungad sa cycle ng kasalanan at kaligtasan.

  2. Mga Hukom 3:7–16:31: Mga Salaysay tungkol sa 12 hukom.

  3. Mga Hukom 17–21: Dalawang huling salaysay na nagbibigay-diin sa inklinasyon ng Israel na mahulog sa pagsamba sa diyus-diyosan at kaguluhan.

Mga Hukom 2:11–15; 3:5–7

Sino ang ilan sa mga huwad na diyos ng mga Cananeo?

Nang tipunin ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa Bundok ng Sinai noong panahon ni Moises, iniutos Niya sa kanila na sumamba lamang sa Kanya bilang Diyos. Paulit-ulit Niyang binalaan ang mga Israelita na kung hindi nila paaalisin ang mga Cananeo sa pagpasok nila sa lupang pangako, marami ang maiimpluwensyahan ng mga Cananeo na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Nang hindi sundin ng mga Israelita ang utos na ito, ipinahayag ng Panginoon na ang mga diyos ng Cananeo ay “magiging bitag“ sa kanila. Nagsimulang matupad ang mga salita ni Jehova nang talikuran ng sumunod na henerasyon ng mga Israelita ang kanilang pakikipagtipan sa Kanya “at naglingkod [kina] Baal at Astarte.“

Madalas banggitin si Baal sa buong Lumang Tipan at iniuugnay ito sa kidlat, ulan, at pagkamayabong. Si Ashtoreth (o Astarte)—ang isahang anyo ng Ashtaroth—ay itinuturing ng mga Cananeo bilang ang babaeng katumbas ni Baal. Kung minsan, ginagamit ang salitang Baal (at ang pangmaramihang anyo nitong Baalim) at Ashtaroth sa Lumang Tipan upang mas karaniwang tumukoy sa mga lalaki at babaeng diyus-diyosan. Kabilang sa iba pang kilalang mga diyus-diyosan sa kultura ng Cananeo si El, ang punong diyos ng Cananeo, at si Athirat (mas karaniwang Asherah—na isinalin bilang “sagradong poste [grove]” sa King James Version), na itinuturing ng mga Cananeo na ina ng mga diyos at babaeng katuwang ni El.

Naniniwala ang mga Cananeo na may kapangyarihan ang kanilang mga diyos sa maraming aspeto ng buhay na mahalaga rin sa mga Israelita, tulad ng ulan, digmaan, pagkamayabong, at ng buhay mismo. Sinamba rin ng mga Cananeo ang kanilang mga diyos sa mga paraang pamilyar sa mga Israelita, kabilang na sa panalangin, mga banal na araw, mga templo, mga saserdote, sakripisyo, at insenso. Gayunpaman, ang pagsamba sa mga diyos ng Cananeo ay nauugnay rin sa kasuklam-suklam na pag-uugali. Sa pamamagitan ni Moises, itinuro ng Panginoon, “Bawat karumaldumal sa Panginoon na kanyang kinapopootan ay kanilang ginagawa sa kanilang mga diyos; sapagkat pati na ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay kanilang sinusunog sa apoy para sa kanilang mga diyos.“

Mga Hukom 2:18

Ano ang dapat nating maunawaan mula sa pariralang “nalungkot ang Panginoon”?

Tingnan sa “Genesis 6:6. Ano ang dapat nating maunawaan mula sa pariralang ‘nalungkot ang Panginoon’?

Mga Hukom 4:4

Ano ang ibig sabihin na isang propetisa si Debora?

Si Debora, na inilarawan bilang isang propetisa, ay ang tanging babaeng hukom na binanggit sa Lumang Tipan. Ang propetisa ay “isang babae na nakatanggap ng patotoo tungkol kay Jesus at nagtatamasa ng diwa ng paghahayag.“ Nakatala sa mga banal na kasulatan ang maraming pagkakataon na nararanasan ng kababaihan ang diwa ng paghahayag, na tinutukoy ng ilan bilang mga propetisa.

Naglalakad si Debora kasama ang hukbo ng Israel

Deborah [Debora], ni Kathleen Peterson

Mga Hukom 6:11–24

Naaangkop bang humingi si Gideon ng tanda mula sa Diyos?

Mayroong pagkakaiba ang taos-pusong paghingi ng kumpirmasyon sa Diyos nang may tunay na layunin at paghingi ng tanda sa Diyos nang walang pananampalataya. Sa sitwasyon ni Gideon, humingi siya ng isang tanda nang may pananampalataya. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang mga tanda ay hindi sapat para makapagpabalik-loob sa isang tao, ngunit sapat ang mga ito—maging ipinangako—upang kumpirmahin ang mga ito.“ Ipinahayag din niya, “Naglalaman ang Lumang Tipan ng mga di-malilimutang halimbawa ng mga himala na katumbas ng mga tanda. … Si Gideon ay humingi ng tanda at tumanggap ng tanda na siya ang pinili upang iligtas ang Israel.”

Mga Hukom 6:25–32

Ano ang ibig sabihin ng Jerubaal?

Sinunod ni Gideon ang utos ng Panginoon na sirain ang dambana ni Baal, putulin ang “sagradong poste“ (isang poste ni Asherah, na ginamit upang kumatawan sa babaeng diyos ng pagkamayabong na si Asherah), at palitan ang mga ito ng isang dambana na inilaan kay Jehova. Nang hangarin ng mga lalaki ng lungsod na patayin si Gideon dahil sa kanyang mga ginawa, ang kanyang ama, si Joas, ay nangatuwiran na kung tunay na isang diyos si Baal, dapat ay may kakayahan siyang ipagtanggol ang kanyang sarili. Para mabigyang-diin ang puntong ito, tinawag ni Joas si Gideon na ”Jerubaal,” na maaaring mangahulugang ”hayaang magsumamo si Baal” o “hayaang makipaglaban si Baal.”

Mga Hukom 7:16–25

Ano kaya ang ibig sabihin ng sigaw ng digmaan ng mga Israelita?

Dahil may hawak silang mga trumpeta at sulo, ang nagawa lang ng hukbo ni Gideon ay sumigaw, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon.“ Malamang na binigyang-diin ng sigaw ng digmaan na ito ang kanilang tiwala sa Panginoon at sa Kanyang piniling lider na maililigtas sila mula sa mga Midianita.

Si Gideon na umiihip ng trumpeta at may hawak na sulo

Paglalarawan kay Gideon at sa kanyang hukbo ng 300 kalalakihan na umiihip ng mga trumpeta at may hawak na mga sulo, © Lifeway Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com

Mga Hukom 8:24–27

Bakit gumawa si Gideon ng gintong efod?

Ang efod ay bahagi ng kasuotan ng isang mataas na saserdote at ginamit minsan ng ilang tao bilang paraan para hingin ang patnubay ng Diyos. Sa paggawa ng isang efod mula sa mga samsam sa digmaan, maaaring nilayon ni Gideon na gumawa ng angkop na palatandaang nagpaparangal sa bahagi ng Diyos sa tagumpay. Gayunpaman, kalaunan ay itinuring ito ng mga Israelita na parang diyus-diyosan.

Mga Hukom 13:2–5

Ano ang isang Nazirita?

Ang salitang Nazirita ay nagmula sa salitang Hebreo na tumutukoy sa isang taong inilaan, iniukol, o itinalaga sa pamamagitan ng paggawa ng isang panata. Maaaring pansamantala o panghabambuhay ang panata ng Nazirita. Kabilang sa panata ang pag-iwas sa lahat ng bagay na gawa mula sa ubas, hindi pagputol ng buhok, at pag-iwas na hawakan ang isang patay na katawan. Maaaring piliin ng isang magulang na ilaan ang isang anak sa Diyos bilang isang Nazirita, at pagkatapos ay maaaring magpasiya ang bata na ipagpatuloy ang panata kapag nasa wastong gulang na siya.

Mga Hukom 14:6, 19; 15:14

Ano ang ibig sabihin ng lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Samson?

Ngayon, kapag pinag-uusapan natin ang isang taong may Espiritu ng Panginoon, karaniwang tinutukoy natin ang isang taong matapat at masunurin at kung gayon ay karapat-dapat sa impluwensya ng Espiritu Santo. Gayunpaman, sa salaysay tungkol kay Samson, ang pariralang ito ay tila kinikilala lamang ang kanyang kahanga-hangang pisikal na lakas, na natanggap niya bilang kaloob ng Diyos.

Sa kabila ng matinding lakas ni Samson, na ibinigay ng Diyos para tulungan itong matupad ang kanyang misyon na iligtas ang Israel, madalas na malihis si Samson at magtuon sa paggawa ng mga imoral at makasariling hangarin. Sabi ni Sister Ann M. Dibb, dating miyembro ng Young Women General Presidency, “Si Samson ay isinilang na may malakas na potensyal. Pinangakuan ang kanyang ina, ‘Kaniyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo’ [Mga Hukom 13:5]. Ngunit nang lumaki si Samson, mas umasa siya sa mga tukso ng kamunduhan kaysa sa patnubay ng Diyos. Gumawa siya ng mga pasiya na ‘lubhang nakalulugod [sa kanya]’ [Mga Hukom 14:3] at hindi dahil tama ang mga ito.”

Mga Hukom 16:17–22

Ano ang silbi ng buhok ni Samson sa kanyang lakas?

Hindi ang buhok ni Samson ang pinagmumulan ng kanyang lakas. Sa halip, ito ay sagisag ng kanyang pakikipagtipan sa Diyos, na siyang pinagmulan ng lakas ni Samson. Nawala kay Samson ang kanyang pisikal at espirituwal na lakas dahil nilabag niya ang kanyang mga tipan sa Diyos, kabilang ang mga tipan na partikular na para sa mga Nazirita.

Mga Hukom 16:23–31

Bakit kaya muling pinalakas ng Diyos si Samson?

Matapos bihagin at pahirapan ng mga Filisteo si Samson, nagbigay sila ng parangal sa kanilang diyus-diyosang si Dagon, na nagsasabing, ”Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.” Nang dinala si Samson sa pagitan ng dalawang haligi ng templo ni Dagon, hiniling niya sa Panginoon na bigyan siya ng lakas upang maparusahan niya ang kanyang mga kaaway. Kahit makasarili ang kahilingan ni Samson sa Panginoon, posibleng ipinagkaloob ito ng Panginoon upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan kay Dagon.

Si Samson na pinababagsak ang mga haligi ng templo ni Dagon

Samson Puts Down the Pillars [Pinabagsak ni Samson ang mga Haligi], ni James Tissot

Alamin ang Iba pa

Debora

  • Kristin E. Litchman, “Deborah and the Book of Judges,” Ensign, Ene. 1990, 32–35

Gideon

  • Manfred H. Schütze, “The Sword of the Lord and of Gideon,” Ensign, Abr. 2002, 46–49

Mga huwad na diyos

Media

Mga Larawan

Naglalakad si Debora kasama ang hukbo ng Israel

Deborah the Prophetess [Si Debora ang Propetisa], ni Des Leavitt

composite ni Debora na nakataas ang kamay

Isang paglalarawan kay Debora, © Justinen Creative/lisensyado mula sa goodsalt.com

Si Debora na nakaturo at pinamumunuan ang hukbo ng Israel sa labanan

Paglalarawan kay Debora na nakaturo at pinamumunuan ang hukbo sa labanan

Si Gideon na may hawak na kalasag at sibat

Paglalarawan kay Gideon na nakatayo at may hawak na kalasag at sibat

Si Gideon at ang kanyang hukbo na umiihip ng kanilang mga trumpeta

Gideon’s Army [Hukbo ni Gideon], ni Daniel A. Lewis

Pinapatay ni Samson ang leon

Samson Slays a Lion [Pinapatay ni Samson ang Leon], ni Gustave Doré

Samson at Delila

Samson and Delilah [Samson at Delila], ni Gustave Doré

Mga Tala

  1. Para sa listahan ng mga hukom at outline ng mga pangyayaring nakatala sa aklat, tingnan sa Bible Dictionary, “Judges, book of.”

  2. Tingnan sa Bible Dictionary, “Judges, book of.” Itinampok sa dalawang huling kabanata na nakatala sa Mga Hukom 17–21 ang kakulangan ng pagkakaisa ng Israel sa panahong ito at maaaring nagpapahiwatig ng pangangailangan sa isang hari. Nakasaad sa huling talata ng Mga Hukom, “Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel; ginawa ng bawat tao kung ano ang matuwid sa kanyang sariling paningin” (Mga Hukom 21:25).

  3. Tingnan sa Exodo 20:1–6, 22–23. Sa Deuteronomio 6:3–15, muling iniutos sa mga Israelita na mahalin ang nag-iisang tunay na Diyos nang buong puso nila. Sa parehong pagkakataon, sinabi ni Jehova na isa Siyang “mapanibughuing“ Diyos. Di-tulad ng mga huwad na diyos ng mga Cananeo, kinakailangan ni Jehova ang natatanging debosyon mula sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Tingnan din sa “Exodo 20:4–5; 34:14. Bakit tinutukoy ng Panginoon ang Kanyang sarili bilang isang ‘mapanibughuing Diyos’?

  4. Tingnan sa Exodo 23:32–33; 34:10–17; Deuteronomio 7:1–5; 20:10–18.

  5. Mga Hukom 2:2–3.

  6. Mga Hukom 2:13.

  7. Ang diyos ng Cananeo na si El ay hindi dapat ipagkamali sa buhay na Diyos. Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng salitang el ay “diyos” (tingnan sa Tremper Longman III and Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], “God,” 357; tingnan din sa Dana M. Pike, “The Name and Titles of God in the Old Testament, Religious Educator, tomo 11, blg. 1 [2010], 21–22).

  8. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 167, 174, 176. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Ashtaroth,” “Baal,” “Grove.”

  9. Tingnan sa Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament, 167.

  10. Deuteronomio 12:31.

  11. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propetisa,” Gospel Library. Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Debora, tingnan sa Avram R. Shannon and Thora Florence Shannon, “Models of Motherhood: Expansive Mothering in the Old Testament,” Religious Educator, tomo 23, blg. 1 (2022), 155–58.

  12. Tingnan sa Exodo 15:20; 2 Mga Hari 22:14; Lucas 2:36. Tingnan din sa Genesis 25:21–23; 1 Samuel 2:1–10; Lucas 1:40–55; Alma 19:28–30.

  13. Dallin H. Oaks, The Lord’s Way (1991), 77–78. Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Palatandaan,” Gospel Library.

  14. Tingnan sa Mga Hukom 6:25, footnote b. Tingnan din sa “Mga Hukom 2:11–15; 3:5–7. Sino ang ilan sa mga huwad na diyos ng mga Cananeo?

  15. Tingnan sa Earl D. Radmacher and others, eds., NKJV Study Bible, 3rd ed. (2018), 360, tala sa Mga Hukom 6:32.

  16. Tingnan sa Harold W. Attridge and others, eds., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 357–58, tala sa Mga Hukom 6:32.

  17. Mga Hukom 7:20.

  18. Tingnan sa Adele Berlin and Marc Zvi Brettler, eds., The Jewish Study Bible, 2nd ed. (2014), 513, tala sa Mga Hukom 7:20.

  19. Tingnan sa Bible Dictionary, “Ephod”; 1 Samuel 23:6–12.

  20. Tingnan sa Longman and Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 5144, pahina 990; Bible Dictionary, “Nazarite;” Mga Bilang 6:1–21.

  21. Tingnan sa 1 Samuel 1:11; Amos 2:11–12; Victor L. Ludlow, Unlocking the Old Testament (1981), 47.

  22. Ann M. Dibb, “Bumangon at Magliwanag,” Liahona, Mayo 2012, 118.

  23. Mga Hukom 16:23.

  24. Tingnan sa Radmacher and others, NKJV Study Bible, 376, tala sa Mga Hukom 16:23–31; Kenneth L. Barker and othres, eds., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 401, tala sa Mga Hukom 16:30.