Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
2 Samuel 11–12; 1 Mga Hari 3; 6–9; 11
Nangalunya si Haring David kasama ni Batseba, na nagdalang-tao. Sinubukang itago ni David ang kanyang kasalanan at kalaunan ay isinaayos na mapatay ang asawa ni Batseba na si Urias sa labanan. Isinugo ng Panginoon ang propetang si Natan upang komprontahin si David tungkol sa kanyang masasamang gawa. Ipinaliwanag ni Natan na ang mga kahihinatnan ng mga kilos ni David ay makakaapekto kay David, sa kanyang pamilya, at sa buong kaharian. Nang malapit nang mamatay si Haring David, ipinahayag niya bilang tagapagmana ng trono ang kanyang anak na si Solomon. Pinagpala ng Panginoon si Solomon na maging isang matalino at maunlad na pinuno. Nagtayo si Solomon ng templo at inilaan ito sa Panginoon. Tinanggap ni Jehova ang templo at nagpakita kay Solomon. Sinuway ni Solomon ang mga kautusan ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aasawa nang marami sa labas ng tipan. Inilayo niya ang kanyang puso sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo at pagsamba sa mga diyus-diyosan ng ilan sa kanyang mga asawa.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
2 Samuel 11–12
Ano ang alam natin tungkol sa mga bunga ng mga kasalanan ni David?
Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Ang kasaysayan ay puno ng mga halimbawa ng mga taong likas na matalino at mahusay ngunit, sa isang sandali ng kahinaan, itinapon ang kanilang magandang buhay sa hinaharap. Isang masaklap na halimbawa si Haring David. Noong kabataan niya, siya ay guwapo, matapang, at puno ng pananampalataya. Pinatay niya ang nakakatakot na higante na si Goliat. Naging hari siya. Nasa kanya ang lahat ng maaaring gustuhin ng isang tao. Ngunit nang makita niya si Batseba, ginusto niya ito kahit na asawa na ito ng ibang lalaki. Ipinadala niya ang asawa ni Batseba na si Urias na Heteo, sa unahan ng pinakamatinding labanan upang mapatay siya roon. Namatay si Urias sa labanan, at pinakasalan ni David si Batseba. Bilang resulta ng kasamaang ito, nawala ang espirituwal na mana ni David. Sa lahat ng kabutihang nagawa ni David, karamihan sa mga ito ay nawalan ng halaga dahil tinulutan niya ang kanyang sarili na madaig ng isang matinding personal na kahinaan.”
Kalaunan ay natanto ni David ang bigat ng kanyang mga kasalanan at nakadama siya ng taos-pusong pagdadalamhati at hangaring mapatawad. Subalit ang kanyang mga ginawa ay nagdulot ng matitinding resulta na nakaapekto sa kanya at sa kanyang mga anak. Bagama’t si David ay “bumagsak mula sa kanyang kadakilaan” dahil pinlano niya ang kamatayan ni Urias, ipinangako ng Panginoon kay David na hindi maiiwan sa impiyerno (bilangguan ng mga espiritu) ang kanyang kaluluwa.
2 Samuel 12:1
Sino si Natan?
Si Natan ay isang propetang nabuhay noong panahon ng paghahari ni Haring David. Tulad ng ginawa noon ni Samuel kay Haring Saul, kinausap ni Natan ang hari sa ngalan ng Panginoon. Hindi nagbigay ng mga detalye ang Biblia tungkol sa pagiging propeta, pinagmulan, o kamatayan ni Natan. Binanggit siya sa aklat ng Mga Cronica bilang mananalaysay at propeta na may sariling talaan na tinatawag na “ang aklat ni Natan na propeta,” na nawawala na ngayon.
2 Samuel 12:13–19
Ano ang nangyari sa sanggol nina Batseba at David?
Ang sanggol na inilihi nang mangalunya si David kasama ni Batseba ay ipinanganak na “[may malubhang] sakit” at namatay ito pitong araw matapos isilang. Sinabi ni Natan kay David, “Sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito’y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.” Kung minsan, nakababahala ang pahayag na ito para sa mga mambabasa ng Biblia. Bagama’t isinaad ng may-akda ng 2 Samuel na “sinaktan ng Panginoon ang bata” sa pamamagitan ng sakit, maaari tayong magtiwala na binabantayan at minamahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak. Mahalaga ring tandaan na ang mga sanggol na namatay ay ligtas sa kahariang selestiyal at hindi mananagot para sa mga ginawa ng kanilang mga magulang.
Ano ang aklat ng 1 Mga Hari?
Nagbibigay ang aklat ng 1 Mga Hari ng salaysay tungkol sa kamatayan ni David, ang paghahari ng kanyang anak na lalaking si Solomon, at ang pagbagsak at pagkahati ng Kaharian ng Israel. Isinasalaysay rin nito ang ministeryo ng propetang si Elijah sa sampung lipi ng Israel sa hilaga.
Orihinal na isang aklat lang ang 1 at 2 Mga Hari. Nahati ito sa dalawang aklat nang isalin ang Biblia sa Griyego. Nagsisimula ang aklat ng 1 Mga Hari sa kamatayan ni Haring David (mga 968 BC) at nagtatapos sa paghahari ni Ahazias sa Hilagang Kaharian ng Israel (mga 852 BC). Mayaman sa kasaysayan at doktrina ang aklat na ito at, kasama ang 2 Mga Hari, nagbibigay ito ng background at konteksto para sa karamihan sa mga isinulat ng mga propeta sa Lumang Tipan.
Maaaring isaayos ang aklat ng 1 Mga Hari sa tatlong bahagi:
-
Kabanata 1–11: Ang paghahari ni Solomon, kabilang na ang pagtayo at paglaan ng bahay ng Panginoon. Sa kabila ng kanyang karunungan, tinalikuran ni Solomon ang Panginoon at sumamba sa mga huwad na diyos ng kanyang mga asawang hindi Israelita.
-
Kabanata 12–16: Ang pagkakahati ng kaharian sa Hilagang Kaharian ng Israel sa ilalim ni Jeroboam at sa Katimugang Kaharian ng Juda sa ilalim ni Rehoboam. Ang dalawang kaharian ay parehong sumunod sa mga pattern ng pagsamba sa diyus-diyosan.
-
Kabanata 17–22: Ang ministeryo ng propetang si Elijah sa Hilagang Kaharian ng Israel.
1 Mga Hari 3:14
Paano ginamit ng Panginoon si David bilang halimbawa para sa ibang hari?
Sa buong tala ng Biblia, inilarawan si David bilang isang matwid na hari at tapat kay Jehova. Gayunpaman, may mga pagkakataon na tila binibigyang-diin ng Joseph Smith Translation na hindi lahat ng ginawa ni David ay matwid. Tiyak na totoo ito tungkol sa mga ginawa niya kina Batseba at Urias. Mababasa sa Joseph Smith Translation ng 1 Mga Hari 3:14, “Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, aking pahahabain ang iyong mga araw, at hindi ka maglalakad sa kasamaan, gaya ng iyong amang si David.” Ang paglalarawan kay David sa banal na kasulatan at sa Joseph Smith Translation ay tumutulong sa atin na makita na ginamit ng Panginoon si David bilang halimbawa ng dapat at hindi dapat gawin ng mga magiging hari.
1 Mga Hari 6
Ano ang kahalagahan ng templo ni Solomon?
Tulad ng tabernakulo na itinayo ng mga Israelita sa ilang, ang templo ni Solomon ay bahay ng Panginoon. Gawa ito sa pinakamagagandang materyal. Tungkol sa templo ni Solomon, itinuro ni Elder James E. Talmage:
“Nang maupo na sa trono si Solomon sinimulan na niya ang trabaho [ng pagtatayo ng templo]. Inilatag niya ang pundasyon sa ikaapat na taon ng kanyang pamumuno, at ang gusali ay natapos sa loob ng pito at kalahating taon. Ang pagtatayo ng Templo ni Solomon ay panimula ng bagong panahon sa kasaysayan, hindi lamang sa kasaysayan ng Israel kundi sa buong mundo.
“… Sa arkitektura at pagtatayo, sa disenyo at halagang nagastos dito naging tanyag ito bilang isa sa mga pinakakagila-gilalas na gusali sa kasaysayan.”
Isang paglalarawan sa templo ni Solomon
1 Mga Hari 6
Paano naiiba ang templo ni Solomon sa tabernakulo sa ilang?
“Ang templo ay itinayo ayon sa modelo ng tabernakulo, ang mga sukat ng bawat bahagi ay eksaktong doble. …
“Ang mga kasangkapan sa templo ay katulad ng sa tabernakulo ngunit hindi eksaktong magkapareho. Sa Dakong Kabanal-banalan nakatayo ang lumang Mosaic ark kasama ang luklukan ng awa; ngunit bago ang kerubin na tumatakip sa luklukan ng awa. Mas malaki sa sukat ang mga ito; nagtagpo sa gitna ang kanilang mga pakpak at umabot sa bawat pader ng Dakong Kabanal-banalan. Magkaiba rin ang postura ng mga ito. Sa Dakong Banal, lahat ay bago. Ang dambana ng insenso ay gawa sa kahoy na sedro na binalutan ng ginto. Sa halip na isang gintong kandelero at isang mesa ng tinapay na handog ay mayroong sampu, lima sa bawat panig. Sa panlabas na looban nakatayo ang tansong dambana ng parehong pattern gaya ng sa tabernakulo, ngunit higit na mas malaki.”
Upang matutuhan ang tungkol sa mga simbolikong bagay na matatagpuan sa tabernakulo sa ilang at sa templo ni Solomon, tingnan sa “Exodo 35–40. Ano ang layunin ng tabernakulo?”
1 Mga Hari 7:21
Ano ang mga haligi ng templo?
Dalawang malaking haliging tanso ang nakatayo sa magkabilang gilid ng pasukan sa templo. Nakasulat sa haligi sa kanan ang pangalang Jakin, na maaaring mangahulugang “pananatilihin niya” o “pinananatili niya.” Nakasulat sa haligi sa kaliwa ang pangalang Boaz, na maaaring mangahulugang “sa (kanyang) lakas” o “nang may lakas.” Maaaring kinatawan ng mga haliging ito ang isang pintuan kung saan daraan ang isang tao mula sa makamundong lugar patungo sa isang banal na lugar.
1 Mga Hari 7:23–26
Ano ang hinulmang tangke ng tubig na nakapatong sa likod ng 12 baka?
May 10 bronze laver ang templo ni Solomon kasama ang isang malaking hinulmang tangke ng tubig, na isang tansong palanggana. Ginagamit ang mga ito upang magbigay ng tubig para sa ritwal na paglilinis. Nakapatong ang malaking basin o palanggana sa likuran ng 12 tansong baka, na may tatlong nakaharap sa bawat isa sa mga pangunahing direksiyon. Ngayon, ang mga bautismuhan sa mga bahay ng Panginoon ay nakapatong din sa likuran ng 12 eskultura ng baka na kumakatawan sa labindalawang lipi ng Israel. Maaari ding kumatawan ang mga baka sa lakas at kapangyarihan ni Jesucristo.
1 Mga Hari 9:1–3
Ano ang ibig sabihin ng ilalagay ng Panginoon ang Kanyang pangalan sa templo?
Pagkatapos ng pitong taon, natapos ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem. Tinipon ni Solomon ang maraming Israelita upang makibahagi sa paglalaan ng templo. Pagkatapos nilang ilagay ang kaban ng tipan sa Dakong Kabanal-banalan, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw gaya ng isang ulap na sumakop sa templo. Kasunod ng paglalaan ni Solomon ng templo, nagpakita sa kanya ang Panginoon na nagsasabing, “Ginawa kong banal ang bahay na ito na iyong itinayo, at inilagay ko ang aking pangalan doon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.”
Tungkol sa pangako ng Panginoon na “ini[la]lagay [Niya] ang [Kanyang] pangalan doon magpakailanman,” ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng maraming pagtukoy sa pangalan ng Panginoon sa konteksto kung saan malinaw na nangangahulugan ito ng awtoridad ng Panginoon. Karamihan sa mga pagtukoy na ito ay may kinalaman sa templo. …
“… Matapos ilaan ang templo, nagpakita ang Panginoon kay Solomon at sinabi sa kanya na pinabanal Niya ang templo ‘upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailanman’ [1 Mga Hari 9:3; 2 Mga Cronica 7:16].
“Gayon din, sa mga makabagong paghahayag, tinutukoy ng Panginoon ang mga templo bilang mga bahay na itinayo ‘sa aking banal na pangalan’ [Doktrina at mga Tipan 124:39; 105:33; 109:2–5]. …
“Lahat ng pagtukoy na ito sa mga sinauna at makabagong templo bilang mga bahay para sa ‘pangalan’ ng Panginoon ay malinaw na may kinalaman sa isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa isang inskripsiyon lamang ng kanyang sagradong pangalan sa istraktura. Binanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa paglalagay ng Panginoon ng Kanyang pangalan sa templo dahil binibigyan Niya ng awtoridad na gamitin ang Kanyang pangalan sa mga sagradong ordenansa ng bahay na iyon. Iyan ang kahulugan ng pagtukoy ng Propeta sa paglalagay ng Panginoon ng Kanyang pangalan sa Kanyang mga tao sa banal na bahay na iyon.”
Solomon Dedicates the Temple at Jerusalem [Inilaan ni Solomon ang Templo sa Jerusalem], ni Jacques Joseph Tissot
1 Mga Hari 11:1–8
Bakit mali na mag-asawa si Solomon ng mga banyagang asawa?
Nang pakasalan ni Solomon ang “maraming babaing banyaga,” nilabag niya ang kautusan ng Panginoon na huwag magpakasal sa labas ng tipan. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang banyaga sa King James Version ng Biblia ay nangangahulugang “dayuhan.” Marahil, marami sa mga kasal na ito ay udyok ng mga kadahilanang pulitikal at pang-ekonomiya. Bagama’t pinahintulutan ng Panginoon ang ilan sa mga kasal ni Solomon, marami ang hindi. Ang mga kasal na hindi pinahintulutan ng Panginoon ay “karumal-dumal sa [Kanyang] harapan.” Ang desisyon ni Solomon na magpakasal sa labas ng tipan ay malungkot na humantong sa paglayo ng kanyang puso sa Diyos.
1 Mga Hari 11:29–39
Paano natupad ang propesiya ni Ahias?
Pinunit ng propetang si Ahias ang kanyang bagong balabal sa 12 piraso at ibinigay ang 10 nito kay Jeroboam. Pagkatapos ay nagpropesiya siya na kukunin ng Panginoon ang kaharian ng Israel mula kay Solomon at ibibigay ang sampu sa labindalawang lipi ng Israel kay Jeroboam. Kasunod ng kamatayan ni Solomon, naging hari ng buong Israel ang kanyang anak na si Rehoboam. Dinagdagan ni Rehoboam ang mga pasanin ng mga tao, na nag-udyok sa paghihimagsik ng sampung lipi sa kahilagaan laban sa kanya. Ginawa nilang hari kanilang si Jeroboam, na nagsakatuparan sa mga salita ng propetang si Ahias.
Nahati ng himagsikang ito ang kaharian sa dalawa: ang Hilagang Kaharian, na tinatawag na Israel, at ang Katimugang Kaharian, na tinatawag na Juda. Ipinangako ng Panginoon kay Jeroboam na Siya ay makakasama niya kung susundin ni Jeroboam ang mga kautusan sa panahon ng kanyang paghahari. Sa kasamaang-palad, hindi sinunod ni Jeroboam ang mga kautusan at inakay niya ang kanyang mga tao sa pagsamba sa diyus-diyosan. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nalipol sa lupa. Sa mga sumunod na henerasyon, ang mga hari ng Israel na gumawa ng kasamaan ay madalas na sukatin sa mababang pamantayang itinakda ni Jeroboam.
Alamin ang Iba pa
David at Batseba
-
James E. Faust, “It Can’t Happen to Me,” Ensign, Mayo 2002, 46–48
-
Frank F. Judd Jr., “What We Can Learn from King David’s Fall,” Ensign, Okt. 2018, 54–57
Templo ni Solomon
-
James E. Talmage, “Isang Kasaysayan ng mga Templo,” Liahona, Okt. 2010, 53–59
Ang pagbagsak ni Solomon
-
Joseph B. Wirthlin, “Tumungo sa Mas Mataas na Lugar,” Liahona, Nob. 2005, 16–19
Media
Mga Video
Mga Larawan
Nathan Rebukes David [Si Natan na Pinagsasabihan si David], ni Julius Schnorr von Carolsfeld
Solomon Named to Succeed David [Pinangalanan si Solomon na Humalili kay David], ni Julius Schnorr von Carolsfeld
Solomon’s Wisdom [Karunungan ni Solomon], ni Severino Baraldi
The Dedication of the Temple in Jerusalem Built by King Solomon [Ang Paglalaan ng Templo sa Jerusalem na Itinayo ni Haring Solomon], ni William Brassey Hole