Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–3034

Kinausap ni Moises ang mga anak ni Israel habang naghahanda silang pumasok sa lupang pangako. Nagbigay siya ng tatlong huling sermon na nagpaalala sa mga Israelita ng mga batas at kautusan na bahagi ng kanilang tipan sa Panginoon. Itinuro niya sa kanila ang kahalagahan ng pag-alala at pagsunod sa Panginoon. Inulit din niya ang mga tagubilin na paalisin ang mga Cananita sa lupang pangako at sirain ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa pagsamba nila sa mga huwad na diyos. Tinuruan niya ang Israel tungkol sa iba’t ibang paraan na maaari nilang pangalagaan ang mahihirap at nangangailangan. Pinanibago ng mga Israelita ang kanilang tipan sa Panginoon na orihinal nilang ginawa sa Sinai. Ipinakita kay Moises ang lupang pangako at pagkatapos ay kinuha siya ng Panginoon.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay iniendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Ano ang aklat ng Deuteronomio?

Nilalaman ng aklat ng Deuteronomio ang mga huling salita ni Moises sa mga anak ni Israel bago sila pumasok sa lupain ng Canaan kasama si Josue bilang kanilang lider. Ang ibig sabihin ng pamagat ng aklat ay “pangalawang batas” o “pag-uulit ng batas.” Sumusunod ang istruktura ng Deuteronomio sa sinaunang huwaran ng paggawa at pagpapanibago ng tipan.

Ang sumusunod ay isang buod ng tatlong sermon ni Moises na nakatala sa Deuteronomio:

  1. Deuteronomio 1–4: Isinalaysay ni Moises ang mahahalagang pangyayari mula sa nakalipas na 40 taon ng mga Israelita, kabilang na ang tipang ginawa nila sa Panginoon sa Bundok ng Sinai.

  2. Deuteronomio 5–26: Binalikan ni Moises ang Sampung Kautusan at tinalakay ang marami pang aspeto sa batas ni Moises.

  3. Deuteronomio 27–30: Pinanibago ng Israel ang kanilang tipan sa Panginoon. Inilarawan ni Moises ang mga pagpapala sa pagsunod at ang mga sumpa sa pagsuway.

Naglalaman ang mga sermong ito ng taos-pusong pagsamo ni Moises sa mga Israelita na alalahanin ang Panginoon at ipamuhay ang Kanyang mga batas sa lupang pangako. Ang mga tagubilin sa Deuteronomio ay partikular na nauukol sa bagong henerasyon na namatay ang mga magulang sa ilang kasunod ng kanilang paghihimagsik.

Sa limang aklat ni Moises, ang Deuteronomio ang siyang pinakamadalas na binabanggit ng mga propeta sa Lumang Tipan. Madalas din itong banggitin o tukuyin sa Bagong Tipan. Ginamit ni Jesucristo ang mga talata mula sa Deuteronomio upang labanan ang mga tukso ni Satanas at ipaliwanag kung aling kautusan ang pinakadakila sa batas. Marami ring nasasaad sa Deuteronomio ang matatagpuan sa Aklat ni Mormon.

Deuteronomio 6:4–9

Paano sinunod ng mga Israelita ang mga tagubilin ni Moises na alalahanin ang Panginoon?

Nagsisimula ang Deuteronomio 6:4 sa isang panalangin na tinatawag ng mga Judio ngayon na Shema (mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “pakinggan”). Binibigkas ng mga Judio ang Shema bawat araw bilang panalangin sa umaga at sa gabi. Sa kabuuan nito, nilalaman ang Shema ng Deuteronomio 6:4–9; 11:13–21; at Mga Bilang 15:37–41. Ginamit ng Tagapagligtas ang Shema nang ipahayag Niya ang unang dakilang kautusan ng batas: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.”

Upang tupdin ang tagubilin ng Panginoon na laging alalahanin ang mga salitang ito, maraming Judio ang naglagay ng maliit na piraso ng parchment kung saan nakasulat ang mga talata mula sa Shema sa isang mezuzah—isang maliit na lalagyan na nakakabit sa kanang bahagi ng pintuan ng kanilang mga tahanan. Gayundin, ang tefillin (na tinatawag ding mga pilakteria o frontlet) ay maliliit na kuwadradong leather na kahon na naglalaman ng mga piraso ng parchment na may mga talata mula sa Shema. Maraming Judio ang nagsusuot ng isang kahon sa noo at ikinakabit ang isa pang kahon sa hindi palaging ikinikilos na braso.

Hindi malinaw kung kailan unang sinimulan ng mga Israelita ang mga kaugaliang ito, ngunit ginagawa ito ng mga Judio sa panahon ng ministeryo ni Jesucristo. Kinondena ng Tagapagligtas ang kapalaluan na nauugnay sa mga kaugaliang ito noong panahon Niya, sinasabing maraming Judio ang “pinalalapad ang kanilang mga pilakteria” sa pagtatangka nilang “makita ng mga tao.”

isang drowing ng isang lalaki na nakasuot ng isang pilakteria at isang larawan ng pintuan na may mezuzah

Isang drowing ng isang lalaki na nakasuot ng isang pilakteria at isang larawan ng pintuan na may mezuzah

Deuteronomio 6:16–17

Ano ang ibig sabihin na hindi dapat tuksuhin ng Israel ang Panginoon?

Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “tukso” sa King James Version ng Biblia ay nangangahulugang “subukan.” Samakatwid, inutusan ang mga Israelita sa talatang ito na huwag subukin ang Diyos na tulad ng ginawa nila sa Massah—kung saan pinagdudahan nila kung kasama nila ang Panginoon noong wala silang tubig.

Sa panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, tinukso Siya ng diyablo na ihulog ang Kanyang sarili mula sa tuktok ng templo. Iminungkahi ng diyablo na mapapatunayan ni Jesus na Siya ang Mesiyas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anghel na magliligtas sa Kanya. Bilang tugon, binanggit ni Jesus ang Deuteronomio 6:16, na nagsasabing, “Huwag ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos.”

Deuteronomio 7:1–6, 16–24

Bakit iniutos ng Panginoon sa Israel na lipulin ang mga Cananita?

Noong naghandang pasukin ng mga Israelita ang lupang pangako sa Canaan, tinitirhan ito ng ilang bansa o grupo ng mga tao na sama-samang tinawag na mga Cananita. Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na “lubusang lipulin” ang mga Cananita nang pasukin nila ang lupang pangako.

Ipinaliwanag ni Moises na dapat itaboy palabas ng lupain ang mga Cananita dahil sa kanilang kasamaan. Kabilang sa gayong kasamaan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at maging ang pag-aalay ng kanilang mga anak sa mga ito. Sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Nephi na ang mga Cananita “ay tinanggihan ang bawat salita ng Diyos, at sila ay hinog na sa kasamaan; at ang kaganapan ng poot ng Diyos ay napasakanila.” Nagbabala ang Panginoon na kung maninirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananita sa lupang pangako, babaling ang kanilang mga puso sa ibang mga diyos, na hahantong sa kanilang espirituwal na pagbagsak.

Tingnan din sa “Josue 6:17–21. Ano ang ibig sabihin na ang Jerico at ang mga naninirahan doon ay ‘itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak’?

Deuteronomio 7:6–12

Ano ang naging dahilan para maging “sariling pag-aari” ng Panginoon ang Israel?

Sa Bundok ng Sinai, ipinangako ng Panginoon sa mga anak ni Israel na kung susundin nila ang Kanyang tipan, sila ay magiging “sariling pag-aari [Niya] na higit sa lahat ng bayan.” Makalipas ang apatnapung taon, bago pumasok sa lupang pangako ang susunod na henerasyon ng mga Israelita, ipinaalala sa kanila ng Panginoon ang kanilang pagkakakilanlan bilang Kanyang mga pinagtipanang tao. Ipinahayag Niya, “Ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos: pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.”

Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “kakaiba” sa Exodo 19:5 at “espesyal” sa Deuteronomio 7:6 ay segullah. Maaari ding mangahulugan ang salitang ito na “pinahahalagahang ari-arian” o “kayamanan.” Ang mga anak ni Israel ay mga espesyal na tao ni Jehova dahil nakipagtipan sila sa Kanya. Ipinaalala ng Panginoon sa mga Israelita na nakipagtipan din Siya sa kanilang mga ninuno. Iniligtas ng Panginoon ang Israel mula sa pagkaalipin sa mga taga-Egipto dahil “[siya ay] Diyos, ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi.”

Sa ating panahon, ang lahat ng pumipiling gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon ay maaaring maging Kanyang banal, pinili, at espesyal na mga tao. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. Binibiyayaan tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa. Nakaaapekto ito sa kung sino tayo at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan. Pinangakuan tayo na tayo rin ay maaaring maging ‘sariling pag-aari’ Niya (Mga Awit 135:4).”

Tingnan din sa “Deuteronomio 29:1–15. Bakit gumawa ng isa pang tipan ang Israel sa Panginoon?

Deuteronomio 15:1–18

Ano ang taon ng pagpapatawad?

Tuwing ikapitong taon, ipinag-utos ng Panginoon sa mga anak ni Israel na magsagawa ng taon ng Sabbath, tulad ng Sabbath na idinaraos tuwing ikapitong araw. Naglalaman ang Deuteronomio 15 ng mga tagubilin ng Panginoon na palayain mula sa kanilang mga utang ang mga Hebreo na may pagkakautang at pakawalan mula sa pagkaalipin ang mga Hebreo na alipin, sa taon ng Sabbath. Nakatulong ang mga kautusang ito sa mga Israelita na maging bukas-palad sa iba at alalahanin na ang ibinigay sa kanila ay nagmula sa Diyos. Ang isa pang mahalagang layunin ng mga kautusang ito ay upang ipaalala sa Israel ang sarili nilang paglaya mula sa pagkaalipin. Sinabi ng Panginoon, “Ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos: kaya’t iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.”

Deuteronomio 15:12–18

Ano ang alam natin tungkol sa pang-aalipin sa panahon ng Bagong Tipan?

Sa sinaunang panahon, isang tinatanggap na bahagi ng lipunan sa maraming kultura ang pang-aalipin. Naging alipin ang mga tao dahil sa iba’t ibang dahilan, at ang ilan ay kusang ipinagbili ang kanilang sarili sa pagkaalipin upang makatakas sa utang o makahanap ng seguridad. Mahirap ang buhay ng mga alipin, ngunit may ilang partikular na uri ng pang-aalipin na mas mahirap kaysa sa iba. Nabigyan ng mga oportunidad sa pag-aaral ang ilang alipin at nagkaroon ng mga katungkulan.

Hindi ipinagbawal ng batas ni Moises ang pang-aalipin, ngunit nagtakda ito ng mahahalagang proteksyon para sa pakikitungo sa mga aliping Israelita. Bilang bahagi ng taon ng Sabbath, palalayain ang mga aliping Israelita na may masaganang probisyon, na marahil ay para matulungan silang iwasang bumalik sa pagkaalipin. Maaari ding piliin ng mga Israelitang tagapaglingkod na manatili sa kanilang panginoon at sambahayan sa halip na maging malaya.

Hindi nagbigay ng malinaw na paliwanag ang mga banal na kasulatan kung bakit hindi ipinagbawal ng Panginoon ang pang-aalipin sa mga sinaunang Israelita. Gayunpaman, sa makabagong paghahayag, nilinaw ng Panginoon na “hindi tama na ang sinumang tao ay nasa pagkaalipin sa isa’t isa.”

Deuteronomio 18:15–19

Sino ang propetang gaya ni Moises?

Maraming beses na binanggit o tinukoy sa buong banal na kasulatan ang propesiya ni Moises na magbabangon ang Panginoon ng isang propeta sa hinaharap na gaya niya sa mga Israelita. Maraming Judio sa panahon ni Jesucristo ang gumamit ng mga pariralang tulad ng “ang propetang iyon” o “ang Propeta” kapag tinutukoy ang Mesiyas.

Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ipinahayag ni Jesucristo na Siya ang katuparan ng propesiya ni Moises. Itinuro Niya, “Dinggin, ako ang siyang sinabi ni Moises, sinasabing: Isang propeta ang ibabangon ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo mula sa inyong mga kapatid, na tulad sa akin; siya ang inyong diringgin sa lahat ng bagay kung anuman ang sasabihin niya sa inyo. At ito ay mangyayari na ihihiwalay mula sa mga tao ang bawat taong hindi makikinig sa propetang yaon.”

Upang makita ang mga halimbawa ng mga pagkakatulad nina Moises at Jesucristo, tingnan sa “Exodo 2:1–10. Ano ang mahalaga tungkol sa buhay at ministeryo ni Moises?

Itinaas ni Jesucristo ang Kanyang kamay at nagturo sa isang grupo ng mga tao

Sermon on the Mount [Ang Sermon sa Bundok], ni Carl Heinrich Bloch

Deuteronomio 29:1–15

Bakit gumawa ng isa pang tipan ang Israel sa Panginoon?

Bago pinasok ng Israel ang lupang pangako, pinanibago ng susunod na henerasyon ang tipan na orihinal na ginawa ng mga anak ni Israel sa Panginoon sa Sinai. Ang tipang iyon, kasama ng mga pagpapala at sumpa nito, ay inilarawan sa Deuteronomio 28. Sa pamamagitan ng pagpapanibago ng tipang ito, binigyang-diin ng Panginoon na magiging Kanyang mga tao ang Israel at Siya ang magiging kanilang Diyos. Ang palitang ugnayang ito sa pakikipagtipan ay madalas na binabanggit sa buong banal na kasulatan.

Tingnan din sa “Deuteronomio 7:6–12. Ano ang naging dahilan para maging ‘sariling pag-aari’ ng Panginoon ang Israel?

Deuteronomio 30:1–5

Paano titipunin ang ikinalat na Israel mula sa mga bansa?

Ipinropesiya ni Moises na ikakalat ang Israel na dulot ng hindi pagsunod sa kanilang tipan sa Panginoon. Inilarawan din niya ang araw kung kailan ang Israel ay “magbabalik sa Panginoon” at “susundin ang kanyang tinig.” Itinuro ni Moises na kapag nangyari ito, “titipunin [ng Panginoon ang Israel] sa lahat ng mga bayan.”

Tungkol sa pagtitipon ng Israel, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta ang pagtitipong ito, at nagaganap na ito ngayon! Dahil kailangan itong mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo! …

“Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin. Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.”

Deuteronomio 30:6

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng tuling puso?

Isinagawa ang pagtutuli bilang tanda ng tipan ng Diyos kay Abraham at sa kanyang mga inapo. Ang tuling puso ay isang matalinghagang paglalarawan na nagpapahiwatig sa ideya na naging mahalagang bahagi na ng kanilang buhay ang pakikipagtipan sa Panginoon at na nakaranas sila ng pagbabago sa kanilang likas na pagkatao.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang pagbabalik-loob sa Panginoon ay nagsisimula sa hindi natitinag na katapatan sa Diyos. … Kalaunan, ang katapatang ito ay nagiging bahagi na ng ating pagkatao, nakatanim sa pagkakilala natin sa ating sarili, at palaging nariyan sa ating buhay. Ngunit tulad ng ating sariling pangalan na hindi natin nalilimutan kailanman anuman ang iba pa nating iniisip, hindi natin nalilimutan ang isang katapatang nakaukit sa ating puso.”

Deuteronomio 34:5–6

Ano ang nangyari kay Moises sa pagtatapos ng kanyang buhay?

Sa pagtatapos ng kanyang buhay, pumunta si Moises sa tuktok ng Bundok ng Nebo, kung saan tinanaw niya ang lupang pangako. Isinasaad sa teksto sa Biblia na namatay si Moises malapit sa Bundok ng Nebo “sa lupain ng Moab.” Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na hindi inilibing si Moises sa lupain ng Moab, kundi “dinala siya ng Panginoon sa kanyang mga Ama, sa lambak sa lupain ng Moab, … kaya nga, walang sinumang nakaaalam ng kanyang puntod hanggang sa araw na ito.” Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon na sa katapusan ng buhay ni Moises, “kinuha ng Panginoon si Moises sa kanyang sarili.”

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na gaya ni Elijah, si Moises ay “nagbagong-kalagayan—kinuha sa mundo nang hindi nakaranas ng mortal na kamatayan. … May mga bagay na parehong kailangang ipasa nina Elijah at Moises sa iba sa laman sa mga henerasyong darating pa, at babalik sila sa lupa upang gawin iyon bago maranasan ang pagbabago mula sa mortalidad tungo sa nabuhay na mag-uling nilalang.”

Bilang isang nilalang na nagbagong-kalagayan, nagpakita si Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan.

Tinatanaw ni Moises ang lupang pangako mula sa tuktok ng bundok

The Lord Shewed Him All the Land [Ipinakita sa Kanya ng Panginoon ang Buong Lupain], ni Walter Rane

Alamin ang Iba pa

Pagmamahal sa Panginoon

  • D. Todd Christofferson, “Unahin ang Unang Utos” (digital lang na artikulo), Liahona, Peb. 2023, Gospel Library

Pag-alala sa Panginoon

Pakikipagtipan

Pagtitipon ng Israel

  • The Gathering of Israel,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2024), Gospel Library

Media

Video

1:6

Mga Larawan

Tinatanaw ni Moises ang lupang pangako

The Lord Shewed Him All [Ipinakita sa Kanya ng Panginoon ang Lahat], ni Eva Timothy

sina Apostol Pedro, Santiago, at Juan na sinasaksihan ang Pagbabagong-anyo ni Cristo

The Transfiguration of Christ [Ang Pagbabagong-anyo ni Cristo], ni Carl Heinrich Bloch

Mga Tala

  1. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), “Second,” 713–14.

  2. Bible Dictionary, “Deuteronomy.”

  3. Kabilang sa huwarang ito ang: (1) panimula (Deuteronomio 1:6); (2) makasaysayang paunang salita (Deuteronomio 1–4); (3) mga kundisyon (Deuteronomio 5–26); (4) mga pagpapala at sumpa (Deuteronomio 27–28); (5) mga saksi (Deuteronomio 30–31); (6) mga probisyon para sa pagdeposito ng teksto at para sa pagbabasa ng publiko (Deuteronomio 31–32); at (7) mga seremonya ng tipan (Deuteronomio 29–30) (tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints [2009], 138–42).

  4. Tingnan sa Bible Dictionary, “Deuteronomy.”

  5. Tingnan sa Mga Bilang 14:26–33; 26:63–65.

  6. Tingnan sa Mateo 4:1–11 (ihambing sa Deuteronomio 6:13, 16; 8:3).

  7. Tingnan sa Mateo 22:36–38 (ihambing sa Deuteronomio 6:5).

  8. Tingnan sa 1 Nephi 4:34 (ihambing sa Deuteronomio 6:17); Helaman 15:5 (ihambing sa Deuteronomio 11:1).

  9. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 8085, pahina 1028. Para sa mga Judio, higit pa sa isang panalangin ang Shema. Isa itong pangako ng katapatan sa Diyos at pagpapanibago ng mga sumpang ginawa ng mga anak ni Israel sa Bundok ng Sinai (tingnan sa Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga pat., The Jewish Study Bible, ika-2 ed. [2014], 339). “Ang ibig sabihin ng pariralang ‘ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon,’ ay pinakamapahahalagahan sa pamamagitan ng paghahambing sa ibang pagsasalin: ‘Ang Panginoon ang ating Diyos, ang nag-iisang Panginoon’ [New Jewish Publication Society of America Tanakh]. Ang ‘pagtatapat ng pananampalataya’ na ito … ay nagbibigay-kahulugan sa pakikipagtipan ng Diyos at ng kanyang mga tao—siya ang ‘ating Diyos’—at kinikilala nito ang nag-iisa at bukod-tanging Jehova” (Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 139).

  10. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 139.

  11. Marcos 12:30; tingnan din sa Mateo 22:37.

  12. Tingnan sa Deuteronomio 6:9.

  13. Tingnan sa Deuteronomio 6:8.

  14. Tingnan sa Bible Dictionary, “Frontlets or phylacteries.”

  15. Tingnan sa Holzapfel at iba pa Jehovah and the World of the Old Testament, 141.

  16. Mateo 23:5.

  17. Tingnan sa Deuteronomio 6:16. Naiiba ang salitang Hebreo na ito mula sa salitang ginamit sa Malakias 3:10, na naglalaman ng paanyaya ng Panginoon na “subukin ako ngayon” sa pamamagitan ng pagbabayad ng mga ikapu. Bagama’t ang salitang Hebreo para sa “subukin” sa Malakias 3:10 ay maaari ding mangahulugan ng “pagsubok,” ang gamit nito sa talatang ito ay nagpapakita ng positibong paraan na inaanyayahan tayo ng Panginoon na subukan Siya—sa pamamagitan ng pagkilos nang may pananampalataya upang matanggap ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, “Test,” 818).

  18. Tingnan sa Exodo 17:1–7. Ang pangalang Massah ay hango sa salitang Hebreo para sa “sinubok” (tingnan sa Exodo 17:7).

  19. Mateo 4:7.

  20. Deuteronomio 7:2.

  21. Tingnan sa Deuteronomio 9:4–5; 20:15–18.

  22. Tingnan sa Deuteronomio 7:4–5, 25–26; 12:2–3, 29–31; 20:16–18.

  23. 1 Nephi 17:35.

  24. Tingnan sa Deuteronomio 7:2–5; 20:16–18. Tingnan din sa “Paano natin mauunawaan ang mga karahasan sa mga banal na kasulatan?,” sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Religion vs. Violence,” Gospel Library.

  25. Exodo 19:5.

  26. Deuteronomio 7:6.

  27. Tingnan sa Bible Dictionary, “Peculiar”; Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34. Tingnan din sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 5459, pahina 995.

  28. Deuteronomio 7:9.

  29. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 10.

  30. Tingnan sa Bible Dictionary, “Sabbatical Year.”

  31. Tingnan sa Jennifer C. Lane, “Remembering Redemption, Avoiding Idolatry: A Covenant Perspective on Caring for the Poor,” sa Covenant of Compassion: Caring for the Marginalized and Disadvantaged in the Old Testament, pat. Avram R. Shannon at iba pa (2021), 253–55.

  32. Deuteronomio 15:15.

  33. Tingnan sa Levitico 25:39; Deuteronomio 15:16–17.

  34. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 66. Tingnan din sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, “Slave,” 752–53.

  35. Tingnan sa Levitico 25:43–55; Deuteronomio 15:12–18.

  36. Tingnan sa Deuteronomio 15:12–15.

  37. Tingnan sa Deuteronomio 15:16–17; tingnan din sa Exodo 21:6.

  38. Doktrina at mga Tipan 101:79. Tingnan din sa “Filemon 1:10–17. Ano ang alam natin tungkol sa pang-aalipin sa panahon ng Bagong Tipan?,” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2027).

  39. Tingnan sa Mga Gawa 3:20–23; 7:37; 1 Nephi 22:20–21; 3 Nephi 20:23; 21:11; Doktrina at mga Tipan 133:63; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40.

  40. Juan 1:21; tingnan din sa Juan 6:14.

  41. Juan 7:40.

  42. 3 Nephi 20:23. Tingnan din sa Mga Gawa 3:20–23; 1 Nephi 22:21; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40.

  43. Para sa higit pang mga detalye tungkol sa panibagong tipang ito, tingnan sa Kerry Muhlestein, “Recognizing the Everlasting Covenant in the Scriptures,” Religious Educator, tomo 21, blg. 2 (2020), 41–71.

  44. Tingnan sa Deuteronomio 29:13.

  45. Tingnan sa Genesis 17:7; Exodo 6:7; Jeremias 7:23; 30:18–22; 31:1, 33; Ezekiel 36:28; 37:23, 26–28; Doktrina at mga Tipan 42:6–9.

  46. Tingnan sa Deuteronomio 28:64–65; 29:25–28.

  47. Deuteronomio 30:2.

  48. Deuteronomio 30:3.

  49. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–93.

  50. Genesis 17:10–14. Tingnan din sa “Circumcision,” sa “Mahahalagang Termino sa Lumang Tipan”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagtutuli,” Gospel Library.

  51. Tingnan sa Deuteronomio 10:16; Jeremias 4:4; 31:33.

  52. Dale G. Renlund, “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 22.

  53. Tingnan sa Deuteronomio 34:4.

  54. Deuteronomio 34:6.

  55. Old Testament Revision 2, 73, josephsmithpapers.org; idinagdag ang italics at isinamoderno ang pagbabaybay.

  56. Alma 45:19.

  57. Boyd K. Packer, The Holy Temple (1980), 109.

  58. Tingnan sa Mateo 17:3; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Moises,” Gospel Library.