Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Ruth; 1 Samuel 1–7
Si Naomi at ang kanyang pamilya ay lumipat sa lupain ng Moab mula sa Bethlehem dahil sa taggutom. Namatay sa Moab ang asawa ni Naomi at ang kanyang dalawang anak na lalaki, at bumalik si Naomi sa Bethlehem kasama ang kanyang Moabitang manugang na si Ruth. Sa Bethlehem, pinakasalan ng isang lalaking nagngangalang Boaz si Ruth at ibinigay niya ang mga pangangailangan nina Ruth at Naomi. Sina Ruth at Boaz ay mga ninuno nina David at Jesucristo. Inasam ni Ana, na isang matwid na babaeng Israelita, na magkaroon ng anak. Sinagot ang kanyang mapagpakumbabang panalangin, at biniyayaan siya ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Samuel. Tinupad ni Ana ang kanyang pangako na ilaan ang kanyang anak sa Panginoon at dinala niya si Samuel sa mataas na saserdote na si Eli upang maglingkod sa Panginoon sa tabernakulo. Nakatanggap si Samuel ng paghahayag tungkol sa mga paghatol na darating kay Eli at sa kanyang sambahayan dahil sa kasamaan ng kanyang mga anak. Habang lumalaki si Samuel, patuloy na nangusap ang Panginoon sa pamamagitan niya, at nakilala siya ng mga tao bilang isang propeta.
Mga Resource
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang aklat ni Ruth?
Ang aklat ni Ruth ay naglalarawan sa kasaysayan ng pamilya nina Naomi at Elimelec, na nabuhay noong panahon ng mga hukom. Isa lamang ito sa dalawang aklat sa Lumang Tipan na ipinangalan sa isang babae. Itinatampok sa aklat ang awa at pagmamahal na ibinahagi ni Naomi at ng kanyang manugang na si Ruth sa isa’t isa habang hinaharap nila ang mga hamon ng pagiging balo.
Ang pinakamahalagang tema sa aklat ni Ruth ay ang pagtubos. Si Ruth ay isang dayuhan, walang anak, at isang balo, kaya nasadlak siya sa lubos na kahirapan nang walang anumang suporta. Sa kabila ng kanyang mga kalagayan, pinili niyang sundin si Jehova at maging bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao. Kalaunan ay nag-asawang muli si Ruth, lubusang tinanggap bilang isang Israelita, at nabiyayaan ng mga anak. Dahil sa tema ng pagtubos na ito, mahalagang pansinin na si Jesucristo, ang Manunubos ng sanlibutan, ay inapo ni Ruth.
Ruth 1:1
Sino ang mga Moabita?
Ang mga Moabita ay mga inapo ni Lot at ng kanyang panganay na anak na babae. Kadalasang nakikipaglaban ang mga Moabita sa mga Israelita sa iba’t ibang digmaan. Sinasamba nila si Chemosh, isang diyos na kung minsan ay nauugnay sa pagsasakripisyo ng tao. Ang lupain ng Moab ay nasa silangan ng Patay na Dagat, sa Jordan sa kasalukuyang panahon.
Ruth 2:1–3
Ano ang ibig sabihin ng mamulot sa bukid?
Iniutos ng Panginoon sa batas ni Moises na ang mga may-ari ng mga bukid ay huwag anihin ang mga pananim sa mga gilid ng kanilang mga bukid. Dahil dito ay naaani ng mga maralita ang mga pananim na ito, at natitiyak na may makakain sila. Pagkatapos matipon ang ani, pinapayagan din ang mga maralita na tipunin ang maliit na bilang ng mga pananim na hindi nakuha o nahulog ng mga mang-aani. Noong panahon ng Biblia, ang pagtitipon ng butil o iba pang ani na iniwan ng mga mang-aani ay tinatawag na “pagpupulot.“
Ruth Gleaning in the Fields [Namumulot si Ruth sa Bukid], ni Judith Mehr
Ruth 2:17
Magkano ang isang efa ng sebada?
Nagpakita ng labis na kabaitan si Boaz kay Ruth sa pamamagitan ng pag-utos sa kanyang mga manggagawa na mag-iwan ng karagdagang butil para matipon niya. Nang bumalik si Ruth kay Naomi, nagdala siya ng halos isang efa ng sebada—tinatayang 23 litro o halos 30 libra (13.5 kg). Higit pa ito sa karaniwang natitipon ng karamihan sa mga namumulot sa isang araw.
Ruth 2:18–20
Bakit mahalagang si Boaz ay isa sa mga “pinakamalapit [na] kamag-anak“ ni Naomi?
Ang pariralang “pinakamalapit [na] kamag-anak“ sa King James Version ng Lumang Tipan ay nagmula sa salitang Hebreo na gō’el, na ang ibig sabihin ay “manunubos.” Sa sinaunang Israel, tumutukoy ang manunubos sa isang malapit na kamag-anak na may responsibilidad na sagipin ang mga miyembro ng pamilya mula sa mga utang na hindi nila kayang bayaran nang mag-isa. Kabilang dito ang pagpapalaya sa mga miyembro ng pamilya mula sa pagkaalipin o pagbili ng lupain ng pamilya na maaaring kumpiskahin dahil sa mga hindi nabayarang utang.
Ang aklat ni Ruth ay natatanging iniugnay sa manunubos na kamag-anak sa levirate na batas ng kasal. Sa ilalim ng batas ng levirate, kung namatay ang isang lalaki nang walang anak, tungkulin ng kapatid ng lalaki o ng pinakamalapit na lalaking kamag-anak na pakasalan ang balo. Nang sabihin ni Naomi kay Ruth, “[Si Boaz] ay isa nating kamag-anak, isa sa [mga] pinakamalapit nating kamag-anak,” tinutukoy niya si Boaz bilang ang taong makatutubos sa kanila mula sa kanilang mahirap na kalagayan. Gagawin ito ni Boaz hindi lamang sa pamamagitan ng pagbili sa lupain ni Elimelec kundi sa pamamagitan din ng pagsunod sa mga kaugalian ng levirate na pakasalan si Ruth.
Tulad nina Naomi at Ruth, hindi natin maililigtas ang ating sarili kundi dapat tayong umasa sa ating Manunubos na si Jesucristo, na “binili [tayo] ng kanyang sariling dugo.” Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson: “Isa sa mga pinakamakahulugang titulo na naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos. … Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain sa pamamagitan ng pagtubos. … Bawat isa sa mga kahulugang ito ay nagpapahiwatig ng iba’t ibang aspeto ng dakilang Pagtubos na isinagawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.” Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, binabayaran ni Jesucristo ang ating mga espirituwal na utang, sinasagip tayo mula sa kasalanan at kamatayan, at nagbibigay sa atin ng walang hanggang mana.
Ruth 3:1–2
Ano ang isang giikan?
Pagkatapos ng pag-aani, nagtitipon ang mga manggagawa sa isang nakataas at pabilog na parsela ng lupa na kilala bilang giikan. Dito nila inihihiwalay ang mga butil mula sa mga balat na bumabalot sa mga ito—tinatawag na ipa. Madalas itong gawin sa gabi, kung kailan matatangay ng malalakas na hangin ang ipa. Ang paggiik ay isang panahon ng pagdiriwang, na tanda ng pagtatapos ng panahon ng pagtatanim at pag-ani. Ang may-ari ng bukid ay kadalasang mananatili sa giikan nang magdamag upang protektahan ang mga ani mula sa mga magnanakaw.
Ruth 3:1–9
Bakit inutusan ni Naomi si Ruth na humiga sa paanan ni Boaz?
Matapos malaman ni Naomi ang kabaitan ni Boaz kay Ruth at kinilala ito bilang isang potensyal na manunubos, hinikayat ni Naomi si Ruth na hangaring ikasal sa kanya. Kasunod ng mga tagubilin ni Naomi, humiga si Ruth sa paanan ni Boaz habang natutulog ito sa giikan. Itinala sa King James Version ng Lumang Tipan ang kahilingan ni Ruth kay Boaz bilang, “Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod; sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.” Ang mas literal na pagsasalin ay, “Iladlad ang iyong pakpak sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay isang manunubos.” Sa paggawa ng kahilingang ito, ang talagang hiniling ni Ruth ay pakasalan siya ni Boaz upang maprotektahan at matustusan siya nito.
Ruth 4:1–8
Bakit tumanggi ang pinakamalapit na kamag-anak na pakasalan si Ruth?
Noong una, sumang-ayon ang pinakamalapit na kamag-anak ni Naomi na tubusin ang lupain ni Elimelec, ngunit nagbago ang isip niya nang malaman niya na inaasahan din siya na pakasalan si Ruth. Nag-alala siya na ang paggamit ng kanyang karapatan sa pagtubos ay “ma[ka]sira sa [kanyang] sariling mana.” Nagpapahiwatig ang alalahaning ito na ayaw niyang manahin ng magiging mga anak ni Ruth ang lupaing binili niya sa halip ng mga miyembro ng sarili niyang pamilya.
Ano ang aklat ng 1 Samuel?
Ang aklat ng 1 Samuel ay nagsasalaysay ng ministeryo ng propetang si Samuel, ang pinakahuli sa mga hukom ng Israelita. Sa panahon ng mga hukom, maraming Israelita ang nakalimot sa Panginoon at bumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Inilalarawan sa aklat ng 1 Samuel ang mga pagsisikap ni Samuel na muling itatag ang regular na pagsamba kay Jehova. Inilalarawan din nito ang mahirap na transisyon ng Israel sa pamumuno ng mga hari mula sa mga hukom. Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, tinawag at hinirang ni Samuel si Saul upang maging unang hari ng Israel at si David para maging hari ng Israel sa hinaharap.
1 Samuel 1:9–11
Bakit nangako si Ana na walang pang-ahit ang daraan sa ulo ng kanyang anak?
Sumumpa si Ana na kung bibiyayaan siya ng Panginoon ng isang anak na lalaki, kanyang “ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.“ Ang panatang ito, pati na rin ang kanyang pangako na walang pang-ahit na daraan sa ulo ng kanyang anak, ay nagpapahiwatig na pinalaki si Samuel bilang isang Nazirita at itinalaga para maglingkod sa Diyos. Ang mga Nazirita ay mga taong gumawa ng espesyal na panata ng paglalaan sa Diyos sa isang yugto ng panahon. Sa panahong ito, nangako ang mga Nazirita na hindi gugupitin ang kanilang buhok, hindi iinom ng alak, o hahawak ng anumang bagay na patay.
For This Child I Prayed [Para sa Batang Ito Ako ay Nanalangin], ni Elspeth Young
1 Samuel 2:12–17, 22–25
Sino ang “mga anak ni Belial”?
Ang pariralang “mga anak ni Belial“ ay ginamit sa buong King James Version ng Lumang Tipan upang ilarawan ang mga taong naghimagsik laban sa mga turo ng Panginoon at mga kaugalian sa lipunan. Binigyan ang mga anak ni Eli ng ganitong katawagan dahil sa masasama nilang ginagawa habang naglilingkod bilang mga saserdote sa tabernakulo. Kabilang sa kanilang mga kasalanan ay ang pagkuha ng karne mula sa mga inalay na hayop at pakikibahagi sa mga imoral na gawain sa kababaihang sumasamba sa tabernakulo.
1 Samuel 3:1
Ano ang ibig sabihin ng “ang salita ng Panginoon ay bihira”?
Ang ibig sabihin ng salitang bihira na ginamit sa King James Version ng Lumang Tipan ay “madalang.” Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee na sa panahong ito sa kasaysayan ng Israel, “walang propeta sa lupa na maaaring gamitin ng Panginoon upang ihayag ang kanyang kalooban, sa pamamagitan man ng personal na karanasan, o sa pamamagitan ng paghahayag.” Ang panahong ito na walang paghahayag ay nagwakas nang kausapin ng Panginoon si Samuel, na kalaunan ay kinilala ng buong Israel bilang isang propeta ng Panginoon.
Boy Samuel Called by the Lord [Ang Batang si Samuel na Tinawag ng Panginoon], ni Harry Anderson
1 Samuel 4
Bakit dinala ng mga Israelita ang kaban ng tipan sa labanan?
Kumakatawan ang kaban ng tipan sa presensya ng Panginoon. Karaniwang iniingatan ito sa dakong kabanal-banalan sa loob ng tabernakulo. Sa kanilang pananakop sa lupang pangako, dinala ng mga Israelita ang kaban bilang simbolo at paalala na kasama nila ang Diyos.
Ipinalagay ng mga elder ng mga Israelita na matutulungan sila ng kaban na manalo sa kanilang pakikipaglaban sa mga Filisteo. Ang pariralang maaaring “iligtas tayo [nito]” sa talata 3 ay nagpapahiwatig na maaaring inilagay ng mga Israelita ang kanilang pananampalataya sa kaban sa halip na sa Panginoon. Ang kanilang kasamaan ay nakahadlang sa pagtanggap nila ng lakas at proteksyon ng Panginoon. Dahil hindi nila kasama ang Panginoon, natalo ng mga Filisteo ang mga Israelita, napatay ang mga anak ni Eli, at nakuha ang kaban. Nang malaman ni Eli ang tungkol sa pagkamatay ng kanyang mga anak at ang pagkakuha sa kaban, labis siyang nalungkot kaya nahulog siya sa kanyang upuan at namatay. Natupad ng mga pangyayaring ito ang propesiya ni Samuel na magkakaroon ng masaklap na wakas ang pamilya ni Eli.
1 Samuel 5–6
Ano ang ginawa ng mga Filisteo sa kaban ng tipan?
Si Dagon ang isa sa mga diyos na sinasamba ng mga Filisteo. Naniniwala ang mga Filisteo na binigyan sila ni Dagon ng tagumpay laban kay Jehova at sa mga Israelita. Dinala nila ang kaban ng tipan sa templo ni Dagon at inilagay ito sa paanan ng estatwa ni Dagon bilang tropeo ng digmaan. Sa ikalawang umaga, natuklasan ng mga Filisteo na nabuwal ang estatwa ni Dagon at nakasubsob sa harapan ng kaban, na ang ulo at mga kamay nito ay putol. Pagkatapos ay nagpadala ang Panginoon ng salot na mga bukol (posibleng mga tumor o pigsa) at mga daga sa mga Filisteo, na tumigil lamang nang ibalik ang kaban sa mga Israelita. Ipinakita ng mga pangyayaring ito na mas makapangyarihan si Jehova kay Dagon.
1 Samuel 7:7–12
Bakit tinawag ni Samuel na “Ebenezer“ ang isang bato?
Matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo, nagtayo si Samuel ng isang bato na tinawag niyang ”Ebenezer” bilang bantayog upang alalahanin ang Panginoon. Ang kahulugan sa Hebreo ng ebenezer ay “ang batong pantulong.”
1 Samuel 7:9–11
Anong awtoridad ang taglay ni Samuel?
Bagama’t kadalasang ipinagkait ng Panginoon ang Melchizedek Priesthood sa mga Israelita noong itinatag Niya ang batas ni Moises, hindi ito ganap na inalis sa lupa. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “lahat ng propeta ay nagtaglay ng Melchizedek Priesthood.” Malamang na kasama rito si Samuel, na kinilala ng buong Israel bilang propeta ng Panginoon. Dahil hawak ni Samuel ang Melchizedek Priesthood, awtorisado siyang mag-alay ng mga sakripisyo at magsagawa ng iba pang mga tungkulin na karaniwang nakalaan para sa mga saserdoteng Levita.
Alamin ang Iba pa
Giikan
-
“The Threshing Floor,” Ensign, Set. 2017, 70–71
Pagtubos
-
Kristin M. Yee, “Ang Kagalakan ng Ating Pagkakatubos,” Liahona, Nob. 2024, 57–60
Ruth at Ana
-
Elaine S. Dalton, “Lessons from the Old Testament: Lessons from Ruth and Hannah,” Ensign, Abr. 2006, 34–37
Pakikinig sa tinig ng Panginoon
-
Walter F. González, “Listening as Samuel Listened,” Ensign, Ago. 2010, 38–41
Media
Mga Video
Musika
-
“Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5
-
“O Bukal ng Pagpapala,” Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan, blg. 1001
Mga Larawan
Steadfastly Minded [Matatag sa Isipan], ni Eva Timothy
Ruth, ni Dilleen Marsh
Hannah Praying [Nananalangin si Ana], ni Paul Mann
Hannah and Samuel [Ana at Samuel], ni Michael Parker
Hannah Presenting Her Son Samuel to Eli [Ipinapakilala ni Ana ang Kanyang Anak na si Samuel kay Eli], ni Robert T. Barrett
Jehovah Calls Samuel [Tinawag ni Jehova si Samuel], ni Sam Lawlor