Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5


“Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5

Pinangasiwaan ng Ama sa Langit ang Paglikha ng mundo sa pamamagitan ni Jesucristo. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae ayon sa Kanyang larawan. Inilagay Niya sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Binigyan Niya sila ng kapangyarihan sa mga hayop na nilikha. Nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw ng Paglikha. Iniutos ng Diyos kina Adan at Eva na magkaanak at maging magkatuwang bilang mag-asawa.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Genesis 1

Ano ang aklat ng Genesis?

Ang Genesis ang una sa limang aklat ni Moises sa Lumang Tipan. Ang salitang genesis ay nangangahulugang “pinagmulan” o “simula.” Ang Genesis ay isang aklat ng mga simula. Inilalarawan ng aklat na ito ang Paglikha ng mundo at lahat ng buhay mula noon, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, at ang pagsisimula ng kasalanan sa mundo. Inilalarawan din nito ang pinagmulan ng sambahayan ni Israel at ang pagtatatag ng mga tipan ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Karamihan sa Genesis ay nakatuon sa buhay nina Abraham, Isaac, Jacob, at ng 12 anak ni Jacob. Ang pagbibigay-diin na ito ay nagsisilbing pagtuturo sa mga anak ni Israel tungkol sa mga tipang ginawa ng Panginoon sa kanilang mga ninuno. Sa pamamagitan ng tipang ito, sasamahan Siya ng Israel sa gawain ng pagpapala sa lahat ng bansa at mga pamilya sa mundo.

Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5

Paano ko pag-aaralan ang tungkol sa Paglikha?

Kapag pinag-aaralan ang Paglikha, mahalagang tandaan na hindi nagbibigay ng mga detalye ang mga banal na kasulatan kung paano o kailan nilikha ang mundo. Ngunit pinatototohanan ng mga ito kung bakit nilikha ang mundo at kung sino ang Lumikha. Ang Paglikha ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Dahil sa Paglikha, nagagawa nating pumarito sa mundo, tumanggap ng pisikal na katawan, gamitin ang ating kalayaang pumili, at makaranas ng kagalakan habang lumilikha tayo ng mga walang-hanggang ugnayan.

Nilikha ni Jehova ang mundo

The Creation [Ang Paglikha], ni Annie Henrie Nader

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Pinatototohanan ko na ang mundo at ang lahat ng nilalang na narito ay may banal na pinagmulan. Ang Paglikha ay hindi nagkataon lamang na nangyari. … Ang Diyos ang lumikha sa atin at hindi ang ating sarili. Tayo ay Kanyang mga tao! Ang Paglikha mismo ang nagpapatotoo sa Lumikha. Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang kabanalan sa Paglikha. Kung wala ang pagpapahalaga at kamalayan natin sa kapangyarihan ng Diyos sa Paglikha, magiging katulad tayo ng mga goldfish na lumalangoy sa bowl na hindi alintana ang nag-aalaga sa kanya.”

Nangako ang Panginoon na darating ang araw na ihahayag ang mga partikular na detalye tungkol sa Paglikha ng mundong ito.

Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5

Gaano katagal ang Paglikha?

Gamit ang paraan ng pagsukat natin sa panahon o oras, hindi natin alam kung gaano katagal nilikha ng Diyos ang mundo. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pisikal na Paglikha mismo ay ipinlano sa pamamagitan ng maayos na pagkakasunud-sunod ng panahon. Sa Genesis at Moises, ang tawag sa mga panahong iyon ay mga araw. Pero sa aklat ni Abraham, ang bawat panahon ay tinutukoy bilang panahon. Tawagin man itong araw, oras, o panahon, ang bawat yugto ay isang panahon sa pagitan ng dalawang matutukoy na pangyayari—isang pagkakahati ng kawalang-hanggan.”

Genesis 1:1–2; Moises 2:1–2; Abraham 4:1–2

Nilikha ba ng Diyos ang mundo mula sa wala?

Ang isang paniniwala ng tradisyonal na Kristiyanismo ay nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay ex nihilo, na nangangahulugang “mula sa wala.” Sa pagsasalita tungkol sa Paglikha ng mundo, itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang salitang “lumikha … [ay] hindi ibig sabihin [na] lumikha mula sa wala; ang ibig sabihin nito ay mag-organisa; tulad ng kung paanong mag-oorganisa ng mga materyal ang isang tao at gagawa ng isang barko.”

Itinuturo sa atin ng salaysay ni Abraham tungkol sa Paglikha na inorganisa ni Jesucristo ang mundo mula sa “mga sangkap” na naroon. Ginamit din ng salaysay ni Abraham ang pariralang “walang laman at mapanglaw” upang ilarawan ang mundo sa pinakaunang yugto nito, sa halip na “walang kaayusan, at walang laman.”

Genesis 1:26; Moises 2:26; Abraham 4:1–31

Sino ang nakibahagi sa Paglikha?

Ang pariralang “Lalangin natin ang tao sa ating larawan” ay nagmumungkahing hindi nag-iisa ang Diyos sa proseso ng Paglikha. Nilinaw ng aklat ni Moises na ang Ama sa Langit ay nakikipag-usap kay Jesucristo sa talatang ito. Mula sa salaysay ni Abraham at sa iba pang mga mapagkukunan ng propesiya, may dahilan tayo para maniwala na maaaring may iba pang tumulong kay Jesucristo sa Paglikha.

Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27

Ano ang ibig sabihin ng nilikha ayon sa larawan ng Diyos?

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang Diyos na ating Ama ay may mga tainga para marinig ang ating mga panalangin. Siya ay may mga mata para makita ang ating mga ginagawa. Siya ay may bibig para makapangusap sa atin. Siya ay may puso para makadama ng awa at pagmamahal. Siya ay tunay. Siya ay buhay. Tayo ay kanyang mga anak na nilikha sa kanyang larawan. Kamukha niya tayo at kamukha natin siya.”

Bilang mga anak ng Diyos, mayroon tayong potensyal na maging katulad Niya. Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” mababasa natin: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa wangis ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana.”

Itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow: “Isinilang tayo sa wangis ng Diyos na ating Ama; nilikha niya tayong tulad sa kanya. May likas na katangian ng pagkadiyos sa ating espirituwal na pagkatao; sa ating espirituwal na pagsilang binigyan tayo ng ating Ama ng mga kakayahan, kapangyarihan, at kasanayan na taglay niya mismo, tulad ng taglay ng isang sanggol sa sinapupunan ng ina nito, bagamat hindi pa maunlad, ang mga kakayahan, kapangyarihan, at damdamin ng magulang nito.”

Genesis 1:28; Moises 2:28; Abraham 4:28

Paano naaangkop ngayon ang utos ng Panginoon na magpakarami at punuin ang mundo?

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” isinulat ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol, “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging mga magulang. Ipinahahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Amin pang karagdagang ipinahahayag na iniutos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”

Genesis 1:28–30; Moises 2:28–30; Abraham 4:28–30

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “pamamahala” sa mga bagay sa mundo?

Bilang mga anak ng Diyos na nilikha ayon sa Kanyang larawan, may natatanging katayuan ang kalalakihan at kababaihan sa mga nilikha ng Diyos. Ang ibig sabihin ng pamamahala ay “pamumuno.” Bahagi ng ating pamamahala sa mga nilikha ng Diyos ang pagiging responsable sa kanila bilang mabubuting katiwala. Itinuro ni Elder Marcus B. Nash, “Ang buhay sa mundong ito ay kapwa pagpapala at responsibilidad. Sinabi ng Panginoon, ‘Masdan, ang mga hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid, at ang mga yaong nagmumula sa lupa, ay inorden upang gamitin ng tao para sa pagkain at para sa kasuotan, at upang siya ay managana’ (Doktrina at mga Tipan 49:19). Gayunpaman, dahil ang mundo at ang lahat ng narito ay ‘gawa ng [Kanyang] kamay.’ (Doktrina at mga Tipan 29:25), lahat ng ito ay sa Kanya. Bilang pansamantalang mga naninirahan sa mundong ito, tayo ay mga katiwala—hindi may-ari. Dahil dito, pananagutan natin sa Diyos—ang may-ari—kung ano ang ginagawa natin sa Kanyang nilikha.”

ang planetang Mundo na tanaw mula sa kalawakan

Genesis 2:1–3; Moises 3:1–3; Abraham 5:1–3

Ano ang makabuluhan tungkol sa pagpapahinga ng Diyos sa ikapitong araw ng Paglikha?

Ang pagpapahinga ng Panginoon sa ikapitong araw ay nagbibigay ng huwaran na dapat nating sundin. Kay Moises, iniutos Niya, “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang [panatilihin] itong banal. Anim na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain: Ngunit ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Diyos: sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, … Sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw: kaya’t binasbasan ng Panginoon ang araw ng sabbath, at ginawa itong banal.”

Ang magpahinga sa Sabbath ay hindi nangangahulugang huwag gumawa ng anuman. Sa salaysay ng Paglikha, itinuro ng Panginoon na “pinabanal” Niya ang ikapitong araw. Ang salitang Hebreo na isinalin na “pinabanal” ay nangangahulugang “ginawang banal” o “inilaan” o “pag-aari ng Diyos.” Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang Sabbath ay araw ng Diyos, isang sagradong panahon na inilaan upang alalahanin at sambahin ang Ama sa ngalan ng Kanyang Anak, makibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, at tumanggap at magpanibago ng mga sagradong tipan. … Sa Kanyang banal na araw, ang ating mga iniisip, ginagawa, at ikinikilos ay mga tanda na ibinibigay natin sa Diyos at isang pahiwatig ng ating pagmamahal para sa Kanya.”

Moises 3:7

Ano ang pananaw ng Simbahan sa ebolusyon?

Itinuturo sa mga banal na kasulatan na si Adan ang unang lalaki. Iniisip ng ilan kung paano itutugma ang katotohanang ito sa teorya ng ebolusyong organiko. Walang opisyal na pananaw ang Simbahan tungkol sa teorya ng ebolusyon.

“Bagama’t ang mga detalye ng nangyari sa lupa bago sina Adan at Eva, kabilang ang kung paano nilikha ang kanilang mga katawan, ay hindi pa naihayag, ang ating mga turo tungkol sa pinagmulan ng tao ay malinaw at nagmula sa paghahayag.

“Bago tayo isinilang sa lupa, tayo ay mga espiritung anak ng mga magulang sa langit, na may mga katawan ayon sa kanilang larawan. Pinamahalaan ng Diyos ang paglikha kina Adan at Eva at inilagay ang kanilang espiritu sa kanilang katawan. Tayong lahat ay mga inapo nina Adan at Eva, ang ating unang mga magulang, na nilikha sa larawan ng Diyos. Walang mga espiritung anak ng Ama sa Langit sa lupa bago nilikha sina Adan at Eva.”

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Hindi ko alam ang mga detalye ng nangyari sa mundong ito bago [ang Pagkahulog nina Adan at Eva], ngunit alam ko na ang dalawang ito ay nilikha ng Diyos na banal, na sila lamang ang nakatira noon sa isang paraiso kung saan hindi sila daranas ng kamatayan ni magkakaroon ng pamilya, at dahil sa sunud-sunod nilang mga pagpili ay lumabag sila sa utos ng Diyos kaya’t kinailangan nilang lisanin ang paraiso ngunit ito ang naging daan para magkaroon sila ng mga anak bago sila mamatay.”

Genesis 2:16–17; Moises 3:16–17; Abraham 5:12–13

Bakit iniutos kina Adan at Eva na huwag kumain mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama?

Tingnan sa “Genesis 3:1–5; Moises 4:5–11. Nagbigay ba ng magkasalungat na mga utos ang Diyos kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden?

Genesis 2:18; Moises 3:18; Abraham 5:14

Ano ang isang “katuwang”?

Ang mga salitang isinalin sa King James Version bilang “katuwang” ay nagmula sa dalawang salitang Hebreo na nangangahulugang katulong, kaalyado, o tagasagip bilang magkasama na may pantay na pananagutan o tungkulin. Hindi iminumungkahi ng salita na mas mababa ang katuwang, kundi maaaring tulungan nina Adan at Eva ang isa’t isa nang higit pa sa kanilang kakayahan. Itinuro ni Elder Ulisses Soares na “sa plano ng Panginoon, ang ‘katuwang’ ay isang kasama na lalakad katabi ni Adan bilang lubos na kaagapay.”

Bilang mag-asawang magkatuwang, nagkaroon ng pagkakataon sina Adan at Eva na maranasan ang pinakamalaking kasiyahan at kagalakan na maibibigay ng mortalidad. Inilarawan ni Elder David A. Bednar kung paano nakatutulong ang mga katangian ng kalalakihan at kababaihan sa isa’t isa: “Ang natatanging kumbinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na kakayahan ng lalaki at babae ay kailangan para maipatupad ang plano ng kaligayahan. Kung nag-iisa, hindi maisasakatuparan ng lalaki ni ng babae ang mga layunin ng pagkakalikha sa kanya.”

Genesis 2:21–22; Moises 3:21–22; Abraham 5:15–16

Nilikha ba talaga si Eva mula sa tadyang ni Adan?

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na si Eva ay hindi literal na nilikha mula sa tadyang ni Adan. Sinabi niya, “Ang kuwento tungkol sa tadyang, mangyari pa, ay matalinghaga.”

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson kung ano ang matututuhan natin mula sa simbolismong ito: “Ang tadyang, na mula sa tagiliran ng katawan, ay tila tumutukoy sa pagiging magkatuwang. Ang tadyang ay hindi nangangahulugan ng paghahari o pagpapaalipin, kundi pagiging magkasama na may pantay na pananagutan, gumagawa at namumuhay, nang magkatuwang.”

Genesis 2:23–24; Moises 3:23–24; Abraham 5:17–18

Paano naging mag-asawa sina Adan at Eva?

Pagkatapos likhain si Eva, ikinasal sila ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball, “[Pinagsama] ng Panginoon … sina Adan at Eva, ang unang lalaki at [unang] babaeng nilikha niya sa mundong ito, at nagsagawa ng banal na seremonya ng kasal upang maging mag-asawa sila.”

Genesis 2:24; Moises 3:24; Abraham 5:18

Ano ang ibig sabihin ng pagiging “isang laman” ng mag-asawa?

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Mula pa sa Halamanan ng Eden, ang kasal ay talagang nangangahulugang ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang mga puso, inaasam, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, at lahat ng bagay. Sinabi ni Adan tungkol kay Eva na siya ay buto ng kanyang buto at laman ng kanyang laman, at na sila ay magiging ‘isang laman’ sa kanilang buhay na magkasama. Ito ay lubos na pagsasama kaya’t ginagamit natin ang salitang buklod upang ipahayag ang walang-hanggang pangako nito. Sinabi noon ni Propetang Joseph Smith na marahil maaari nating ituring ang gayong sagradong ugnayan bilang ‘ganap na pagsasanib’ [Doktrina at mga Tipan 128:18] sa isa’t isa.”

Alamin ang Iba pa

Ang Paglikha

Pangalagaan ang mundo

Pag-aasawa at pamilya

Media

Mga Video

“God’s Greatest Creation” (2:51)

2:47

“Our Home” (1:34)

1:35

“We Lived with God” (4:00)

4:6

Mga Larawan

ang planetang Mundo na nakikita mula sa kalawakan
Kasama si Cristo sa paglikha ng mundo

Christ and the Creation [Si Cristo at ang Paglikha], ni Robert T. Barrett

paruparo sa isang kulay rosas na bulaklak

Mga Tala

  1. Ang limang aklat na ito (Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio) ay tinatawag ding Pentateuch—isang salitang Griyego na nangangahulugang “limang aklat” (Bible Dictionary, “Pentateuch”). Tinutukoy ng mga Judio ang mga aklat na ito bilang Torah o mga batas ng Israel (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentateuch,” Gospel Library). Hindi tinukoy ng Biblia kung sino ang sumulat ng Pentateuch. Maraming iskolar ang naniniwala na maraming manunulat, editor, at iba pa ang kasama sa paggawa ng tekstong mayroon tayo ngayon (tingnan sa Avram Shannon, “Authorship,” sa Old Testament Cultural Insights, pat. Taylor D. Halverson [2022], https://biblecentral.info/library/chapter/authorship/). Halimbawa, ang aklat ng Genesis sa kasalukuyang anyo nito ay maaaring nagmula noong panahon ng pagpapatapon sa mga Judio noong ikaanim na siglo BC (tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. [2018], 6). Anuman ang naging komplikasyon sa pagbuo ng Pentateuch na mayroon tayo ngayon, pinatutunayan ng banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ang mahalagang bahaging ginampanan ni Moises sa mga akda ng mga banal na kasulatang ito (tingnan sa 1 Nephi 5:10–11; Moises 1:40–41; 2:1).

  2. Tingnan sa Coogan at iba pa, The New Oxford Annotated Bible, 7.

  3. Tingnan sa Genesis 12:2–3.

  4. Tingnan sa Moises 1:31–32, 39. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17.

  5. Tingnan sa 2 Nephi 2:25; Doktrina at mga Tipan 49:15–17; Abraham 3:24–25.

  6. Russell M. Nelson, “The Creation,” Ensign, Mayo 2000, 85.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34.

  8. Russell M. Nelson, “The Creation,” 85.

  9. Tingnan sa Gospel Topics Essays, “Becoming Like God,” Gospel Library.

  10. History, 1838–1856 (Manuscript History of the Church), tomo E-1, 1973, josephsmithpapers.org.

  11. Abraham 3:24. Tingnan din sa Abraham 4:1, 12, 14–16.

  12. Abraham 4:2.

  13. Genesis 1:2; Moises 2:2. Ang pariralang Hebreo na isinalin bilang “walang anyo, at walang laman” ay nagmumungkahi “ng isang kalagayan kung saan naroon ang materyal, ngunit sa isang hindi organisado at hindi buong kalagayan”—hindi literal na walang laman (tingnan sa Daniel L. Belnap, “In the Beginning: Genesis 1‒3 and Its Significance to the Latter-day Saints,” sa From Creation to Sinai: The Old Testament through the Lens of the Restoration, pat. Daniel L. Belnap at Aaron P. Schade [2021], 2–3; tingnan din sa Robert L. Millet, “Joseph Smith and the Recovery of ‘Eternal Man,’” Religious Educator, tomo 18, blg. 2 [2017], 84).

  14. Genesis 1:26 (idinagdag ang pagbibigay-diin).

  15. Tingnan sa Moises 2:26.

  16. Tingnan sa Abraham 3:22–24; Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie (1954), 1:74–77.

  17. Thomas S. Monson, “I Know That My Redeemer Lives,” Ensign, Abr. 1990, 6.

  18. Tingnan sa Tad R. Callister, “Our Identity and Our Destiny” (debosyonal sa Brigham Young University, Ago. 14, 2012), speeches.byu.edu.

  19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  20. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow (2012), 93.

  21. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  22. Tingnan sa Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27.

  23. Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga pat., The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 7287, pahina 1018.

  24. Marcus B. Nash, “Pagiging Mas Mabubuting Katiwala ng Daigdig na Nilikha ng Diyos para sa Atin,” Liahona, Mar. 2021, 44.

  25. Exodo 20:8–11.

  26. Genesis 2:3; Moises 3:3; Abraham 5:3.

  27. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 6942, pahina 1013.

  28. David A. Bednar, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” Liahona, Mayo 2024, 30.

  29. Tingnan sa Moises 3:7; Doktrina at mga Tipan 84:16.

  30. Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Organikong Ebolusyon,” Gospel Library.

  31. What Does the Church Believe About Evolution?,” New Era, Okt. 2016, 41. Para sa iba pang reference, tingnan sa “The Origin of Man,” Improvement Era, Nob. 1909, 78; Ensign, Peb. 2002, 26–30.

  32. Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Liahona, Mayo 2015, 105.

  33. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 5828, pahina 401. Sa Mga Awit 33:20 tinatawag ang Panginoon na “saklolo” ng Israel gamit ang parehong salitang Hebreo.

  34. Tingnan sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 16, tala sa Genesis 2:18.

  35. Ulisses Soares, “Katuwang ang Panginoon,” Liahona, Nob. 2022, 42.

  36. Tingnan sa L. Tom Perry, “Pagiging Butihing mga Magulang,” Liahona, Nob. 2012, 27.

  37. David A. Bednar, “Marriage Is Essential to His Eternal Plan,” Ensign, Hunyo 2006, 83.

  38. Spencer W. Kimball, “The Blessings and Responsibilities of Womanhood,” Ensign, Mar. 1976, 71.

  39. Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87.

  40. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 229.

  41. Jeffrey R. Holland, “Personal Purity,” Ensign, Nob 1998, 76.