Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Bilang 11–14; 20–24; 27
Nagpadala si Moises ng 12 espiya upang magmanman sa lupain ng Canaan. Dalawa lang sa kanila, sina Caleb at Josue, ang may pananampalataya na tutulungan ng Panginoon ang mga Israelita na masakop ang Canaan gaya ng Kanyang ipinangako. Dahil sa kawalan ng paniniwala ng mga Israelita, ipinahayag ng Panginoon na magpapagala-gala sila sa ilang sa loob ng 40 taon. Patuloy silang nagreklamo at naghimagsik laban sa Panginoon sa maraming pagkakataon. Nagpadala ang Panginoon ng mga makamandag na ahas na nagpahirap sa mga tao. Pagkatapos ay inutusan niya si Moises na gumawa ng isang tansong ahas na maaaring tingnan ng mga tao upang gumaling. Inutusan ng Panginoon ang isang propetang hindi Israelita na nagngangalang Balaam na basbasan ang mga anak ni Israel. Pinili si Josue bilang kapalit ni Moises.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay iniendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang aklat ng Mga Bilang?
Ang aklat ng Mga Bilang ay pang-apat sa limang aklat ni Moises. Ang pamagat nito ay batay sa tagubilin ng Panginoon kay Moises na bilangin ang lahat ng lalaking Israelita na 20 taong gulang pataas na maaari nang makidigma. Ang Hebreong pamagat ng aklat ay nagmumula sa pariralang “sa ilang.” Itinala sa Mga Bilang ang mga karanasan ng mga Israelita habang sila ay nagpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon. Maaaring hatiin ang aklat sa tatlong bahagi:
-
Kabanata 1–10: Ang paghahanda ng mga Israelita na umalis mula sa Sinai pagkatapos ng isang taon nilang pagkakampo roon.
-
Kabanata 10–21: Ang paglalakbay ng mga Israelita mula sa Sinai patungo sa mga hangganan sa timog ng Canaan, ang kanilang pagtanggi na pumasok sa Canaan, at ang kanilang kasunod na paggala sa ilang.
-
Kabanata 22–36: Mga pangyayari sa kapatagan ng Moab sa labas lamang ng lupang pangako.
Mga Mapa sa Biblia, blg. 2, “Exodo ng Israel mula Egipto at Pagpasok sa Canaan”
Mga Bilang 11
Ano ang matututuhan natin mula sa pagbulung-bulong ng mga Israelita?
Hindi pa nagtatagal pagkatapos umalis ng mga Israelita sa Sinai, nagreklamo sila kay Moises tungkol sa pagkain ng manna araw-araw. Ito ang una sa maraming pagkakataong naitala ang pagbulung-bulong sa Mga Bilang. Hindi ikinasaya ng Panginoon at ni Moises ang pagrereklamo ng mga Israelita. Sa pagsasalaysay ng mga pangyayaring ito sa kanyang mga kapatid, iniugnay ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi ang pagbulung-bulong ng mga Israelita sa katigasan ng kanilang puso. Itinuro ni Nephi na sa kabila ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa mga anak ni Israel, “pinatigas nila ang kanilang mga puso at binulag ang kanilang mga isip, at nilait si Moises at ang tunay at buhay na Diyos.”
Nagbabala si Elder Dale G. Renlund tungkol sa kawalan ng pasasalamat na maaaring madama natin kapag inilalayo natin ang ating sarili mula sa Diyos. Itinuro niya: “Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ang mga Tagapagbigay. Kapag lalo tayong lumalayo sa Kanila, lalo tayong naghahanap. Naiisip natin na dapat lang tayong tumanggap ng biyaya at may utang Silang mga pagpapala. Tumitingin tayo sa paligid, naghahanap ng mga di-pagkakapantay-pantay, at nagagalit—nasasaktan ang kalooban—sa inaakala nating di-makatwiran. Ang di-pagkakapantay-pantay ay maaaring maliit lamang o nakakabahala na, ngunit kapag malayo tayo sa Diyos, kahit ang mga munting hindi pagkakapantay ay tila malaki. Pakiramdam natin ay obligasyon ng Diyos na ayusin ang mga bagay-bagay—at ayusin ito ngayon din!”
Mga Bilang 11:24–29; 12:1–15
Ano ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niya na gusto niyang maging propeta ang lahat ng tao ng Panginoon?
Ang kahilingan ni Moises “na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta, [at] na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu” ay nagpakita ng kanyang hangaring maranasan ng iba ang mga pagpapala ng paghahayag. Gayunpaman, hindi iminumungkahi ni Moises na kahit sino ay maaaring maging tagapagsalita ng Panginoon. Inilalarawan ito sa Mga Bilang 12, nang parusahan ng Panginoon sina Aaron at Miriam dahil sa paghamon sa awtoridad ni Moises bilang inspiradong lider para sa buong Israel.
Binigyang-diin ng mga propeta sa ating panahon ang pangangailangan ng parehong personal na paghahayag at patnubay ng propeta. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Nagbigay ang ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ng dalawang linya ng pakikipag-ugnayan sa Kanya—na matatawag nating personal na linya at ang linya ng priesthood. Lahat ay dapat makaunawa at magabayan nitong dalawang mahahalagang linya ng pakikipag-ugnayan.”
Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund na “ang mga doktrina, kautusan, at paghahayag para sa Simbahan ay pribilehiyo ng buhay na propeta, na tinatanggap ang mga ito mula sa Panginoong Jesucristo.” Tungkol sa personal na paghahayag, itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang diwa ng paghahayag ay maibibigay sa bawat tao. … Ang pagpapalang ito ay hindi lang para sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan; sa halip, ito ay tinataglay at dapat na ginagamit ng bawat lalaki, babae, at bata na nasa hustong gulang na … gumagawa ng sagradong mga tipan. Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay.”
Mga Bilang 13:16
Ano ang kahalagahan ng pagtawag kay Hosheas na Josue?
Inutusan ng Panginoon si Moises na magpadala ng isang lider mula sa bawat lipi upang magmanman sa lupain ng Canaan. Binago ni Moises ang pangalan ng lider ng lipi ni Ephraim mula sa Hosheas (na ang ibig sabihin ay “kaligtasan”) sa Josue (na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay kaligtasan”). Maaaring isang paalala ang pagbabagong ito sa mga Israelita na pinamumunuan sila ng Diyos at matatamo nila ang lupang pangako sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.
Pagkalipas ng ilang siglo, ibibigay ang parehong pangalan sa Anak ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi na kinailangang ituro kina Maria at Jose ang malalim na kahalagahan ng pangalang Jesus. Ang kahulugan ng salitang-ugat na pinagmulan nito sa Hebreo, Jehoshua, ay ‘si Jehova ay kaligtasan.’ Kaya ang misyon ni Jehova, na hindi magtatagal ay papangalanang Jesus, ay kaligtasan, at ang Kanyang pinakadakilang tadhana ay maging Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Mga Bilang 13:26–33
Sino ang mga anak na lalaki ni Anak?
Tinukoy ng 10 espiyang walang pananalig ang mga anak ni Anak bilang “mga higante” nang magbigay sila ng mga dahilan kung bakit sa palagay nila ay hindi malulupig ng Israel ang lupang pangako. Maaaring nauugnay ang mga anak na lalaki ni Anak sa mga tao ni Raphah, na siyang pinagmulan ni Goliat.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Moises 7:15. Ano ang ibig sabihin ng may mga higante noon sa lupa?”
Mga Bilang 14
Bakit kinailangang magpagala-gala ng mga Israelita sa ilang sa loob ng 40 taon?
Tinanggap ng karamihan sa mga Israelita ang ulat ng 10 espiya, na nagsabing imposibleng masakop ang lupang pangako. Nagsimula ang ilang Israelita na magpasimunong itakwil si Moises at pumili ng lider na magdadala sa kanila pabalik sa Egipto. Nang mamagitan sina Josue at Caleb, sinubukan ng kongregasyon na pagbabatuhin sila.
Sa kabila ng mga ikinilos ng mga tao laban sa kanya, nagsumamo si Moises sa Panginoon na kaawaan sila. Sinabi ng Panginoon na hindi Niya lilipulin ang mga tao, ngunit sila ay gagala sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sinabi Niya na “[walang] sinuman sa kanila na humamak sa [Kanya]” ang mabubuhay upang mamana ang lupang pangako. Kabilang dito ang lahat ng adult na mahigit 20 taong gulang maliban kina Caleb at Josue.
Isa ito sa maraming pagkakataon sa ilang kung saan hindi nakuha ng mga Israelita ang mga pagpapala ng Panginoon dahil sa kanilang paghihimagsik at kawalan ng pananampalataya. Kung minsan, tinutukoy ng mga banal na kasulatan ang mga pagkakataong ito bilang “Meriba“ sa ilang.
Disyerto malapit sa Sinai Peninsula
Mga Bilang 20:12
Bakit hindi pinayagang makapasok sina Moises at Aaron sa lupang pangako?
Nang muling bumulung-bulong ang mga Israelita dahil sa labis na pagkauhaw, binigyan ng Panginoon sina Moises at Aaron ng mga partikular na tagubilin kung paano matutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Itinuro Niya ang isang partikular na bato, at sinabi ng Panginoon kay Moises na tipunin ang mga tao at “magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig.” Gayunpaman, sa halip na sundin ang utos ng Diyos na magsalita sa bato, dalawang beses itong hinampas ni Moises ng kanyang tungkod. Bukod pa rito, hindi ibinigay nina Moises at Aaron ang papuri sa Panginoon para sa himalang ito. Bago hampasin ni Moises ang bato, itinanong niya, “Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?”
Pinarusahan ng Panginoon sina Moises at Aaron dahil sa paglihis nila mula sa kanyang mga tagubilin at dahil sa kabiguang “ipakita ang [Kanyang] kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel.” Ipinahayag Niya na dahil sa kanilang mga ikinilos, hindi papayagan sina Moises at Aaron na pamunuan ang mga Israelita papasok sa lupang pangako.
Bagama’t hindi lubos na ipinapaliwanag ng mga banal na kasulatan ang mga dahilan para sa kahihinatnang ito, ang mga pagkilos ni Moises ay hindi nag-alis sa kanya sa lahat ng mga responsibilidad at pagpapala sa hinaharap. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na sa katapusan ng buhay ni Moises, “kinuha ng Panginoon si Moises sa kanyang sarili.” Bilang isang nilalang na nagbagong-kalagayan, nagpakita si Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan. Nagpakita rin si Moises kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa ating dispensasyon bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang, na iginagawad sa kanila ang mga susi ng pagtitipon ng Israel.
Mga Bilang 21:4–9
Ano ang idinaragdag ng iba pang banal na kasulatan sa ating pag-unawa sa salaysay tungkol sa tansong ahas?
Ikinuwento sa Mga Bilang 21 ang tungkol sa mga Israelitang natuklaw ng mga makamandag na ahas at pagkatapos ay gumaling sa pamamagitan ng pagtingin sa tansong ahas na itinayo ni Moises. Nagdaragdag ng mahahalagang pananaw at kahulugan sa salaysay na ito ang mga karagdagang banal na kasulatan.
Higit sa lahat, itinuro ni Jesucristo na sumasagisag ang pangyayaring ito sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nagpatotoo Siya, “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao: upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Gayundin, ipinropesiya ni Nephi na anak ni Helaman na itataas si Jesucristo sa krus at “kasindami ng titingin sa Anak ng Diyos na may pananampalataya, nang may nagsisising espiritu, ay mabubuhay, maging sa yaong buhay na walang hanggan.”
Ibinigay ni Nephi na anak ni Lehi ang mahalagang detalye na bagama’t ang kailangan lang gawin ng mga Israelita ay tumingin, marami ang nangasawi “dahil sa kagaanan ng paraan, o kadalian nito.” Ipinaliwanag pa ng propetang si Alma na ang dahilan kung bakit ayaw tumingin ng ilan sa ahas ay “dahil sa hindi sila naniwalang mapagagaling sila nito.”
Moses and the Brass Serpent [Si Moises at ang Ahas na Tanso], ni Judith Mehr
Mga Bilang 22–24
Sino si Balaam?
Si Balaam ay isang hindi Israelita na may reputasyon sa pagbigkas ng mga pagpapala at sumpa. Bagama’t hindi siya kailanman tinawag na isang propeta sa Mga Bilang 22–24, maraming halimbawa sa mga kabanatang ito kung saan gumaganap si Balaam bilang propeta para sa Panginoon. Halimbawa, sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan ni Balak na isumpa ni Balaam ang mga Israelita, “nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam,” at sa halip ay nagsabi ng mga pagpapala si Balaam sa kanila.
Bagama’t ginamit ng Panginoon si Balaam upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin, may mga pahiwatig na hindi palaging mabuti ang mga intensyon ni Balaam. Halimbawa, “ang galit ng Diyos ay nag-aalab” kay Balaam nang pumayag siyang makipag-usap kay Balak, at nagpadala ng anghel ang Diyos upang harangan ang landas ni Balaam. Pagkatapos ay binuksan ng Panginoon ang bibig ng asno ni Balaam upang ipaalam kay Balaam ang presensiya ng anghel, na tila nagpapakita ng espirituwal na pagkabulag ni Balaam. Hindi nakita ng lalaking hinangad dahil sa kanyang reputasyon bilang isang manghuhula ang bagay na nakikita ng kanyang asno.
Isinasaad sa mga banal na kasulatan na kalaunan ay sumuko si Balaam sa pagpupumilit ni Balak at ipinagkanulo niya ang Israel. Isinasaad sa aklat ng Apocalipsis na tinuruan ni Balaam si Balak “maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid.” Saanman sa mga banal na kasulatan, ginagamit ang halimbawa ni Balaam bilang babala laban sa kasakiman at sa paghahangad ng mga bagay sa mundo.
Alamin ang Iba pa
Paghahayag ng propeta at personal na paghahayag
-
Dale G. Renlund, “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2022, 16–19
-
Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 83–86
Ang 12 espiya
-
S. Michael Wilcox, “The 12 Spies,” Ensign, Mar. 2002, 35–37
Ang ahas na tanso
-
W. Mark Bassett, “Look and Live,” Ensign, Ene. 2018, 30–33
-
Jose L. Alonso, “To Live, Look to God and Trust in Him” (digital lang na artikulo), Liahona, Abr. 2022, Gospel Library
40 Taon sa Ilang
-
Kerry Muhlestein, “Israel’s Exodus and Deliverance—Then and Now,” Ensign, Mar. 2018, 46–51
Media
Mga Larawan
Josue at Caleb: Mga Masunuring Espiya
Dakong hilagang-silangan ng dakilang Wadi, kung saan matatagpuan ang biblikal na Cades Barnea
The Angel Appearing to Balaam [Nagpakita ang Anghel kay Balaam], ni Gustave Doré
Moses Ordaining Joshua [Inoorden ni Moises si Josue], ni Darrell Thomas