Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Samuel 8–10; 13; 15–16


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Samuel 8–10; 13; 15–16

Ninais ng mga Israelita na magkaroon ng hari tulad ng ibang mga bansa. Nabagabag si Samuel sa kanilang kahilingan, ngunit inutusan siya ng Panginoon na ibigay ito. Ipinahayag Niya kay Samuel na si Saul ang magiging hari. Dumating kay Saul ang Espiritu ng Panginoon pagkatapos siyang hirangin ni Samuel, at ginabayan ng Panginoon si Saul sa pamumuno sa Israel. Gayunpaman, nang hindi pa nagtatagal ang kanyang paghahari, sinuway ni Saul ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng handog na susunugin sa halip na hintayin si Samuel para gawin ito. Kalaunan ay sinuway ni Saul ang utos ng Panginoon na ganap na lipulin ang mga Amalekita. Itinakwil ng Panginoon si Saul bilang hari at ipinahayag na pipili Siya ng isang tao na ayon sa Kanyang puso na papalit kay Saul. Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon kay Samuel na hirangin si David bilang susunod na hari ng Israel.

Mga Resource

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

1 Samuel 8:1–5, 19–20

Bakit gusto ng mga Israelita ng isang hari?

Naglingkod si Samuel bilang propeta, saserdote, at hukom sa buong Israel sa loob ng maraming taon. Sa kanyang pagtanda, hinirang niya ang kanyang mga anak bilang mga hukom, ngunit hindi sila naging mga karapat-dapat na lider dahil sa kanilang kasamaan. Nilapitan ng mga elder ng Israel si Samuel at humiling sila ng isang hari, umaasang “maging gaya ng lahat ng mga bansa.“ Inisip nilang makakatulong sa kanilang mga digmaan ang pagkakaroon ng hari. Ang hangaring ito para sa isang hari ay malamang na napaigting ng tumitinding pagbabanta ng mga Filisteo, na nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensya sa rehiyon.

Nabagabag si Samuel sa kanilang kahilingan, hindi dahil mali ang pagkakaroon ng hari, ngunit mas malamang na dahil sa rason nila kung bakit gusto nila nito. Nangako mismo ang Panginoon na lalaban Siya sa mga digmaan ng mga Israelita kapag nanatili silang tapat sa Kanya. Ang paghiling ng isang hari ay nagpakita ng kanilang kawalan ng tiwala sa mga pangako ni Jehova at sa kanilang pakikipagtipan kay Jehova. Tumugon ang Diyos sa hangarin ng mga tao sa pamamagitan ng pagsabi kay Samuel, “Hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila.”

Ipinahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Ang masakit na kabalintunaan dito ay mayroon na silang hari na nauna sa kanila at nakipaglaban sa kanilang mga digmaan. Siya si Jehova, ang Hari ng lahat, ngunit ayaw na nilang pamunuan sila ni Jehova. Hindi na nila nais na Siya ang makipaglaban sa kanilang mga digmaan. At ayon sa tema ng napakaraming aral sa kasaysayan, dumating ang masasakit na bunga nang huli na ang lahat para maiwasan ang mga ito. Kalaunan ay nagdalamhati ang mga tao, ‘Aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari’ (1 Samuel 12:19).”

nagdala ang isang lalaki ng korona sa propetang si Samuel

Israelites Desire a King [Nais ng mga Israelita ng Isang Hari], ni Paul Mann

1 Samuel 8:6–9, 22

Bakit pinahintulutan ng Panginoon ang Israel na magkaroon ng hari?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Kailangang gumawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga mortal na may iba’t ibang antas ng espirituwal na pag-unlad. Kung minsan, pansamantalang ipinagkakaloob niya sa mga tao ang mga maling hiling nila para matuto sila mula sa sarili nilang malulungkot na karanasan. Tinatawag ito ng ilan na ‘prinsipyo ni Samuel.’ Gustong magkaroon ng hari ng mga anak ni Israel, gaya ng lahat ng iba pang mga bansa. … Kaya binigyan sila ng Diyos ng hari at hinayaan silang magdusa. Natuto sila sa mahirap na paraan. Iba ang nais ng Diyos, ngunit sa loob ng ilang partikular na hangganan ay ipinagkaloob niya sa mga tao ang naaayon sa kanilang mga hangarin.”

1 Samuel 9:9

Ano ang isang tagakita?

Ang tagakita ay “isang taong pinahintulutan ng Diyos na makita sa pamamagitan ng mga matang espirituwal ang mga bagay na itinatago ng Diyos sa sanlibutan.” Tulad ng ipinaliwanag sa Aklat ni Mormon, ang mga tagakita ay mga tagapaghayag at propeta. Binigyan sila ng kapangyarihan ng Diyos upang “malaman ang mga bagay na nakalipas na, at gayon din ang mga bagay na mangyayari pa lamang.” Ngayon, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay sinang-ayunan at inorden bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

1 Samuel 9:12–14

Ano ang “ma[ta]taas na dako”?

Ang “ma[ta]taas na dako” ay mga bundok, tuktok ng burol, o matataas na kapatagan kung saan nagtayo ang mga Israelita ng mga altar para kay Jehova. Gumamit din ang mga Cananeo ng matataas na lugar upang magtayo ng mga altar o monumento para sa kanilang mga diyus-diyosan. Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na sirain ang matataas na dako ng mga Cananeo sa panahon ng pananakop sa lupang pangako. Ilang siglo matapos ang panahon ni Samuel, iniutos ni Haring Josias na tanggalin ang matataas na dako dahil sa masasamang kaugaliang panrelihiyon na nauugnay sa mga ito.

1 Samuel 10:1–11

Bakit pinahiran ni Samuel ng langis si Saul?

Tingnan sa “1 Samuel 16:1–13. Ano ang layunin ng pagpapahid ng langis kay David?

isang paglalarawan kay Samuel na nagbubuhos ng langis sa ulo ni Saul

1 Samuel 10:5–6, 10–11

Ano ang “isang pangkat ng mga propeta“?

Paminsan-minsan ay binabanggit sa Lumang Tipan ang mga grupo o pangkat ng mga propeta. Maaaring binubuo ang mga grupong ito ng mabubuting indibiduwal na nagsama-sama sa panahong nag-apostasiya ang mga Israelita upang palakasin at pasiglahin ang isa’t isa.

1 Samuel 13:5

Ilang karuwahe ng mga Filisteo ang inihanda para sa digmaan?

Nagkasundo ang karamihan sa mga iskolar na hindi tumpak ang bilang na 30,000 karuwahe ng mga Filisteo. Binago ng ilang pagsasalin sa Biblia ang bilang sa 3,000. Makikita ang ganitong uri ng mga pagkakamali sa Biblia sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang mga pagkakamali sa pagsasalin at ang posibleng eksaherasyon ng mga tagasulat kalaunan.

1 Samuel 13:8–14

Bakit mali na nagsagawa si Saul ng handog na susunugin?

Sinabi ng propetang si Samuel kay Saul na pupunta siya sa Gilgal at maghihintay si Saul ng pitong araw para dumating si Samuel at mag-alay ng mga hain sa Panginoon. Walang awtoridad ng priesthood si Saul na kinakailangan para magsagawa ng mga handog na susunugin. Gayunpaman, nang dumating ang itinakdang araw at hindi pa dumating si Samuel, nawalan ng pasensya si Saul at isinagawa niya mismo ang pag-aalay. Ipinakita ng gawaing ito na ang puso ni Saul ay hindi naaayon sa kalooban ng Panginoon na hindi tulad ng dati.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf noong miyembro pa siya ng Unang Panguluhan:

“Nakita ni Samuel ang malaking kahinaan sa pagkatao ni Saul. Kapag malakas ang impluwensya ng iba, nawawalan ng disiplina si Saul na manatili sa dapat niyang patunguhan, nawawalan ng tiwala sa Panginoon at sa Kanyang propeta, at hindi sumusunod sa pamantayang ibinigay ng Diyos.

“Ang iilang antas na idinagdag, tulad ng … hindi pagsunod ni Saul sa payo ng propeta na maghintay pa nang kaunti, ay tila maliit na bagay lamang. Ngunit balang araw ang maliliit na pagkakamali ay maaaring magdulot ng malaking kaibhan sa ating buhay.”

1 Samuel 15:1–3

Bakit iniutos kay Saul na “lipulin … lahat” ang mga Amalekita?

Ang mga Amalekita ay mga tao na hindi takot sa Panginoon. Tinambangan din nila ang mga anak ni Israel, na nagkampo sa ilang sa panahon ng Exodo, at pinatay ang marami sa mga pinakamahinang Israelita. Bilang tugon, ipinahayag ng Panginoon na dapat “pawiin [ng mga Israelita] ang alaala ng Amalek sa ilalim ng langit.” Hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit iniutos ng Diyos kay Saul at sa kanyang hukbo na patayin ang lahat ng Amalekita at ang kanilang mga hayop. Gayunpaman, alam natin na lubos na nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak at na Siya ay “wala[ng] kasiyahan sa kamatayan ng masama.“ Alam Niya ang lahat at Siya ay ganap na makatarungan at maawain.

Tingnan din sa “How do we make sense of instances of violence in the scriptures?,” sa Topics and Questions, “Religion vs. Violence,” Gospel Library.

1 Samuel 15

Bakit hindi nalugod ang Panginoon kay Saul?

Ipinaliwanag ni Elder Robert D. Hales:

“Hindi sinunod ni Saul ang utos ng Panginoon. Ginawa niya ang tinatawag kong ‘piling pagsunod.’ Sa pag-asa sa kanyang sariling karunungan, hindi niya pinatay si Haring Agag at pagbalik ay nagdala ng pinakamainam na mga tupa, baka, at iba pang mga hayop. …

“… Dahil hindi lubos ang pagsunod ni Saul—dahil nagpasiya siyang piliin ang susundin—nawala sa kanya ang pagkakataon at ang kalayaan na maging hari.”

Nakaturo si Samuel at kinakausap si Saul

Samuel Instructing Saul [Si Samuel na Pinagbibilinan si Saul], ni Ted Henninger

1 Samuel 15:11, 35

Kailangan bang malungkot ng Panginoon?

Tingnan sa “Genesis 6:6. Ano ang dapat nating maunawaan mula sa pariralang ‘nalungkot ang Panginoon’?

1 Samuel 16:1–13

Ano ang layunin ng pagpapahid ng langis kay David?

Ang pagpapahid ng langis ay isang karaniwang gawain sa Lumang Tipan. Sinisimbolo nito “ang pagbabago sa katayuan o ang pagtatalaga sa isang tungkuling binigyang-inspirasyon ng langit” para sa mga sagradong katungkulan ng propeta, saserdote, at hari. Nauugnay ang langis ng olibo sa kadalisayan, pagpapagaling, at Espiritu Santo. Madalas itong nakalagay sa isang sungay, na kumakatawan sa lakas o kapangyarihan.

Tulad ng pagpapahid ng langis kay Saul noon, ang pagpapahid ng langis kay David ay sinundan ng pagtanggap ng Espiritu ng Panginoon. Si David at ang iba pang pinahiran ng langis noong sinaunang panahon ay tinatawag na “mga pinahiran.“ Sa ganitong paraan, ibinadya ni David ang kanyang magiging inapo, na si Jesucristo, na may titulong Mesiyas na nangangahulugang “ang pinahiran.”

ang propetang si Samuel na binubuhusan ng langis ang ulo ni David habang nagsasaya ang mga tao sa kanilang paligid

The Prophet Samuel Anoints David, a Teenager, among His Family in Bethlehem to Be King over Israel [Pinahiran ni Propetang Samuel si David, isang Tinedyer, kasama ang Kanyang Pamilya sa Bethlehem upang Maging Hari ng Israel], ni Balage Balogh

1 Samuel 16:14–16, 23

Ano ang masamang espiritu na dumating kay Saul?

Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang masamang espiritung dumating kay Saul ay hindi mula sa Panginoon. Bagama’t maaaring direktang naimpluwensyahan si Saul ng masamang espiritu, posible ring nakakaranas siya ng pagkaligalig dahil sa kanyang mga kasalanan.

Alamin ang Iba pa

Ang pagnanais ng mga Israelita na magkaroon ng isang hari

Ang pagsuway ni Saul

Media

Mga Larawan

isang paglalarawan kay Samuel na binabasbasan si Saul sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa kanyang ulo

Paglalarawan kay Samuel na binabasbasan si Saul

Nakatayo si Saul kasama ang mga hukbo sa paligid

Saul Leading Israel against Their Enemies [Pinamumunuan ni Saul ang Israel Laban sa Kanilang mga Kaaway], ni Robert T. Barrett

Pinupunit ni Saul ang damit ni Samuel

Saul Tears Samuel’s Robe [Pinunit ni Saul ang Damit ni Samuel], ni Julius Schnorr von Carolsfeld

Tinutugtog ni David ang arpa para kay Saul

David Playing the Harp before Saul [Tinutugtog ni David ang Arpa sa Harap ni Saul], ni Charles-Nicolas Cochin le Jeune

Mga Tala

  1. 1 Samuel 8:20. Halos lahat ng bansa sa lugar sa palibot ay may mga hari. Bago si Samuel, nakaranas ang Israel ng hindi pantay na pamumuno at hindi pagkakaisa sa pamamagitan ng sistema ng mga hukom, na maaaring nagpatindi rin sa kanilang hangarin na magkaroon ng hari (tingnan sa Mga Hukom 17:6; 18:1; 19:1; 21:25).

  2. Tingnan sa 1 Samuel 8:20.

  3. Tingnan sa Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament, 192.

  4. Tingnan sa Exodo 14:13–14; Deuteronomio 1:30; Josue 10:14; 23:9–11.

  5. Tingnan sa Peggy Furniss Lee, “A King for Israel,” Ensign, Hunyo 2002, 22.

  6. 1 Samuel 8:7.

  7. Jeffrey R. Holland, “Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta,” Liahona, Hunyo 2022, 6.

  8. Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” New Era, Mayo 1975, 17–18.

  9. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagakita,” Gospel Library. Tingnan din sa “Moises 6:35–36. Ano ang nangyari kay Enoc matapos niyang pahiran ng putik ang kanyang mga mata?

  10. Tingnan sa Mosias 8:16.

  11. Mosias 8:17.

  12. Tingnan sa Bible Dictionary, “High places.” Tingnan din sa Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament, 167–68.

  13. Tingnan sa 1 Samuel 10:5; 19:20. Kung minsan, tinatawag ang gayong mga grupo na “mga anak ng mga propeta” (tingnan sa 2 Mga Hari 2:3–7, 15; 4:38; Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament, 269).

  14. Tingnan sa Kenneth L. Barker and others, eds., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 442, tala sa 1 Samuel 10:5.

  15. Kabilang sa mga halimbawa ang New International Version, ang New Living Translation, at ang Christian Standard Bible. Nakalista rin sa Greek Septuagint ang 3,000 karuwahe (tingnan sa Robert Alter, The Hebrew Bible: A Translation with Commentary [2019], 2:223, tala sa 1 Samuel 13:5).

  16. Tingnan sa Adele Berlin and Marc Zvi Brettler, eds., The Jewish Study Bible, 2nd ed. (2014), 569–70, tala sa 1 Samuel 13:5. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa malalaking bilang sa Biblia, tingnan sa Holzapfel and others, Jehovah and the World of the Old Testament, 126.

  17. Tingnan sa 1 Samuel 10:8.

  18. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Liahona, Mayo 2008, 58.

  19. Tingnan sa 1 Samuel 13:9, 12.

  20. Ihambing ang 1 Samuel 10:9 sa 13:14.

  21. Dieter F. Uchtdorf, “Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” 58.

  22. Deuteronomio 25:17–19. Tingnan din sa Exodo 17:8–16.

  23. Ezekiel 33:11.

  24. Tingnan sa Exodo 34:6–7; Deuteronomio 32:4; Isaias 55:8–9; 2 Nephi 9:20; 26:24.

  25. Robert D. Hales, “Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay,” Liahona, Nob. 2010, 26.

  26. David Rolph Seely and Jo Ann H. Seely, “Jesus the Messiah: Prophet, Priest, and King,” sa Jesus Christ: Son of God, Savior, ed. Paul H. Peterson and others (2002), 250.

  27. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapahid ng Langis,” Gospel Library.

  28. Tingnan sa Seely and Seely, “Jesus the Messiah,” 250.

  29. Tingnan sa 1 Samuel 2:10; 16:13; 1 Mga Hari 1:39; Mga Awit 92:10.

  30. Tingnan sa 1 Samuel 10:6–11; 16:13.

  31. Tingnan sa Tremper Longman III and Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), “Anointed One,” 54; Seely and Seely, “Jesus the Messiah,” 249. Tulad ni David, isinilang si Jesucristo sa Bethlehem (tingnan sa 1 Samuel 16:1; Lucas 2:4–7).

  32. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Samuel 16:14.

  33. Tingnan sa Radmacher and others, NKJV Study Bible, 419, tala sa 1 Samuel 16:14, 15.