Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Mga Hari 12–13; 17–22


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Mga Hari 12–13; 17–22

Pagkamatay ni Solomon, naging hari ang kanyang anak na si Rehoboam at dinagdagan niya ang mga pasanin ng mga tao. Naghimagsik ang mga tao at nahati sila sa Hilagang Kaharian ng Israel at Katimugang Kaharian ng Juda. Pinasimulan ni Jeroboam, ang hari ng Hilagang Kaharian, ang pagsamba sa diyus-diyosan at iba pang masasamang gawain sa kanyang mga tao. Kalaunan, si Elijah ay isang propeta noong panahon ng paghahari ni Ahab sa Hilagang Kaharian. Nagpadala ang Panginoon ng tagtuyot ayon sa salita ni Elijah. Iningatan ng Panginoon si Elijah at kalaunan ay pumaroon siya sa isang balong babae sa Zarefta, na nagpakain sa kanya sa loob ng maraming araw. Binuhay ni Elijah ang anak ng balo. Para ipakita sa mga tao na ang Diyos ng Israel ang tanging tunay na Diyos, hinamon ni Elijah ang mga saserdote ni Baal sa isang paligsahan. Nanaig si Elijah sa paligsahan, at natapos ang tagtuyot. Nang tangkain ni Jezebel na patayin si Elijah, tumakas siya patungong Bundok ng Horeb, kung saan nagkaroon siya ng makapangyarihang espirituwal na karanasan sa Panginoon.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

1 Mga Hari 12

Ano ang nangyari sa kaharian sa panahon ng paghahari ni Rehoboam?

Pagkamatay ni Solomon, naging hari ng buong Israel ang kanyang anak na si Rehoboam. Dinagdagan ni Rehoboam ang mga pasanin ng mga tao, na naging sanhi ng paghihimagsik ng sampung lipi sa hilaga laban sa kanya. Hinirang nila si Jeroboam bilang kanilang hari at nabuo ang nakilala bilang Hilagang Kaharian ng Israel. Nagtagal ang Hilagang Kaharian ng humigit-kumulang dalawang siglo bago ito nasakop ng mga taga-Asiria at nabihag ang maraming tao. Kalaunan ay nagkalat ang mga liping ito sa lahat ng bansa sa mundo. Mula noon ay nakilala sila bilang nawawalang sampung lipi ni Israel.

Binubuo ang Katimugang Kaharian ng teritoryong pag-aari ng mga lipi ni Juda at Benjamin. Tinawag itong Kaharian ng Juda at ang punong-tanggapan ay nasa Jerusalem. Nagwakas ang kahariang ito nang wasakin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem noong 586 BC.

isang graph na ipinapakita ang mga Kaharian ng Israel at ng Juda

1 Mga Hari 12:25–33

Bakit gumawa si Jeroboam ng dalawang gintong guya?

Natakot si Jeroboam na baka maglakbay patungong timog ang kanyang mga tao upang sumamba sa templo sa Jerusalem at kalaunan ay muling sumama sa Katimugang Kaharian. Upang maiwasan ito, nagpagawa siya ng dalawang gintong guya, nagtatag ng mga bagong lugar ng pagsamba, nagpasimula ng mga alternatibong kapistahan, at nagtalaga ng sarili niyang mga saserdotre. Maaaring nilayon ni Jeroboam na ipalit ang mga gintong guya sa kaban ng tipan. Anuman ang intensiyon ni Jeroboam, ang mga ginawa niya ang nagdala sa kanyang mga tao sa apostasiya.

Nagpadala ang Panginoon ng propeta mula sa Juda upang balaan si Jeroboam tungkol sa kanyang kasamaan at pagsamba sa diyus-diyosan. Kahit nasaksihan ang mga mahimalang palatandaan ng kapangyarihan ng Panginoon, hindi nagsisi si Jeroboam at patuloy niyang isinulong ang pagsamba sa mga diyus-diyosan.

1 Mga Hari 17:9–24

Ano ang nalalaman natin tungkol sa balo ng Zarefta?

Kaunti lang ang nalalaman tungkol sa balo bago niya nakilala si Elijah. Nakatira siya sa Zarefta, isang lungsod ng Phoenicia kung saan sinasamba ng mga tao si Baal at ang iba pang huwad na diyos. Bagama’t hindi siya Israelita, nagpakita siya ng malaking pananampalataya kay Jehova at sa Kanyang propetang si Elijah. Sa Kanyang mortal na ministeryo, ginamit ng Tagapagligtas ang halimbawa ng balo upang hatulan ang sarili Niyang mga tao dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa Kanya.

1 Mga Hari 17:13–14

Bakit kaya hiniling ni Elijah sa balo na pakainin muna siya?

Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins, emeritus General Authority Seventy:

“Ang isang subong tinapay ay talagang kakatiting, sapat lang siguro sa iisang tao, kaya nga nakakaintriga ang sagot ni [Elijah] … : ‘“At sinabi ni [Elijah] sa kanya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi: nguni’t—igawa mo muna ako ng munting tinapay’ [1 Mga Hari 17:13; idinagdag ang pagbibigay-diin]. …

“Naunawaan ni [Elijah] ang doktrina na dumarating ang mga pagpapala matapos masubok ang ating pananampalataya [tingnan sa Eter 12:6; Doktrina at mga Tipan 132:5]. Hindi siya sakim. Bilang lingkod ng Panginoon, naroon si [Elijah] para magbigay, hindi para kumuha.”

isang babaeng nagbubuhos ng tubig sa isang mangkok

Widow of Zarephath [Balo ng Zarefta], ni James Johnson

1 Mga Hari 18:21

Ano ang ibig sabihin ni Elijah nang tanungin niya, “Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro?”

Ang pagsasalin ng tanong ni Elijah sa King James Version ng Lumang Tipan ay batay sa Hebreong idyoma na maaaring tumutukoy sa isang ibong patalun-talon sa dalawang sanga. Noong panahon ni Elijah, sinubukan ng maraming Israelita na sumamba sa maraming diyos kasama si Jehova. Ang mensahe ni Elijah ay isang panawagan sa mga tao na tumigil sa pag-aalinlangan at maging lubos na tapat kay Jehova.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:

“Nang magtipon na ang mga tao, sinabi sa kanila ni Elijah, ‘Hanggang kailan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? [o sa madaling salita, ‘Ano ba talaga ang pasiya ninyo?’] kung ang Panginoon ay [Diyos], sumunod kayo sa kaniya: nguni’t kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.’ …

“Ngayon maaaring sabihin ni Elijah:

  • Maaaring ang Diyos, na ating Ama sa Langit, ay totoo, o hindi, ngunit kung Siya ay totoo, sambahin Siya.

  • Maaaring si Jesucristo ay Anak ng Diyos, ang nabuhay na mag-uling Manunubos ng sangkatauhan, o hindi, ngunit kung Siya nga, sumunod sa Kanya.”

1 Mga Hari 18:22–46

Paano ipinakita sa paligsahan ni Elijah at ng mga saserdote ni Baal ang kapangyarihan ni Jehova?

“Si Baal ang diyos ng unos ng mga Cananita, na may kaugnayan sa kidlat at ulan.” Ngunit sa pakikipagpaligsahan kay Elijah, walang apoy na dumating nang tawagin ng mga saserdote ni Baal ang kanilang diyus-diyosan. Wala ring kapangyarihan ang mga saserdote ni Baal na pigilan si Elijah sa pagdulot ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagpinid sa kalangitan. Sa kabilang banda, nagpadala si Jehova ng apoy mula sa langit upang sunugin ang sakripisyo at dambana, kahit parehong basang-basa ng tubig ang mga ito, na kakaunti sa panahon ng tagtuyot. Kitang-kita ang kapangyarihan ni Jehova kaya lahat ng naroon ay napatirapa sa lupa at sinabing, “Ang Panginoon ang siyang Diyos; ang Panginoon ang siyang Diyos.” Upang maipakita pa ang kapangyarihan ni Jehova sa mga elemento, isinamo ni Elijah na magkaroon ng bagyo na nagwakas sa tagtuyot.

Iniunat ni Elijah ang kanyang mga kamay at tumayo siya sa tabi ng isang dambanang may apoy

Elijah Contends against the Priests of Baal [Nakipagpaligsahan si Elijah sa mga Saserdote ni Baal], ni Jerry Harston

1 Mga Hari 19:9–12

Ano ang itinuturo sa atin ng karanasan ni Elijah tungkol sa kung paano nakikipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga anak?

Matapos iulat ni Ahab kay Jezebel ang nangyari sa pagitan ni Elijah at ng mga saserdote ni Baal, sumumpa si Jezebel na ipapapatay niya si Elijah sa loob ng 24 na oras. Tumakas si Elijah mula sa lupain ng Israel at naglakbay nang maraming araw hanggang sa makarating siya sa Bundok ng Horeb, o Sinai.

Ang karanasan ni Elijah kasama ang Panginoon sa Bundok ng Horeb ay ibang-iba sa nauna nilang paghaharap ng mga saserdote ni Baal, nang ipakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa kagila-gilalas na paraan. Sa Horeb, wala ang Panginoon sa hangin, apoy, o lindol sa halip nagsalita siya sa pamamagitan ng isang “banayad at munting tinig.”

Binigyang-diin ng mga makabagong propeta at apostol na mas karaniwan para sa Panginoon na makipag-usap sa Kanyang mga anak sa mga banayad na paraan kaysa sa mga kagila-gilalas na pagpapakita. Nagbabala si Pangulong Dallin H. Oaks: “Kailangan nating malaman na ang Panginoon ay bihirang magsalita nang malakas. Ang kanyang mga mensahe ay halos laging dumarating sa isang bulong.” Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Hindi kinukuha ng Espiritu ang ating pansin sa pamamagitan ng pagsigaw o pagyugyog sa atin gamit ang mabigat na kamay. Sa halip ay bumubulong ito. Marahan tayong hinahaplos nito kaya maaaring hindi natin ito madama kapag abala tayo.”

1 Mga Hari 19:9–21

Bakit inihagis ni Elijah ang kanyang balabal kay Eliseo?

Tingnan sa “2 Mga Hari 2:12–13. Ano ang kahalagahan ng pagkahulog ng balabal ni Elijah kay Eliseo?”

1 Mga Hari 20:22–23

Bakit naniwala ang mga taga-Siria na may kapangyarihan ang Diyos ng Israel sa mga burol ngunit hindi sa kapatagan?

Sa maraming sinaunang kultura, pinaniniwalaan ng mga tao na ang kapangyarihan ng isang diyos ay limitado sa isang partikular na bansa, heograpikal na katangian, o lugar. Maaaring pinaniwalaan ng mga taga-Siria na limitado lamang ang kapangyarihan ng Panginoon sa mga burol at bundok dahil dinalaw Niya ang mga Israelita sa Sinai. Ito ang nag-udyok sa kanila na ilipat ang labanan sa mga lambak upang maaari silang manalo sa labanan. Sa kabila ng pinaniniwalaan ng mga taga-Siria, nilinaw ng mga banal na kasulatan na si Jehova ang Diyos “sa buong mundo.”

1 Mga Hari 22:22–23

Nagpadala ba ang Panginoon ng nagsisinungaling na espiritu sa mga propeta ni Ahab?

Ang salaysay na nakatala sa 1 Mga Hari 22 ay matatagpuan din sa 2 Mga Cronica 18. Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng 2 Mga Cronica 18:22 na natagpuan ng Panginoon ang isang mandarayang espiritu sa mga propeta ni Ahab sa halip na naglagay siya ng sinungaling na espiritu sa kanila. Hinikayat ng mga bulaang propeta ni Ahab na pumunta siya sa digmaan laban sa mga taga-Siria sa kabila ng propesiya ni Micaya na matatalo ang Israel at mamamatay sa digmaan si Ahab. Nakipaglaban si Ahab sa digmaan nang nakabalatkayo ngunit napatay pa rin siya.

Alamin ang Iba pa

Kapangyarihang magbuklod

Ang balo ng Zarefta

Si Elijah at ang mga saserdote ni Baal

Ang marahan at banayad na tinig

Media

Video

10:12

Mga Larawan

Galit na nakikipag-usap sa isa’t isa sina Jeroboam at Rehoboam

Jeroboam and Rehoboam [Jeroboam at Rehoboam], ni Ted Henninger

isang mapa na nagpapakita kung saan nakalat ang labindalawang lipi ng Israel

Mga Mapa sa Biblia, blg. 3, “Ang Pagkakahati ng 12 Lipi”

isang babaeng nagbubuhos ng tubig sa isang mangkok

Charity Never Faileth [Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang], ni Elspeth Young

isang batang lalaki na muling nabuhay at nakayakap sa kanyang ina

Elijah Raises the Widow’s Son from Death [Binuhay ni Elijah ang Anak ng Balo], ni Robert T. Barrett

isang larawan ng Bundok Carmel sa Israel

Isang larawan ng Bundok Carmel sa Israel

Nakaupo si Elijah sa mga bato na may sinag ng liwanag na tumatama sa kanya

Elijah, ni Wilson J. Ong

isang anghel na inaabot si Elijah, na nakahiga sa lupa

An Angel Came to Elijah [Dumating ang Isang Anghel kay Elijah], ni Walter Rane

Mga Tala

  1. Tinupad ng mga gawaing ito ang propesiya ni Ahias sa panahon ng paghahari ni Solomon (tingnan sa 1 Mga Hari 11:29–39; tingnan din sa “1 Mga Hari 11:29–39. Paano natupad ang propesiya ni Ahias?”). Ang Hilagang Kaharian ay tinatawag ding Ephraim kung minsan dahil ang lipi ni Ephraim ang nangingibabaw na grupo sa sampung lipi (tingnan sa Bible Dictionary, “Israel, Kingdom of”).

  2. Tingnan sa 1 Nephi 22:3–4.

  3. Tingnan sa Bible Dictionary, “Israel, Kingdom of.”

  4. Sa mga sumunod na taon, maraming miyembro ng sampung lipi ang lumipat sa Katimugang Kaharian at naging bahagi ng bansa ng Juda (tingnan sa 2 Mga Cronica 11:13–17; 15:9).

  5. Tingnan sa Bible Dictionary, “Judah, Kingdom of.” Tingnan din sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 212. Sinubukang sakupin ng mga taga-Asiria ang Katimugang Kaharian kasabay ng pagsakop nila sa Hilagang Kaharian. Ngunit dahil matwid ang mga lipi nina Juda at Benjamin noong panahong iyon, iningatan sila ng Panginoon (tingnan sa 2 Mga Hari 19:32–35).

  6. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 251. Maaaring mayroon ding maganda ngunit maling intensiyon si Aaron noong ginawa niya ang gintong guya sa paanan ng Bundok ng Sinai. Ang mga salita ni Jeroboam sa 1 Mga Hari 12:28 ay eksaktong katulad ng mga salita ni Aaron sa Exodo 32:4. Tingnan din sa “Exodo 32:1–8. Bakit gumawa ang mga Israelita ng gintong guya upang sambahin?

  7. Tingnan sa 1 Mga Hari 13.

  8. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 509, tala sa 1 Mga Hari 17:9.

  9. Tingnan sa Lucas 4:25–26.

  10. Lynn G. Robbins, “Ikapu—Isang Utos Maging sa mga Dukha,” Liahona, Mayo 2005, 35.

  11. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 530, tala sa 1 Mga Hari 18:21. Tingnan din sa Susan Easton Black, 400 Questions and Answers about the Old Testament (2013), 124; Fred E. Woods, “Who Controls the Water? Yahweh vs. Baal,” BYU Faculty Publications (2003), 11.

  12. Tingnan sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 576–77, tala sa 1 Mga Hari 18:21; Black, 400 Questions and Answers, 124.

  13. D. Todd Christofferson, “Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 30.

  14. Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 167.

  15. 1 Mga Hari 18:39. Naipahayag din sa paligsahang ito ang kapangyarihan ni Jehova sa iba pang mga diyos ng Canaan bukod pa kay Baal. “Naganap ang paligsahan sa isang sagradong lugar para sa punong diyos ng Canaan na si El, na sinisimbolo ng torong inihain nila. Si Asherah ay kinakatawan ng maraming puno sa lugar at ng sinunog na kahoy. Si Anat ay sinasagisag ng lupa at alikabok na sinunog, at si Mot ay kinakatawan ng tubig. Sa ganitong paraan tinupok ng Panginoon ang mga simbolo ng lahat ng diyos na ito o ipinakita na Siya ang tunay na makagagawa ng mga bagay na banal” (Kerry Muhlestein, The Essential Old Testament Companion: Key Insights to Your Gospel Study [2013], 269).

  16. Tingnan sa 1 Mga Hari 18:41–45.

  17. Tingnan sa 1 Mga Hari 19:1–8. Kapwa nakaranas sina Elijah at Moises ng mga banal na pagpapakita mula sa Panginoon sa Bundok ng Sinai (ihambing ang 1 Mga Hari 19:9–12 sa Exodo 3:1–4; 24:12–18). Isa ito sa maraming magkaparehong karanasan na ibinahagi ng dalawang propetang ito. Sila ay parehong nag-ayuno nang 40 araw, binigyan ng mga partikular na susi ng priesthood, kinuha mula sa mortalidad nang hindi nararanasan ang kamatayan, at magkasamang nagpakita sa huling dispensasyon upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood (tingnan sa Exodo 34:28; 1 Mga Hari 19:8; Mateo 17:1–3; Doktrina at mga Tipan 110:11, 13; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elijah,” “Moises,” Gospel Library).

  18. Tingnan sa 1 Mga Hari 18:36–39.

  19. 1 Mga Hari 19:12.

  20. Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 25.

  21. Boyd K. Packer, “The Quest for Spiritual Knowledge,” Liahona, Ene. 2007, 16.

  22. Tingnan sa Barker at iba pa, NIV Study Bible, 582, tala sa 1 Mga Hari 20:23.

  23. Tingnan sa Attridge at iba pa, The HarperCollins Study Bible, 514, tala sa 1 Mga Hari 20:23.

  24. Mga Awit 47:2; tingnan din sa Josue 3:11, 13; Zacarias 14:9.

  25. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 2 Mga Cronica 18:22. Hindi malinaw kung bakit hindi binago ni Joseph Smith ang parehong passage sa 1 Mga Hari 22:23. Gayunpaman, malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang Diyos ay “Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling.” (Eter 3:12; tingnan din sa Mga Bilang 23:19; Mga Hebreo 6:18).

  26. Tingnan sa 1 Mga Hari 22:15–17. Upang maipahayag ang awtoridad ng kanyang mensahe, inilarawan ni Micaya ang pangitain niya tungkol sa “Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya” (1 Mga Hari 22:19). Ito ay paglalarawan sa tinatawag ng mga iskolar sa Biblia na banal na konseho (tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 262).

  27. Tingnan sa 1 Mga Hari 22:30–37.