Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Exodo 19–20; 24; 31–34
Ipinangako ng Panginoon na gagawing banal na bansa ang Israel, at inihanda ni Moises ang mga tao upang makipagtipan sa Kanya. Matapos marinig na ipahayag ng Panginoon ang Sampung Utos mula sa Bundok ng Sinai, nakipagtipan ang Israel na susundin ang mga ito. Kalaunan, isinulat ng Panginoon ang Kanyang batas sa dalawang tapyas ng bato. Habang nasa Sinai si Moises, hiniling ng mga tao kay Aaron na gumawa ng gintong guya, at sinamba nila ito. Nang bumaba si Moises mula sa bundok, binasag niya ang mga tapyas ng bato at winasak ang gintong guya. Dahil sa mga kasalanan ng Israel, ipinagkait ng Panginoon ang Kanyang Melchizedek priesthood at mga ordenansa sa Israel, at sa halip ay ibinigay sa kanila ang panimulang batas ni Moises.
Resources
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Exodo 19:1–2
Ano ang kahalagahan ng Bundok ng Sinai?
Tinutukoy ng aklat ng Exodo ang Bundok ng Sinai (tinatawag ding Horeb) bilang “bundok ng Diyos.” Isa itong banal na lugar kung saan pumasok si Moises sa kinaroroonan ng Diyos sa humigit-kumulang tatlong magkakahiwalay na okasyon. Ang Sinai ang nagbigay ng unang karanasan na katulad sa templo para sa mga Israelita. Ito ang lugar kung saan ibinigay ng Panginoon ang Kanyang batas sa mga anak ni Israel at kung saan unang nakipagtipan ang mga Israelita sa Kanya. Nanatili ang mga Israelita sa Sinai nang halos isang taon. Nakatala ang mga pangyayari sa Sinai sa lahat ng natitirang bahagi ng Exodo, lahat ng Levitico, at ang unang 10 kabanata ng Mga Bilang.
Isang tradisyonal na lugar ng Bundok ng Sinai sa Egipto
Exodo 19:3–6
Anong mga pangako ang ginawa ng Panginoon sa mga anak ng Israel kung tutuparin nila ang kanilang tipan sa Kanya?
Habang nakikipag-usap si Moises sa Panginoon sa Bundok ng Sinai, ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang pagnanais na makipagtipan sa Israel. Ipinangako Niya ang sumusunod na mahahalagang pagpapala kung susundin ng Israel ang Kanyang tinig at tutuparin ang Kanyang tipan:
“Kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan” (talata 5)
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa Lumang Tipan, ang katagang Hebreo na pinagmulan ng pagsasalin ng sariling pag-aari ay segullah, na ibig sabihin ay ‘pinahahalagahang pag-aari,’ o ‘kayamanan.’ … Kaya naman, makikita natin na ang ibig sabihin ng mga salita sa banal na kasulatan na sariling pag-aari ay ‘pinahahalagahang kayamanan,’ ‘ginawa,’ o ‘pinili ng Diyos.’ Ang pagtukoy sa atin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon bilang mga taong Kanyang sariling pag-aari ay napakagandang papuri.”
“Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga [saserdote] at isang banal na bansa.” (talata 6)
Ang pariralang “kaharian ng mga [saserdote]” ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na tumanggap ng awtoridad ng priesthood ng Diyos at responsable sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Sa Lumang Tipan, ang isang tao o isang bagay na tinawag bilang banal ay itinalaga para sa mga layunin ng Diyos. Tumutukoy din ang kabanalan sa moral na katangian ng isang tao.
Nilinaw ng paghahayag sa mga huling araw na nilayon ng Panginoon na magkaroon ng mahalagang bahagi ang mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood sa mga Israelita sa pagiging isang kaharian ng mga saserdote at banal na bansa na maaaring “mamasdan ang mukha ng Diyos.“ Itinuro ng Panginoon na sa mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.” Kung wala ang mga ordenansa ng priesthood at kapangyarihan ng kabanalan, “walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay.” Gayunman, dahil sa matitigas na puso ng mga anak ni Israel, binawi ng Panginoon ang Melchizedek Priesthood at pinanatili ang mas mababang Aaronic Priesthood.
Binanggit ni Propetang Joseph Smith ang pagtatatag ng kaharian ng mga saserdote sa ating dispensasyon na binubuo ng mga kalalakihan at kababaihan na nakipagtipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon. Ang mga magmamana ng kahariang selestiyal ay tinatawag na “mga saserdote at hari” at “mga reyna at babaeng saserdote.”
Exodo 20:1–17
Ano ang kahalagahan ng Sampung Utos?
Habang nagtitipon ang mga Israelita sa paanan ng Bundok ng Sinai, narinig nila ang tinig ng Diyos na ipinahayag sa kanila ang Sampung Utos mula sa ulap sa tuktok ng bundok. Ang Sampung Utos ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuturo at inuulit ang mga ito sa buong banal na kasulatan. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang mga kautusang ito ay “nalaman na ni Adan at ng kanyang mga inapo” bago pa tanggapin ni Moises ang mga ito.
Kasabay ng Sampung Utos ang dalawang dakilang utos ng Tagapagligtas: ibigin ang Diyos at ibigin ang kapwa. Itinuro ni Elder L. Tom Perry na ang unang apat na utos ay “may kinalaman sa ating pakikitungo sa Diyos; ang natitirang anim ay sa pakikitungo natin sa ating kapwa. Ang pagpipitagan sa Diyos ang batayan ng Sampung Utos.”
Paglalarawan kay Moises na hawak ang Sampung Utos, ni Sam Lawlor
Exodo 20:4–5; 34:14
Bakit tinutukoy ng Panginoon ang Kanyang sarili bilang isang “Diyos na mapanibughuin”?
Habang nagsasalita tungkol sa pangalawang utos, na nagbabawal sa pagsamba sa mga diyus-diyusan, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Higit pa sa pagbabawal sa pisikal na diyus-diyusan, ipinapahayag nito ang pinakaunang dapat iprayoridad sa lahat ng oras. Ipinaliwanag ni Jehova, ‘Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, … pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang … mga umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos’ (Exodo 20:5–6). Kitang-kita ang ibig sabihin ng mapanibughuin. Sa Hebreo, ang kahulugan nito ay ‘pagtataglay ng maselan at masidhing damdamin’ (Exodo 20:5, footnote b). Kung gayon ay nasasaktan natin ang Diyos kapag ‘pinaglilingkuran’ natin ang ibang mga diyos—kapag may iba tayong inuunang mga priyoridad.
Exodo 20:7
Ano ang ibig sabihin ng banggitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan?
Para sa mga sinaunang Israelita, ang paggamit ng pangalan ng Panginoon nang walang kabuluhan ay nangangahulugang ginagamit ang pangalan ng Diyos sa paraang walang pagpapahalaga, walang-galang, o walang pagpipitagan—sa pakikipag-usap man, paggawa ng mga tipan, o panunumpa. Sa pagsasalita tungkol sa kautusang ito sa ating panahon, itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Sa binyag at kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatutunayan natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Sa kontekstong ito, isaisip natin ang kautusan sa Lumang Tipan, ‘Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan’ [Exodo 20:7]. Sa pagkaunawa natin ngayon, parang pagbabawal ito laban sa walang-pitagang paggamit ng pangalan ng Panginoon. Kasama iyan sa kautusan, ngunit mas malalim ang inuutos nito. Ang kahulugan ng salitang Hebreo na isinalin bilang ‘babanggitin’ ay ‘itataas’ o ‘dadalhin,’ tulad sa isang tao na may dalang bandila na nagpapakita na kabilang siya sa isang grupo. Ang kahulugan ng salitang isinalin bilang ‘walang kabuluhan’ ay ‘hungkag’ o ‘mapanlinlang.’ Ang kahulugan kung gayon ng kautusang huwag banggitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan ay, ‘Hindi mo dapat ibilang ang iyong sarili na disipulo ni Jesucristo maliban kung hangarin mong katawanin Siya nang maayos.’”
Exodo 20:13
Ano ang ibig sabihin ng utos na huwag pumatay?
Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “pumatay” sa King James Version ay mas nauunawaan bilang “pagpaslang.” Ang ibig sabihin ng pagpaslang ay ang sadya at labag sa batas na pagtapos sa buhay ng isang tao. May ilang mga sitwasyon kung saan maaaring pumatay ng ibang tao ang isang tao na hindi ituturing na pagpaslang—halimbawa, sa pagtatanggol sa sarili o sagupaan ng militar habang ginaganap ang tungkulin.
Exodo 20:18–21
Ano ang kahalagahan ng pag-aatubili ng mga Israelita na direktang makipag-usap sa kanila ang Diyos?
Natakot ang mga Israelita nang makakita sila ng kidlat at usok sa Bundok ng Sinai at nakarinig ng kulog habang ipinapahayag ng tinig ng Panginoon ang Sampung Utos. Hiniling nila na makipag-usap si Moises kay Jehova sa halip na patuloy na makipag-usap nang direkta sa kanila si Jehova. Bagama’t pinayuhan sila ni Moises na “huwag kayong matakot,” ang mga Israelita ay “tumayo sa malayo” habang umaakyat si Moises sa Bundok ng Sinai upang makipag-usap sa Panginoon.
Tatlong araw bago iyon, iniutos ng Panginoon kay Moises na pabanalin ang mga tao upang sila ay maging handa para sa araw na “bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.” Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 84 na hinangad ni Moises na pabanalin ang mga tao upang sila ay maging handa na “mamasdan ang mukha ng Diyos.” Bagama’t narinig ng mga Israelita ang Sampung Utos, tila nilayon ng Panginoon na maranasan nila ang isang bagay na mas makabuluhan. Gayunman, “pinatigas [ng mga Israelita] ang kanilang mga puso at hindi nakatagal sa harapan [ng Diyos].”
Dahil sa katigasan ng puso na ipinakita ng mga Israelita sa karanasang ito at sa pagsamba nila sa gintong guya pagkatapos niyon, ipinagkait ng Panginoon ang Kanyang nakatataas na batas sa kanila. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Kapag nagbigay ang Diyos ng pagpapala o kaalaman sa isang tao, at ayaw niya itong tanggapin, siya ay mapapahamak. Ang mga Israelita ay nanalangin na mangusap ang Diyos kay Moises at hindi sa kanila; bunga nito isinumpa niya sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng makalupang kautusan.”
Exodo 24:3–8
Bakit nagwisik ng dugo si Moises sa dambana at sa mga tao?
Matapos sumang-ayon ang mga Israelita na tanggapin ang tipan ng Panginoon, nagsagawa si Moises ng isang espesyal na ritwal. Ang dugo na iwinisik ni Moises sa dambana ay kumakatawan sa dugo ni Jesucristo, na Kanyang ititigis sa Getsemani at sa krus. Nang iwinisik ni Moises ang dugo sa mga tao, isinisimbolo nito ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatanggap ng mga tao sa pamamagitan ng tipan na ginawa nila. Isinisimbolo rin nito ang kabigatan ng mga tipang iyon. Ipinakita ng pagwiwisik ng dugo na kapwa nakabigkis ang Diyos at ang mga tao sa tipang ito.
Exodo 24:9–11
Bakit kumain at uminom si Moises at ang iba pa habang sila ay nasa presensya ng Diyos?
Umakyat sa Bundok ng Sinai si Moises at ang ilan pang lalaking Israelita matapos pormal na nakipagtipan ang mga anak ni Israel sa Panginoon. Doon ay “nakita nila ang Diyos, at sila’y kumain at uminom.” Sa panahon ng Lumang Tipan, kadalasang bahagi ang mga sagradong pagkain sa proseso ng paggawa ng tipan o pagpapanibago ng tipan. Ang pagkain nang sama-sama ay isang pormal na paraan ng pagpapatibay ng tipan at pagbigkis ng mga partido ng tipan. Sa ating panahon, ang pakikibahagi sa sakramento ay isang paraan para mapanibago natin ang ating mga tipan sa Panginoon at palakasin ang ating ugnayan sa Kanya.
Paglalarawan kay Jehova na nagpakita kay Moises at sa 70 elder ng Israel, ni Jerry Harston
Exodo 31:12–17
Paano kinakatawan ng pagdiriwang ng Sabbath ang isang tanda sa pagitan ng mga Israelita at ng Panginoon?
Itinuro ng Panginoon sa mga Israelita na ibinigay Niya sa kanila ang araw ng Sabbath bilang “tanda” ng kanilang pakikipagtipan sa Kanya. Habang ipinagdiriwang nila ang Kanyang Sabbath, nangako ang Panginoon na gagawing banal ang Kanyang mga pinagtipanang tao.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “ Ang Sabbath ay ibinigay bilang walang-hanggang tipan, isang patuloy na paalala na mapapabanal ng Panginoon ang Kanyang mga tao. …
“Paano ba natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”
Exodo 32:1–8
Bakit gumawa ang mga Israelita ng gintong guya upang sambahin?
Dahil gumugol si Moises nang 40 araw at gabi sa Bundok ng Sinai, nagsimulang mag-isip ang mga tao kung ano na ang nangyari sa kanya. Hiniling nila kay Aaron na gumawa ng “mga diyos na mangunguna sa amin,” at sinunod ni Aaron ang kanilang kahilingan. Maaaring tila kakaiba ang mga pagkilos na ito kung isasaalang-alang na, hindi pa nagtagal bago iyon, nakipagtipan ang mga Israelita na susundin ang mga kautusan ng Diyos, kabilang na ang kautusan na huwag gumawa ng anumang mga nililok na larawan.
Iminungkahi ng ilang iskolar na ang paggawa sa gintong guya ay maaaring isang maling pagtatangkang alalahanin si Jehova o humugot sa Kanyang kapangyarihan. Ipinahayag ni Aaron na ang araw ng pagtatalaga ng guya ay magiging “isang pista sa Panginoon.” Maaaring pinaniwalaan niya na kumakatawan ang guya kay Jehova.
Anuman ang intensyon ng mga Israelita, malinaw na ang kanilang mga ginawa ay labis na kasalanan sa Panginoon. Ikinalungkot niya na ang mga Israelita ay “nagpapakasama” at “madaling lumihis” mula sa Kanyang mga daan. Kalaunan, napansin ng isang Mang-aawit na dahil sa pagsamba nila sa gintong guya, ang mga Israelita ay “ipinagpalit ang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo. Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto.”
Exodo 32:9–14, 31–32
Paano maipapaalala sa atin ng pagsusumamo ni Moises para sa kanyang mga tao si Jesucristo?
Bagama’t batid ni Moises ang kabigatan ng mga kasalanan ng mga Israelita, nagsumamo siya sa Diyos na maging maawain sa kanila. Kalaunan ay nag-alok siya na akuin ang kanilang kaparusahan sa kanyang sarili. Ipinangako ng Panginoon na ililigtas Niya ang mga magsisisi.
Ang pagsusumamo ni Moises sa Panginoon para sa kanyang mga tao ay maaaring magpaalala sa atin kay Jesucristo, na siyang ating tagapamagitan sa Ama. Ang isang tagapamagitan ay isang taong nagsusumamo para sa iba. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund na, bilang ating tagapamagitan, si Jesucristo ang “nagtataguyod sa nais ng Ama: ang makabalik tayo sa Kanya bilang mga tagapagmana sa Kanyang kaharian.”
Exodo 32:15–24; 34:1–2
Anong mga pagpapala ang nawala sa mga Israelita dahil sa kanilang pagsuway?
Nang bumaba si Moises mula sa Bundok ng Sinai at nakita ang gintong guya at ang pag-uugali ng mga tao, binasag niya ang mga tapyas na bato na isinulat ng Panginoon. Ang pagsira ni Moises sa mga tapyas ay sumisimbolo sa nasirang tipan ng Israel. Ipinaliwanag ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “mas marami pa bukod sa Sampung Utos ang nakasulat sa mga tapyas na iyon.”
Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang mga basag na tapyas ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon para sa mga ordenansa at tipan ng Melchizedek Priesthood. Kinakailangan ang mga ordenansa at tipan na ito para tayo ay maging katulad ng Diyos at manahan sa Kanyang piling. Gayunpaman, dahil pinatigas ng mga Israelita ang kanilang mga puso, hindi sila nararapat na tumanggap ng mga pagpapalang ito mula sa Panginoon.
Sa kabila ng pagsuway ng Israel, maawain pa rin ang Panginoon sa mga nagsisi. Nang umakyat si Moises sa Bundok ng Sinai kalaunan, iniutos sa kanya ng Panginoon na itatag ang “batas ng makalupang mga kautusan,” o ang panimulang ebanghelyo na pinangangasiwaan sa pamamagitan ng Aaronic Priesthood. Ang batas na ito ay nakilala bilang ang batas ni Moises.
Exodo 33:20
Sino ang makakakita sa mukha ng Diyos at mabubuhay?
Ang pahayag ng Panginoon sa talata 20 na “hindi ako maaaring makita ng tao at siya’y mabubuhay” ay tila salungat sa talata 11, na nagsasaad na “nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan.”
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay nagbigay ng nakatutulong na paglilinaw sa talata 20. Ipinahiwatig ng Panginoon na dahil sa mga kasalanan ng Israel, hindi sila papayagang makita ang mukha ng Panginoon sa panahong iyon. Idinagdag Niya rin, “At walang makasalanang tao sa anumang pagkakataon, ni magkaroon ng sinumang makasalanang tao sa anumang pagkakataon, ang makakikita sa aking mukha at mabubuhay.”
Alamin ang Iba pa
Ang mga pangako ng tipan ng Panginoon sa Exodo 19
-
“Exodo 19:5–6,” New Era, Hulyo 2011, 5
Ang Sampung Utos
-
L. Tom Perry, “Ang Pagsunod sa Batas ay Kalayaan,” Liahona, Mayo 2013, 86–88
-
Russell M. Nelson “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32
-
Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 72–75
Media
Musika
-
“Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Mga Himno, blg. 191
Mga Video
Mga Larawan
Moses with the Ten Commandments [Si Moises kasama ang Sampung Utos], ni Greg K. Olsen
Moses and the Tablets [Si Moises at ang mga Tapyas na Bato], ni Jerry Harston
Composite ng isang gintong guya, ni Ron Herman
Worship of the Calf [Pagsamba sa Guya], ni W. C. Simmonds