Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Exodo 14–18
Matapos ang ikasampung salot, hinayaan ni Faraon sina Moises at Aaron na ilabas ng Egipto ang mga anak ni Israel. Ngunit pagkatapos ng kanilang pag-alis, pinatigas ni Faraon ang kanyang puso at ipinahabol sa kanyang hukbo ang mga Israelita, na nagkampo malapit sa Dagat na Pula. Hinati ng Panginoon ang Dagat na Pula, at dumaan ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa habang ang hukbo ni Faraon ay nalunod. Ang mga tao ng Israel ay kumanta ng mga awit ng papuri at pasasalamat sa Panginoon. Kalaunan, habang naglalakbay sila patungo sa Bundok ng Sinai, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises na sila ay nagugutom at nauuhaw. Mahimalang nagbigay ang Panginoon ng pagkain at tubig sa ilang. Nanaig ang mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalekita. Habang nagkakampo ang mga Israelita malapit sa Bundok ng Sinai, pinayuhan ni Jetro si Moises na italaga sa iba ang ilan sa kanyang mga responsibilidad.
Resources
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Exodo 14:1–9
Saan pumunta ang mga Israelita pagkaalis nila ng Egipto?
Matapos pahintulutan ni Faraon ang mga Israelita na umalis ng Egipto, pinatnubayan sila ng Diyos sa “daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.” Hindi malinaw ang eksaktong lokasyon kung saan nagkampo ang mga Israelita pagkaalis nila ng Egipto.
Ang pariralang Hebreo na isinalin bilang “Dagat na Pula” ay maaari ding isalin bilang “Reed Sea [Dagat ng Tambo]” o “Sea of Reeds [Dagat ng mga Tambo].” Dahil dito, naniniwala ang ilan na maaaring nagkampo ang mga Israelita malapit sa ibang anyong tubig. Gayunman, sinasabi ng iba pang ebidensya na ang teksto ay talagang tumutukoy sa Dagat na Pula. Saanman naroon ang mga Israelita, iminumungkahi ng mga banal na kasulatan na ang dagat na tinawid nila ay isang malaking anyong tubig.
Mga Mapa sa Biblia blg. 2, “Exodo ng Israel mula Egipto at Pagpasok sa Canaan”
Exodo 14:19–20, 24
Ano ang layunin ng haligi ng ulap at apoy?
Ang haligi ng ulap at apoy ay simbolo ng presensya ni Jehova. Pumagitna ito sa pagitan ng mga taga-Egipto at sa mga Israelita sa Dagat na Pula. Pinagmumulan ito ng liwanag at proteksyon para sa mga Israelita, ngunit “ulap at kadiliman para sa mga taga-Egipto.” Pagkatapos ay pinatnubayan ng haligi ang mga Israelita sa kanilang buong paglalakbay sa ilang. Kapag kumikilos ang ulap, sinusundan ito ng mga Israelita patungo sa kanilang susunod na destinasyon. Sa gabi, nagbibigay ng liwanag ang haliging apoy upang gabayan ang mga Israelita sa kung saan sila dapat pumunta.
Exodo 14:4, 8
Pinatigas ba ng Diyos ang puso ni Faraon?
Tingnan sa “Exodo 4:21. Pinatigas ba ng Diyos ang puso ni Faraon?”
Exodo 14:13–14
Ano ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niyang, “Magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon”?
Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “kaligtasan” ay kadalasang ginagamit sa Lumang Tipan upang tukuyin ang tulong o suporta mula sa Diyos—na halos palaging isang uri ng pagsagip sa pisikal na kahulugan. Ang pariralang “magpakatatag kayo” ay nagmula sa salitang Hebreo na maaari ding mangahulugan ng ”gawin ng isang tao ang nararapat o itinalagang posisyon sa kanya.” Sa mabilis na pagdating ni Faraon at ng kanyang mga hukbo, naharap ang mga Israelita sa isang napakatinding hamon. Nang sabihin ni Moises, “Magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon,” maaaring inaanyayahan niya ang mga Israelita na huwag silang magtuon sa kanilang sariling limitadong lakas at sa halip ay magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na magliligtas sa kanila.
Exodo 14:19–22
Ano ang sinisimbolo ng pagtawid ng Israel sa Dagat na Pula?
Itinuro ni Apostol Pablo na ang pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula, kasama ang haliging ulap at apoy na lumilim sa kanila, ay sumisimbolo sa pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig at apoy. Sa pagtawid sa Dagat na Pula, iniwan ng mga Israelita ang kanilang buhay bilang alipin sa Egipto at nagsimula ng bagong buhay bilang mga pinagtipanang tao ng Panginoon.
Exodo 14:21–29
Ano ang matututuhan natin tungkol sa paghahayag mula sa himala sa Dagat na Pula?
Sa isang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith, na patungkol kay Oliver Cowdery, ginamit ng Panginoon ang karanasan ni Moises sa Dagat na Pula bilang isang halimbawa ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ipinangako ng Panginoon na mangungusap Siya sa isip at puso ni Oliver sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya, “Ito ang diwa ng paghahayag; masdan, ito ang diwa kung paano nadala ni Moises ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na Pula patungo sa tuyong lupa.”
Tungkol sa paghahambing na ito, itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
“Bakit gagamitin ng Panginoon ang pagtawid sa Dagat na Pula bilang klasikong halimbawa ng ‘diwa ng paghahayag’ [Doktrina at mga Tipan 8:3]? …
“… Ang hamon kay Moises ay kung paano niya maiaalis ang kanyang sarili at ang mga anak ni Israel mula sa napakalagim na sitwasyong kinalalagyan nila. May mga karuwahe sa likod nila, may mga buhangin sa lahat ng dako, at malaking katubigan sa kanilang harapan. Kailangan niya ng impormasyon kung ano ang gagawin, ngunit hindi pangkaraniwan ang kanyang hinihiling. Sa sitwasyong ito, talagang buhay ang nakataya. …
“… Ang Dagat na Pula ay bubukas para sa tapat na naghahangad ng paghahayag.”
Moses Parting the Red Sea [Si Moises na Hinahati ang Dagat na Pula], ni Robert T. Barrett
Exodo 15:6
Ano ang sinisimbolo ng kanang kamay ng Panginoon?
Kadalasang binabanggit ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa kanang kamay ng Diyos na may simbolikong kahulugan. Halimbawa, ang kanang kamay ng Diyos ay nauugnay sa kabutihan, kapangyarihan, at paggawa ng mga tipan. Inilarawan din ang Panginoon bilang nagsasagawa ng paghahatol at nagliligtas sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang kanang kamay. Madalas na inilalarawan si Jesucristo na nasa kanang kamay ng Diyos, at mananahan din ang mabubuti magpakailanman sa kanang kamay ng Diyos.
Exodo 15:22–26
Paano natin maaalala si Jesucristo sa isang punungkahoy na inihagis sa tubig ng Mara?
Nang sinunod ni Moises ang utos ng Panginoon na maghagis ng isang punungkahoy sa tubig ng Mara, ang tubig, na dating mapait at hindi maaaring inumin, ay gumaling at naging dalisay. Tulad ng punungkahoy na nagdala ng paggaling sa tubig ng Mara, iniaalok ni Jesucristo ang Kanyang kapangyarihang magpagaling para linisin tayo at alisin ang kapaitan mula sa ating buhay. Matapos ang himala sa Mara, ipinahayag ng Panginoon, “Ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.”
Exodo 16:14–15
Ano ang manna?
Sa wikang Hebreo, ang salitang manna ay nangangahulugang “ano ito?” Ito ang naging tugon ng mga Israelita nang una nilang makita ang mahimalang pagkain na lumitaw sa lupa sa ilang. Binigyan ng Panginoon ang mga Israelita ng manna sa loob ng 40 taon nilang paglalakbay sa ilang. Inilarawan ang manna bilang “isang maliit at bilog na pagkain na ang lasa ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot … o ng tinapay na niluto sa langis.” Inihanda ito ng mga Israelita sa iba’t ibang paraan. Itinala sa aklat ng Mga Bilang na ito ay “kanilang ginigiling sa mga gilingan, o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay.”
Ang manna ay isang simbolo ni Jesucristo. Matapos mahimalang pakainin ang 5,000 sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, ipinaalala ng Tagapagligtas sa mga Judio ang tinapay mula sa langit na kinain ng kanilang mga ninuno. Pagkatapos ay ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang “tunay na tinapay na galing sa langit.” Pinatotohanan Niya, “Ako ang tinapay ng buhay: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw,” at “kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailanman.”
Exodo 16:16–30
Ano ang itinuro ng pagtitipon ng manna sa mga Israelita?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Sa paglalaan ng kakainin sa bawat araw, sinikap ni Jehova na turuang sumampalataya ang isang bansa na sa nagdaang 400 taon ay naiwaglit ang pananampalataya ng kanilang mga ninuno. Itinuro Niya sa kanila na magtiwala sa Kanya, na ‘isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot’ [Doktrina at mga Tipan 6:36]. Naglaan Siya ng sapat para sa bawat araw. Maliban sa ikaanim na araw, hindi sila maaaring mag-imbak ng manna para gamitin sa susunod na araw o mga araw. Ibig sabihin, ang mga anak ni Israel ay kinailangang umasa sa Kanya ngayon at magtiwala na magkakaloob Siya ng sapat na pagkain para bukas sa susunod pang mga araw. Sa gayong paraan hindi Siya malalayo nang husto sa kanilang puso’t isipan kailanman.”
Ilang sandali bago pumasok ang mga Israelita sa lupang pangako, pinayuhan sila ni Moises na alalahanin ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa kanila sa ilang. Itinuro niya na isa sa mga layunin ng pagbibigay ng Panginoon ng manna ay para matulungan silang malaman na “hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.”
Exodo 16:16
Ano ang omer?
Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na magtipon ng isang omer ng manna para sa bawat tao sa kanilang tolda araw-araw. Ang omer ay isang unit ng pagsukat na katumbas ng halos dalawang quart, o kalahating galon.
Exodo 17:1–6
Paano maipapaalala sa atin ng tubig na umaagos mula sa bato si Jesucristo?
Tinutukoy ng mga banal na kasulatan na si Jesucristo ay kapwa “ang bato” at ang pinagmumulan ng tubig na buhay. Sa pagsasalita tungkol sa mga Israelita na umiinom ng tubig mula sa bato, sinabi ni Apostol Pablo na “ang lahat ay uminom ng isang inuming espirituwal; sapagkat sila’y umiinom sa Batong espirituwal na sumunod sa kanila: at ang Batong iyon ay si Cristo.”
Exodo 17:8–13
Bakit kaya pinanatili ni Moises na nakataas ang kanyang mga kamay sa digmaan ng Israel?
Sa panahon ng digmaan ng Israel laban sa mga Amalekita, sinabi ni Moises na tatayo siya sa tuktok ng burol na hawak “ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.“ Nananaig lamang ang Israel laban sa mga Amalekita habang nakataas ang mga kamay ni Moises. Posibleng ang mga nakataas na kamay ni Moises ay isang kilos na nagpapakita ng pagdarasal. Anuman ang dahilan ni Moises sa paggawa niyon, malinaw na ang Panginoon ang pinagmumulan ng lakas ng mga Israelita sa digmaang ito. Ang mga ginawa nina Aaron at Hur sa salaysay na ito ay ginamit ng mga lider ng Simbahan upang ituro ang kahalagahan ng pagsang-ayon sa propeta ng Panginoon.
One before God [Iisa sa Harap ng Diyos], ni Joseph Brickey
Exodo 17:14–16
Bakit iniutos ng Panginoon kay Moises na lipulin ang mga Amalekita?
Ang mga Amalekita ay isang palaboy na lipi na madalas na nakikipag-away sa mga Israelita. Pinaniniwalaang nagmula sila kay Amalek, isang apo ni Esau. Bagama’t nakasaad sa Exodo na ang mga Amalekita ang nauna sa digmaan laban sa Israel, nagdaragdag ang aklat ng Deuteronomio ng mahalagang detalye na sinalakay ng mga Amalekita ang likuran ng kampo, at pinatay ang pinakamahihina. Dahil dito, sumumpa ang Panginoon na lalabanan sila. Patuloy na sasalakayin ng mga Amalekita ang Israel sa mga susunod na henerasyon.
Alamin ang Iba pa
Ang diwa ng paghahayag
-
Jeffrey R. Holland, “Cast Not Away Therefore Your Confidence,” Ensign, Mar. 2000, 6–11
-
David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 87–90
Manna
-
D. Todd Christofferson, “Pagkilala sa Tulong ng Diyos sa Ating mga Pagpapala sa Araw-araw,” Liahona, Ene. 2012, 16–23
-
“Manna,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2022, 21
Pagsang-ayon sa mga propeta
-
Elder Ronald A. Rasband, “Masdan, Ako ang Ilaw na Inyong Itataas,” Liahona, Nob. 2024, 108–110
Media
Musika
-
“Ang Tinapay at Tubig ng Buhay,” Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan
Mga Video
Mga Larawan
The Passage of the Red Sea [Ang Pagtawid sa Dagat na Pula], ni William Hole/Bridgeman Images
The Gathering of the Manna [Ang Pagtitipon ng Manna], ni James Tissot
Fresco ng mga Israelita na nagtitipon ng manna, ni Leopold Bruckner
Fresco ni Moises na kumukuha ng tubig mula sa bato, ni Leopold Bruckner