Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 5; Moises 6


“Genesis 5; Moises 6,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Genesis 5; Moises 6

Ang mga inapo ni Adan ay nag-ingat ng talaan ng kanilang mga paghahayag at talaangkanan. Marami sa mga inapo ni Adan ang naging masama. Tinawag ng Panginoon si Enoc upang maging propeta at mangaral ng pagsisisi. Kulang ang tiwala ni Enoc sa kanyang mga kakayahan, ngunit nangako ang Panginoon na tutulungan siya. Si Enoc ay naging isang dakilang propeta sa buong lupain. Itinuro niya sa mga tao kung bakit kailangan nila ng Tagapagligtas at kung paano sila lalapit sa Kanya. Ipinaliwanag niya na matapos malaman ni Adan ang tungkol sa plano ng kaligtasan, siya ay bininyagan at nakaranas ng espirituwal na pagsilang na muli.

Resources

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Moises 6:7

Gaano katagal nang nasa mundo ang priesthood?

Ang priesthood ay “walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.” Ang priesthood—at ang mga ordenansa nito—ay matatanggap noon nina Adan, Eva, at ng kanilang mabubuting inapo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Unang ibinigay ang Priesthood kay Adan; natamo niya ang Unang Panguluhan, at hinawakan ang mga susi nito sa salinsaling henerasyon. Natamo niya ito sa Paglikha, bago pa nilikha ang mundo. … Ang Priesthood ay walang hanggang alituntunin, at umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon.”

Genesis 5:3–32; Moises 6:10–24

Nabuhay ba talaga ang mga sinaunang patriyarka sa loob ng daan-daang taon?

Nakatala sa Biblia na napakahaba ng buhay ni Adan at ng ilan sa kanyang mga inapo. Hindi malinaw na ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan ang dahilan ng mahahabang buhay na ito. Pagkatapos ng salaysay tungkol sa Baha, ang mga edad ng mga pangunahing tao ay naitalang bumababa sa loob ng ilang henerasyon hanggang sa haba ng buhay na alam natin ngayon. Nakatala rin ang mahahabang buhay na ito sa Doktrina at mga Tipan 107:41–52. Nang idikta ni Joseph Smith ang kanyang bagong salin ng Biblia, binago niya ang ilang edad ng mga patriyarka ngunit pinanatili niya ang hindi karaniwang haba ng kanilang buhay.

Genesis 5:19–24; Moises 6:26

Ano ang natutuhan natin tungkol sa ministeryo ni Enoc mula kay Joseph Smith?

Napakahalaga ng ministeryo ni Enoc kaysa sa inilarawan sa Biblia. Sa Genesis 5, natutuhan natin na “lumakad si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya’y kinuha ng Diyos.” Nilinaw ng aklat ng Mga Hebreo na dinalang paitaas si Enoc. At itinala ni Judas ang isang maikling propesiya na ginawa ni Enoc.

Nang gawin ni Propetang Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, inihayag sa kanya ng Panginoon ang maraming mahahalagang detalye tungkol kay Enoc. Kabilang sa mga detalyeng ito, na nakatala sa Moises 6–7, ang pagtawag kay Enoc na maging propeta, ang kanyang pangangaral, ang lungsod ng Sion na kanyang itinatag, at ang kanyang mga pangitain, propesiya, at inspiradong mga turo.

Moises 6:34, 39

Ano ang ibig sabihin ng “mananahan” at “lumakad na kasama” ang Diyos?

Matapos ipahayag ni Enoc ang mga alalahanin tungkol sa kanyang kakayahang gawin ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos, inanyayahan ng Panginoon si Enoc na “manahanan” sa Kanya at “lumakad na kasama” Siya. Inilarawan ni Elder David A. Bednar ang kahulugan ng dalawang paanyayang ito:

“Ang salitang manahan ay nagpapahiwatig ng hindi paggalaw o pagiging matatag at hindi natitinag. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang ‘manahan’ ay nangangahulugan na ‘“manatili—ngunit manatili magpakailanman.” Iyon ang panawagan ng mensahe ng ebanghelyo sa … lahat ng tao sa mundo. Pumarito, ngunit pumarito upang manatili. Pumarito nang may paniniwala at pagtitiis. Mamalagi kayo, para sa inyong kapakanan at sa lahat ng henerasyong kasunod ninyo.’ Kung gayon, nananahan tayo kay Cristo kapag matatag at matibay ang ating pagsampalataya sa Manunubos at sa Kanyang mga banal na pangako, anuman ang ating kalagayan. …

“Dapat palagi nating tandaan ang itinuro ng Panginoon kay Enoc: ‘Ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo’ [Moises 6:34]. At pinatototohanan ko na ang pangako ng Tagapagligtas na mananahan Siya sa atin ay totoo at matatamo ng bawat miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tipan. …

“Binibigyang-diin ng paglakad sa Tagapagligtas at nang kasama Niya ang dalawang mahalagang aspekto ng pagiging disipulo: (1) pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at (2) pag-alaala at pagtupad sa mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin sa Ama at sa Anak.”

Moises 6:35–36

Ano ang nangyari kay Enoc matapos niyang pahiran ng putik ang kanyang mga mata?

Matapos sundin ang mga tagubilin ng Panginoon na pahiran ng putik ang kanyang mga mata, namasdan ni Enoc ang “mga bagay na hindi nakikita nang likas na mata.” Pinagpala ng Panginoon si Enoc ng kaloob na pagiging tagakita. Ang tagakita ay “isang taong pinahintulutan ng Diyos na makita sa pamamagitan ng mga matang espirituwal ang mga bagay na itinatago ng Diyos sa sanlibutan. Isa siyang tagapaghayag at isang propeta.”

Bilang tagakita, nakita ni Enoc “ang lahat ng bagay, maging hanggang sa wakas ng daigdig.” Sa Simbahan ngayon, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Nakikipag-usap si Enoc sa Panginoon

A Seer Hath the Lord Raised Up [Nagbangon ang Panginoon ng Isang Tagakita], ni Eva Timothy

Moises 6:50–62

Paano nakakaapekto sa atin ang Pagkahulog?

Itinuro ni Enoc na itinanong ni Adan sa Diyos kung bakit ang lahat ng tao ay dapat magsisi at mabinyagan. Bilang tugon, itinuro ng Diyos kay Adan ang mahahalagang katotohanan na nagbigay-linaw kung paano makakaapekto ang Pagkahulog sa mga inapo nina Adan at Eva.

Una, nilinaw ng Diyos na hindi lamang pinatawad sina Adan at Eva sa kanilang paglabag sa Halamanan ng Eden, kundi pati na rin na ang mga bunga ng kanilang mga kasalanan ay hindi maipapasa sa kanilang mga anak. Inulit ni Propetang Joseph Smith ang katotohanang ito nang ituro niya, “Naniniwala kami na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan.”

Itinuro din ng Diyos kay Adan na ang kanyang mga inapo ay “ipinaglihi sa kasalanan” (o “ipinanganak sa daigdig na puno ng kasalanan”). Bilang mga mortal na tao na nabubuhay sa isang makasalanang mundo, nagkakasala tayo, na nagpaparumi sa atin at nagpapahiwalay sa atin sa Diyos. Bagama’t ang karanasang ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong “pahalagahan ang mabuti” matapos nating “matikman ang pait,” kailangan din tayong malinisan mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo, sapagkat “walang maruming bagay ang makatatahan” sa kinaroroonan ng Diyos.

Iniutos ng Diyos kay Adan na turuan ang kanyang mga anak na magsisi, magpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo upang sila ay mapabanal mula sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo. Ipinahayag ng Diyos, “Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak.”

Moises 6:52

Ano ang makabuluhan sa pangalan ni Jesucristo?

Sa pagbanggit ng mga salita ng Diyos kay Adan, itinuro ni Enoc na si Jesucristo “ang tanging pangalang ibibigay sa silong ng langit, kung saan ang kaligtasan ay sasapit sa mga anak ng tao.” Isa ito sa maraming pahayag sa mga banal na kasulatan tungkol sa kahalagahan ng pangalan ng Tagapagligtas. Itinuro ni Elder Paul B. Pieper: “Nais ng ating Ama sa Langit na malinaw nating maunawaan na ang pangalan ng Kanyang Anak, na Jesucristo, ay hindi basta pangalan lamang tulad ng iba. Ang pangalan ng Tagapagligtas ay may kakaiba at napakahalagang kapangyarihan. Ito lamang ang pangalan kung saan posible ang kaligtasan.”

Moises 6:52–66

Ano ang alam natin tungkol sa pagbibinyag at sa kaloob na Espiritu Santo noong panahon ng Lumang Tipan?

Sa kakaunting pagtukoy sa Espiritu Santo sa Lumang Tipan, wala ni isa ang nagbanggit ng tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Hindi rin binanggit sa Lumang Tipan ang ordenansa ng pagbibinyag. Gayunpaman, nilinaw ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith na si Adan at ang kanyang mga inapo ay pinagpala ng kabuuan ng ebanghelyo, kabilang na ang mga ordenansa ng pagbibinyag at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. Nagbigay din ang Aklat ni Mormon ng mga halimbawa ng mga ordenansang ito na itinuro at tinanggap, kapwa noong bago at pagkatapos dumating si Jesucristo.

Moises 6:57

Ano ang itinuturo sa atin ng mga titulong ”Tao ng Kabanalan” at ”Anak ng Tao” tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang pangalan ng Diyos Ama ay Tao ng Kabanalan sa wika ni Adan, at ang Tagapagligtas ay madalas na tinatawag na Anak ng Tao sa mga banal na kasulatan. Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson kung paano tayo matutulungan ng mga turo ni Enoc na mas maunawaan ang mga sagradong titulong ito: “Noong bata pa ako, inisip ko kung bakit madalas tukuyin si Jesus (at madalas Niya ring tukuyin ang Kanyang sarili) sa Bagong Tipan bilang ang Anak ng Tao gayong Siya ay literal na Anak ng Diyos, ngunit nilinaw sa pahayag ni Enoc na ang mga pagtukoy na ito ay talagang pagkilala sa Kanyang pagka-Diyos at kabanalan—Siya ay Anak ng Tao ng Kabanalan, ang Diyos Ama.”

Moises 6:59–60

Ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolo ng tubig, espiritu, at dugo tungkol sa pagiging isinilang na muli sa pamamagitan ni Jesucristo?

Nang ituro ng Panginoon kay Adan ang tungkol sa pagtubos mula sa Pagkahulog, inilarawan Niya ang tatlong simbolong may kaugnayan sa pagsilang. Ang lahat ng elemento ng tubig, dugo, at espiritu ay nagsasama-sama upang lumikha ng isang buhay na kaluluwa kapag ang isang tao ay pumasok sa mortalidad. Mahalaga rin ang ginagampanan ang mga elementong ito sa isang taong espirituwal na isinilang na muli.

Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig at pagtanggap ng kaloob na Banal na Espiritu ay umaakay sa isang tao sa Tagapagligtas, na nagpapahintulot sa kanila na mabago sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang dugo. Sa ganitong paraan, maaaring maging parehong makatwiran at pinabanal ang isang tao.

Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ang ibig sabihin ng pagiging makatwiran at pinabanal sa pamamagitan ni Jesucristo: “Ang Tagapagligtas ay nagbibigay sa lahat ng magkakaroon ng pananampalataya at tatanggapin ito, ang mga kaloob na mabigyang-katwiran o mapatawad sa harap ng batas at maging banal—ibig sabihin, ang pagiging walang bahid-dungis at banal. Walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan maaaring mangyari ang gayong pagtubos. At tunay na ang Kanyang biyaya ay sapat para makamit ito.”

Moises 6:64–68

Paano naging “anak ng Diyos” si Adan?

Itinuro ni Enoc na matapos binyagan si Adan, “ang Espiritu ng Diyos ay napasakanya, at sa gayon siya isinilang sa Espiritu, at nabuhay ang panloob na pagkatao.” Matapos ang banal na karanasang ito, narinig ni Adan ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Masdan, ikaw ay kaisa ko, isang anak ng Diyos; at sa gayon maaaring ang lahat ay maging aking mga anak.”

Ngayon, may dalawang magkaibang kahulugan ang titulong “anak ng Diyos” para kay Adan. Hindi lang siya isang literal na espiritung anak ng Diyos na nilikha sa Kanyang larawan, kundi si Adan ay anak din ng Diyos dahil siya ay isinilang na muli sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang mga taong nakakaranas ng espirituwal na pagsilang na muli at tumatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay tinatawag din kung minsan na “mga anak ni Cristo.”

Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen: “Kapag ginawa natin ang ating bahagi, ang pangako Niya’y tatawagin tayong ‘mga anak ng Diyos.’ Bawat tao sa mundo ay ‘supling’ [Mga Gawa 17:28] ng Diyos, ngunit ang matawag na ‘mga anak ng Diyos’ ay mas lalong makahulugan. Kapag lumalapit tayo kay Jesucristo at nakikipagtipan sa Kanya, tayo ay nagiging ‘kanyang binhi’ at ‘mga tagapagmana ng kaharian’ [Mosias 15:11], ‘mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae’ [Mosias 5:7].”

Alamin ang Iba pa

Lumakad na Kasama ang Diyos

Matutong makakita tulad ni Enoc

  • Brian Hansbrow, “Lessons from Enoch: Expanding Our View of Christ, Ourselves, and Others,” YA Weekly, Peb. 2022, Gospel Library

Pagkasilang na muli

Media

Mga Larawan

Si Enoc na nangangaral sa isang grupo ng mga tao

Enoch Preaching [Si Enoc na Nangangaral], ni Robert T. Barrett

Si Enoc na nagtuturo sa mga tao sa gilid ng burol sa labas ng Lungsod ng Sion

Enoch and the City of Zion [Si Enoc at ang Lungsod ng Sion], ni Justin Kunz

Musika