Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Josue 1–8; 23–24
Pagkatapos magbagong-kalagayan ni Moises, iniutos ng Panginoon kay Josue na pamunuan ang Israel sa pagpasok sa lupang pangako. Tiniyak ng Panginoon kay Josue na Siya ay makakasama niya at inutusan niya si Josue na maging malakas at matapang. Nagpadala si Josue ng dalawang espiya sa Jerico. Doon, iniligtas ni Rahab ang mga espiya para hindi mahuli, at kapalit nito, nangako sila na si Rahab at ang kanyang pamilya ay poprotektahan sa paparating na pagkalipol. Pinigilan ng Panginoon ang tubig ng Ilog Jordan upang makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa at makapasok sa lupang pangako. Naging matagumpay lang ang mga Israelita sa pagsakop sa lupang pangako nang sumunod sila sa Panginoon. Sa pagtatapos ng kanyang buhay, tinipon ni Josue ang mga Israelita at binalaan sila sa pagsamba sa ibang diyos. Nakipagtipan ang mga tao na paglilingkuran at susundin ang Panginoon.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay iniendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang aklat ni Josue?
Isinasalaysay sa aklat ni Josue ang pagpasok ng mga Israelita sa lupang pangako sa ilalim ng pamumuno ni propetang Josue. Ipinapakita ng aklat na ito ang katapatan ng Panginoon sa pagtupad ng Kanyang tipan kay Abraham na ibibigay sa mga Israelita ang lupang pangako. Inilalarawan din nito ang responsibilidad sa tipan ng Israel na alalahanin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga utos. Maaaring hatiin ang aklat tulad ng sumusunod:
Josue 1:1–2
Ano ang nalalaman natin tungkol sa pagkamatay ni Moises?
Tingnan sa “Deuteronomio 34:5–6. Ano ang nangyari kay Moises sa pagtatapos ng kanyang buhay?”
Josue 1:8
Ano ang “aklat ng batas”?
Sa pariralang “aklat ng batas,” ang salitang “batas” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na torah. Madalas na tumutukoy ang torah sa unang limang aklat ng Lumang Tipan, na kinabibilangan ng batas na ibinigay ng Diyos kay Moises sa Bundok ng Sinai. Sa konteksto ng Josue 1:8, maaaring tumutukoy lamang ang “aklat ng batas” sa muling pagbanggit ni Moises ng batas sa Deuteronomio.
Iniutos ng Panginoon kay Josue na pagbulay-bulayan ang aklat ng batas “araw at gabi.” Ang salitang Hebreo para sa pagbulay-bulayan sa kontekstong ito ay nagmumungkahi ng tahimik na pagbigkas o pagninilay sa mga banal na kasulatan.
Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson kung paano natin mapagninilayan ang mga banal na kasulatan: “Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, … bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo.”
Josue 2
Ano ang kahalagahan ng mga kilos ni Rahab?
Naging isang hindi inaasahang bayani si Rahab para sa Israel, kung isasaalang-alang ang kanyang reputasyon bilang isang patutot sa Jerico. Tinukoy siya ng mga manunulat ng Bagong Tipan bilang isang halimbawa ng pananampalataya at mabubuting gawa. Matapos tulungang makatakas ang mga espiya ng Israel, ipinahayag ni Rahab ang kanyang paniniwala na ang Panginoon ay Diyos at ibinigay Niya ang lupain sa Israel.
May interesanteng pagkakatulad ang karanasan ni Rahab sa pagliligtas ng mga anak ni Israel mula sa Egipto. Tulad ng mga Israelita na naligtas mula sa nangwawasak na anghel matapos lagyan ng dugo ng kordero ang kanilang mga pintuan, naligtas din si Rahab at ang kanyang pamilya mula sa pagkawasak ng Jerico sa pamamagitan ng paglalagay ng isang linya ng pulang sinulid sa kanilang bintana.
Naging bahagi ng bansang Israel sa lupang pangako si Rahab at ang kanyang pamilya. Bagama’t wala nang karagdagang pagbanggit kay Rahab sa Lumang Tipan, binanggit siya sa Mateo bilang ninuno ni Jesucristo.
Waiting for the Promise [Naghihintay sa Pangako], ni Elspeth Young
Josue 3–4
Ano ang kahalagahan ng paghahati ng Ilog Jordan?
Hindi nagtagal matapos maging lider ng mga anak ni Israel si Josue, nangako sa kanya ang Panginoon, “Kung paanong ako’y nakasama ni Moises, ako’y makakasama mo rin.” Isang paraan na tinupad ng Panginoon ang pangakong ito ay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga Israelita na tumawid sa Ilog Jordan sa tuyong lupa, gaya ng pagtawid nila sa Dagat na Pula. Pagkatapos ng himala, isinasaad ng teksto na “nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila’y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises.”
Ang himala sa Ilog Jordan ay nakatuon din kay Jesucristo. Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng Josue ay “si Jehova ay kaligtasan, at kalaunan, mula sa Griyego at Latin, ang pangalan ay nasalin sa Ingles na Jesus. Ang pamumuno ni Josue sa Israel patungo sa lupang pangako ay maaaring magpaalala sa atin sa pag-akay ni Jesucristo sa lahat ng matapat patungo sa pinakadakilang lupang pangako, ang kahariang selestiyal. Ilang siglo matapos ang himala sa mga Israelita sa Jordan, bininyagan si Jesucristo sa ilog ding iyon sa simula ng Kanyang mortal na ministeryo.
Josue 3:14–17
Ano ang matututuhan natin mula sa mga priest na tumuntong sa Ilog Jordan?
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Kapuna-puna na hindi nahawi ang tubig habang ang mga anak ni Israel ay nakatayo sa pampang ng ilog na naghihintay sa mangyayari; sa halip, ang mga talampakan nila ay nabasa muna bago nahawi ang tubig. Ang pananampalataya ng mga Israelita ay napatunayan nang sila ay maglakad sa tubig bago ito mahawi.”
First Steps of Faith into the Jordan [Mga Unang Hakbang ng Pananampalataya sa Jordan], ni Trent Gudmundsen
Josue 5:13–15
Sino ang “kapitan ng hukbo ng Panginoon”?
Habang papalapit si Josue at ang mga anak ni Israel sa lungsod ng Jerico, may sumalubong sa kanila na tinawag ang kanyang sarili na “kapitan ng hukbo ng Panginoon.” Nagpatirapa si Josue sa pagsamba at hiniling sa kapitan na ihayag ang kalooban ng Panginoon. Ipinapahiwatig ng ganitong reaksyon na maaaring isang nilalang na mula sa langit ang kapitan, o posibleng si Jehova mismo. Marahil ay ipinaalala ng pakikipag-ugnayang ito sa kapitan ng hukbo ng Panginoon kay Josue at sa mga Israelita na makikipaglaban ang Panginoon para sa Israel habang sinisikap nilang sakupin ang lupang pangako.
Josue 6:1–5
Ano kaya ang natutuhan ng Israel mula sa mga natatanging tagubilin ng Panginoon sa paglupig sa Jerico?
Mas nakatuon ang mga tagubilin ng Panginoon sa pagsakop sa Jerico sa mga simbolikong ritwal at pananampalataya ng mga Israelita kaysa sa diskarte sa pakikidigma. Isang pahiwatig ang pagdadala ng kaban ng tipan sa lungsod na ang kapangyarihan ng Panginoon ay makakasama ng Israel. Ang numerong pito, na binanggit nang maraming beses sa mga tagubilin ng Panginoon, ay madalas na ginagamit sa mga banal na kasulatan bilang simbolo ng kabuuan, katapusan, o kaganapan. Ang paggamit ng numerong ito sa mga tagubilin ng Panginoon ay maaaring nakatulong sa mga Israelita na maunawaan na ang kanilang pananakop sa Jerico ay bahagi ng mas malaking espirituwal na gawain at ang simula ng bagong panahon.
Natanggap lang ng mga Israelita ang kapangyarihan ng Diyos nang sundin nila ang Kanyang mga tagubilin. Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter, “Ang katapatan [ni Josue] ay nasa lubos na pagsunod. Ang tungkulin niya ay gawin ang eksaktong ipinagagawa sa kanya, upang matupad ang pangako ng Panginoon. Walang dudang imposibleng magawa ang iniutos, ngunit ang pananalig niya sa kalalabasan nito ay naghikayat sa kanyang magpatuloy.”
Josue 6:17–21
Ano ang ibig sabihin ng “isinumpa”?
Ang salitang isinumpa sa King James Version ay isinalin mula sa salitang Hebreo na maaari ding mangahulugang ipagbawal o italaga para sa pagkawasak. Ang lahat ng bagay, hayop, at tao sa Jerico—maliban kay Rahab at ang kanyang pamilya—ay itinuring na isinumpa o itinalaga para sa pagkawasak. Hindi dapat kumuha ang mga Israelita ng anumang bagay mula sa lungsod para sa kanilang sarili kundi ibigay ang kayamanan ng lungsod kay Josue upang ilaan sa Panginoon.
Tingnan din sa “Deuteronomio 7:1–6, 16–24. Bakit iniutos ng Panginoon sa Israel na lipulin ang mga Cananita?”
Josue 7
Bakit napakabigat ng kasalanan ni Acan?
Binalewala ni Acan ang utos ng Panginoon na huwag kumuha ng anumang samsam mula sa Jerico. Nagbabala ang Panginoon na susumpain ang mga Israelita kung kukunin nila ang “itinalagang bagay.” Dahil ilalaan sa Panginoon ang anumang bagay na napanatili sa Jerico, ang ginawa ni Acan ay katumbas ng pagnanakaw mula sa Panginoon. Kahit kumilos nang mag-isa si Acan, iniugnay ng Panginoon ang kasalanan sa buong Israel. Bilang resulta, nawala sa kanila ang proteksyon ng Panginoon at natalo sila ng maliit na hukbo ng Ai. Sinabi ng Panginoon kay Josue na hindi ipanunumbalik ang Kanyang lakas at proteksyon hangga’t hindi inaalis “ang itinalagang bagay” sa kanila. Dahil isinumpa na si Acan, siya, ang kanyang sambahayan, at ang kanyang mga ari-arian ay winasak, gaya ng lungsod at mga tao ng Jerico. Hindi malinaw na ipinaliwanag sa mga banal na kasulatan kung bakit kabilang ang pamilya ni Acan sa kanyang kaparusahan.
Achan Stealing Spoils of War [Nagnanakaw si Acan ng mga Samsam sa Digmaan], ni Paul Mann
Josue 8:30–35; 24
Ano ang nangyari sa Bundok ng Gerizim at Bundok ng Ebal?
Matapos talunin ng mga Israelita ang mga tao ng Ai, tinipon sila ni Josue sa Sichem, na nasa lambak sa pagitan ng Bundok ng Gerizim at Bundok ng Ebal. Isinagawa rito ni Josue ang mga tagubiling ibinigay ni Moises sa pagtatapos ng kanyang mortal na buhay: nagtayo si Josue ng dambana sa Bundok ng Ebal, naghandog ng mga alay, at sumulat ng kopya ng batas ni Moises sa mga bato. Pagkatapos ay tumayo ang kalahati ng mga lipi ng Israel sa Bundok ng Gerizim at ang isa pang kalahati sa Bundok ng Ebal. Ang mga Levita, na dala ang kaban ng tipan, ay tumayo sa lambak sa pagitan ng dalawang bundok. Pagkatapos ay binigkas ni Josue ang mga pagkilos na magreresulta sa mga pagpapala at sa mga pagkilos na magreresulta sa mga sumpa ayon sa itinalaga ng Diyos, at tumugon ang mga Israelita sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Amen.”
Isa itong seremonya ng pagpapanibago ng tipan para sa mga Israelita sa lupang pangako. May mga pagkakatulad ito sa pagtatatag ng tipan sa Bundok ng Sinai at sa ginawang pakikipagtipan ng Panginoon kay Abraham. Muling nakibahagi ang mga Israelita sa isang katulad na seremonya sa Sichem sa nalalapit na pagtatapos ng buhay ni Josue. Tungkol sa huling seremonyang ito, itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Sa konteksto ng dakilang visual na ito … ng pagtuturo na sinabi ni Josue ang linya kung saan pinakanakilala siya: ‘Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran’ (Josue 24:15). Ngunit nilinaw muna ang mga alternatibo, sa graphical at audiovisual.”
Isang larawan ng Bundok ng Gerizim
Josue 24:2–3, 14–15
Anong baha ang tinutukoy ni Josue?
Ang talagang ibig sabihin ng salitang isinalin bilang baha sa King James Version ay “ilog.” Partikular na tumutukoy ito sa Ilog Eufrates. Sa mga talatang ito, pinaaalalahanan ni Josue ang mga Israelita tungkol sa pagsamba sa mga diyus-diyosan na isinagawa ng kanilang mga ninuno na nanirahan sa kabilang dako ng Eufrates bago ibinigay ng Diyos ang lupang pangako ng Canaan kay Abraham.
Josue 24:19–20
Ano ang layunin ng mga babala ni Josue?
Gumamit ng mabagsik na pananalita si Josue upang balaan ang mga Israelita na pananagutin sila ng Panginoon dahil sa paglabag ng kanilang tipan sa Kanya. Binigyang-diin ng kanyang mga salita ang seryosong katangian ng pakikipagtipan ng Israel sa Panginoon. Bagama’t ang paglabag sa mga tipan ay palaging humahantong sa pagkawala ng mga pagpapala, ang mga partikular na babala ni Josue sa mga Israelita ay hindi nalalapat sa iba pang konteksto.
Sa ating panahon, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. Sa wikang Hebreo, ang pagmamahal na hatid ng tipan ay tinatawag na hesed (חֶסֶד). …
“Ang hesed ay isang espesyal na uri ng pagmamahal at awa na nadarama at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga nakipagtipan sa Kanya. At sinusuklian natin ito ng hesed para sa Kanya.
“Dahil ang Diyos ay may hesed para sa mga nakipagtipan sa Kanya, mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya.”
Alamin ang Iba pa
Magpakalakas at magpakatapang na mabuti
-
Ann M. Dibb, “Ikaw ay Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2010, 114–16
Pagtawid sa ilog Jordan
-
David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 61–68
Ang kasalanan ni Acan
-
Christopher J. Morgan, “The Sin of Achan,” Ensign, Abr. 2002, 43–45
Pagpiling sundin ang Panginoon
-
Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104–6
Media
Video
Mga Larawan
Joshua Overlooking the Promised Land [Tinatanaw ni Josue ang Lupang Pangako], ni Michael T. Malm
Isang composite ng mga Israelita na tumatawid sa Ilog Jordan
Women in Christ’s Line [Mga Babae sa Linya ni Cristo], ni Sallie Clinton Poet
The Flight of the Spies [Ang Pagtakas ng mga Espiya], ni James Tissot
The Taking of Jericho [Ang Pagsakop sa Jerico], ni Frank Adams
Paglalarawan ng bumabagsak na mga pader ng Jerico, © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com
Mga Mapa sa Biblia, blg. 3, “Ang Pagkakahati ng 12 Lipi”