Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 12–17; Abraham 1–2


“Genesis 12–17; Abraham 1–2,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Genesis 12–17; Abraham 1–2

Hinangad ni Abraham ang mga pagpapala ng priesthood at hinangad niya na maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan. Mahimalang iniligtas siya ng Panginoon para hindi maihandog sa mga diyus-diyusan. Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham na kalaunan ay makaaapekto sa lahat ng pamilya sa mundo. Nangako ang Panginoon kay Abraham ng napakaraming binhi. Ibinigay ni Sarai ang kanyang alilang babae na si Hagar kay Abraham bilang asawa sa pagsisikap na matupad ang pangako ng Panginoon na mga inapo. Sa kanilang katandaan, ipinangako ng Panginoon kina Abraham at Sarai na magkakaroon sila ng anak na lalaki na nagngangalang Isaac.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Abraham 1–2

Ano ang aklat ni Abraham?

Tingnan sa “Abraham 3. Ano ang aklat ni Abraham?

Abraham 1:2–3

Paano natanggap ni Abraham ang priesthood?

“Nalalamang may higit na kaligayahan at kapayapaan” para sa kanya, “hinangad [ni Abraham] ang mga pagpapala ng mga ama, at ang karapatan kung saan [siya] ay nararapat maordenan.” Siya ay “naging karapat-dapat na tagapagmana, isang Mataas na Saserdote, humahawak ng karapatan na pag-aari ng mga ama.”

Noong panahon ng Lumang Tipan, ang priesthood ay “naipasa-pasa mula sa ama patungo sa anak na lalaki,” simula kay Adan. Dahil ang sariling ama ni Abraham ay tumalikod sa Diyos, hinangad ni Abraham ang priesthood mula sa ibang pagmumulan. Itinuturo ng Doktrina at mga Tipan na “natanggap ni Abraham ang pagkasaserdote mula kay Melquisedec.”

Si Abraham na inoorden ni Melquisedec

Melchizedek Blesses Abraham [Binabasbasan ni Melquisedec si Abraham], ni Walter Rane

Abraham 1:12, 14

Ano ang mga paksimile sa Aklat ni Abraham?

“Kasama sa aklat ni Abraham ang tatlong nakalimbag na ilustrasyon, na kilala bilang mga paksimile, na batay sa mga imaheng nasa mga [sinaunang] papyrus [ng mga taga-Egipto na binili ni Joseph Smith]. Isinama ang mga paksimile na ito noong unang inilathala ang aklat ni Abraham noong 1842. Ang mga paliwanag ni Joseph Smith tungkol sa mga imahe ay inilathala sa tabi ng mga paksimile. …

“Karamihan sa mga paliwanag na inilathala ni Joseph na kasabay ng mga paksimile ay hindi tumutugma sa mga interpretasyon ng mga modernong Egyptologist. Gayunman, may napansin ang mga iskolar na ilang pagkakatulad. Halimbawa, inilarawan ni Joseph Smith ang apat na larawan sa larawan 6 ng Paksimile 2 bilang ‘ang mundong ito sa kanyang apat na sulok.’ Gayundin ang interpretasyon ng ibang mga iskolar sa katulad na mga larawan sa iba pang mga sinaunang teksto ng taga-Egipto. Ang Paksimile 1 ay naglalaman ng isang diyus-diyusang buwaya na lumalangoy sa tinatawag ni Joseph Smith na ‘ang papawirin sa ating ulunan.’ Tinukoy rin ng mga iskolar ang mga konsepto ng mga taga-Egipto sa langit bilang ‘isang karagatan sa langit.’

“Hindi natin alam kung paano nauugnay ang mga paksimile sa teksto. May katibayan na ang ilang awtor na Judio noong panahon na ginawa ang mga papyrus ay humango at nagsama ng mga drowing at kuwento ng mga taga-Egipto sa sarili nilang mga sagradong teksto, kabilang na ang mga may kaugnayan kay Abraham. Posible na ang mga ilustrasyong ito ay muling ginamit sa gayon ding paraan.”

Abraham 1:21–27

Ano ang mga sumpa na binanggit ni Abraham?

Nagbigay si Abraham ng maikling paliwanag tungkol sa pagtuklas at tirahan sa Egipto pagkatapos ng Baha. Isinulat niya ang tungkol sa isang “sumpa sa lupain” na iningatan sa pamamagitan ng mga inapo ng anak ni Noe na si Ham.

Kalaunan ay sinabi ni Abraham na ang unang faraon ay “isang mabuting tao.” Sinabi niya na si Noe ang “nagbasbas [kay Faraon] ng mga pagpapala ng lupa, at ng mga pagpapala ng karunungan, subalit isinumpa siya nang nauukol sa Pagkasaserdote.”

Hindi ipinaliwanag nang malinaw sa mga talatang ito kung ano ang mga sumpa o kung bakit ibinigay ang mga ito. Noon, maling iniugnay ng ilan ang sumpa sa inapo ni Ham sa restriksyon sa priesthood at templo na iniukol sa mga taong may lahing Black African sa ating dispensasyon. Ngayon, hindi ito tinatanggap ng Simbahan at ang iba pang mga teorya noon na naghahangad na ipaliwanag ang mga dahilan para sa restriksyon sa priesthood at templo.

Abraham 2:6–11

Ano ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham?

(Ihambing ang Genesis 12:1–3; 13:14–18; 15:1–21; 17:1–10.)

Kasama sa mga pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham ay ang sumusunod:

  • Magiging napakarami ng kanyang mga inapo.

  • Isisilang si Jesucristo sa kanyang angkan.

  • Siya at ang kanyang binhi ay magmamana ng ilang partikular na lupain.

  • Matatanggap ng kanyang binhi ang ebanghelyo at magtataglay ng priesthood.

  • Pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan ng kanyang binhi.

Lahat ng gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan sa Diyos ay nagiging binhi ni Abraham at tagapagmana ng mga pagpapala ng tipang Abraham.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang hanggang ebanghelyo. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay ating mga ninuno. Tayo ay bahagi ng sambahayan ni Israel. May karapatan tayong tanggapin ang ebanghelyo, ang mga pagpapala ng priesthood, at ang buhay na walang hanggan. Ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap at ng mga gawain ng ating mga inapo. Ang literal na binhi ni Abraham at ang mga yaong natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkupkop ay tatanggap ng mga ipinangakong pagpapalang ito—na nakabatay sa pagtanggap sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. …

“Tayo ay kalalakihan at kababaihan ng Diyos dahil nakipagtipan tayo sa Kanya. Tayo ay mga inapo ni Abraham. Tayo ay mga anak ng tipan—ang tipang Abraham.”

Si Abraham na nakaluhod at nakatingin sa langit

Abraham on the Plains of Mamre [Si Abraham sa Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson

Genesis 12:14–20; Abraham 2:22–25

Bakit sinabi ni Sarai na kapatid siya ni Abraham?

Nilinaw ng aklat ni Abraham na binalaan ng Panginoon sina Abraham at Sarai tungkol sa panganib at tinagubilinan si Sarai na sabihin sa mga taga-Egipto na siya ay kapatid ni Abraham. Sinunod nina Abraham at Sarai ang payo ng Panginoon at naligtas sila mula sa mapanganib na sitwasyon. Dahil parehong nagmula kay Terah sina Abraham at Sarai, ang mga kaugalian sa kanilang panahon ay maaaring nagbigay-daan kay Abraham na tumpak na tukuyin si Sarai bilang kanyang kapatid.

Genesis 14:18–20

Sino si Melquisedec?

Ang karamihan sa nalalaman natin tungkol kay Melquisedec ay matatagpuan sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik. Siya ay isang dakilang propeta, mataas na saserdote, at hari. Siya ang nag-orden kay Abraham sa priesthood. Tulad ni Enoc at ng mga tao ng Sion, si Melquisedec at ang kanyang mga tao ay “gumawa ng kabutihan, at natamo ang langit.”

Bago ang kapanahunan ni Melquisedec, ang priesthood na ito “ay tinatawag na Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Ngunit bilang paggalang o pagpipitagan sa pangalan ng Kataas-taasang Katauhan, upang maiwasan ang madalas na pag-ulit ng kanyang pangalan, sila, ang simbahan, noong mga sinaunang panahon, ay tinawag ang pagkasaserdoteng yaon alinsunod kay Melquisedec, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec.”

Genesis 15:1–18

Bakit hinati ni Abraham ang mga hayop sa dalawa?

Noong kausap ni Abraham ang Panginoon sa pangitain, inulit ng Panginoon ang Kanyang mga pangako na pagpapalain si Abraham ng lupa at mga inapo. Kahit naniwala si Abraham sa Panginoon, hinangad niya ang pagpapatibay sa pangako ng Diyos sa kanya tungkol sa lupain.

Iniutos ng Diyos kay Abraham na kumuha ng iba’t ibang uri ng hayop, hatiin ang mga ito sa dalawa, at paghiwalayin. Kalaunan, “isang hurnong umuusok at isang tanglaw na nagniningas,” na marahil ay kumakatawan sa presensya ng Panginoon, “ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.” Ang salaysay ay nagtatapos sa pagsasabing, “Nang araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Egipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates.”

Sa Lumang Tipan, ang pariralang “makipagtipan” ay nagmula sa mga salitang Hebreo na kārat berît, na maaari ding isalin bilang “humiwa ng tipan.” Noong unang panahon, ang mga tipan kung minsan ay pinagtitibay sa pamamagitan ng pagpatay at paghiwa ng hayop. Ang pagdaan sa pagitan ng mga katawan ng patay na hayop ay marahil na isang simbolo na handang mamatay ang indibiduwal kung nilabag niya ang sinumpaan.

Gayundin, ang presensya ng Diyos na dumaraan sa mga hayop ay maaaring nagbigay ng katiyakan kay Abraham na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nakipagtipan tayo sa Kanya na palaging tutupad sa Kanyang salita.”

Genesis 16:1–3

Bakit ibinigay ni Sarai si Hagar kay Abraham bilang asawa?

Sa kabila ng mga pangako ng Panginoon kay Abraham na magkakaroon siya ng napakaraming inapo, hindi pa rin nagkaanak si Sarai matapos ang maraming taon ng pagsasama. Sa pamamagitan ng pagbigay kay Hagar kay Abraham bilang isa pang asawa, umasa si Sarai na magkakaanak si Abraham at matutupad ang mga pangako ng Panginoon. Mula sa paghahayag sa mga huling araw nauunawaan natin na ito ay utos ng Diyos na sinunod nina Abraham at Sarai.

Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay ang pamantayang batas ng Diyos sa kasal. Gayunman, kung minsan ay iniuutos ng Diyos ang pag-aasawa nang higit sa isa bilang eksepsyon. Ang isang dahilan na ibinigay ng Diyos para sa pag-aasawa nang higit sa isa ay upang “magbangon ng mga binhi sa [Kanya].”

Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, iniutos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa sa loob ng ilang panahon, simula kay Propetang Joseph Smith. “Ang alituntuning ito ay isa sa mga pinakamahirap na aspeto ng Pagpapanumbalik—para kay Joseph mismo at para sa iba pang mga miyembro ng Simbahan.” Ang paghahayag kay Wilford Woodruff mula sa Panginoon noong 1890 ay nagpahayag ng pagwawakas ng pagsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa sa Simbahan.

Genesis 16:4–6

Bakit pinagmalupitan ni Sarai si Hagar?

Nang malaman ni Hagar na buntis siya, “tiningnan [ni Hagar] na may paghamak” si Sarai. Ipinapahiwatig nito na nagpakita si Hagar ng kawalan ng paggalang o nagpakita pa ng paghamak kay Sarai. Nang lumala ang tensyon, ipinaalala ni Abraham kay Sarai na may awtoridad siya kay Hagar sa loob ng kanilang tahanan, at maaaring kumilos si Sarai para malutas ang alitan sa kanilang pamilya. “Pinagmalupitan” ni Sarai si Hagar, kaya tumakas si Hagar.

Ang pag-aaral tungkol sa mga pakikipag-ugnayan nina Abraham, Sarai, at Hagar ay magpapaalala sa atin na kinakailangan nating lahat na magkaroon ng awa, biyaya, at pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kabila ng kanilang mga kalagayan at kakulangan, minahal nina Abraham, Sarai, at Hagar ang Panginoon at sila ay lubos na pinagpala Niya. Ang desisyon ni Hagar na bumalik kina Abraham at Sarai ay nagbigay-daan sa kanya na matanggap ang kanyang sariling pangako sa tipan hinggil sa kanyang mga inapo.

Genesis 17:5, 15

Bakit binago ng Panginoon ang mga pangalan nina Abram at Sarai?

Abraham at Sarai

Paglalarawan kina Abraham at Sarai, ni Dilleen Marsh

Sa Hebreo ang kahulugan ng pangalang Abram ay “dinakilang ama,” at ang kahulugan ng Abraham ay “ama ng napakaraming tao.” Ang kahulugan ng pangalang Sarai ay “prinsesa.” Ang pagbibigay ng Panginoon ng mga bagong pangalan kina Abraham at Sarai ay maaaring kumatawan sa kanilang pagbabago tungo sa bagong pagkakakilanlan bilang mga indibiduwal na nakipagtipan sa Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagbibigay ng mga bagong pangalan na iyon ang tanda ng pagsisimula ng bagong buhay at bagong tadhana para sa pamilyang ito.”

Genesis 17:10–14

Paano nauugnay ang pagtutuli sa tipan ng Panginoon kay Abraham?

Bilang paalala ng Kanyang tipan kay Abraham, iniutos ng Diyos sa lahat ng lalaking miyembro ng sambahayan ni Abraham na magpatuli. Para kay Abraham at sa kanyang pamilya, ang gawaing ito ay simbolo ng tipang Abraham. Kinakatawan nito ang dedikasyon sa Diyos at paghihiwalay mula sa mundo at kasalanan. Ang pagtutuli bilang tanda ng tipang Abraham ay hindi na kinailangan pagkatapos ng mortal na ministeryo ni Jesucristo.

Alamin ang Iba pa

Ang tipang Abraham

Ang aklat ni Abraham

  • Andrew C. Skinner, “The Book of Abraham: A Most Remarkable Gift for Our Time” (artikulong digital lamang), Liahona, Ene. 2022, Gospel Library

  • Topics and Questions, “Abraham, Book of,” Gospel Library

  • Gospel Topics Essays, “Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Library

Media

Mga Video

1:37

Mga Larawan

isang anghel na pumipigil kay Abraham sa pag-sakripisyo kay Isaac

An Angel Saves Abraham [Iniligtas ng Isang Anghel si Abraham], ni Del Parson

isang larawan ng paksimile blg. 2 mula sa Aklat ni Abraham

“Isang Paksimile mula sa Aklat ni Abraham, Blg. 2”

Si Abraham na nakaluhod at nakatingin sa mabituing kalangitan

Father of Nations [Ama ng mga Bansa], ni Eva Koleva Timothy

nagpakita ang Panginoon kay Abraham bilang sagot sa kanyang panalangin

The Lord Appearing unto Abraham [Nagpakita ang Panginoon kay Abraham], ni Keith Larson

ang saserdote na si Melquisedec na nag-iingat ng mga talaan

Melchizedek—Keeper of the Storehouse [Melquisedec—Tagapag-ingat ng Kamalig], ni Clark Kelley Price

Si Hagar na nakaupo at nakatingala sa langit

God Liveth and Seeth Me [Ang Diyos ay Buhay at Nakikita Niya Ako], ni Elspeth Young

Mga Tala

  1. Abraham 1:2.

  2. Doktrina at mga Tipan 107:40.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14–16; 107:40–52.

  4. Tingnan sa Abraham 1:5–7.

  5. Doktrina at mga Tipan 84:14. Tingnan din sa History, 1838–1856 (Manuscript History of the Church), volume E-1, 1708, josephsmithpapers.org.

  6. Topics and Questions, “Abraham, Book of,” Gospel Library.

  7. Abraham 1:21–24.

  8. Abraham 1:26.

  9. Inisip ng ilan na walang karapatan si Faraon sa priesthood dahil isa siyang inapo ni Cain mula kay Egiptus, ang asawa ni Ham. Ngunit ang pananaw na ito ay hindi itinuturo sa mga banal na kasulatan at hindi dapat ipagpatuloy ngayon.

  10. Tingnan sa Topics and Questions, “Race and The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library. Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “President Oaks Remarks at Worldwide Priesthood Celebration” (mensaheng ibinigay sa pagdiriwang ng “Be One,” Hunyo 1, 2018), newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  11. Tingnan sa Genesis 17:5–6; Abraham 3:14.

  12. Tingnan sa Galacia 3:16; “Ang Tipang Abraham,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2024), Gospel Library.

  13. Tingnan sa Genesis 17:8; Abraham 2:6.

  14. Tingnan sa Abraham 2:9.

  15. Tingnan sa Abraham 2:11; 1 Nephi 15:18.

  16. Tingnan sa Galacia 3:27–29; Abraham 2:10–11; “Ang Tipang Abraham,” sa Mga Turo: Russell M. Nelson.

  17. Ang Tipang Abraham,” sa Mga Turo: Russell M. Nelson.

  18. Tingnan sa Abraham 2:22–25.

  19. Tingnan sa Genesis 20:12.

  20. Tingnan sa Stephen O. Smoot at iba pa, “Did Abraham Lie About His Wife, Sarai?,” BYU Studies Quarterly, tomo 61, blg. 4 (2022), 126–28; tingnan din sa John Gee, “The Wanderings of Abraham,” sa From Creation to Sinai: The Old Testament through the Lens of the Restoration, pat. Daniel L. Belnap at Aaron P. Schade (2021), 265–66.

  21. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:26, Gospel Library.

  22. Tingnan sa Mga Hebreo 7:1–3; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:27–36, Gospel Library; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Melquisedec,” Gospel Library.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14.

  24. Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:34, Gospel Library.

  25. Doktrina at mga Tipan 107:2–4.

  26. Tingnan sa Genesis 15:3–7.

  27. Tingnan sa Genesis 15:6.

  28. Tingnan sa Jared T. Parker, “Cutting Covenants,” sa The Gospel of Jesus Christ in the Old Testament, ed. D. Kelly Ogden at iba pa (2009), 114.

  29. Genesis 15:17.

  30. Genesis 15:18.

  31. Parker, “Cutting Covenants,” 110; Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 1285, pahina 943 at entry 3772, pahina 972.

  32. Tingnan sa Parker, “Cutting Covenants,” 110; Shon D. Hopkin, “The Covenant among Covenants: The Abrahamic Covenant and Biblical Covenant Making,” sa Belnap at Schade, From Creation to Sinai, 237–38.

  33. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 32, tala sa Genesis 15:9–17; Thomas R. Valletta, “The Captain and the Covenant,” sa The Book of Mormon: Alma, the Testimony of the Word, pat. Monte S. Nyman at Charles D. Tate Jr. (1992), 226–27.

  34. Tingnan sa Parker, “Cutting Covenants,” 114–15.

  35. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 11.

  36. Tingnan sa Genesis 13:16.

  37. Tingnan sa Genesis 16:1.

  38. Tingnan sa Genesis 16:1–3. Ang pagbibigay ni Sarai ng kanyang tagapaglingkod na si Hagar kay Abraham ay pagsunod sa mga sinaunang kaugalian na patungkol sa kawalang kakayahang magbuntis (tingnan sa Camille Fronk Olson, “The Matriarchs: Administrators of God’s Covenantal Blessings,” sa Belnap at Schade, From Creation to Sinai, 392–93).

  39. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:34.

  40. Tingnan sa Jacob 2:27, 30.

  41. Jacob 2:30. Tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ni Abraham kay Hagar, sinabi ng Panginoon, “Inutusan ng Diyos si Abraham, at ibinigay ni Sara si Hagar kay Abraham upang maging asawa. At bakit niya ito ginawa? Sapagkat ito ang batas; at mula kay Hagar nagmula ang maraming tao. Ito, samakatwid, ay nagsasakatuparan, bukod sa ibang mga bagay, sa mga pangako” (Doktrina at mga Tipan 132:34).

  42. Tingnan sa Gospel Topics Essays, “Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library.

  43. Gospel Topics Essays, “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Library.

  44. Tingnan ang pambungad sa Opisyal na Pahayag 1.

  45. Genesis 16:4.

  46. Ang salitang Hebreo na ginamit upang ilarawan ang inasal ni Hagar kay Sarai ay nagpapahiwatig na naging maliit o walang kabuluhan si Sarai sa paningin ni Hagar o na hinamak ni Hagar si Sarai (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 7043, pahina 1014).

  47. Tingnan sa Genesis 16:6.

  48. Genesis 16:6.

  49. Tingnan sa Roma 3:23–26; 2 Nephi 2:8. Tingnan din sa Avram R. Shannon, “Abraham: A Man of Relationships,” sa Belnap at Schade, From Creation to Sinai, 295‒99.

  50. Tingnan sa Genesis 16:10–14; 17:1–8, 15–19; Abraham 2:8–13.

  51. Kahit na si Hagar ay gumaganap bilang surrogate ni Sarai, inihayag ng Panginoon kay Hagar kung ano ang magiging pangalan ni Ismael, kasama ang pangako na darami ang kanyang binhi (tingnan sa Genesis 16:10–14). Isa lamang si Hagar sa iilang kababaihan sa banal na kasulatan na tumanggap ng banal na pagpapahayag tungkol sa pagsilang ng sarili niyang anak (tingnan sa Genesis 16:10–12; tingnan din sa Mga Hukom 13:2–5; 1 Samuel 1:17, 19–20; Lucas 1:26–38). Tanging sina Hagar at Maria lang ang sinabihan kung ano ang ipapangalan sa kanilang mga anak.

  52. Bible Dictionary, “Abraham.”

  53. Bible Dictionary, “Sarah or Sarai.”

  54. Tingnan sa Shannon, “Abraham,” 300–301.

  55. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” 7.

  56. Tingnan sa Bible Dictionary, “Circumcision.”

  57. Tingnan sa Moroni 8:8.