“Mga Patriarchal Blessing,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)
Buod
Patriarchal Blessing
Ang patriarchal blessing ay isang espesyal na basbas ng priesthood na maaaring matanggap ng mga miyembro ng Simbahan. Lahat ng miyembro ay inaanyayahang tapat at mapanalanging tumanggap nito.
Ang isang mahalagang bahagi ng patriarchal blessing ay ang paghahayag ng angkan ng isang tao sa loob ng sambahayan ni Israel. Nagbibigay rin ito ng espirituwal na patnubay, katiyakan, at kapanatagan sa buong buhay natin, lalo na kapag sinusunod natin ang payong ibinibigay nito.
Ano ang Patriarch?
Ang patriarchal blessing ay tinatanggap mula sa isang inorden na patriarch sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang taong ito ay isang Melchizedek Priesthood holder na inorden sa katungkulan ng patriarch. Siya ay na-set apart upang paglingkuran ang mga miyembro sa isang partikular na stake. Ang mga patriarch ay matatapat na tagasunod ni Jesucristo na nagsisikap na makahiwatig sa inspirasyon ng Banal na Espiritu.
Ang salitang patriarch ay tumutukoy rin sa ama ng isang pamilya. Ipinapaalala nito sa atin ang mga patriarch sa Lumang Tipan na tulad nina Abraham, Isaac, at Jacob na namuno at nagpala sa kanilang mga inapo. Si Adan ang unang patriarch, at responsibilidad niyang basbasan ang kanyang mga inapo at tulungan silang mamuhay nang matwid.
Ano ang Pagpapahayag ng Angkan?
Kabilang din sa patriarchal blessing ang pagpapahayag ng ating angkan sa sambahayan ni Israel bilang inapo ni Abraham. Sinasabi nito sa atin kung sa aling lipi ni Israel natin matatanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham.
Israel ang espesyal na pangalang ibinigay ng Panginoon kay Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac at apo ni Abraham. Ang pangalang Israel ay maaaring tumukoy lalo na kay Jacob, sa kanyang mga inapo, o sa kaharian ng mga inapong iyon. Ang labindalawang lipi ni Israel ay nagmula sa mga anak na lalaki at apong lalaki ni Jacob.
Ang angkan ay maaaring magmula sa alinman sa mga lipi ni Israel, tulad nina Efraim, Manases, o Juda. Bagama’t maaaring hindi lahat tayo ay literal na inapo ni Jacob, ang mga tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo ay inaampon sa sambahayan ni Israel. Dahil bawat isa sa atin ay nagmula sa mahigit sa isang angkan ng pamilya, maaaring may dalawang miyembro ng isang pamilya ang maipahayag na nagmula sa magkaibang lipi ni Israel.
Lahat ng miyembro ng Simbahan ay itinuturing na mga inapo ni Abraham at mga tagapagmana sa lahat ng pangako at pagpapala ng tipang Abraham.
Paano Tayo Matututo mula sa Patriarchal Blessing?
Ang buhay ay puno ng mga tanong, hamon, at pagpili. Hindi tayo iniiwang mag-isa ng ating Ama sa Langit para magpagala-gala nang wala ang Kanyang tulong. Ibinibigay Niya ang Kanyang magiliw na patnubay sa pamamagitan ng panalangin, mga banal na kasulatan, mga propeta, at ng Banal na Espiritu. Binibigyan din Niya tayo ng patriarchal blessing.
Kilala ka ng Ama sa Langit. Mahal ka Niya. Alam Niya ang iyong mga kalakasan, kahinaan, at walang-hanggang potensiyal. Ang iyong patriarchal blessing ay naglalaman ng Kanyang personal na payo para sa iyo. Maaari ding kabilang dito ang mga pangako at babala na magbibigay ng kapayapaan at proteksiyon. Dapat mo itong pag-aralan nang may panalangin at madalas. Kapag sinunod mo ang payo nito, gagawa ka ng mas mabubuting pasiya at matatanggap mo ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos.
Hindi sasagutin ng patriarchal blessing ang lahat ng tanong natin o ililista ang lahat ng mangyayari sa ating buhay. Kung hindi nabanggit sa patriarchal blessing ang isang mahalagang kaganapan, tulad ng full-time mission o pag-aasawa, hindi iyan nangangahulugan na hindi tayo magkakaroon ng ganoong pagkakataon.
Gayundin, hindi natin dapat isipin na ang lahat ng binanggit sa patriarchal blessing ay matutupad sa buhay na ito. Kung tapat tayo, lahat ng pangako ay matutupad sa takdang panahon ng Panginoon. Ang mga pagpapala na hindi natupad sa buhay na ito ay matutupad sa kabilang-buhay.
Ang mga patriarchal blessing ay sagrado at personal. Maaaring ibahagi ang mga ito sa malalapit na kapamilya ngunit hindi nilayong ikumpara sa iba pang mga patriarchal blessing o ibahagi sa publiko.
Paano Tayo Makatatanggap ng Patriarchal Blessing?
Lahat ng mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay inaanyayahang tumanggap ng patriarchal blessing. Maraming miyembro ang tumatanggap ng kanilang patriarchal blessing kapag sila ay mga tinedyer at marami pang mahahalagang desisyon sa buhay ang kakaharapin. Gayunman, hinihikayat din ang mga nakatatandang adult na tumanggap ng kanilang patriarchal blessing. Ang mga miyembrong nagnanais na tumanggap ng patriarchal blessing ay dapat makipagkita sa kanilang bishop o branch president.
Ang patriarchal blessing ay inirerekord at itina-transcribe. Isang kopya ang ibinibigay sa miyembro at ang isa pang kopya ay iniingatan sa mga rekord ng Simbahan. Kung nawala o nasira ang kopya ng miyembro, maaaring humiling ng bagong kopya mula sa Patriarchal Blessings page sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari ding ma-access ng mga miyembro ang kanilang patriarchal blessing mula sa Home section ng Gospel Library app.