“Moises 7,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Enoch and His People Are Taken Up to God [Si Enoc at ang Kanyang mga Tao ay Dinala sa Diyos], ni Del Parson
Moises 7
Nagtatag ang propetang si Enoc ng isang lungsod na tinatawag na Sion. Ang mga tao ay nagkakaisa at banal at nagmamalasakit sa mga maralita. Kalaunan, ang lungsod ay dinala upang makasama ang Diyos. Ipinakita ng Panginoon kay Enoc ang isang pangitain ng kasaysayan ng mundo. Nakita ni Enoc ang impluwensya ng kaaway at pinanood niya ang Diyos na lumuluha dahil sa pagdurusa ng Kanyang mga anak. Nakita ni Enoc ang buhay at ministeryo ni Jesucristo, ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, at ang pagbabalik ng lungsod ng Sion sa lupa.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Moises 7”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Isiping namumuhay ka sa isang kapaligiran kung saan ang lahat ng tao ay ganap na nakatuon sa pagsunod kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang tungkol kay Enoc at sa kanyang mga tao sa Moises 7:16–21, pagnilayan kung paano mo gagawing mas katulad ng Sion ang iyong paligid.
-
Naisip mo na ba kung ano ang nadarama ng Diyos kapag tayo ay nahihirapan? Bigyang-pansin ang natutuhan at nadarama mo tungkol sa Kanya habang binabasa mo ang Moises 7:23–40.
-
Nababalisa ka ba tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw? Hanapin ang mga turo ng Panginoon sa Moises 7:60–67 na makatutulong sa iyo na makadama ng pag-asa at panghihikayat.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Moises 7.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang Moises 7:23–40 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Maaari mong gamitin ang kasanayang “Asking Questions That Invite Diligent Learning” habang itinuturo mo ang Moises 7:60–67.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natututuhan nila. Tandaan na hindi nangyayari sa isang iglap ang pagpapalalim ng pagbabalik-loob at pagiging higit na katulad ni Cristo. Dapat tayong patuloy na kumilos nang may pananampalataya at umasa kay Jesucristo. Kapag inaanyayahan mo ang mga tinuturuan mo na kumilos nang may pananampalataya sa totoong doktrina, tinutulungan mo silang palawakin ang karanasan sa pag-aaral hanggang sa kanilang tahanan at pang-araw-araw na buhay. Anyayahan ang mga estudyante na sadyang ipamuhay ang natututuhan nila at magtakda ng mga mithiing tutulong sa kanilang manatiling may pananagutan. Maaari mong ibahagi paminsan-minsan ang mga pagsisikap na iyong ginagawa upang maisabuhay mo ang mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan. (Para sa iba pa, tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 24, 27.)
Paano ko magagawang mas katulad ng Sion ang aking kapaligiran?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:
Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 186)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang kasalukuyang nalalaman nila tungkol sa kahulugan ng pagtatayo ng Sion at kung bakit ito ay napakahalagang mithiin. Maaari mo ring ipasuri sa kanila nang tahimik ang kanilang kasalukuyang pagsisikap na itayo ang Sion. Himukin sila habang nag-aaral sila na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na mas maunawaan kung ano ang Sion at kung paano sila makatutulong na maitatag ito sa kanilang buhay at sa mundong nakapaligid sa kanila.
Ipaliwanag na itinuro at pinangunahan ng propetang si Enoc ang kanyang mga tao na itatag ang lungsod ng Sion. Bagama’t nangyari ito noong unang panahon, nagbibigay ito ng huwaran para sa uri ng mga tao na kailangan nating maging para itayo ang Sion ngayon.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 7:16–27, 53, 68–69 upang matuklasan ang ilan sa mga katangian ng Sion. (Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa talata 22, maaari mo silang anyayahang basahin ang “Moises 7:22. Ano ang ibig sabihin ng ‘ang mga binhi ni Cain ay maiitim’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga katangian ng Sion na nahanap nila. Maaari mong ilista ang kanilang mga natuklasan sa pisara. Maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga pananaw:
-
Paano naiiba ang Sion mula sa iba sa mundo?
-
Ano ang napansin mo tungkol sa kaugnayan ng mga taong ito sa Panginoon?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng talata 18 tungkol sa kung paano tayo magiging mga tao ng Sion? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Nagiging mga tao tayo ng Panginoon at itinatayo natin ang Sion kapag tayo ay may isang puso at isang isipan, magkasamang namumuhay sa kabutihan, at nag-aalaga ng mga maralita. Maaari mong talakayin kung paano ipinakita ni Jesucristo ang mga katangiang ito sa Kanyang mortal na buhay.)
Ipaliwanag na si Enoc at ang kanyang mga tao ay maaaring magsilbing halimbawa para sa atin habang tayo ay nagsisikap na itayo ang Sion ngayon. Maaari mong ilista sa pisara ang mga sumusunod na grupo o sitwasyon:
-
Pamilya
-
Mga roommate at kaibigan
-
Ward o branch
-
Sa trabaho
-
Online
-
Sa komunidad
Sa mga magkaka-partner o maliliit na grupo, anyayahan ang mga estudyante na pumili ng ilan sa mga grupo o sitwasyon mula sa listahan at talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano kaya ang hitsura kapag itinayo ang Sion sa sitwasyong ito?
-
Anong pagkakaiba ang magagawa ng higit na pagkakaisa, kabanalan, o pagmamalasakit sa iba sa bahaging ito ng aking buhay?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson at talakayin ang mga karagdagang pananaw ng mga estudyante tungkol sa Sion at kung paano sila makatutulong sa pagbuo nito:
Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito. … Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, … kailangan [dito] ay (1) magkaisa sa isang puso at isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan sa epektibong paraang mapapaalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito. (“Come to Zion,” Liahona, Nob. 2008, 38)
Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang gumagawa sila ng plano na maging higit na nagkakaisa, banal, o mapagbigay sa kapwa para mas lubos nilang maitayo ang Sion sa kanilang buhay. Anyayahan silang magsama ng ilang partikular na pagkilos na kanilang gagawin at kung kailan nila gagawin ang mga ito. Maaari kang mag-anyaya ng ilang estudyante na magbahagi sa klase ng mga planong hindi masyadong personal.
Bilang pagtatapos, maaari kang magpatotoo na si Jesucristo ang “Hari ng Sion” (Moises 7:53) at na babalik Siya sa lupa sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang kanilang mga pagsisikap na itayo ang Sion ay makatutulong na ihanda ang kanilang sarili at ang iba para sa Kanyang pagbabalik.
Ano ang nadarama ng Diyos sa akin?
Maaari mong ibahagi ang isa o pareho sa sumusunod na sitwasyon, o gumawa ng sarili mong sitwasyon:
-
Si Ruby ay may pamilya at mga kaibigan na piniling hindi sumunod kay Jesucristo. Iniisip niya kung nakaapekto ba ang kanilang mga desisyon sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila.
-
Nag-aalangan si Max na maghangad ng kaugnayan sa Diyos. Nakikita niya ang Diyos bilang malupit at mabilis magparusa ng mga tao.
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na maaaring nasa mga sitwasyong tulad ng mga taong nasa sitwasyong iyon. Maaari din nilang pag-isipan ang tungkol sa kanilang sariling kaugnayan sa Diyos at ang mga tanong o damdamin nila tungkol sa Kanya. Hikayatin silang maging handang tumanggap ng matututuhan nila mula sa Espiritu Santo habang natututo sila nang higit pa tungkol sa katangian ng Diyos sa aktibidad sa pag-aaral na ito.
Ituro na itinatag ni Enoc at ng kanyang mga tao ang Sion at kalaunan ay dinala ito sa langit (tingnan sa Moises 7:16–21, 68–69). Sa isang pangitain, nakita ni Enoc ang impluwensya ni Satanas sa mga nanatili sa lupa dahil hindi sila naging bahagi ng Sion.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Moises 7:23–27, na inaalam kung ano ang nakita at natutuhan ni Enoc.
-
Ano ang iyong nakita sa mga talatang ito na mahalagang tandaan mo?
Pag-aralan ang Moises 7:28–33, na inaalam kung ano ang nadama ng Ama sa Langit nang tingnan Niya ang mga taong piniling huwag sumunod sa Kanya.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa Ama sa Langit nang pag-aralan mo ang mga talatang ito? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad nito: Nadarama ng Ama sa Langit ang pagmamahal at awa sa lahat ng tao at umiiyak Siya kapag nagdurusa sila. Maawain at mabait ang Ama sa Langit magpakailanman. Kilalang-kilala tayo ng Ama sa Langit at ang ating mga personal na kalagayan.)
-
Ano ang magagawang kaibhan sa iyong buhay ng pag-alam sa mga katotohanang ito?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Sa gitna ng magandang pangitain ng sangkatauhan na ipinakita ng langit kay Enoc, habang minamasdan ang mga biyaya at hamon ng mortalidad, lumingon siya sa Ama at nagulat na makita Siyang nananangis. Nagtataka at gulat niyang sinabi sa pinakamakapangyarihang Nilikha sa buong sansinukob: “Paanong kayo ay nananangis? …Ikaw ay makatarungan [at] maawain at mabait magpakailanman; … Kapayapaan … ang tahanan ng iyong trono; at ang awa ay mauuna sa iyong mukha at walang katapusan; paano ka umiiyak?” …
Mas malaki ang nagawa ng kaisa-isang nakaaantig na tagpong iyon sa pagtuturo ng tunay na katangian ng Diyos kaysa sa anumang naisulat sa relihiyon. …
Di malilimutan ang paglalarawang ito ng pagmamalasakit ng Diyos sa ating buhay! Napakasakit sa isang magulang kapag hindi Siya pinili ng Kanyang mga anak ni “ang ebanghelyo ng Diyos” na Kanyang ipinadala! [Mga Taga Roma 1:1] Kaydaling mahalin ang taong lubos na nagmamahal sa atin! …
Ibinabahagi ko ang personal na patotoo ng isang personal, at buhay na Diyos, na kilala ang ating pangalan, dinidinig at sinasagot ang mga panalangin, at nagmamahal sa atin nang walang hanggan bilang mga anak ng Kanyang Espiritu. (“The Grandeur of God,” Liahona, Nob. 2003, 72)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang natimo sa kanilang isipan mula sa mga salita ni Pangulong Holland. Maaari mo ring itanong ang sumusunod:
-
Paano mo nalaman na mahal ka ng Diyos at sensitibo Siya sa iyong pagdurusa? (Maaaring makatulong sa mga estudyante na makakita ng mga halimbawa ng ibang kabataang nakaranas nito. Maaari mong panoorin ang mga video na “God Hears You | Mosiah 23:10” [2:24] o “Heavenly Father Knows Me” [3:18]; Gospel Library.)
3:19
Kung may oras pa, maaari mong ipaliwanag na itinuro ng Diyos kay Enoc na dahil sa malaking kasamaan na umiiral sa lupa, ang mga hindi magsisisi ay mamamatay sa baha. Dahil dito, umiyak si Enoc (tingnan sa Moises 7:36–44). Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang Moises 7:44–53, at alamin kung paano pinanatag ng Panginoon si Enoc. Maaari mong talakayin kung bakit maaaring magalak ang kaluluwa ni Enoc kapag nakita niya ang mga bagay na ito.
Bilang pagtatapos sa aktibidad sa pag-aaral, anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang natutuhan o nadama nila mula sa Espiritu Santo. Bigyan sila ng oras upang maisulat nila ang kanilang mga saloobin at impresyon.
Paano ako matutulungan ng Panginoon na harapin ang mga hamon sa mga huling araw?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. Mula ngayon hanggang sa oras ng Kanyang pagbalik “na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” [Joseph Smith—Mateo 1:36], magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.
Gayunpaman, kasalukuyan tayong nabubuhay sa tiyak na pinakamagulong panahon sa kasaysayan ng mundo. Ang mga kaguluhan at hamon ay nagpapadama ng kalungkutan at kapaguran sa maraming tao. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95)
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang mga saloobin tungkol sa pahayag ni Pangulong Nelson. Maaari mong itanong ang mga tulad nito:
-
Ano ang ilan sa mga hamon na maaaring magpahirap na mabuhay sa mga huling araw?
-
Paano ka makakahanap ng pag-asa habang nabubuhay sa mga huling araw?
Ipaliwanag na bilang bahagi ng kanyang pangitain na nakatala sa Moises 7, natutuhan ni Enoc ang ilan sa mga paraan ng Panginoon na pangalagaan ang Kanyang mga tao sa mga huling araw. Anyayahan ang mga estudyante habang nag-aaral sila na hanapin ang mga katotohanan at bigyang-pansin ang mga espirituwal na impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na madama ang higit na pasasalamat tungkol sa pamumuhay sa mahalagang panahong ito sa kasaysayan ng mundo.
Sama-samang pag-aralan ang Moises 7:60–61. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin at ibahagi ang mga panganib na sinabi ng Panginoon kay Enoc na mangyayari sa mga huling araw.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa Kanyang mga tao sa talata 61? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko” sa kanilang mga banal na kasulatan.)
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Upang mapangalagaan ang Kanyang mga tao sa mga huling araw, ang Panginoon ay:
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 7:62–67, at alamin ang mga paraan kung paano nila puwedeng kumpletuhin ang parirala mula sa pisara. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Kung kinakailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa talata 62 at isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan:
Upang mapangalagaan ang Kanyang mga tao sa mga huling araw, gagawin ng Panginoon ang sumusunod:
-
Magpapadala ng kabutihan mula sa langit.
-
Magpapadala ng katotohanan mula sa lupa.
-
Ipapalaganap sa mundo ang kabutihan at katotohanan.
-
Titipunin ang Kanyang mga tao sa Sion.
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng mga ipinropesiyang pangyayaring ito, pag-isipang talakayin ang mga tanong sa ibaba. (Para sa iba pang ideya tungkol sa ganitong uri ng pagtatanong, tingnan sa “Asking Questions that Invite Diligent Learning” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.)
-
Sa anong mga paraan tinupad o tinutupad ng Panginoon ang propesiyang ito? (Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring makatulong na basahin ang “Moises 7:62–63. Ano ang ipinakita kay Enoc tungkol sa mga huling araw?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan para matulungan ang mga estudyante na maging mas handang sagutin ang tanong na ito.)
-
Ano ang ipinauunawa o ipinadarama sa iyo ng mga ipinropesiyang pangyayaring ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Paano nakatulong sa iyo ang alinman sa mga ipinropesiyang pangyayaring ito sa mga paghihirap sa mga huling araw?
Maaari kang magtapos sa pamamagitan ng muling pagbabahagi ng unang talata ng pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga dahilan kung bakit sila nagpapasalamat na mabuhay sa panahong ito sa kasaysayan ng mundo.