“Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Moses Seeing Jehovah [Nakita ni Moises si Jehova], ni Joseph Brickey
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5
Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo sa loob ng anim na yugto ng panahon, pagkatapos ay nagpahinga Siya sa ikapito. Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva ayon sa Kanyang sariling larawan. Iniutos Niya sa kanila na magpakarami at punuin ang lupa.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Marami tayong matututuhan tungkol kay Jesucristo kapag isinasaalang-alang natin ang Kanyang tungkulin bilang Manlilikha. Pag-aralan ang isa sa mga salaysay tungkol sa Paglikha sa Genesis 1, Moises 2, o Abraham 4. Maaari kang gumawa ng listahan ng natututuhan mo tungkol kay Jesucristo.
-
Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 1:26–27, Moises 2:26–27, at Abraham 4:26–27, pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos. Ano ang epekto sa iyo ng kaalaman sa katotohanang ito?
-
Hindi gaanong pinahahalagahan ng maraming impluwensya ngayon ang kasal at pamilya. Habang pinag-aaralan mo ang Moises 2:27–28; 3:18–24, pag-isipan kung bakit mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 1–2; Moises 2–3; at Abraham 4–5.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang Genesis 1; Moises 2; at Abraham 4 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Searching in the Scriptures and in Gospel Library,” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming aktibidad sa pag-aaral ang ibinigay para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tumugon sa mga espirituwal na impresyon tungkol sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Alam ng Panginoon ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Habang ipinagdarasal mo ang iyong mga tinuturuan at espirituwal mong inihahanda ang iyong sarili, mabibigyan ka Niya ng mga espirituwal na impresyon upang matulungan kang malaman kung paano mo pinakamahusay na matutulungan ang iyong mga estudyante. Magtiwala na ang Espiritu Santo “ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).
Genesis 1; Moises 2; Abraham 4
Paano maiimpluwensyahan ng pag-unawa sa Paglikha ang aking damdamin sa Tagapaglikha?
Maaari kang magpakita ng larawan ng magandang tanawin o ng iba pang nilikha ng Diyos habang pumapasok ang mga estudyante sa klase. Maaari ding magbahagi ang mga estudyante sa kapartner ng larawan o paglalarawan ng isa sa mga nilikha ng Diyos na makabuluhan sa kanila.
Sabihin na ang pag-aaral tungkol sa Paglikha ay magpapalalim ng ating pagmamahal at pagpipitagan kay Jesucristo, na lumikha ng mundo, at sa Diyos Ama, na lumikha ng mga babae at lalaki ayon sa Kanyang larawan. Maaari kang magpakita ng table o talahanayan na tulad ng sumusunod at anyayahan ang mga estudyante na gumawa rin ng sarili nilang kopya. Anyayahan silang pag-aralan ang Genesis 1; Moises 2; o Abraham 4, at maghanap ng iba’t ibang tugon na maaari nilang isama sa bawat column ng talahanayan. (Upang makatulong sa mga tanong ng mga estudyante tungkol sa Paglikha, maaari mo silang hikayating pag-aralan ang mga entry na may kaugnayan sa mga kabanatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
|
Ano ang natututuhan o nadarama ko sa Tagapaglikha |
Ano ang natututuhan o nararamdaman ko sa Kanyang mga nilikha |
|---|---|
Ano ang natututuhan o nadarama ko sa Tagapaglikha | Ano ang natututuhan o nararamdaman ko sa Kanyang mga nilikha |
Pagkatapos ay hatiin ang klase sa magkakapartner o sa maliliit na grupo. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isa’t isa ang ilan sa kanilang mga sagot. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante sa klase ang ilan sa kanilang mga pananaw. (Gamit ang kanilang sariling mga salita, maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo. Pinag-isipan nang mabuti at nang maayos ang Paglikha. Nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos. Ipinahayag ng Diyos na napakabuti ng Kanyang mga nilikha.)
-
Paano makakaapekto ang pag-alala sa mga katotohanang ito sa iyong damdamin tungkol sa Diyos, kay Jesucristo, at sa lahat ng mga nilikha ng Diyos?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga banal na kasulatan na magpapalalim ng kanilang pag-unawa at pagpapahalaga sa tungkulin ni Jesucristo bilang Tagapaglikha. Maaari nilang gamitin ang mga tool sa pag-aaral sa Gospel Library upang maghanap ng mga passage (tingnan sa “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan). Maaari mo ring imungkahi na pag-aralan nila ang ilan sa mga sumusunod na passage:
Pagkalipas ng sapat na oras, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa isang kapartner, sa maliliit na grupo, o nang sama-sama bilang isang klase. Maaari mo ring itanong ang sumusunod:
-
Ano ang naitutulong ng tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha sa pag-unawa mo tungkol sa Kanya at sa Kanyang mga kakayahan?
-
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa mga motibo ng Tagapagligtas, Kanyang pagmamahal, o Kanyang kapangyarihang tulungan ka?
Maaari mong ipanood ang video na “We Lived with God” (4:00), at anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang damdamin kay Jesucristo. Maaari ding itala ng mga estudyante ang anumang damdamin o impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.
Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27
Bakit mahalagang alalahanin na ako ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos?
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan at talakayin ang isang aspeto ng katawan ng tao na hinahangaan nila. Maaari mo ring ipanood ang video na “God’s Greatest Creation” (2:51).
Maaari ninyong sama-samang talakayin ang tanong na tulad ng sumusunod:
-
Anong mga saloobin o damdamin ang mayroon ka tungkol sa Diyos habang pinag-iisipan mo ang katawan ng tao at ang maraming nagagawa nito?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; o Abraham 4:26–27, kasama ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Hikayatin silang isipin kung ano ang inihahayag ng mga turong ito tungkol sa kahalagahan ng kanilang paglikha.
Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library)
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga turong ito tungkol sa iyong sarili? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Dahil nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos, mayroon tayong banal na katangian at tadhana.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng kanilang banal na kalikasan at tadhana, ipamahagi ang handout na pinamagatang “Ang Aming Pagkatao at Tadhana.” Anyayahan ang mga estudyante na sama-samang talakayin ito sa mga grupo. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang mga pananaw.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sila naapektuhan ng pag-alam nila tungkol sa kanilang banal na pagkatao at tadhana. Maaari mo ring panoorin ang video na “Running Toward the Light” (time code na 11:00 hanggang 15:19). Anyayahan ang mga estudyante na bigyang-pansin kung paano nagbago ang buhay ni Elder Peter M. Johnson nang malaman niya na anak siya ng Diyos.
Bakit mahalaga ang kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” kasama ang sitwasyon sa ibaba. (Maaari mong iangkop ang mga detalye ng sitwasyon para mas angkop ang mga ito sa iyong mga estudyante.)
Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library)
Nakaririnig ng maraming mensahe si Gideon sa simbahan at sa iba pang settings ng ebanghelyo tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya. Hindi niya ito pinansin noong una, pero habang tumatanda na siya, nagsisimula na siyang magsawa sa sobrang dalas niya itong marinig. Hindi niya talaga nakikita ang sarili niyang ikakasal o magkakaanak. Kapag naririnig ni Gideon ang mga mensahe sa simbahan tungkol sa kahalagahan ng pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, iniisip niya kung ano ang kahulugan nito para sa kanya.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring mag-atubili siyang magpakasal at magkaanak?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga tanong tungkol sa kasal at pamilya. Ipaliwanag na ang ginawa ng Ama sa Langit pagkatapos ng Paglikha sa mundo ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng kasal at pamilya sa Kanyang plano. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo para sa tulong sa kanilang mga tanong.
Sama-samang pag-aralan ang Moises 2:27–28; 3:18–24; at Doktrina at mga Tipan 49:15–17. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan na nagpapakita ng mahalagang tungkuling ginagampanan ng kasal at pamilya sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. (Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan upang matulungan silang mas maunawaan ang mga talatang pinag-aaralan nila mula sa Moises 2–3.)
Hilingin sa mga estudyante na magbahagi ng ilang katotohanang natutuhan nila tungkol sa kasal at pamilya mula sa kanilang pag-aaral. Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang ito. Gamit ang sarili nilang mga salita, maaari nilang tukuyin ang mga katotohanang tulad nito:
-
Iniutos ng Diyos sa mga mag-asawa na magkaroon ng mga anak (Moises 2:28).
-
Ang mga mag-asawa ay dapat maging isa at kumilos bilang magkatuwang (Moises 3:18, 24).
-
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 49:15).
-
Ang mundo ay nilikha upang maglaan ng lugar kunsaan ang mga anak ng Diyos ay maisisilang sa mga pamilya at sama-samang umunlad (Doktrina at mga Tipan 49:16–17).
Bilang bahagi ng iyong pagtalakay sa mga katotohanang ito, maaari mong ipanood ang mga video na “Today’s Family: Elder Andersen on Children” (2:35) o ang “Renaissance of Marriage” (2:36).
Maaari mo ring itanong ang mga ito:
-
Paano makakaapekto sa iyong mga pagpili ang pag-alala sa mahalagang gampanin ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa mga pamantayan ng Ama sa Langit na may kaugnayan sa kasal at pamilya para maging higit na katulad Niya?
Kilalanin na may iba’t ibang dahilan kung bakit maraming tao ang hindi nakararanas ng perpektong sitwasyon sa kasal o sa pamilya. Maaari itong magdulot ng kalungkutan, pagkabigo, pagkalito, o pag-aalala. Upang matugunan ang mga alalahaning ito, maaari mong itanong:
-
Ano ang maibabahagi mo sa isang taong walang positibong karanasan sa kasal at pamilya? (Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:)
Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo na mas nananaig, kahit sa sandaling ito man lang, kaysa sa pananalig. O maaaring nakapag-asawa kayo, pero nagwakas ang pagsasama, at naiwan kayong mag-isa sa responsibilidad na halos di-kakayanin kahit ng dalawang tao pa. Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak sa kabila ng napakatinding hangarin at nagsusumamong mga panalangin.
Gayon pa man, lahat ay may mga kaloob; lahat ay may mga talento; lahat ay makakatulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon. Maraming kabutihan, maraming mahahalagang bagay—kahit kung minsa’y kailangang lahat iyan ngayon—ang makakamit hindi man perpekto ang sitwasyon. Ginagawa ng napakarami sa inyo ang lahat ng inyong makakaya. At kapag kayong may mabibigat na pasanin sa mortalidad ay nanindigan sa pagtatanggol sa plano ng Diyos na dakilain ang Kanyang mga anak, handa tayong lahat na humayo. Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak. (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52)
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila magagawa ang mga katotohanang napag-aralan nila. Hikayatin silang humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit o itala ang mga espirituwal na impresyon na natanggap na nila mula sa Espiritu Santo. Patotohanan ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit.