“Genesis 5; Moises 6,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
A Seer Hath the Lord Raised Up (Moses 6:36) [Nagbangon ang Panginoon ng Isang Tagakita (Moises 6:36)], ni Eva Timothy
Genesis 5; Moises 6
Noong panahon ni Enoc, nagkaroon ng malaking impluwensya si Satanas sa maraming tao. Tinawag ng Panginoon si Enoc upang mangaral ng pagsisisi. Bagama’t nadama ni Enoc na siya ay hindi sapat, pinalakas siya ng Panginoon. Itinuro ni Enoc sa mga tao kung bakit kailangan nila ng Tagapagligtas at na maaari silang lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang boses, paniniwala sa Kanya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 5; Moises 6”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Pagnilayan kung paano ka makadarama ng higit na tiwala upang magawa ang mahihirap na bagay na ipinapagawa sa iyo ng Diyos habang binabasa mo ang Moises 6:26–39, 47.
-
Paano naimpluwensyahan ng mga propeta ng Panginoon ang iyong buhay? Pagnilayan ang tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:23–47.
-
Habang pinag-aaralan mo ang Moises 6:47–68, maghanap ng mga turong makatutulong sa iyo na masagot ang mga tanong na ito: “Bakit natin kailangan si Jesucristo?” “Paano tayo makakalapit sa Kanya?”
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 5 at Moises 6.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang Moises 6:23–47 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Asking Questions That Invite Diligent Learning,” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Bigyan ang mga mag-aaral ng mga pagkakataong magbahagi at magpatotoo. Ang ating mga salita ay maaaring hindi magpatinag sa mga bundok o magpaliko sa mga ilog, pero makatutulong ang mga ito na mabago ang mga puso. Kaya nga napakahalagang bigyan ng mga pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi sa isa’t isa ang natututuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maipamuhay ang mga katotohanang itinuro sa kanila at maipahayag ang mga ito gamit ang sarili nilang mga salita (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 26).
Paano ako matutulungan ng Diyos kapag nadarama kong hindi ako sapat?
Maaari mong hilingin sa mga estudyante na mag-isip at magbahagi ng mga halimbawa kung kailan sila, o ang isang taong kakilala nila, ay nakadama ng labis na paghihirap o ng pagiging hindi karapat-dapat na gawin ang isang bagay na ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan mula sa sarili mong buhay.
Sama-samang pag-aralan ang Moises 6:26–31, at alamin kung ano ang nais ng Panginoon na gawin ni Enoc at kung ano ang nadama ni Enoc dito.
-
Anong mga alalahanin ang mayroon si Enoc tungkol sa kanyang panawagan mula sa Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na saliksikin ang Moises 6:32–34 at hanapin ang mga pangako mula sa Panginoon na maaaring nagbigay sa kanila ng tiwala kung sila ang nasa katayuan ni Enoc. Anyayahan silang ibahagi ang natuklasan nila nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.
Pagkatapos ng mga talakayan ng mga estudyante, maaari mo silang anyayahan na ibuod ang mga salita ng Panginoon kay Enoc mula sa talata 32–34 bilang pahayag ng katotohanan. (Ang sumusunod ay mga halimbawa ng mga alituntuning maaaring matukoy ng mga estudyante: Kung tapat nating gagawin ang iniuutos ng Panginoon, tutulungan Niya tayong maisakatuparan ang Kanyang kalooban. Kapag tayo ay nananahan at lumalakad na kasama ang Diyos, mananatili Siya sa atin.)
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “manahan” at “lumakad na kasama” ang Diyos? (Kung kinakailangan, maaari kang sumangguni sa “Moises 6:34, 39. Ano ang ibig sabihin ng manahan at lumakad na kasama ang Diyos?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
-
Ano ang ilang partikular na paraan para mas maanyayahan mo ang Panginoon sa iyong buhay? (Maaari mong awitin o basahin ang mga titik ng “Kasama Ko si Cristo sa Paglalakad” [Mga Himno—Para sa Tahanan at Simbahan bilang bahagi ng inyong talakayan.)
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 6:35–39, 47, at pagkatapos ay sama-samang talakayin kung paano tinupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kay Enoc.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang buhay kung saan kasama nila ang Panginoon at tinulungan silang gawin ang mahihirap na bagay. Hilingin sa ilang handang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari mo ring ipakita ang halimbawang ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson mula sa kanyang buhay sa “Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” (time code na 9:05 hanggang 12:29); Gospel Library.
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at naramdaman nila mula sa kanilang pag-aaral na maaaring magamit sa mga sitwasyong kinakaharap nila sa kasalukuyan. Hikayatin silang itala ang kanilang mga saloobin o impresyon mula sa Espiritu Santo. Patotohanan ang hangarin at ang kapangyarihan ng Panginoon na tulungan sila.
Paano ako magkakaroon ng mas malaking kumpiyansa sa mga propeta ng Panginoon?
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahayag. Anyayahan ang mga estudyante na suriin ang kanilang sarili sa bawat pahayag gamit ang scale na 1 (lubos na hindi sumasang-ayon) hanggang 5 (lubos na sumasang-ayon). Tiyaking alam nila na hindi ibabahagi sa iba ang kanilang mga sagot.
-
Nais kong yakapin ang mga turo at patnubay ng Panginoon na ibinibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
-
Nasasabik akong ibahagi ang mga salita ng mga propeta sa mga nakapaligid sa akin.
-
Nakadarama ako ng espirituwal na kaligtasan sa pagsunod sa mga propeta ng Diyos.
-
Nagtitiwala ako sa mga salita ng mga propeta kahit na hindi agad malinaw ang kahulugan ng mga ito.
-
Matatag akong naninindigan sa pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta, anuman ang opinyon ng iba.
Maaaring makatulong na ipaalala sa mga estudyante ang panawagan kay Enoc na mangaral tungkol sa pagsisisi sa kanyang mga tao (tingnan sa Moises 6:26–29). Ang mga kilos na ginawa ni Enoc matapos matanggap ang kanyang panawagan mula sa Panginoon ay makatutulong sa atin na matutuhan ang mahahalagang katotohanan tungkol sa mga propeta ng Panginoon.
Ipamahagi ang handout na pinamagatang “Ang mga Propeta ng Panginoon,” at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad sa pag-aaral kasama ang isang kapartner o sa maliit na grupo. Sa aktibidad na ito, sasanayin nila ang kasanayang “Asking Questions That Invite Diligent Learning” mula sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga kabatirang nakuha nila mula sa isa sa mga tanong na tinalakay nila. Maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng mga katotohanang natuklasan nila mula sa mga talatang pinag-aralan nila. (Kabilang sa mga halimbawa ng mga katotohanang natukoy nila ang mga ito: Pinipili ng Panginoon ang Kanyang mga propeta at binibigyan sila ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na magsisi sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Itinutuon tayo ng mga propeta kay Jesucristo.)
Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na dating miyembro ng Unang Panguluhan, at talakayin ang ilan sa mga tanong na kasunod ng pahayag.
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak. Kaya nga Siya nagsusumamo sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Katulad ng nais natin ang pinakamainam para sa ating mga mahal sa buhay, nais din ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa atin. Kaya nga napakahalaga at kung minsan ay napakahigpit ng Kanyang mga tagubilin. Kaya nga hindi Niya tayo tinatalikuran ngayon kundi patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang kalooban sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang kapalaran natin at ng ating mundo ay nakasalalay sa ating pakikinig at pagsunod sa inihayag na salita ng Diyos sa Kanyang mga anak. (“Bakit Natin Kailangan ng mga Propeta?,” Liahona, Marso 2012, 4)
-
Paano nagiging pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos ang mga buhay na propeta ngayon?
-
Ano ang natutuhan mo kamakailan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo mula sa mga buhay na propeta?
-
Paano ka pinagpala ng Panginoon habang sinusunod mo ang Kanyang mga propeta?
Anyayahan ang mga estudyante na itala ang anumang espirituwal na impresyon mula sa Espiritu Santo na maaaring nadama nila tungkol sa pagsunod sa propeta ng Diyos. Hikayatin silang kumilos ayon sa natanggap nilang mga espirituwal na impresyon.
Bakit ko kailangan si Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na isipin na mayroon silang kaibigan na hindi gaanong nakakikilala kay Jesucristo. Habang nag-uusap, tinanong ka niya tungkol sa iyong mga paniniwala sa relihiyon. Sabi niya, “Naririnig ko ang maraming tao na nagsasalita tungkol kay Jesus. Bakit Siya mahalaga?”
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan o ibahagi kung paano nila sasagutin ang tanong ng kanilang kaibigan. Ipaliwanag na marami sa mensahe ni Enoc ay nakatuon sa ating pangangailangan kay Jesucristo at kung paano tayo makalalapit sa Kanya.
Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga turo ni Enoc, anyayahan silang gumawa ng chart tulad ng sumusunod:
|
Bakit ko kailangan ng Tagapagligtas |
Paano ako makalalapit kay Jesucristo |
|---|---|
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Moises 6:47–62, kasama ang isang kapartner o nang mag-isa, at kumpletuhin ang chart batay sa natutuhan nila. Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang parehong column nang mag-isa, o maaari mong italaga ang bawat indibiduwal o magkakapartner na magpokus sa isa sa mga column.
Kapag tapos nang mag-aral ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang kanilang natutuhan. Habang nagbabahagi sila, maaari silang magbanggit ng mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang lahat ng tao sa lahat ng dako ay kinakailangang magsisi (tingnan sa Moises 6:49–50, 57). Matatanggap lang natin ang mga pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Moises 6:52, 59). Lumalapit tayo kay Cristo kapag tayo ay nakikinig sa tinig ng Tagapagligtas, naniniwala sa Kanya, nagsisisi ng ating mga kasalanan, nabibinyagan, at tinatanggap ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Moises 6:52, 59).
Maaaring makatulong na magpokus ang mga estudyante sa talata 62 para matukoy ang terminong ginamit ng Ama sa Langit para ibuod ang prosesong inilarawan sa mga turo ni Enoc. Maaari mo ring ipaliwanag na tinutukoy kung minsan ng mga banal na kasulatan ang prosesong ito bilang “doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:2–21), ang Kanyang doktrina (tingnan sa 3 Nephi 11:31–40), o ang Kanyang ebanghelyo (tingnan sa 3 Nephi 27:13–22).
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga katotohanang natukoy nila, maaari mong itanong ang mga tulad nito:
-
Paano makakaapekto sa iyong buhay ang pag-alam sa mga katotohanang itinuro ni Enoc? Paano maaaring makaimpluwensya ang mga ito sa iyong damdamin tungkol kay Jesucristo?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na makilala ang iyong pangangailangan para sa Tagapagligtas?
-
Paano ka pinagpala ng iyong mga pagsisikap na lumapit kay Jesucristo?
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon mula sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat ng sagot sa tao na nasa sitwasyon batay sa natutuhan nila ngayon. Maaari nilang ibahagi ang kanilang sagot sa isang kapartner o magsadula upang ibahagi ang kanilang sagot na parang nakikipag-usap sila sa kanilang kaibigan.
Magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natalakay ninyo at sa mahalagang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.