Samuel Instructing Saul [Si Samuel na Pinagbibilinan si Saul], ni Ted Henninger
1 Samuel 8–10; 13; 15–16
Nais ng mga Israelita na magkaroon ng hari “gaya ng lahat ng mga bansa“ (1 Samuel 8:5) sa halip na ang Panginoon ang maghari sa kanila. Bilang tugon, iniutos ng Panginoon kay Samuel na hirangin si Saul bilang hari. Si Saul ay naghari nang matwid sa loob ng ilang panahon, ngunit kalaunan ay tinanggihan siya ng Panginoon bilang hari dahil sa kanyang pagsuway. Pagkatapos ay pinatnubayan ng Panginoon si Samuel na piliin si David, isang mapagkumbabang pastol, bilang susunod na hari ng Israel. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nalaman ni Samuel na iba ang tingin ng Panginoon sa mga tao kumpara sa kung paano karaniwang tinitingnan ng mga tao ang isa’t isa.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “1 Samuel 8–10; 13; 15–16”
Tandaan: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong padalhan ang mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano ka makatutugon kapag ang mga popular na impluwensya ay sumasalungat sa payo ng Panginoon? Pag-isipan ito habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 8.
-
“Napakaganda sa simula ang buhay ni Saul, ngunit kalunus-lunos ang naging katapusan nito” (Dieter F. Uchtdorf, “Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Liahona, Mayo 2008, 58). Habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 13:5–14 at 15:1–28, ano ang nakita mo na nakadagdag sa espirituwal na pagbagsak ni Saul? Paano ka matutulungan ng salaysay tungkol kay Saul na maiwasan ang espirituwal na panganib?
-
Anong mga problema ang maaaring idulot ng panghuhusga sa ibang tao batay lamang sa kung ano ang nakikita natin? Habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 16, isipin kung paano ka nakikita ng Panginoon at kung paano ito maaaring naiiba sa kung paano ka nakikita ng iba.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante upang magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 Samuel 8–10; 13; 15–16.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Samuel 15 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Espirituwal na ihanda ang iyong sarili. Kapag espirituwal na inihanda ng mga titser ang kanilang sarili na magturo, mas maririnig at masusunod nila ang patnubay ng Espiritu Santo habang nagtuturo at naghahanda sila ng mga lesson. Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa kung paano inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili na magturo, tingnan sa “Espirituwal na Inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili na Magturo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16–17).
1 Samuel 8
Paano ako makatutugon kapag naharap ako sa masasamang impluwensya na sumasalungat sa payo ng Panginoon?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa sumusunod na pahayag ni Sister Elaine S. Dalton, dating Young Women General President:
Kung nais ninyong gumawa ng kaibhan sa mundo, dapat kayong maiba sa mundo. (“Panahon na para Bumangon at Magliwanag!,” Liahona, Mayo 2012, 124)
-
Anong mga hamon ang maaari ninyong harapin kapag pinili ninyong maging iba sa mundo?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung gaano sila karaniwang handa na maging kakaiba kapag naharap sila sa mga pinahahalagahang iba sa mga pinahahalagahan ng Panginoon. Hikayatin sila habang nag-aaral sila ngayon na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanilang mga pagsisikap na sundin si Jesucristo.
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga Israelita ay pinamunuan ng mga hukom sa unang ilang daang taon pagkatapos nilang makapasok sa lupang pangako. Ang propetang si Samuel ay isa sa mga huling hukom na ito. Matapat niyang pinamunuan ang Israel sa ilalim ng patnubay ng Panginoon sa loob ng maraming taon.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Samuel 8:1–9, at alamin kung ano ang hinangad ng mga elder ng Israel nang tumanda na si Samuel. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. Maaari mo ring itanong:
-
Bakit gusto ng mga elder ng isang hari? (Kung kinakailangan, banggitin na nadama ng mga Israelita na mas mabuting magkaroon kahit paano ng hari dahil iyon ang ginagawa ng “lahat ng mga bansa“ sa kanilang paligid. Tingnan sa talata 20.)
-
Sa inyong palagay, bakit hindi nasiyahan si Samuel sa mga dahilan ng mga Israelita kung bakit gusto nilang magkaroon ng hari?
Ibuod ang talata 10–18 sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na nagbigay ang Panginoon kay Samuel ng mga partikular na babala tungkol sa mga panganib ng pagkakaroon ng hari.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Samuel 8:19–22 at pagkatapos ay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland, at alamin kung paano tumugon ang mga Israelita sa mga babala ni Samuel.
Ang masakit na kabalintunaan dito ay mayroon na silang hari na nauna sa kanila at nakipaglaban sa kanilang mga digmaan. Siya si Jehova, ang Hari ng lahat, ngunit ayaw na nilang pamunuan sila ni Jehova. Hindi na nila nais na Siya ang makipaglaban sa kanilang mga digmaan. At ayon sa tema ng napakaraming aral sa kasaysayan, dumating ang masasakit na bunga nang huli na ang lahat para maiwasan ang mga ito. Kalaunan ay nagdalamhati ang mga tao, “Aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari” (1 Samuel 12:19). (“Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta,” Liahona, Hunyo 2022, 6)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa salaysay na ito na makatutulong sa kanila sa mga sitwasyong kinahaharap nila. Narito ang isang halimbawa ng katotohanan na maaaring matukoy nila: Ang pagpiling sundin ang mga popular na ideya sa halip na ang payo ng Panginoon ay hahantong sa pagdurusa at pagsisisi.
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa ka-partner o sa maliit na grupo:
-
Ano ang ilang karaniwang tinatanggap na ideya o pinahahalagahan na maaaring mag-akay sa mga young adult palayo sa Diyos?
-
Ano ang alam mo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na madaig ang tuksong sundin ang mga ganitong uri ng ideya?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga pananaw nila sa kanilang mga talakayan. Maaari mo ring pag-isipang talakayin ang tanong na tulad ng sumusunod:
-
Kailan ninyo nadamang mas malapit kayo sa Tagapagligtas dahil pinili ninyong sundin ang Kanyang payo na mamuhay nang naiiba sa mundo?
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Holland at pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan kung paano ito nauugnay sa kanila:
Bilang mga miyembro ng sambahayan ding ito ng Israel ayon sa malawak na pagbibigay-kahulugan, inutusan tayong huwag maging katulad ng ibang tao, huwag maging katulad ng sanlibutan. Ngunit tulad ng mga tao ng Diyos noong panahon ni Samuel, hinaharap natin ang malakas na hatak na maging katulad ng mga taong mas mabababa ang pamamaraan, ng mga taong nadaraig ng nauusong makamundong pag-uugali o paniniwala. …
Tinawag tayo upang ihiwalay ang ating sarili sa kasamaan … at maging espirituwal na lebadura sa mundo nang hindi espirituwal na pinaiimpis ng mundo. (“Piliin ang Panginoon at ang Kanyang Propeta,” 6, 7)
Hikayatin ang mga estudyante na tukuyin kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang napag-aralan nila ngayon. Anyayahan silang isulat ang anumang kaisipan o impresyon mula sa Espiritu Santo.
1 Samuel 15
Paano ko malalabanan ang mga tukso na bigyang-katwiran ang pagsuway sa Diyos?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pahayag na ito ni Pangulong Russell M. Nelson at pagtalakay sa kasunod na tanong:
May makahaharap [kayong] mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko rito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon. (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 34)
-
Bakit maaaring piliin ng isang tao na hindi sundin ang ilang partikular na utos mula sa Diyos?
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang 1 Samuel 15, anyayahan silang pag-isipan kung gaano kahalaga sa kanila na sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos. Himukin sila sa buong aktibidad sa pag-aaral na isipin ang mga paraan kung paano nila madaragdagan ang kanilang pagsunod sa Diyos.
Ipaalala sa mga estudyante na mapagpakumbaba at umaasa sa Panginoon si Saul noong hinirang siyang hari ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 9:21; 15:17). Gayunpaman, nang magtamo siya ng maraming tagumpay, nagsimula siyang hindi gaanong magtiwala sa Panginoon at mas umasa siya sa sarili niyang karunungan. Nang magbanta ng pagsalakay ang mga Filisteo, sinuway ni Saul ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-aalay ng isang di-awtorisadong pag-aalay ng handog na susunugin (tingnan sa 1 Samuel 13:8–14. “Bakit mali si Saul sa pag-aalay ng handog na susunugin?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan). Naganap din ang katulad na pangyayari sa 1 Samuel 15, noong hindi sinunod ni Saul at ng kanyang hukbo ang Panginoon nang may katumpakan.
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Samuel 15:1–3, 7–9, at alamin ang kautusang ibinigay ng Panginoon kay Saul at sa kanyang hukbo at kung paano sila tumugon.
Maaaring makatulong na kilalanin na may mga aspeto ng salaysay na ito na maaaring mahirap para sa mga mambabasa ngayon. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kautusang lipulin ang mga Amalekita, tingnan sa “1 Samuel 15:1–3. Bakit iniutos kay Saul na ‘[lubos na] lipulin’ ang mga Amalekita?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, at “Paano natin mauunawaan ang mga karahasan sa mga banal na kasulatan?” sa Topics and Questions, “Religion vs. Violence,” Gospel Library.
Banggitin na bagama’t hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit inutusan si Saul na patayin ang lahat ng mga Amalekita at ang kanilang mga hayop, may matutuhan pa rin tayong mahahalagang aral mula sa paraan ng pagtugon ni Saul sa utos ng Panginoon.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Samuel 15:13–26, na inaalam kung paano binigyang-katwiran ni Saul ang kanyang mga ginawa sa propetang si Samuel. Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang pinakanapansin ninyo sa pagbibigay-katwiran ni Saul?
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano maaaring bigyang-katwiran ng mga tao sa ating panahon ang kanilang pagsuway sa mga kautusan ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa salaysay tungkol kina Saul at Samuel na makatutulong sa atin kapag natutukso tayong bigyang-katwiran ang ating pagsuway. (Ang isang katotohanan na maaaring banggitin ng mga estudyante ay tulad nito: Ang makinig at sumunod sa Panginoon ay mas mainam kaysa mag-alay ng mga sakripisyo.) Maaari mo ring itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang kaugnayan ng pagsunod at ng sakripisyo?
-
Anong kaibahan ang magagawa ng ating pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa ating kaugnayan sa Kanya?
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng oras para maghanap ng ilang banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa kanila na mas lubos na sumunod sa mga kautusan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. (Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na sanayin ang kasanayang “Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills sa pamamagitan ng paglikha ng Tag na tinatawag na “Pagsunod” para sa mga turong mahahanap nila.) Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng isa sa mga banal na kasulatan o pahayag na nahanap nila sa isang ka-partner o maliit na grupo.
Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang napag-aralan nila ngayon. Hikayatin sila na isulat ang mga layunin o plano na ginawa nila para sa kanilang sarili. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.
1 Samuel 16
Ano ang makatutulong sa akin na makita ang aking sarili at ang iba sa paraang nakikita ng Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na prompt sa ka-partner:
-
Anong mga bagay ang sa palagay mo ay higit na nakakaapekto sa unang impresyon mo sa isang tao?
-
Nagkaroon ka na ba ng unang impresyon sa isang tao na kalaunan ay napatunayang mali? Ano ang nagpabago sa isip mo?
Hikayatin ang mga estudyante sa pag-aaral nila ngayon na bigyang-pansin ang anumang impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na makita ang kanilang sarili at ang ibang tao sa paraan na nakikita ng Diyos.
Ipaliwanag na dahil sa pagsuway ni Saul, itinakwil siya ng Panginoon bilang hari ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 13:13–14; 15:26–28). Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Samuel 16:1–13, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapakita kung paano tinulungan ng Panginoon si Samuel na hanapin ang taong pinili Niya na papalit kay Saul. Pagkatapos, maaari mong itanong:
-
Anong mahalagang tagubilin ang ibinigay ng Panginoon kay Samuel upang tulungan siyang makilala ang susunod na hari? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng Tinitingnan ng mga tao ang panlabas na anyo, ngunit tinitingnan ng Panginoon ang puso.)
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong ipakita ang sumusunod na maiikling aktibidad, at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang isa o ang lahat ng ito:
-
Maghanap ng mga halimbawa sa banal na kasulatan kung paano tiningnan ng Tagapagligtas ang puso at potensyal ng iba kaysa sa kanilang panlabas na anyo o mga kilos. Maaari kang maghanap ng mga halimbawa nang mag-isa o gamitin ang isa sa mga sumusunod: Mateo 11:7–11; Lucas 19:1–10; Juan 8:1–11.
-
Gamitin ang Gospel Library para maghanap ng mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na nauugnay sa pagtingin sa ating sarili at sa iba tulad ng pagtingin ng Diyos.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa ka-partner o sa maliit na grupo ang natuklasan nila. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga pananaw. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipanood ang video na “Pray for Eyes to See as He Sees [Ipanalangin na Makita ng mga Mata ang Kanyang Nakikita]” (6:27).
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ang mga estudyante ng oras para isulat ang kanilang mga sagot sa isa o sa lahat ng tanong.
-
Paano mo matututuhang tingnan ang iyong sarili at ang iba sa paraan ng pagtingin sa iyo ng Panginoon?
-
Kailan ka tinulungan ng Panginoon na makita ang iyong sarili o ang iba tulad ng nakikita Niya?
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang handang estudyante na magbahagi ng mga sagot na isinulat nila na hindi masyadong personal.
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit na higit na makita ang kanilang sarili at ang iba tulad ng nakikita Niya.