Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Ang Buhay na Cristo


“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

Si Jesus na kinakausap ang isang batang lalaki

Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol

Bilang paggunita sa pagsilang ng Tagapagligtas mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas, ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Ang deklarasyong ito ay nagpapatotoo sa “hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng dakilang mapagbayad-salang sakripisyo [ng Panginoon].”

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Sa pagsisimula mong pag-aralan ang Lumang Tipan, basahin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Gospel Library). Maghanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na madama ang higit na pagmamahal at pagpapahalaga sa Kanya.

  • Pinayuhan tayo ng mga lider ng Simbahan na “tiyakin na ang pagdiriwang natin sa pinakamahalagang pangyayari sa daigdig na ito—ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo—ay may kasamang pagpipitagan at paggalang na nararapat sa Panginoon,” (Gary E. Stevenson, “Ang Pinakadakilang Kuwento sa Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2023, 6). Upang makatulong na ituon ang iyong isipan at puso kay Jesucristo ngayong Pasko ng Pagkabuhay, pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Bigyang-pansin ang iyong natututuhan at nadarama tungkol sa Tagapagligtas.

  • Hinikayat tayo ni Elder Gerrit W. Gong na “magalak tayo kay Jesucristo, sa Pasko at araw-araw” (“Si Cristo, ang Ating Tagapagligtas, ay Isinilang” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 3, 2023], Gospel Library). Maglaan ng oras upang pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Ano ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na magalak kay Cristo?

icon ng talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng “Ang Buhay na Cristo.”

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Kasabay ng pag-anyaya mo sa mga estudyante na pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo” sa panahon ng lesson, maaari mong rebyuhin ang kasanayang “Focusing on Jesus Christ in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral. Dahil ang Espiritu Santo ang tunay na guro, gawin ang iyong silid-aralan na isang lugar kung saan maaaring pumaroon ang Espiritu. Paalalahanan ang mga estudyante sa kanilang tungkulin na gawing espirituwal ang silid-aralan. Maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga mag-aaral na matuklasan kung paano nakikipag-ugnayan ang Espiritu sa kanila. Bigyan ng maraming oras ang mga estudyante upang makapag-isip at makapagsulat tungkol sa natututuhan nila mula sa Espiritu Santo.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Aktibidad sa Pag-aaral

Paano mapapalalim ng pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo” ang aking ugnayan sa aking Tagapagligtas?

Magpakita ng larawan ni Jesucristo, gaya ng nasa umpisa ng lesson na ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng paborito nilang larawan ng Tagapagligtas. Anyayahan silang tahimik na magmuni-muni at magsulat ng isang personal na tugon sa isang prompt na tulad nito:

  • Sino si Jesucristo para sa iyo? Ano ang iyong mga iniisip, nadarama, o paniniwala tungkol sa Kanya?

Ipaalala sa mga estudyante na noong ika-1 ng Enero 2000, ibinahagi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”

Ipaliwanag na hinikayat tayo ng mga lider ng Simbahan na pag-aralan ang sagradong dokumentong ito. Pag-isipang basahin nang sabay-sabay ang ilan o ang lahat ng sumusunod na pahayag upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo.” Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang mahalaga para sa kanila.

Elder Robert D. Hales

Ating pinanonood, pinakikinggan, binabasa, pinag-aaralan, at ibinabahagi ang mga salita ng mga propeta upang mabigyang babala at maprotektahan tayo. Halimbawa, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay ibinigay bago pa man natin maranasan ang mga hamon na kinakaharap ngayon ng pamilya. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” ay inihanda noon pa bago pa natin ito kinailangang mabuti. (Robert D. Hales, “Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo,” Liahona, Nob. 2013, 7)

Pangulong Russell M. Nelson

Maraming miyembro na ang nakapagsaulo ng mga katotohanang nakapaloob [sa “Ang Buhay na Cristo”]. Ang iba naman ay halos walang alam tungkol dito. Habang nagsisikap kayo na higit pang makaalam tungkol kay Jesucristo, hinihimok ko kayong pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo.” (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40)

Sister Jean B. Bingham

Nang pag-aralan ko ang buhay at mga turo ni Jesucristo nang may higit na pagtutuon at maisaulo ko ang “Ang Buhay na Cristo,” nag-ibayo ang pasasalamat at pagmamahal ko sa ating Tagapagligtas. Bawat pangungusap ng inspiradong pahayag na iyon ay may aral at lalo kong naunawaan ang Kanyang banal na tungkulin at misyon sa lupa. (Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 85)

Upang magabayan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo,” maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

  1. Pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo.” I-highlight ang mga salita o parirala na makabuluhan para sa iyo.

  2. Hanapin ang mga katotohanan mula sa “Ang Buhay na Cristo” na ipinapakita sa Lumang Tipan o may kaugnayan sa mga banal na kasulatan sa Lumang Tipan. Halimbawa, ano ang makikita mo sa “Ang Buhay na Cristo” na may kaugnayan sa mga katotohanan sa mga sumusunod na passage sa Lumang Tipan? Genesis 1:1–2, 31 (tingnan din sa Moises 2:1); Job 19:25–26; Mga Awit 9:7–8; Mga Kawikaan 3:5–6; Isaias 12:2; 45:23; 53:3–5.

  3. Isulat ang mga iniisip at impresyon mo tungkol kay Jesucristo habang nag-aaral ka.

Para matulungan ang mga estudyante na matuto sa isa’t isa, anyayahan silang ibahagi sa maliliit na grupo ang kanilang mga nalaman. Maaari mo rin silang anyayahan na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Isipin ang mga katotohanang natuklasan ninyo tungkol sa Tagapagligtas. Ano ang ipinauunawa sa inyo ng mga ito tungkol sa tungkuling magagampanan niya sa inyong buhay?

  • Paano kayo makikinabang sa higit na pagtutuon kay Jesucristo sa inyong buhay?

Bilang pagtatapos, anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila magagamit ang “Ang Buhay na Cristo” upang matulungan silang mapatibay ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Bigyan ng panahon ang mga estudyante upang makapagnilay at makapagsulat ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo na maaaring natanggap nila sa lesson.