Elijah Contends Against the Priests of Baal [Nakipagpaligsahan si Elijah sa mga Saserdote ni Baal], ni Jerry Harston
1 Mga Hari 12–13; 17–22
Sa panahon ng taggutom, hiniling ng propetang si Elijah sa isang balo sa Zarefta na ibigay sa kanya ang huling natitira niyang pagkain at nangakong hindi mauubos ang kanyang langis at pagkain habang tumatagal ang tagtuyot. Ang balo ay kumilos nang may pananampalataya, at natupad ang pangako ni Elijah. Hinamon ni Elijah ang mga saserdote ni Baal sa isang paligsahan upang patunayan na ang Diyos ng Israel ang nag-iisang tunay na Diyos. Bilang tugon sa mga panalangin ni Elijah, nagpadala ang Panginoon ng apoy mula sa langit upang manalo sa paligsahan. Kalaunan ay nangusap ang Panginoon kay Elijah sa marahan at banayad na tinig.
Mga Karagdagang Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “1 Mga Hari 12–13; 17–22”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Ano ang nararanasan mo sa buhay kung saan kailangan mong magtiwala sa Panginoon? Habang pinag-aaralan mo ang 1 Mga Hari 17, isipin kung ano ang matututuhan mo mula kay Elijah at sa balo ng Zarefta na makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong tiwala sa Kanya.
-
Maraming Israelita noong panahon ni Elijah ang gustong maglingkod kapwa kay Jehova at sa huwad na diyos na si Baal. Habang binabasa mo ang 1 Mga Hari 18, pag-isipan kung bakit maaaring hindi makapagpasiya ang isang tao sa ating panahon tungkol sa pagsunod sa Panginoon. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon sa kabanatang ito na makatutulong sa mga taong nag-aalinlangan sa pagsunod kay Jesucristo?
-
Paano mo maririnig ang tinig ng Diyos sa kabila ng kaguluhan at distraksiyon sa mundo? Pag-isipan itong mabuti habang pinag-aaralan mo ang 1 Mga Hari 19:9–12.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng 1 Mga Hari 12–13 at 17–22.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Mga Hari 17 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Maaari kang magsanay sa “Pagtatanong ng mga Bagay na Naghihikayat ng Masigasig na Pag-aaral” bilang bahagi ng aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Mga Hari 19:9–12.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Obserbahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa mga estudyante. Sa ating pagsisikap na tulungan ang mga estudyante na maging higit na katulad ni Jesucristo, ang pagbanggit sa mga katangiang tulad ng kay Cristo na nakikita natin sa kanila ay makatutulong sa kanila na malaman ang pag-unlad na nagagawa nila. Para sa iba pang ideya sa kung paano makatanggap ng inspirasyon para tulungan ang mga estudyante na maging higit na katulad ni Jesucristo, tingnan sa “Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 9).
1 Mga Hari 17
Paano ako matutulungan ng pagtitiwala sa Panginoon kapag parang walang katiyakan ang buhay?
Maaari mong isulat ang sumusunod na tanong sa pisara at itanong ito sa klase. Maaari mong isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara.
-
Ano ang ilang sitwasyon na walang katiyakan na kinakaharap ng mga young adult kung saan kailangan nilang lubos na magtiwala sa Panginoon?
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga mapanghamong sitwasyon na kasalukuyan nilang kinakaharap, lalo na ang mga sitwasyon kung saan mahirap magtiwala sa Panginoon dahil hindi nila alam kung ano ang mangyayari. Hikayatin sila habang nag-aaral sila ngayon na hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na umasa sa Panginoon nang may higit na pagtitiwala, kahit na tila walang katiyakan ang hinaharap.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto para sa 1 Mga Hari 17, maaari mong ibuod o ng isang estudyante ang impormasyon sa sumusunod na talata:
Ang propetang si Elijah ay naninirahan sa Hilagang Kaharian ng Israel sa panahong laganap ang kasamaan at pagsamba sa diyus-diyosan. Ginamit niya ang kapangyarihan ng Diyos para pigilan ang pagbuhos ng ulan, na nagresulta sa maraming taon ng tagtuyot at taggutom. Ibinigay ng Panginoon ang mga pangangailangan ni Elijah sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya na magtago sa tabi ng batis, kung saan pinakain siya ng mga uwak. Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Elijah na magtungo sa lupain ng Zarefta, kung saan papakainin siya ng isang balo (tingnan sa 1 Mga Hari 17:1–9). Marami sa mga ginawa ni Elijah sa salaysay na ito ay maaaring simbolikong nagpapaalala sa atin kay Jesucristo. (Maaaring magandang pagkakataon ito para ituro ang kasanayang “Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Mga Hari 17:10–24 at itala ang mga sagot nila sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ginawa o sinabi ni Elijah na nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa balo tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon?
Kapag natapos na ang sapat na oras ng pag-aaral ng mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito sa isang ka-partner o sa maliit na grupo. Maaari ding ibahagi sa klase ng ilang estudyante ang mga pananaw nila. Ang isang halimbawa ng katotohanang matutukoy nila ay ito: Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, pagpapalain at susuportahan Niya tayo.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan. Ipabahagi sa kanila ang mga katotohanan mula sa mga talatang ito na nagtuturo ng kahalagahan ng pagtitiwala sa Panginoon. Maaari din nilang ibahagi kung paano ipinakita ang mga katotohanang itinuro sa mga passage sa salaysay tungkol kay Elijah at sa balo sa 1 Mga Hari 17.
-
Mga Awit 34:22
-
Mga Kawikaan 3:5–6
-
Juan 6:35
-
Juan 11:25
-
Juan 14:6
Maaari mong ituon ang atensiyon ng mga estudyante sa listahang ginawa mo sa pisara sa simula ng aktibidad sa pag-aaral, at pagkatapos ay magtanong ng ilang tanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang maaaring magpahirap sa atin na magtiwala sa Panginoon sa mga sitwasyong tulad nito?
-
Ano ang ilang paraan kung paano maipakikita ng mga tao ang kanilang tiwala sa Panginoon sa mga sitwasyong ito?
Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng ilang sandali upang magsulat tungkol sa isang pagkakataon kung kailan sila o ang isang taong kilala nila ay kinailangang lubusang magtiwala o umasa sa Panginoon nang hindi nalalaman ang kahihinatnan. Maaari din nilang ilarawan kung paano nila nakita ang mga pagpapala ng Panginoon mula sa karanasang iyon. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase.
Maaari kang magpakita ng garapon na naglalaman ng kaunting mantika at isa pang garapon na may kaunting harina. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila matutularan ang halimbawa ng balo ng Zarefta at magtiwala sa Panginoon sa gitna ng mahihirap na sitwasyong kinakaharap nila. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga naisip o impresyon.
1 Mga Hari 18
Ano ang nakikipagkumpitensya sa aking debosyon sa Panginoon?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson at pagtalakay sa mga tanong na kasama nito:
Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito. (“Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 66)
-
Ano ang ilang halimbawa na naiisip ninyo na nagpapakita ng inilalarawan ni Pangulong Monson sa pahayag na ito?
Ipaliwanag na ang propetang si Elijah ay nabuhay rin sa panahong may agwat sa pagitan ng mga pamantayan ng kanyang lipunan at ng mga pamantayan ng Panginoon. Noong panahon ng paghahari nina Haring Ahab at Reyna Jezebel sa Hilagang Kaharian ng Israel, maraming Israelita ang nagtangkang sambahin ang mga huwad na diyos, kasama na si Baal, habang sinasamba rin si Jehova. Hinamon ni Elijah ang daan-daang bulaang propeta sa isang paligsahan sa Bundok Carmel para patunayan kung si Baal o si Jehova ang tunay na Diyos (tingnan sa 1 Mga Hari 18:17–21). Bago nagsimula ang paligsahan, nagsalita si Elijah sa mga tao.
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Mga Hari 18:21, at alamin ang tanong ni Elijah sa mga Israelita. Pagkatapos ay maaari mong itanong:
-
Paano ninyo ibubuod ang mga sinabi ni Elijah sa talatang ito? (Kung kinakailangan, maaaring basahin ng mga estudyante ang entry para sa 1 Mga Hari 18:21 sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
-
Ano ang katotohanang matututuhan natin sa tanong ni Elijah sa mga tao? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng katotohanang tulad ng sumusunod: Hindi natin masusunod ang Diyos habang sinusunod rin natin ang mga huwad na diyos at masasamang impluwensiya.)
Maaari mong ibahagi at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:
Ngayon maaaring sabihin ni Elijah:
Maaaring ang Diyos, na ating Ama sa Langit, ay totoo, o hindi, ngunit kung Siya ay totoo, sambahin Siya.
Maaaring si Jesucristo ay Anak ng Diyos, ang nabuhay na mag-uling Manunubos ng sangkatauhan, o hindi, ngunit kung Siya nga, sumunod sa Kanya. …
Upang manatiling matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo kailangang tumimo sa puso at kaluluwa ng isang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin ang ebanghelyo ay hindi lamang nagiging isa sa maraming impluwensiya sa buhay ng isang tao kundi ang pinakamahalagang priyoridad ng kanyang buhay at pagkatao. (“Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 30, 31)
-
Ano ang ilang paraan kung paano maaaring subukan ng mga tao sa ating panahon na sundin ang Diyos habang sinusunod din ang mga huwad na diyos at masasamang impluwensiya?
-
Ano ang alam ninyo tungkol sa Diyos na maaaring makaimpluwensiya sa inyo na gawin Siya at ang Kanyang ebanghelyo na “pinakamahalagang priyoridad” ng inyong buhay?
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Mga Hari 18:22–39, at alamin ang nangyari sa pagitan ni Elijah at ng mga saserdote ni Baal. (Maaari ding basahin ng mga estudyante ang entry para sa 1 Mga Hari 18:22–46 sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.) Maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang kanilang mga natutuhan:
-
Bakit nagbuhos si Elijah ng napakaraming tubig sa hain at sa altar?
-
Ano ang ipinauunawa sa inyo ng salaysay na ito tungkol sa kapangyarihan ng Diyos?
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng sabay-sabay na pag-awit o pagbabasa ng mga titik ng himnong “Sino’ng Panig sa Diyos?” (Mga Himno, 162). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti at isulat ang mga paraan kung paano nila mas lubos na mailalaan ang kanilang sarili sa pagsunod sa Panginoon.
1 Mga Hari 19:9–12
Paano ko maririnig ang tinig ng Panginoon kung ang buhay ay parang magulo at maraming distraksiyon?
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay ng sumusunod na pahayag ni Elder Gary E. Stevenson:
Sa buong paglilingkod ko, nakita ko sa mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang kagustuhang malaman kung paano maanyayahan at matukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. (“Mga Pahiwatig ng Espiritu,” Liahona, Nob. 2023, 43)
Bakit mahirap para sa atin kung minsan na malaman kung paano maaanyayahan at makikilala ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?
Sa aktibidad sa pag-aaral na ito, maaari mong tulungan ang mga estudyante na sanayin ang kasanayang “Pagtatanong ng mga Bagay na Naghihikayat ng Masigasig na Pag-aaral” mula sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang isa o mahigit pang tanong nila tungkol sa pag-anyaya at pagkilala sa mga pahiwatig ng Espiritu. Hikayatin sila habang nag-aaral na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na sagutin ang mga tanong nila.
Ipaliwanag na matapos talunin ni Elijah ang mga huwad na propeta ni Baal, hinangad ng asawa ni Ahab na si Jezebel na ipapatay si Elijah. Tumakas siya mula sa lupain ng Israel at naglakbay nang maraming araw hanggang sa marating niya ang Bundok ng Horeb, na isa pang pangalan ng Bundok ng Sinai.
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Mga Hari 19:9–12 at ang entry para sa mga talatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, at alamin ang nangyari nang pumunta si Elijah sa bundok. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na makatukoy ng katotohanang tulad nito: Madalas na nangungusap ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na ang Panginoon ay madalas na nangungusap sa atin sa marahan at banayad na tinig? Paano nito ipinapakita ang Kanyang pagkatao at mga katangian?
-
Paano natin mapalalakas ang ating kakayahang makilala ang tahimik na mga pahiwatig ng Banal na Espiritu?
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maglaan ng oras na pag-aralan ang mga tanong na isinulat nila sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Maaari nilang saliksikin ang mga banal na kasulatan, mga turo mula sa mga lider ng Simbahan, o iba pang mga resource sa Gospel Library para mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong. Kabilang sa mga resource na maaari nilang gamitin ay ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag” (Gospel Library); Mga Paksa at Mga Tanong, “Paghahayag” (Gospel Library); o ang mensahe ni Elder Gary E. Stevenson na pinamagatang “Mga Pahiwatig ng Espiritu” (Liahona, Nob. 2023, 42–45).
Pagkatapos ng oras na mahanap ng mga estudyante ang mga sagot, anyayahan silang ibahagi ang nahanap nila, una muna sa isang ka-partner o sa maliit na grupo at pagkatapos ay sa klase. (Ipaalala sa mga estudyante na kung hindi pa nila nahahanap ang mga sagot, maaari silang magpatuloy sa paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng panalangin, paghingi ng payo sa mga pinagkakatiwalaan nila, at iba pang sources na itinalaga ng Diyos.)
Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Anong payo ang ibibigay ninyo sa ibang mga young adult na may mga tanong na tulad ng sa inyo?
-
Paano mapatitibay ng pagsisikap na kilalanin at tugunan ang mga espirituwal na pahiwatig ang inyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang mga halimbawa ng kung paano nangusap sa inyo kamakailan ang Panginoon sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasang masyadong personal.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga hakbang na gusto nilang gawin para mas makilala o matanggap ang paghahayag mula sa Espiritu Santo. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.