“Genesis 18–23,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Jehovah Jireh, ni Eva Koleva Timothy
Genesis 18–23
Sa pamamagitan ng pagsilang ni Isaac, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako na magkakaroon ng mga inapo sina Abraham at Sara. Binalaan ng Panginoon ang pamilya ni Lot na lisanin ang lupain ng Sodoma bago ito mawasak. Lumingon ang asawa ni Lot at naging haliging asin. Bilang pagsubok sa pananampalataya ni Abraham, iniutos ng Panginoon kay Abraham na ialay bilang sakripisyo si Isaac. Nang mapatunayan ni Abraham ang kanyang katapatan, iniligtas ng Panginoon si Isaac at naglaan ng kapalit na sakripisyo.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 18–23”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Ano ang ginagawa mo kapag hindi umaayon sa iyong plano ang buhay mo? Pagnilayan ito habang pinag-aaralan mo ang mga karanasan nina Abraham at Sara sa Genesis 18:1–15; 21:1–3.
-
Habang binabasa mo ang kuwento tungkol sa paglikas ng pamilya ni Lot sa Sodoma sa Genesis 19:1–29, isipin kung bakit hiniling sa atin ng Panginoon na huwag “lumingon” sa masasamang impluwensya sa ating buhay.
-
Pagnilayan ang iyong mga nadarama sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang binabasa mo ang Genesis 22:1–19. Anong mga simbolo ang nakita mo sa salaysay kung saan naaalala mo Sila?
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 18–23.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Genesis 22:1–19 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang layunin ng pagtuturo at pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo ay tulungan ang bawat tao na mas mapalapit sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Tulungan ang mga tinuturuan mo na huwag kalimutan kailanman ang layuning iyon. Hikayatin sila na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, patuloy na pagsisisi, pakikipag-usap sa Ama sa panalangin, at pagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 9).
Genesis 18:1–15; 21:1–3
Paano ko madaragdagan ang aking tiwala sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon, o gumawa ng ibang sitwasyon na mas nakatutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante:
Ang buhay ni Miguel ay hindi tulad ng inaasahan niya. Nakakamit ng kanyang mga kaibigan at kapamilya ang mga milestone sa buhay—pagtatapos sa kolehiyo, pagsisimula ng mga propesyon, pag-aasawa, at pagkakaroon ng mga anak. Bagama’t pinangakuan si Miguel ng maraming bagay sa kanyang patriarchal blessing, hindi pa niya nakikitang natupad ang marami sa mga ipinangakong pagpapalang ito. Mahirap para kay Miguel na hindi makadama ng pagkabigo. Sinisikap niyang gawin ang mga tamang bagay, pero iniisip niya kung darating pa ba ang mga pagpapala.
Maaari mong tanungin ang mga estudyante na isipin kung nakadama na sila o ang kakilala nila ng katulad ng nadama ni Miguel. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat ang isang pagpapalang hinihintay nilang matanggap mula sa Panginoon (tulad ng kasal, pamilya, edukasyon, mga sagot sa mga tanong, kaginhawahan mula sa pagsubok, mga pagkakataon, at iba pa).
-
Ano ang maaaring maging mahirap sa paghihintay na matupad ang mga ipinangakong pagpapala?
Ipaalala sa mga estudyante na bahagi ng tipan ng Diyos kay Abraham ang pangako na magkakaroon sila ni Sara ng maraming inapo (tingnan sa Genesis 13:16; 15:5; 17:15–19). Tumanda na sina Abraham at Sara at wala pa rin silang anak. Maaari mong itanong:
-
Ano sa tingin mo ang mga maaaring maging saloobin o tanong mo kung nasa sitwasyon ka nina Abraham at Sara?
Ipaliwanag na tumawag ang Panginoon ng tatlong sugo upang bisitahin sina Abraham at Sara. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang pakikipag-ugnayan nina Abraham, Sara, at ng mga sugo ng Panginoon sa Genesis 18:9–14, kasama ang nangyari kalaunan sa Genesis 21:1–3.
Pagkatapos nilang magbasa, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga ipinangakong pagpapala. (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad nito: Walang napakahirap para sa Panginoon, at Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin sa Kanyang takdang panahon.) Maaari mong talakayin ang mga tanong na gaya ng sumusunod:
-
Ano ang mga sitwasyong kinakaharap mo kung saan makatutulong na maalala ang mga katotohanang ito? Paano nakagagawa ng kaibahan sa mga sitwasyong ito ang pag-alaala sa mga katotohanang ito?
-
Anong mga karanasan mo ang nagpakita sa iyo na walang napakahirap para sa Panginoon?
Sa inyong talakayan, maaaring makatulong na bigyang-diin na kung minsan, nangangailangan ng pagtitiis at pagtitiwala sa takdang panahon ng Panginoon ang paghihintay sa mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerrit W. Gong:
Sa buhay na ito, kung minsa’y naghihintay tayo sa Panginoon. Maaaring wala pa tayo sa inaasam at nais nating marating sa hinaharap. Sabi ng isang matapat na sister, “Ang matapat na paghihintay sa Panginoon para sa Kanyang mga pagpapala ay isang banal na pamumuhay. Hindi ito dapat tugunan ng awa, pagmamataas, o panghuhusga kundi sa halip ay ng sagradong paggalang.” Samantala, nabubuhay tayo ngayon, hindi naghihintay na magsimula ang buhay. (“Silid sa Bahay-Panuluyan” Liahona, Mayo 2021, 27)
-
Paano tayo maaaring makinabang sa mga pagkakataong hindi kaagad natutupad sa ating buhay ang mga pangako ng Panginoon?
-
Paano mo masusunod ang payo ni Elder Gong na “[mabuhay] ngayon” kahit na hinihintay mong matupad ang mga pangako ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagpapalang hinihintay nila, na isinulat nila sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga paraan na maipapakita nila ang pananampalataya sa Panginoon habang hinihintay nila ang pagpapala. Maaari mong hilingin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga makabuluhang ideya na isinulat nila na hindi masyadong personal na ibahagi.
Genesis 19:1–29
Ano ang kailangan kong iwanan upang matulungan akong sundin ang Tagapagligtas?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. (“Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Ensign, Ene. 2010, 18)
-
Sa anong mga paraan makatutulong sa atin ang pag-alaala sa nakaraan?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang maiwasang mamuhay sa nakaraan?
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang kuwento tungkol kay Lot at sa kanyang pamilya na iniwan ang kanilang tahanan sa Sodoma, sabihin sa kanila na pag-isipan kung may mga bagay na nahihirapan silang iwan sa nakaraan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga naiisip at nadarama tungkol sa kung pinipigilan sila sa pagsunod sa Panginoon ng alinman sa mga bagay na ito.
Ibahagi ang sumusunod na paliwanag para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng salaysay na pinag-aaralan nila. Maaari mo ring ipabasa ang paliwanag sa isang estudyante.
Si Lot ay pamangkin ni Abraham. Matapos lumipat kasama ni Abraham mula sa Egipto papunta sa lupain ng Canaan, nanirahan si Lot at ang kanyang pamilya sa libis ng Jordan (tingnan sa Genesis 13:1–11). “Inilipat [ni Lot] ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma” (Genesis 13:12), isang lungsod na kilala sa kasamaan (tingnan sa Genesis 13:13). Kalaunan ay nanirahan si Lot at ang kanyang pamilya sa Sodoma (tingnan sa Genesis 14:12). Sa Kanyang awa, ang Panginoon ay nagpadala ng mga sugo sa Sodoma upang balaan si Lot at ang kanyang pamilya na umalis bago mawasak ang lungsod (tingnan sa Genesis 19:12–13).
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 19:14–19, 24–26, at alamin kung paano tumugon si Lot at ang kanyang pamilya sa mga tagubilin ng Panginoon na lisanin ang lungsod. (Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang nangyari sa mga talatang ito, maaari mong pag-aralan ang “Genesis 19:15–26. Bakit naging haliging asin ang asawa ni Lot?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
-
Ano ang napansin mo tungkol kay Lot at sa kanyang pamilya habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito? Ano ang napansin mo tungkol sa Panginoon?
Ipaliwanag na sa Bagong Tipan, ginamit ng Tagapagligtas ang kuwento tungkol sa pamilya ni Lot para ituro kung ano ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa Lucas 17:28–32). Ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 17:32, at alamin ang babala ng Tagapagligtas. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.
-
Ano ang ilang mahahalagang aral na matututuhan natin sa salaysay tungkol sa asawa ni Lot? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng estudyante ang isang katotohanan na katulad nito: Iniuutos sa atin ng Panginoon na tumakas at ganap na talikuran ang kasamaan.)
-
Ano ang ilang paraan na maaaring matukso ang isang tao na “lumingon” sa mga kasalanan o masasamang impluwensya na dating bahagi ng kanyang buhay?
-
Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na iwanan ang ating mga nakaraang pagkakamali at sumulong nang may pananampalataya?
Upang makatulong sa iyong talakayan, maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
Huwag kayong mabibigla kung malakas ang paghila ng nakaraan. Maaaring kabilang dito ang mga dating kaibigan at dating gawi—matitinding gawi na maaaring malalim ang pinag-uugatan sa inyong pag-uugali, gaya ng adiksyon sa tabako, alak, droga, pornograpiya, pagsusugal, seksuwal na paglabag, o pagsisinungaling. Ang mga bagay na ito ang naglayo sa inyo sa impluwensya ng Espiritu Santo noon, at mas higit na makapipinsala ang mga ito kung babalik kayo rito ngayon. Pero ang kapangyarihan ng inyong mga tipan ay higit kaysa sa kapangyarihan ng tukso. Huwag hayaang pahinain ng takot sa mga nakaraang pagkakamali ang katatagan ng inyong loob na pagsisihan at iwaksi ang mga ito. Tandaan! Nangako ang Diyos na ililigtas kayo “sa kamay ng namumuhi [sa inyo], at [tutubusin kayo mula] sa kapangyarihan ng kaaway” [Mga Awit 106:10]. (“What I Wish Every New Member Knew—and Every Longtime Member Remembered,” Ensign, Okt. 2006, 14)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tahimik na pagnilayan at isulat ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang bagay na maaari kong gawin upang maiwaksi ang mga kasalanan o masasamang impluwensya?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo tungkol sa kanilang kakayahang talikuran ang kasalanan at masasamang impluwensya sa tulong ng Panginoon.
Genesis 22:1–19
Ano ang matututuhan ko tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula kina Abraham at Isaac?
Sabihin sa klase na isipin ang mahahalagang sakripisyong ginawa ng iba para sa kanila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi.
-
Ano ang nadarama mo sa mga taong nagsakripisyo para sa iyo?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan nina Abraham at Isaac at anyayahan ang isang estudyante na ibuod para sa klase kung ano ang ipinapakita nito.
Abraham at Isaac, ni Harold Copping
-
Bakit kaya mahirap na pagsubok sa pananampalataya para kay Abraham ang utos na isakripisyo si Isaac?
Ipaliwanag na ang salaysay na ito tungkol kay Abraham at Isaac ay may malalim na simbolo. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Jacob 4:5, at alamin ang itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob tungkol sa simbolismo ng salaysay na ito. (Para sa iba pang impormasyon tungkol sa simbolismo, tingnan sa “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 22:1–19, at maghanap ng mga detalyeng masimbolong magtuturo sa kanila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari silang gumawa ng mga tala ng mga simbolo at pagkakatulad na ito sa kanilang mga banal na kasulatan.
Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, anyayahan ang ilan na ibahagi sa klase kung aling mga simbolo o paghahambing ang nakaantig sa kanila at bakit. Maaari mo ring itanong ang mga ito:
-
Paano nakatutulong sa iyo ang salaysay tungkol kay Abraham at Isaac na higit na pahalagahan ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
-
Ano ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa salaysay na ito? (Narito ang halimbawa ng katotohanang maaaring tukuyin ng mga estudyante: Ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang ganap na pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng kusang-loob na pagsasakripisyo ng Kanyang Anak na si Jesucristo.)
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sinabi ni Sister J. Anette Dennis:
Nang ialay ng Diyos Ama ang Kanyang Bugtong na Anak bilang sakripisyo para sa atin, si Jesucristo ang naging pinakamahalagang simbolo ng walang hanggang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa bawat isa sa atin. (“Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2024, 10)
-
Sa anong mga paraan ipinapakita ng sakripisyo ni Jesucristo ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit?
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pagnilayan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapatugtog o pagkanta ng “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos,” “Behold the Wounds in Jesus’ Hands,” o ng iba pang himnong nakatuon sa pagmamahal ng Diyos (tingnan sa Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan). Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga salita o parirala mula sa himnong naging makabuluhan sa kanila.
Tapusin ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pagnilayan kung ano ang natutuhan o nadama nila mula sa Espiritu Santo sa aktibidad sa pag-aaral na ito. Bigyan sila ng ilang sandali upang itala ang mga saloobin, damdamin, o espirituwal na impresyon na nagkaroon sila.