Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Exodo 19–20; 24; 31–34


“Exodo 19–20; 24; 31–34,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

hawak ni Moises ang mga tapyas na bato

Moses and the Tablets [Si Moises at ang mga Tapyas na Bato], ni Jerry Harston

Exodo 19–20; 24; 31–34

Matapos mailabas ang mga Israelita sa Egipto, dinala sila ni Jehova sa Bundok ng Sinai. Doon ay inanyayahan Niya sila na makipagtipan sa Kanya. Umakyat si Moises sa bundok upang tanggapin ang salita ng Panginoon para sa mga tao. Inihayag ng Panginoon ang Sampung Utos, at nangako ang mga tao na susundin ang Kanyang batas. Kalaunan, nang bumalik muli si Moises sa bundok, nilabag ng mga Israelita ang kanilang tipan sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa at pagsamba sa isang gintong guya. Matapos magdusa ang mga Israelita sa kinahinatnan ng kanilang paglabag sa kanilang tipan , ipinaalala sa kanila ng Panginoon na Siya ay makatarungan, maawain, at may mahabang pagtitiis.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Exodo 19–20; 24; 31–34.”

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Paano makatutulong sa iyo ang paggawa ng mga tipan sa Diyos na maging mas banal? Pagnilayan ito habang pinag-aaralan mo ang Exodo 19:1–11.

  • Habang pinag-aaralan mo ang Sampung Utos sa Exodo 20:1–17, isipin kung ano ang inihahayag ng mga kautusan tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa atin.

  • Pagnilayan kung paano mo ipinapakita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa araw ng Sabbath habang binabasa mo ang Exodo 31:12–18.

  • Ang mga anak ni Israel ay nagsimulang sumamba sa diyus-diyusan kahit matapos makatanggap ng mga himala mula sa Diyos. Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 32, pag-isipan kung ano ang maaaring hitsura ng pagsamba sa diyus-diyusan sa mundo ngayon.

icon na talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Exodo 19–20; 24; 31–34.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Exodo 19:1–11 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Cause-and-Effect Relationships in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. “Ang layunin ng pagtuturo at pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo ay tulungan ang bawat tao na mas mapalapit sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Tulungan ang mga tinuturuan mo na huwag kalimutan kailanman ang layuning iyon. Hikayatin sila na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, patuloy na pagsisisi, pakikipag-usap sa Ama sa panalangin, at pagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak. Turuan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng salita at halimbawa kung paano tayo ibinibigkis sa Kanila ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Tulungan silang malaman kung gaano tayo kahalaga sa Kanila at kung gaano Nila tayo minamahal. Palakasin ang kanilang pananampalataya na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang perpektong Pagbabayad-sala, ang tanging daan pabalik sa ating Ama” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas9).

Exodo 19:1–11

Bakit nais ng Panginoon na makipagtipan ako sa Kanya?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang mga tipan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano mo ilalarawan kung ano ang tipan sa isang taong hindi pamilyar sa mga ito?

  • Sa iyong palagay, bakit gusto ng Diyos na makipagtipan tayo sa Kanya?

  • Ano ang nagawang kaibhan ng paggawa ng mga tipan sa Diyos sa iyong buhay?

Hikayatin ang mga estudyante sa aktibidad sa pag-aaral na ito na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang pagpapala ng pakikipagtipan sa Diyos.

Maaari kang magpakita ng larawan ng Bundok ng Sinai habang ipinapaliwanag mo na matapos iligtas ng Panginoon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, inakay Niya sila patungo sa Bundok Sinai. Para kay Moises at sa mga anak ni Israel, ang Bundok ng Sinai ay parang templo—isa itong lugar kung saan sila makikipagtipan sa Diyos.

Larawan ng bundok

Isang larawan ng bundok sa Egipto na pinaniniwalaang Bundok ng Sinai.

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 19:3–6, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang tipan na nais Niyang gawin sa mga Israelita. Maaari mo ring ipabasa sa kanila ang “Exodo 19:3–6. Ano ang mga pangako ng tipan ng Panginoon sa mga anak ni Israel?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga naisin para sa Kanyang mga tao?

Maaari mong isulat ang pariralang Kung Gayon ay . sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila makukumpleto ang pariralang ito batay sa kanilang pag-aaral ng Exodo 19. (Ito ay isang halimbawa ng paghahanap ng sanhi-at-bunga. Para sa karagdagang impormasyon kung paano gamitin ang kasanayang ito sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tingnan sa “Looking for Cause-and-Effect Relationships in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.)

Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng katotohanang tulad nito: Kung susundin natin ang tinig ng Panginoon at tutuparin ang ating mga tipan sa Kanya, tayo ay magiging Kanyang sariling pag-aari at mga banal na tao.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano makatutulong sa kanila ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos na maging mas banal, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ng oras ang mga estudyante na itala ang kanilang mga tugon:

  1. Gumawa ng listahan ng mga pagkakataon sa iyong buhay na nakipagtipan ka sa Diyos.

  2. Sumulat tungkol sa kung paano nakatulong sa iyo ang mga tipan na ginawa mo na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Kapag natapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi sa isang kapartner o maliit na grupo o magkakasama bilang isang klase ang ilan sa kanilang naisip.

Ipaliwanag na kasama sa pagtulong sa atin na maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit, ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya. Maaari mong ibahagi ang pahayag na ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson at talakayin ang sumusunod na tanong:

Pangulong Russell M. Nelson

Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin. (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6)

  • Paano naapektuhan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos ang ugnayan mo sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga aksyon na maaari nilang gawin para maipamuhay ang napag-aralan nila ngayon. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga naiisip o mga espirituwal na impresyon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 20:1–17

Bakit mahalaga ang mga kautusan?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa at magbahagi ng analohiya na nagpapakita ng mga layunin at pagpapala ng mga kautusan ng Diyos. Para matulungan silang mag-isip ng mga ideya, maaari mong ipakita ang mga video na “Going to Grandma’s” (4:02) o “The Parable of the Kite” (1:04), o maaari mong gamitin ang sumusunod na analohiya na ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang ating mga karanasan sa mortalidad ay tulad ng munting batang lalaki at ng kanyang tatay na nagpapalipad ng saranggola sa isang mahangin na araw. Habang mas tumatayog ang saranggola, nahihila ng hangin ang nakadugtong na tali sa kamay ng munting batang lalaki. Dahil kulang sa karanasan sa pwersa ng mortal na mga hangin, iminungkahi niyang putulin ang tali upang mas tumayog pa ang lipad ng saranggola. Ang kanyang matalinong tatay ay nagpayong huwag, ipinaliliwanag na ang tali ang nagpapanatili sa saranggola sa kinalalagyan nito laban sa mortal na mga hangin. Kapag nakabitiw tayo sa pagkakahawak sa tali, ang saranggola ay hindi mas tatayog ang lipad. Ito ay tatangayin ng mga hanging ito at hindi maiiwasang sasadsad sa lupa. (“Pagsunod kay Cristo,” Liahona, Nob. 2024, 24)

4:3
1:5

Ipaliwanag na sa aktibidad sa pag-aaral na ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan ang Sampung Utos. Maaaring makatulong na ipaalala sa mga estudyante na ibinigay ng Panginoon ang Sampung Utos sa mga Israelita habang sila ay nagkakampo sa paanan ng Bundok ng Sinai.

Ipamahagi ang handout na may pamagat na “Pag-aaral sa Sampung Utos,” at bigyan ng oras ang mga estudyante upang kumpletuhin ito. Ipaliwanag na magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi ang ilan sa kanilang mga sagot kalaunan sa klase.

Pag-aaral sa Sampung Utos

Pagkatapos kumpletuhin ang handout, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa kapartner o maliit na grupo. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi sa buong klase.

Tapusin ang aktibidad sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang natutuhan o naramdaman sa kanilang pag-aaral. Hikayatin silang magtala ng mga partikular na paraan kung paano nila lubos na masusunod ang mga kautusan ng Diyos.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 31:12–18

Ano ang ipinahihiwatig ng mga ginagawa ko sa araw ng Sabbath sa Panginoon?

Magsimula sa pag-anyaya sa mga estudyante na isipin kung paano nila ipinakita ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa bawat estudyante ng isang piraso ng papel at ipatiklop ito sa apat na bahagi. Sa unang bahagi, sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang paraan kung paano nila ipinapakita ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipasa ang kanilang papel sa taong katabi nila, na maaaring magsulat ng karagdagang tugon sa pangalawang bahagi ng papel. Ulitin ang prosesong ito hanggang sa makumpleto ang apat na bahagi ng papel. Ipabasa sa mga estudyante ang mga sagot sa huling papel na ipinasa sa kanila.

Ipaalala sa mga estudyante na sinabi ng Panginoon ang Sampung Utos mula sa Bundok ng Sinai sa mga anak ni Israel (tingnan sa Exodo 20). Kalaunan ay isinulat ng Panginoon ang Kanyang batas sa mga tapyas na bato, kabilang ang marami pang detalye tungkol sa kahulugan at layunin ng Sabbath (tingnan sa Exodo 31:13–18). Bigyang-diin na ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay isang mahalagang paraan para ipakita natin ang ating pagmamahal at debosyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 20:8–11 at Exodo 31:13, 16–17, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa araw ng Sabbath. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa araw ng Sabbath mula sa mga talatang ito? (Kabilang sa ilang posibleng ideya na maaaring ibahagi ng mga estudyante ay ang mga ito: Ang Sabbath ay araw ng Panginoon at ito ay banal. Pinapanatili nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagpapahinga sa ating mga gawain. Ang pangingilin natin sa araw ng Sabbath ay isang tanda sa pagitan natin at ng Panginoon.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paanong ang pangingilin natin saaraw ng Sabbath ay tanda sa pagitan natin at ng Panginoon, isiping basahin nang sabay-sabay ang “Exodo 31:12–17. Paano kumakatawan ang pangingilin sa araw ng Sabbath sa isang tanda sa pagitan ng mga Israelita at ng Panginoon?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.

Ipakita ang sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ito sa maliliit na grupo:

  • Ano ang ilang tanda na maibibigay natin sa Panginoon para ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya sa araw ng Sabbath?

Maaari mong ipasulat sa isang miyembro mula sa bawat grupo ang mga ideyang ibinahagi. Pagkatapos ng mga talakayan, anyayahan ang mga grupo na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay maaaring talakayin ang ilan sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano naging halimbawa ng pagmamahal at awa ng Panginoon ang araw ng Sabbath?

  • Ano ang maaari ninyong sabihin sa isang taong nakadarama na ang araw ng Sabbath ay masyadong mahigpit o hindi sulit ipangilin? (Bilang bahagi ng talakayang ito, isiping ipanood ang video na “Upon My Holy Day—Honoring the Sabbath” [1:30].)

    1:30
  • Paano kayo napagpala ng Panginoon sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tanda na ipapakita nila sa Diyos sa susunod na araw ng Sabbath para ipakita ang kanilang pagmamahal at debosyon sa Kanya. Hikayatin sila na isulat ang kanilang plano, kasama ang anumang impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 32

Paano ko maiiwasan ang pagsamba sa diyus-diyusan ngayon?

Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng pahayag na ito ni Pangulong Dallin H. Oaks at pagtalakay sa sumusunod na tanong:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang mga prayoridad natin ang nagtatakda ng kung ano ang hinahanap natin sa buhay. (“Focus and Priorities,” Liahona, Mayo 2001, 83)

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga prayoridad ng mga tao sa kanilang buhay?

Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa tanong. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano maaaring magbago ang mga kilos ng isang tao depende sa kung alin sa mga prayoridad na nakalista sa pisara ang mas pipiliin nilang pagtuunan ng pansin.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang sariling mga prayoridad habang nag-aaral sila ngayon. Hikayatin silang maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na unahin ang kanilang ugnayan sa Diyos kaysa sa hindi gaanong mahahalagang bagay sa buhay.

Upang makatulong na ihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang Exodo 32, isiping ipaliwanag na matapos matanggap ng mga Israelita ang Sampung Utos, pormal silang nakipagtipan sa Panginoon at nangako na susundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Exodo 24:2–8). Pagkatapos ay bumalik si Moises sa Bundok ng Sinai upang tumanggap ng karagdagang mga tagubilin mula sa Diyos.

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 32:1–6, na hinahanap ang ginawa ng mga Israelita habang wala si Moises. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa mga ginawa ng mga Israelita?

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 32:7–10, 15–20, na inaalam kung paano tumugon ang Diyos at si Moises sa ginawa ng mga Israelita.

Para sa karagdagang konteksto, maaari mo ring ipabasa sa mga estudyante ang “Exodo 32:1–8. Bakit gumawa ang mga Israelita ng isang gintong guya para sambahin?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan. Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ipinaliwanag na mabuti sa pangalawa sa Sampung Utos ang tagubilin na huwag magkaroon ng ibang mga diyos at tinukoy kung ano ang dapat na pinakaunang prayoridad sa ating buhay bilang Kanyang mga anak. “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyo” sa langit man o sa lupa (Exodo 20:4). Idinagdag pa sa utos, “Huwag mong yuyukuran sila, o paglilingkuran man sila” (Exodo 20:5). Higit pa sa pagbabawal sa pisikal na diyus-diyusan, ipinapahayag nito ang pinakaunang dapat iprayoridad sa lahat ng oras. Ipinaliwanag ni Jehova, “Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, … pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang … mga umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos” (Exodo 20:5–6). Kitang-kita ang ibig sabihin ng mapanibughuin. Sa Hebreo ang kahulugan nito ay “pagtataglay ng maselan at masidhing damdamin” (Exodo 20:5). Kung gayon ay nasasaktan natin ang Diyos kapag “pinaglilingkuran” natin ang ibang mga diyos—kapag may iba tayong inuunang mga prayoridad. …

… Ang tanong sa pangalawang utos ay “Ano dapat ang ating pinakaunang prayoridad?” Inuuna ba natin ang ibang mga prayoridad o diyos kaysa sa Diyos na ating sinasamba? (“Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 73)

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang naunawaan nila tungkol sa kabigatan ng mga ginawa ng mga Israelita sa tulong ng mga resource na ito. Pagkatapos ay isiping isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nasasaktan natin ang kalooban ng Diyos kapag naglilingkod tayo sa ibang mga diyos o inuuna ang iba pang mga prayoridad kaysa sa Kanya.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kapartner o sa maliit na grupo:

  • Ano ang ilang prayoridad na maaaring matukso ang mga tao na unahin kaysa sa Diyos?

  • Sa inyong palagay, bakit nakakasakit sa Diyos kapag inuuna natin ang iba pang mga prayoridad kaysa sa Kanya? Paano ito makasasama sa atin?

  • Ano ang nakatulong sa inyo na unahin ang Diyos sa inyong buhay?

Sabihin sa mga estudyante na humingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit para matukoy kung ano ang magagawa nila para unahin Siya sa kanilang buhay. Anyayahan sila na isulat ang kanilang mga plano. Kung gusto ng mga estudyante, anyayahan ang ilan na ibahagi sa klase ang kanilang mga plano.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”