Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Exodo 1–6


“Exodo 1–6,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

Si Moises at ang nagliliyab na palumpong

Moses and the Burning Bush [Si Moises at ang Nagliliyab na Palumpong], ni Jerry Thompson

Exodo 1–6

Matapos pumanaw ni Jose, naging mga alipin ng mga taga-Egipto ang mga Israelita. Dahil sa takot sa kanilang patuloy na pagdami, iniutos ng Faraon na patayin ang lahat ng lalaking sanggol na Israelita. Sinuway ng mga komadronanga Hebreo ang utos ng Faraon at iniligtas ang mga bagong silang. Pagkatapos ay inutos ng Faraon na itapon sa ilog ang lahat ng lalaking sanggol na Israelita. Upang mailigtas ang kanyang anak, inilagay si Moises ng kanyang ina sa isang basket at inilagay ito sa Ilog Nile. Natagpuan ng anak na babae ni Faraon si Moises at inampon siya. Narinig ng Panginoon ang mga daing ng mga Israelita at inatasan si Moises na iligtas sila. Tiniyak ng Panginoon kay Moises na sasamahan Niya ito at bibigyan siya ng kapangyarihang iligtas ang Israel.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Exodo 1–6

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Paano ka tutugon kapag napipilitan kang gawin ang isang bagay na alam mong mali? Pag-aralan ang Exodo 1 at pagnilayan kung paano makatutulong sa iyo ang halimbawa ng mga komadronang Hebreo kapag nahaharap ka sa mga sitwasyong ito.

  • Mag-isip ng mga pagkakataon kung kailan napagtanto mo na ang ilang karanasan o lugar sa iyong buhay ay sagrado. Pagnilayan kung paano ka pagpapalain ng Panginoon sa pagpapakita ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay habang pinag-aaralan mo ang Exodo 3:1–6.

  • Naranasan mo na bang mabigla o maging hindi karapat-dapat na gawin ang hinihiling sa iyo ng Panginoon? Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 3:7–22; 4:1–17, isipin kung paano ka magkakaroon ng kumpiyansa kapag tinawag kang gawin ang gawain ng Panginoon.

  • Naramdaman mo na ba na kapag nagsusumikap ka, lalong nagiging mahirap ang buhay? Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 5–6 at 7:1–5, bigyang-pansin ang mga turo ng Panginoon na makatutulong sa iyo sa mga sitwasyong ito.

icon ng talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Exodo 1–6.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Exodo 3:1–6 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Sikaping matutuhan nang mas malalim ang totoong doktrina bago mo ito ituro. “Habang naghahanda kang magturo at matuto kasama ang iba, pag-aralang mabuti ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga katotohanang itinuturo mo. Saliksikin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta para sa paliwanag at payo. Ang pamumuhay at paggamit ng mga katotohanang pinag-aralan mo ay mag-aanyaya sa Espiritu na ituro sa iyo ang doktrina sa mas makabuluhang paraan at pagtibayin ang katotohanan ng doktrina sa puso ng mga tinuturuan mo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas21).

Exodo 1

Paano ako matutulungan ng Diyos na labanan ang masasamang impluwensya?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. Sila ay walang takot, tapat, at matapang. (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40–41)

Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga sitwasyong kinakaharap nila o ng iba pang mga young adult na nag-aatas sa kanila na “lumantad, magsalita, at maiba” sa mga tao. Hikayatin silang isipin kung paano sila tumugon noon sa mga sitwasyong tulad nito. Anyayahan sila habang nag-aaral sila ngayon na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na maging matatapang na tagasunod ni Jesucristo.

Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa nangyari sa mga Israelita matapos ang pagpanaw ni Jose ng Egipto. Kung kinakailangan, ipaliwanag na matapos pumanaw ni Jose, dumami ang mga Israelita (na tinatawag ding mga Hebreo) sa lupain ng Egipto. Sa takot na maging masyadong malalakas ang mga Israelita, inalipin sila ng bagong faraon (tingnan sa Exodo 1:6–14).

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Exodo 1:15–19 at tukuyin ang isang sitwasyon kung saan nilabanan ng mga indibidwal ang masasamang impluwensya at kumilos sila nang may katapangan. Maaari ninyong talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang maaaring dahilan kung bakit mahirap para kina Pua at Sifra na hindi sumunod sa utos ng Faraon?

  • Ano sa tingin ninyo ang ibig sabihin ng “natakot sa Diyos” ang mga komadrona? (Exodo 1:17). Kung kinakailangan, sumangguni sa entry para sa Exodo 1:17 sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 1:20–21, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon sina Pua at Sifra dahil sa kanilang katapangan. Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa kuwentong ito na makatutulong sa atin kapag nahaharap tayo sa masasamang impluwensya. Ang isang katotohanang maaaring matukoy ng mga estudyante ay ito: Makikitungo nang mabuti sa atin ang Panginoon kapag natatakot tayo sa Kanya at nilalabanan ang masasamang impluwensya.

  • Ano ang maaaring magpahirap sa paglaban sa masasamang impluwensya ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may kilala silang isang tao na nahihirapang labanan ang masasamang impluwensyang kinakaharap niya. Bigyan sila ng ilang minuto upang mahanap ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga resource na maaaring makatulong:

  1. Isang banal na kasulatan

  2. Isang pahayag mula sa isang lider ng Simbahan

  3. Isang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang resource na nakita nila sa isang maliit na grupo at ipaliwanag kung paano ito makatutulong sa isang tao na madaig ang masasamang impluwensya.

Isiping anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung paano sila pinagpala ng Panginoon sa paggawa ng tama sa kabila ng mga panggigipit na maaaring kinakaharap nila.

Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan at itala kung paano nila magagamit sa kanilang buhay ang mga katotohanang natutuhan nila.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 3:1–6

Paano ako makapagpapakita ng pagpipitagan sa Panginoon?

Maaari kang magpakita ng listahang tulad ng sumusunod:

  • Pagtanggap ng sakramento

  • Pagpunta sa templo

  • Pagtanggap ng basbas ng priesthood

  • Personal na panalangin

  • Pag-aaral ng banal na kasulatan

  • Pagdalo sa institute

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang ginagawa nila bago o habang nangyayari ang mga karanasang nakalista upang mas maging makabuluhan ang mga ito. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Sa palagay ninyo, bakit nakatutulong sa atin ang paggawa ng mga bagay na ito na magkaroon ng mas makabuluhang mga sagradong karanasan?

Habang pinag-aaralan nila ang sumusunod na karanasan mula sa buhay ni Moises, hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na tratuhin ang mga sagradong sandali at lugar nang may pagpipitagan.

Isiping bigyang-diin na pagkatapos tumakas ni Moises sa Egipto, tumira siya sa lupain ng Midian. Doon ay pinakasalan niya si Zifora at inalagaan ang mga kawan ng ama nito na si Jetro. Sa panahong ito, nagkaroon ng sagradong karanasan si Moises kung saan nagpakita sa kanya ang Panginoon at tinawag siyang iligtas ang Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Bago ibigay ng Panginoon kay Moises ang kanyang tungkulin, nagbahagi muna Siya ng mahahalagang tagubilin.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Exodo 3:1–6, at alamin ang naranasan ni Moises sa presensya ng Diyos. Maaaring makatulong na ituro na sa Joseph Smith Translation ng Exodo 3:2, ang “anghel ng Panginoon” ay pinalitan at ginawang “presensya ng Panginoon.”

Upang matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang natutuhan nila, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ginawa ni Moises para magpakita ng pagpipitagan sa Diyos?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpipitagan mula sa karanasan ni Moises sa Panginoon? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga katotohanang tulad nito: Nais ng Panginoon na magpakita tayo ng pagpipitagan sa Kanya at sa Kanyang mga banal na lugar. Ang pagpapakita ng pagpipitagan sa Panginoon ay naghahanda sa atin sa Kanyang pagtuturo.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng pagpipitagan, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na maikling pahayag at anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga ito nang tahimik. (Para sa mga karagdagang ideya tungkol sa paggamit ng mga turo ng mga lider ng Simbahan, tingnan sa “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.)

Pangulong Boyd K. Packer

Ang pagpipitagan ay nag-aanyaya ng paghahayag (Boyd K. Packer, “Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 22)

Elder Patrick Kearon

Pagpipitagan na may kagalakan? Marahil ay maitatanong ninyo, ‘May ganyan ba?’. Oo, mayroon! Lubos ang ating pagmamahal, pagbibigay-puri, at paggalang sa ating Diyos, at ang ating pagpipitagan ay nagmumula sa kaluluwang nagagalak sa saganang pagmamahal, awa, at kaligtasan ni Cristo! (Patrick Kearon, “Welcome sa Simbahan ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2024, 36).

Elder D. Todd Christofferson

Kapag mas malalim ang pagpipitagan ninyo sa mga sagradong bagay, ang Banal na Espiritu ay magiging kasama ninyo sa tuwina. Lumalago kayo sa pag-unawa at katotohanan. (D. Todd Christofferson, “A Sense of the Sacred,” New Era, Hun. 2006, 31).

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga natutuhan nila mula sa mga pahayag na ito. Maaari ka ring magbigay ng ilang tanong tulad ng sumusunod:

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano nagpakita ng pagpipitagan si Jesucristo sa mga sagradong bagay o lugar sa Kanyang mortal na ministeryo?

  • Ano ang ilang paraan na maipapakita ninyo ang pagpipitagan sa Ama sa Langit sa iba’t ibang aspeto ng inyong buhay?

  • Paano nakatulong ang pagpapakita ng pagpipitagan sa Ama sa Langit sa paghahanda sa inyo na tumanggap ng paghahayag mula sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano nila maipapakita ang higit na pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na itala ang mga naiisip o espirituwal na impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 3:7–22; 4:1–17

May kakayahan ba akong gawin ang gawain ng Panginoon?

Isiping magbahagi ng isang sitwasyon tungkol sa isang young adult na nakadarama na hindi siya karapat-dapat para gawin ang gawain ng Panginoon. Maaari mong gamitin ang sumusunod o ang sitwasyong ginawa mo.

Nagulat si Nyla nang bigyan siya ng calling ng kanyang bishop na maglingkod bilang counselor sa Relief Society presidency. Siya ay 20 taong gulang pa lamang, bago siya sa kanyang ward, at nahihirapang makihalubilo sa mga tao. Pinanghihinaan siya ng loob dahil sa kanyang mga kakulangan at limitasyon. Nagpaisip siya, Bakit ako ang tatawagin ng Panginoon?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na parirala mula sa Exodo 3:11:

  • Sino ako upang … ?

Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang pangungusap na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon na tila higit sa ating kakayahan. Maaari mong ilista ang kanilang mga sagot sa pisara sa tabi ng talata. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila kapag nadama nilang hindi sila karapat-dapat na gawin ang gawaing ipinagagawa sa kanila ng Panginoon.

Maaari kang magpakita ng larawan ni Moises. Ipaalala sa mga estudyante na bagama’t kalaunan ay naging isang makapangyarihang propeta si Moises na nagsagawa ng mga dakilang himala sa tulong ng Panginoon, nadama niya noong una na may kakulangan siya nang tawagin siya ng Diyos.

si Moises na hinahati ang dagat na pula

Moses Parting the Red Sea [Si Moises na Hinahati ang Dagat na Pula], ni Robert T. Barrett

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 3:7–11, at alamin kung paano tumugon si Moises nang tawagin siya ng Panginoon na palayain ang Israel mula sa pagkaalipin ng mga taga-Egipto. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang tanong ni Moises sa Panginoon sa talata 11.

Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano tinugunan ng Panginoon ang mga alalahanin ni Moises, isiping ipakita ang sumusunod na talahanayan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang kaukulang mga banal na kasulatan at pag-isipan kung paano sila matutulungan ng mga turo ng Panginoon kapag pakiramdam nila ay hindi sila karapat-dapat na gawin ang gawain ng Diyos.

Mga Alalahanin ni Moses

Ang mga Tugon ng Panginoon

Mga Alalahanin ni Moses

Exodo 3:11

Ang mga Tugon ng Panginoon

Exodo 3:12

Mga Alalahanin ni Moses

Exodo 3:13

Ang mga Tugon ng Panginoon

Exodo 3:14–18

Mga Alalahanin ni Moses

Exodo 4:1

Ang mga Tugon ng Panginoon

Exodo 4:2–9

Mga Alalahanin ni Moses

Exodo 4:10

Ang mga Tugon ng Panginoon

Exodo 4:11–12

Mga Alalahanin ni Moses

Exodo 4:13

Ang mga Tugon ng Panginoon

Exodo 4:14–16

Kapag natapos na ang mga estudyante sa pag-aaral, sabihin sa kanila na ibahagi sa kapartner o sa maliliit na grupo ang mga nalaman nila. Maaari din ninyong sama-samang talakayin ang sumusunod na tanong bilang isang klase:

  • Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na makatutulong sa inyo kapag pakiramdam ninyo ay hindi kayo sapat o hindi karapat-dapat na gawin ang gawain ng Panginoon? (Ang sumusunod ay isang halimbawa ng katotohanang maaaring matukoy ng mga estudyante: Kapag tinawag tayo ng Diyos sa Kanyang gawain, binibigyan Niya tayo ng kakayahan at lakas na maisakatuparan ito.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, isiping ibahagi ang pahayag na ito ni Pangulong Henry B. Eyring at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

Pangulong Henry B. Eyring

May mga sandaling madarama ninyo na kayo ay nanghihina. Isa sa mga paraan ng pagsalakay sa inyo ay sa pagpapadama sa inyo na kayo ay may kakulangan. Kakulangan na tugunan ang tawag na kumatawan sa Diyos gamit lamang ang inyong sariling lakas. Ngunit makakaya ninyo ang higit pa sa likas ninyong kakayahan, at hindi kayo nag-iisa.

Pagtitibayin ng Panginoon ang inyong sinasabi at ginagawa sa mata ng mga taong pinaglilingkuran ninyo. (“Rise to Your Call,” Liahona, Nob. 2002, 76–77)

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon sa pamamagitan ng inyong pagsisikap na paglingkuran Siya?

  • Kailan ninyo nakita na pinalakas kayo ng Diyos o ang iba pa para magawa ang Kanyang gawain?

    (Bilang bahagi ng talakayang ito, isiping ipanood ang “Gusto ba Ninyong Lumigaya?” mula sa time code na 4:02 hanggang 5:36.)

    10:21

Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang mga impresyon na gusto nilang matandaan mula sa kanilang mga karanasan sa klase. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na tulungan tayong maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 5–6

Ano ang makatutulong sa akin kapag nahaharap ako sa mga hamon habang sinisikap kong sundin ang Panginoon?

Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland.

Pangulong Jeffrey R. Holland

Ang Kristiyanismo ay nakagiginhawa, ngunit kadalasan ay hindi nagbubunga ng maginhawang kalagayan ang pagsasabuhay nito. Ang landas tungo sa kabanalan at kaligayahan sa buhay na ito at pagkatapos nito ay mahaba at mabato kung minsan. Kailangan ng panahon at tiyaga upang matahak ito. Ngunit, mangyari pa, ang gantimpala sa paggawa nito ay napakalaki. (“Paghihintay sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 116–17)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kapartner:

  • Ano ang maaaring magpahirap sa pagiging isang tagasunod ni Jesucristo ngayon?

  • Sa inyong palagay, bakit sulit ang pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas?

Ipaalala sa mga estudyante na si Moises ay tinawag ng Panginoon para palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Bagama’t iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita, si Moises at ang kanyang mga tao ay nakaranas ng maraming paghihirap sa paglalakbay. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga kabatiran habang nag-aaral sila ngayon na makatutulong sa kanila kapag nakakaranas sila ng mga hamon sa pagsunod sa Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Exodo 5:1–2, at alamin kung paano tumugon si Faraon sa kahilingan nina Moises at Aaron na palayain ang mga Israelita. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang nalaman, bigyang-diin na hindi lamang tumanggi si Faraon na palayain ang mga anak ni Israel, kundi pinahirapan din niya ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagdaragdag sa kanilang gawain (tingnan sa Exodo 5:4–19).

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Exodo 5:20–23, na inaalam kung paano tumugon si Moises at ang mga anak ni Israel sa pinatinding hirap ng kanilang mga pagsubok. Ipabahagi sa ilang estudyante ang nahanap nila. Maaari din ninyong talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagkakataon na hindi kayo nakakita ng agarang mga pagpapala, kahit na sa pakiramdam ninyo ay sumusunod kayo sa Panginoon?

  • Sa inyong palagay, bakit kung minsan ay hinahayaan tayo ng Panginoon na makaranas ng mga pagsubok o hadlang habang sinusunod natin Siya?

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 6:1–8 at 7:1–6, na inaalam kung paano tumugon ang Panginoon kay Moises at sa mga anak ni Israel sa kanilang mga pagsubok. Hilingin sa kanila na maglista ng kahit tatlong katotohanan na itinuturo sa kanila ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon. Ipaliwanag na magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi sa klase ang isinulat nila pagkatapos nilang mag-aral.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kapartner o sa maliit na grupo:

  • Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pag-alaala sa mga bagay na ito tungkol sa Panginoon kapag nahihirapan kayo sa pagsunod sa Kanya?

Kapag tapos nang magtalakayan ang mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilan na magbahagi sa klase ng kanilang mga natutuhan. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng mga ito: Ang Panginoon ay makapangyarihan sa lahat. Naaalala at tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Kapag naniniwala tayo sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako, maaari tayong magtiwala at sumunod sa Kanya kahit na hindi natin nakikita ang agarang resulta.

Maaari mong ibahagi ang pahayag na ito ni Elder Jörg Klebingat at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

Elder Jörg Klebingat

Tanggapin ang mga pagsubok, hadlang, at “sorpresa” bilang bahagi ng iyong karanasan sa lupa. … Kapag dumarating ang mga pagsubok na ito, ang mga kampon ng kalaban ay nagsisimulang ipamalita na may ginawa kayong mali, na ito ay parusa, tanda na hindi kayo mahal ng Ama sa Langit. Huwag ninyong pansinin iyan! Sa halip, piliting ngumiti, tumingala sa langit, at sabihing, “Nauunawaan ko po, Panginoon. Alam ko po kung ano ito. Oras ko po para patunayan ang sarili ko, di po ba?” At pagkatapos ay makipagtuwang sa Kanya para makapagtiis nang mabuti hanggang wakas. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag tinanggap ninyo na “madalas ay tinutulutang dumating ang mga pagsubok at paghihirap sa [inyong buhay] dahil sa ginagawa [ninyong] tama” (Glenn L. Pace, “Crying with the Saints” [Brigham Young University devotional, Dis. 13, 1987], 2; speeches.byu.edu). (“Paglapit sa Luklukan ng Diyos nang May Tiwala,” Liahona, Nob. 2014, 36–37)

  • Kailan kayo nakaranas ng mga hadlang habang sinisikap ninyong sundin ang Diyos?

  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa inyong magtiwala sa Kanya kahit na dumaranas kayo ng mahihirap na sitwasyon?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan o nadama nila mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanilang buhay. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga naiisip o espirituwal na impresyon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”