Waiting for the Promise [Naghihintay sa Pangako], ni Elspeth Young
Josue 1–8; 23–24
Si Josue ang sumunod kay Moises bilang propeta at lider ng bayan ng Israel. Inutusan ng Panginoon si Josue na pamunuan ang mga anak ni Israel papasok sa lupang pangako. Nagpadala si Josue ng dalawang espiya sa Jerico. Doon, iniligtas ni Rahab ang mga espiya para hindi mahuli, at kapalit nito ay nangako sila na poprotektahan siya at ang kanyang pamilya sa paparating na pagkalipol. Pinigilan ng Panginoon ang tubig ng Ilog Jordan upang makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa at makapasok sa lupang pangako. Noong sumunod sa Panginoon ang mga hukbo ng Israel, sila ay pinagpala Niya na manalo sa digmaan. Bago siya mamatay, ipinaalala ni Josue sa mga Israelita ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa kanila. Hinimok niya ang mga Israelita na piliing maglingkod sa Panginoon.
Mga Karagdagang Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Josue 1–8; 23–24”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang sumusunod na mga pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o higit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Inutusan ng Panginoon si Josue na “magpakalakas at magpakatapang na mabuti” (Josue 1:9). Habang pinag-aaralan ninyo ang Josue 1, isipin kung paano kayo matutulungan ng Panginoon na magkaroon ng tapang sa sarili ninyong sitwasyon.
-
Ano ang mga sitwasyong kinakaharap ninyo na kailangan ninyong sumampalataya kay Jesucristo? Isipin kung paano ninyo mapalalakas ang inyong pananampalataya habang pinag-aaralan ninyo ang Josue 2–3 at 6.
-
Nakaramdam na ba kayong mapilitang sundin ang masasamang impluwensya sa halip na ang Panginoon? Isipin kung ano ang matututuhan ninyo sa Josue 24 na makatutulong sa inyo o sa ibang tao sa mga sitwasyong ito.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante para magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Josue 1–8; 23–24.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Josue 2–3; 6 ay maaaring makatulong sa paggamit ng kasanayang “Pagsasaisip ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang nakalaan para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input mula sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw. Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong marinig ang tinig ng Tagapagligtas. Ang paanyaya na basahin ang mga banal na kasulatan ay isang paanyaya na makilala si Jesucristo. Sa pagtuturo mo sa iyong mga estudyante tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan, hikayatin sila hindi lamang para hanapin ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas kundi hanapin din Siya. Upang matuto pa, tingnan sa “Hinikayat ng Tagapagligtas ang Iba na Kilalanin Siya sa pamamagitan ng Pag-aaral ng Kanyang Salita” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).
Josue 1
Paano ako matutulungan ng Panginoon na magkaroon ng tapang?
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na parirala at sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila kukumpletuhin ang isa o higit pa sa mga pangungusap.
-
Nadarama kong nabibigla ako sa …
-
Nadarama kong hindi ako sapat kapag …
-
Nadarama kong nababalisa o natatakot ako sa …
Hikayatin ang mga estudyante na isaisip ang kanilang mga sagot habang pinag-aaralan nila ang payong ibinigay ng Panginoon kay Josue. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila kapag ganito ang nararamdaman nila.
Ipaliwanag na may mga dahilan si Josue na makaramdam ng pagkabigla, kakulangan, at pagkabalisa. Ang mga anak ni Israel ay nagpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon. Si Moises, ang dakilang tagabigay ng batas at propeta, ay wala na. Responsibilidad at pagkakataon ni Josue na pamunuan ang mga anak ni Israel sa pagpasok sa lupang pangako at sa pakikipaglaban sa mga taong tila mas makapangyarihan kaysa sa kanila.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Josue 1:1–9 at humanap ng mga salita o parirala na maaaring nakapagpanatag kay Josue. Maaari mong ipaliwanag na nililinaw ng Aklat ni Mormon na si Moises ay hindi namatay kundi dinalang paitaas (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-kalagayan, Mga,” Gospel Library; tingnan din sa Alma 45:19). Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa ka-partner o sa klase ang namukod-tangi sa kanila mula sa mga talatang pinag-aralan nila at kung bakit. Maaari mo ring itanong:
-
Ano sa palagay ninyo ang natutuhan ni Josue mula sa payo ng Panginoon? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang ang tulad ng sumusunod: Kapag alam natin na kasama natin ang Panginoon, maaari tayong maging malakas at matapang.)
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ng oras ang mga estudyante para kumpletuhin ang mga ito nang mag-isa.
-
Isulat ang isa o higit pang sitwasyong kinakaharap ninyo kaya kailangan ninyong maging malakas at matapang.
-
Maghanap ng mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa inyong tumanggap ng lakas at tapang mula sa Panginoon sa mga ganitong sitwasyon. Kabilang sa mga halimbawa ng mga banal na kasulatan na maaari ninyong pag-aralan ang Josue 1:9; Mga Awit 27:1; Isaias 41:10; 2 Timoteo 1:7; at Doktrina at mga Tipan 6:36.
Kapag tapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang ilan sa mga banal na kasulatan o pahayag na nahanap nila sa isang ka-partner o maliit na grupo. Pagkatapos ay maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Kailan kayo binigyan ng Panginoon ng lakas o tapang? Ano ang itinuro sa inyo ng karanasang ito tungkol sa Kanya?
Bilang pagtatapos, sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila. Sabihin sa kanila na itala ang kanilang mga naiisip o espirituwal na impresyon.
Josue 2–3; 6
Anong pagkakaiba ang maidudulot ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo sa buhay ko?
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang mga sitwasyon sa buhay na kakailanganin nating kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa tanong na ito. Maaari mo ring sabihin sa kanila na talakayin kung paano tayo makikinabang sa mga ganitong uri ng sitwasyon.
Ipaliwanag na sa aklat ni Josue, nalaman natin ang tungkol sa pagpasok ng mga Israelita sa lupang pangako pagkalipas ng 40 taong paglalakbay sa ilang. Ang aklat na ito ay naglalarawan ng maraming sitwasyon na kinailangang sumampalataya sa Panginoon ang mga indibidwal. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang mga halimbawang pinag-aaralan nila ngayon na magkaroon ng higit na pananampalataya kay Jesucristo sa kanilang buhay.
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng chart na katulad ng sumusunod:
|
Matatapat na gawa |
Mga resulta ng pagkilos nang may pananampalataya |
|---|---|
Bigyan ng oras ang mga estudyante para pag-aralan ang isa o higit pa sa mga sumusunod na salaysay at kumpletuhin ang parehong column sa chart batay sa mahahanap nila. Maaari din itong maging pagkakataon upang ipakilala ang kasanayang “Pagsasaisip ng mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Maaaring ipagpalagay ng mga estudyante na sila mismo ang nasa salaysay at isipin kung ano ang maaaring naisip o nadama nila noon.
-
Si Rahab at ang mga espiya (Josue 2:1–21; 6:22–25)
-
Ang pagpasok ng mga Israelita sa lupang pangako (Josue 3:1–17)
-
Ang digmaan sa Jerico (Josue 6:1–20)
Kapag tapos nang mag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi sa ka-partner o sa maliit na grupo ang isinulat nila sa kanilang chart. Maaari mo ring sabihin sa kanila na sama-samang talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa salaysay na pinag-aralan ninyo?
-
Paano makatutulong ang salaysay na ito sa mga sitwasyong kailangan ninyong sumampalataya kay Jesucristo?
Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa utos ng Panginoon na lipulin ang mga tao sa Jerico, maaari mo silang ituon sa “Deuteronomio 7:1–6, 16–24. Bakit iniutos ng Panginoon sa Israel na lipulin ang mga Cananita?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund:
Karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan. Una tayo ay kumikilos nang may pananampalataya; pagkatapos ay darating ang kapangyarihan—ayon sa kalooban at panahon ng Diyos. Ang pagkakasunud-sunod ay napakahalaga. Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli. (“Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70)
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo, matatanggap natin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng Diyos. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, bakit napakahalaga ng pagkakasunod-sunod ng pagkilos nang may pananampalataya at pagkatapos ay ang pagtanggap ng kapangyarihan ng Diyos?
-
Ano ang mga halimbawa sa inyong buhay nang natanggap ninyo ang kapangyarihan o mga pagpapala ng Diyos dahil kumilos kayo nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ano ang gagawin ninyo kung kayo ay may mas higit na pananampalataya? Pag-isipan ninyo ito. Magsulat tungkol dito. Pagkatapos ay tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya. …
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya.
Ang inyong lumalaking pananampalataya sa Kanya ay makapagpapalipat ng mga bundok—hindi ng mga bundok ng bato na nagpapaganda sa mundo kundi ng mga bundok ng kapighatian sa inyong buhay. Ang inyong lumalagong pananampalataya ay tutulong sa inyo na magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga pagsubok. (“Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103, 104)
Bigyan ng oras ang mga estudyante para gumawa ng plano upang dagdagan ang kanilang pananampalataya at manampalataya. Kung hindi masyadong personal, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga aspeto ng kanilang plano sa ka-partner o sa klase.
Josue 24
Ano ang makatutulong sa akin na piliing paglingkuran ang Panginoon?
Ang sumusunod na sitwasyon ay makatutulong sa mga estudyante na makilala ang kahalagahan ng paggamit ng kanilang kalayaang pumili sa paggawa ng mabuti. Maaari mo itong ibahagi o gumawa ng ibang sitwasyon na mas nakatutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante:
Umalis kamakailan si Walter sa bahay ng kanyang mga magulang. Ngayong nag-iisa na siya, nahihirapan siyang gawin ang mga bagay na hinihikayat ng kanyang mga magulang na gawin niya, tulad ng pagsisimba, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga turo at pamantayan ng Tagapagligtas. Ang mga bagong roommate ni Walter ay mabubuting tao at masayang kasama, ngunit napansin niya na ang pagsunod kay Jesucristo ay tila hindi isang mataas na priyoridad para sa kanila.
-
Ano ang ilang maitatanong ninyo kay Walter na maaaring mahalagang pag-isipan niya?
Ipaliwanag na sa pagtatapos ng kanyang buhay, nagbahagi si Josue ng huling sermon sa mga Israelita. Sa kabila ng pagsisikap ng mga Israelita na alisin ang masasamang impluwensya sa kanilang paligid matapos makarating sa lupang pangako, nababahala pa rin si Josue sa mga tuksong nararanasan ng kanyang mga tao.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Josue 24:1–18, at alamin ang mga katotohanan mula sa payo ni Josue na makatutulong sa sitwasyon tungkol kay Walter at sa mga sitwasyong kinakaharap nila sa sarili nilang buhay.
Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, maaaring anyayahan silang magbahagi sa ka-partner ng mga salita o parirala mula sa mga talatang ito na makatutulong kay Walter sa kanyang sitwasyon. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Paano ninyo ibubuod ang mensahe ni Josue bilang isang pahayag ng katotohanan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad nito: Maaari nating piliing paglingkuran ang Panginoon anuman ang piliin ng iba.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga sitwasyong kinakaharap ng mga young adult kung saan kapaki-pakinabang na sundin ang alituntuning ito?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund, at pagkatapos ay talakayin ang mga tanong sa ibaba:
Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya. …
Katunayan, ninanais, inaasahan, at iniuutos ng Diyos na bawat isa sa Kanyang mga anak ay pumili para sa kanyang sarili. Hindi Niya tayo pipilitin. Sa pamamagitan ng kaloob na kalayaan, pinahihintulutan ng Diyos ang Kanyang mga anak “na [kumilos] para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos” [2 Nephi 2:27]. Ang kalayaan ang nagtutulot sa atin na pumili kung tatahakin natin ang landas ng tipan, o hindi. Nagtutulot ito sa atin na pumili kung aalis tayo rito, o mananatili. Kung hindi tayo mapipilit na sumunod, hindi rin tayo mapipilit na sumuway. Walang sinuman, nang walang pagsang-ayon natin, ang makapagpapaalis sa atin sa landas ng tipan. …
Kailangan nating pumili kung sino ang paglilingkuran natin. Ang kalakhan ng ating walang hanggang kaligayahan ay nakadepende sa pagpili sa buhay na Diyos at pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain. (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104–6)
-
Ano ang pinakanapansin ninyo sa pahayag na ito?
-
Ano ang alam ninyo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na piliin Siya sa halip na ang ibang impluwensya?
Bilang pagtatapos, sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga problema na maaaring kinakaharap nila sa kasalukuyan sa pagsunod sa masasamang impluwensya sa halip na ang Panginoon. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung anong mga pagbabago ang maaari nilang gawin sa kanilang buhay upang mas ganap na maipakita na pinipili nilang maglingkod sa Panginoon. Hikayatin sila na itala ang kanilang plano at ang anumang impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.