“Exodo 14–18,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Moses Parting the Red Sea [Si Moises na Hinahati ang Dagat na Pula], ni Robert T. Barrett
Exodo 14–18
Matapos akayin ni Moises ang mga Israelita palabas ng Egipto, mahimalang hinati ng Panginoon ang tubig ng Dagat na Pula upang makatawid sila. Hinabol sila ng hukbo ng Egipto at nalunod ang mga ito nang bumalik ang tubig. Nagsimulang bumulung-bulong o magreklamo ang mga Israelita sa ilang dahil sa kakulangan ng pagkain. Biniyayaan sila ng Panginoon ng manna at nagbilin na tipunin ang mahimalang pagkain tuwing umaga maliban sa araw ng Sabbath. Ang mga anak ni Israel ay nagreklamo rin dahil sa pagkauhaw, at iniutos ng Panginoon kay Moises na hampasin ang isang bato, na naging dahilan para umagos ang tubig.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Exodo 14–18”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Sinabi ni Elder Patrick Kearon na ang Diyos ay “hindi naglalagay ng mga harang at balakid; inaalis Niya ang mga iyon” (“Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 89). Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 14:1–16, 19–22, 30, pag-isipan kung paano magagawa ng Panginoon na gawing oportunidad ang mga balakid sa iyo.
-
Isipin kung gaano kadaling magreklamo kapag hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay. Gaano mo kadalas nakikita ang iyong sarili na ginagawa ito? Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 15:22–25; 16:1–8; at 17:1–6, pag-isipan kung paano ka maaaring magreklamo nang mas kaunti at higit na magtiwala sa Diyos.
-
Sa Exodo 16 natutuhan natin kung paano tinulungan ng Diyos ang mga Israelita na hindi magutom sa ilang. Habang binabasa mo ang kabanatang ito, ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo na maalala at umasa kay Jesucristo araw-araw? Maaari mo ring panoorin ang video na “Daily Bread: Pattern” sa Gospel Library.
2:36
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Exodo 14–18.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Exodo 14 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay. Hindi lang kailangang malaman ng iyong mga estudyante ang tungkol sa pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon, ngunit kailangan din nila itong maranasan. Habang nagtuturo ka, maghanap ng mga pagkakataon upang matulungan ang mga mag-aaral na makilala ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon—kapwa sa mga banal na kasulatan at sa sarili nilang buhay. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maunawaan at madama kung paano sila pagpapalain at tutulungan ng Panginoon. Upang matutuhan ang iba pa, tingnan ang “Tulungan ang mga Mag-aaral na Madama ang Pagmamahal, Kapangyarihan, at Awa ng Panginoon sa Kanilang Buhay” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8).
Exodo 14
Paano ako maililigtas ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga sitwasyong maaaring kaharapin ng mga young adult kung saan maaaring maramdaman nila na para silang nakulong o natatakot. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga pagkakataong personal nilang nadama na nakulong sila at hindi na nila makita ang daan para sumulong sa kanilang buhay. Himukin sila habang nag-aaral sila ngayon na humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo para tulungan silang malaman kung paano tumugon sa mga ganitong sitwasyon.
Ipaalala sa mga estudyante na pagkatapos lisanin ang Egipto, si Moises at ang mga anak ni Israel ay nagkampo malapit sa Dagat na Pula. Nang habulin sila ni Faraon at ng kanyang hukbo, natagpuan ng mga Israelita ang kanilang sarili na nasukol at walang paraan upang makatakas (tingnan sa Exodo 14:1–9). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang mararamdaman nila sa sitwasyong iyon. Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang sitwasyong ito, maaari kang magpakita sa kanila ng larawan ng Dagat na Pula.
Ang Dagat na Pula sa timog ng Eliat sa Jordan.
Ituro na makatutulong na ihambing ang reaksyon ng mga Israelita sa sitwasyong ito sa reaksyon ni Moises. (Makakahanap ka ng mga ideya para ituro ang kasanayang ito sa “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.)
Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 14:10–14, na inaalam ang pagkakaiba ng reaksyon ng mga Israelita sa sitwasyong ito at ng reaksyon ni Moises. Maaari din ninyong talakayin bilang klase ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang pinagtuunan ng mga Israelita sa mga sitwasyong ito? Ano ang pinagtuunan ni Moises?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa paghahambing na ito? (Bukod sa iba pang mga katotohanan na maaaring ibahagi ng mga estudyante, tulungan silang maunawaan ang sumusunod: Madadaig natin ang takot kapag tayo ay matibay na naninindigan at umaasa sa Panginoon.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang pagtawid ng Israel sa Dagat na Pula sa Exodo 14:15–31. Sabihin sa kanila na magtuon ng pansin sa kung ano ang matututuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang klase na magbahagi ng mga natutuhan nila sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga sumusunod na tanong sa isang kapartner:
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa salaysay na ito?
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa karanasan ng mga Israelita sa pagtawid sa Dagat na Pula sa mga hamon na kinakaharap natin ngayon?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang buhay na tinulungan sila ng Panginoon dahil nanampalataya sila sa Kanya sa panahon ng kanilang mga pagsubok. Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari mong ipanood ang video na “Feeling the Lord’s Love and Goodness in Trials” (4:17).
Exodo 15:22–25; 16:1–8; 17:1–6
Ano ang makatutulong sa akin para maiwasan ang pagbulung-bulong o pagrereklamo?
Isiping ipakita ang mga sumusunod na pahayag at bigyan ng oras ang mga estudyante na tahimik na suriin ang kanilang mga sarili gamit ang scale na mula 1 (halos hindi totoo sa akin) hanggang 5 (halos palaging totoo sa akin).
-
Nakadarama ako ng pasasalamat sa Diyos at nagpapasalamat ako sa Kanya.
-
Madalas akong magreklamo kapag mahirap ang mga bagay-bagay.
-
Sinisikap kong magpasalamat sa Diyos anuman ang aking kalagayan.
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga Israelita ay humarap sa maraming hamon pagkatapos lisanin ang Egipto. Anyayahan silang pag-aralan ang mga sumusunod na passage, at alamin kung paano tumugon ang mga Israelita sa kanilang mga paghihirap:
-
Exodo 15:22–25
-
Exodo 16:1–8
-
Exodo 17:1–6
Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, isiping itanong:
-
Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa paraan ng pagtugon ng mga Israelita sa kanilang mga hamon?
-
Bakit madaling bumulung-bulong o magreklamo kapag hindi umaayon sa gusto natin ang mga bagay-bagay?
-
Paano naiiba ang pagbulung-bulongungan at pagrereklamo sa naaangkop na pag-aalala o paghingi ng tulong?
Isiping ipamahagi ang handout na pinamagatang “Paglabanan ang Tukso na Bumubulung-bulong at Magreklamo” at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ito nang mag-isa o kasama ang isang kapartner.
Kapag nasagutan na ng mga estudyante ang handout, anyayahan silang magbahagi ng ilan sa mga alituntuning natukoy nila. Kabilang sa mga halimbawa ng mga katotohanang maaaring banggitin nila ay ang mga ito: Kapag bumulung-bulong o nagreklamo tayo laban sa mga tinawag na lingkod ng Panginoon, bumubulung-bulong o nagrereklamo tayo laban sa Panginoon. Ang pagtutuon kay Jesucristo ay magpapadama sa atin ng kagalakan, anuman ang ating mga kalagayan. Ang pasasalamat ay nakatutulong sa atin na makaranas ng kaligayahan.
Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na gaya ng sumusunod:
-
Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang natukoy ninyo para madaig ang tuksong bumulung-bulong o magreklamo?
-
Sa inyong palagay, bakit nakatutulong ang pagtutuon kay Jesucristo upang makaramdam tayo ng saya anuman ang ating mga sitwasyon?
-
Ano ang nakatulong sa inyo para mabawasan ang pagbulung-bulong o pagrereklamo at mas magtiwala pa sa Diyos?
Maaari mong ipaisip sa mga estudyante kung anong mga aksyon ang maaari nilang gawin para maiwasan ang pagbulung-bulong o pagrereklamo. Anyayahan silang itala ang mga ideya at espirituwal na pahiwatig na natanggap nila.
Exodo 16
Bakit kailangan kong umasa kay Jesucristo araw-araw?
Magsimula sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang personal na pangangailangang umasa kay Jesucristo araw-araw. Ang isang paraan para magawa mo ito ay sa pamamagitan ng pagbabasa, pagkanta, o pakikinig sa himno na “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno) o isa pang himno tungkol sa pag-asa kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi sa klase o sa kapartner ang mga salita o parirala na makabuluhan sa kanila at bakit.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sarili nilang pagsisikap na umasa sa Panginoon araw-araw. Maaari nilang pag-isipan ang tungkol sa mga partikular na aksyon na kanilang gagawin na nagpapakita ng pag-asa sa Panginoon. Maaari din nilang pag-isipan ang mga bagay na nangangailangan pa ng pagpapahusay. Himukin sila habang nag-aaral sila na maging handang tanggapin ang mga pahiwatig ng Espiritu tungkol sa kung paano sila mas lubos na makakaasa sa Panginoon araw-araw.
Paglalarawan sa mga Israelita na nagtitipon ng manna.
Isiping magpakita ng isang larawan na naglalarawan sa mga anak ni Israel na nagtitipon ng manna. Ipaalala sa mga estudyante na matapos mailigtas ang mga anak ni Israel mula sa Egipto at mahimalang nakatawid sa Dagat na Pula, dumanas sila ng maraming paghihirap sa ilang. Isa sa mga hamong ito ay ang kakulangan sa pagkain. Bilang tugon, binigyan sila ng Panginoon ng manna mula sa langit upang pakainin sila.
Bigyan ang mga estudyante ng oras para pag-aralan ang mga sumusunod na banal na kasulatan. Habang nag-aaral sila, anyayahan silang itala ang mga espirituwal na aral na matututuhan nila mula sa mga turong ito tungkol sa manna.
-
Exodo 16:2–5, 14–21, 31
-
Juan 6:31–35, 47–51
Kapag tapos na ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, anyayahan silang ibahagi sa maliliit na grupo ang kanilang mga natutuhan. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang bawat estudyante na pumili ng kahit isa lang na sasagutin:
-
Anong mga espirituwal na aral ang natutuhan mo mula sa mga turong ito tungkol sa manna?
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga turong ito tungkol sa pag-asa kay Jesucristo?
-
Ano ang magagawa natin ngayon na katulad sa pagtitipon ng manna?
Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga ideya mula sa mga talakayan sa klase. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, matutukoy nila ang mga katotohanang tulad nito: Kung umaasa tayo sa Panginoon araw-araw, pagkakalooban Niya tayo ng espirituwal na pagkain. Kapag inaalala natin ang Panginoon araw-araw, titibay ang pagtitiwala natin sa Kanya.
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga katotohanang ito, isiping panoorin ang video na “Daily Bread: Pattern” (2:51). Maaari ka ring magtanong na tulad ng sumusunod:
-
Bakit mas mabuti ang pag-asa sa Panginoon araw-araw kaysa sa minsanang malakas na mga espirituwal na karanasan?
-
Ano ang ilang paraan na natatanggap ninyo ang lakas at katatagan araw-araw sa pamamagitan ni Jesucristo? Ano ang mga nagawang kaibhan ng mga gawaing ito sa inyong buhay?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa nakagugulat na bilis, ang patotoo na hindi napangangalagaan sa araw-araw “ng mabuting salita ng Diyos” [Moroni 6:4] ay maaaring gumuho. Kaya nga, ang panlunas sa mga pakana ni Satanas ay malinaw: kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo. (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 99)
Bigyan ng panahon ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang kanilang gagawin para mas lubos na umasa sa Panginoon bawat araw. Hikayatin silang isulat ang kanilang mga mithiin at anumang espirituwal na impresyon na natanggap nila.