Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Ruth; 1 Samuel 1–7


Nakaluhod si Ruth sa harap ni Naomi at hawak ang kamay nito

Steadfastly Minded [Matatag sa Isipan], ni Eva Timothy

Ruth; 1 Samuel 1–7

Si Naomi, ang kanyang asawa, at ang kanilang dalawang anak na lalaki ay lumipat sa lupain ng Moab mula sa Bethlehem dahil sa taggutom. Namatay sa Moab ang asawa ni Naomi at ang kanyang dalawang anak na lalaki, at bumalik si Naomi sa Bethlehem kasama ang kanyang manugang na si Ruth. Doon ay pinakasalan ng isang lalaking nagngangalang Boaz si Ruth at ibinigay niya ang mga pangangailangan nina Ruth at Naomi. Inasam ni Ana, na isang matwid na babaeng Israelita, na magkaroon ng anak. Sinagot ang kanyang mapagpakumbabang panalangin, at biniyayaan siya ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Samuel. Habang nasa templo, narinig ni Samuel ang isang tinig na tumatawag sa kanya. Sa tulong ng saserdoteng si Eli, nakilala ito ni Samuel bilang tinig ng Panginoon.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Ruth; 1 Samuel 1–7

Tandaan: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong padalhan ang mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Isipin ang mga sakripisyong ginawa mo para ipamuhay ang ebanghelyo. Paano ka pinagpala ng Panginoon sa paggawa ng mga sakripisyong ito? Habang pinag-aaralan mo ang Ruth 1–2, isipin ang mga sakripisyo ni Ruth at kung paano siya pinagpala ng Panginoon.

  • Habang pinag-aaralan mo ang Ruth 2–4, pag-isipan ang mga tanong na ito: Sa anong mga paraan tayo maaaring maging katulad ni Ruth? Sa anong mga paraan naging katulad ni Jesucristo si Boaz?

  • Ano ang gagawin mo kapag naharap ka sa mabibigat na hamon o pagsubok? Pag-isipan kung ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Ana habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 1–2.

  • Sa mundong may napakaraming nakikipagkumpitensyang tinig, paano mo nakikilala at tinutugon ang tinig ng Panginoon? Pag-isipan kung paano mo mas maririnig ang Kanyang tinig habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 3.

icon ng talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng tungkol kay Ruth at sa 1 Samuel 1–7.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Samuel 3 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Identifying Gospel Truths in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Maghanap ng mga angkop na paraan para maipakita ang iyong pagmamahal. Maraming paraan para maipahayag mo sa angkop na paraan ang pagmamahal sa mga estudyante. Ang pagpapakita ng pagmamahal ay makatutulong sa mga estudyante na mas maging komportable sa klase at mabuksan ang kanilang puso sa mga impresyon ng Espiritu Santo. Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng pagpapakita ng pagmamahal. Upang matuto pa, tingnan ang “Ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang Pagmamahal sa Kanyang mga Tinuruan,” sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022), 14.

Ruth 1–2

Anong mga sakripisyo ang magagawa ko para masunod ang Panginoon?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf at talakayin ang kasamang tanong:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Lahat tayo ay may mga bagay na nasa atin, malaki at maliit, na kailangang isakripisyo upang mas lubos na masunod si Jesucristo. Makikita sa ating mga sakripisyo kung ano ang tunay nating pinahahalagahan. Ang mga sakripisyo ay sagrado at kinikilala ng Panginoon. (“Buong Puso Natin,” Liahona, Mayo 2022, 124)

  • Ano ang mga halimbawa ng mga sakripisyong maaaring kailanganing gawin ng isang tulad ninyo upang mas lubos na masunod ang Panginoon? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante para mabalikan mo ang mga ito mamaya sa aktibidad sa pag-aaral.)

Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo upang matukoy ang mga sakripisyong magagawa nila na makatutulong sa kanila na mas lubos na masunod si Jesucristo.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto para sa Ruth 1–2, maaari mong ibahagi o ng isang estudyante ang sumusunod na buod:

Sa panahon ng taggutom, isang babaeng Israelita na nagngangalang Naomi, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki ang lumipat sa Moab mula sa Bethlehem. Habang nasa Moab, pinakasalan ng mga anak na lalaki ni Naomi ang mga babaeng Moabita na sina Ruth at Orfa. Nang mamatay ang asawa at dalawang anak na lalaki ni Naomi, nabalo ang tatlong babae at nagpasiya si Naomi na bumalik sa Bethlehem.

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Ruth 1:8–19, na inaalam ang mga tagubilin ni Naomi kina Orfa at Ruth at kung paano tumugon ang bawat isa. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:

  • Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang napansin ninyo kay Ruth?

  • Ano ang ilang sakripisyong maaaring kinailangang gawin ni Ruth para makapunta sa Bethlehem kasama ni Naomi?

Ipaliwanag na dahil napakahirap nina Naomi at Ruth, wala silang paraan para matustusan ang kanilang sarili sa Bethlehem. Upang makakuha ng pagkain para kay Naomi at sa kanyang sarili, pumunta si Ruth sa bukid ni Boaz, isang kamag-anak ng asawa ni Naomi. Tinipon ni Ruth ang mga natirang pananim sa bukid. (Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang gawaing ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang “Ruth 2:1–3. Ano ang ibig sabihin ng mamulot sa bukid?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Ruth 2:5–18, at alamin ang mga paraan kung paano tinulungan ni Boaz si Ruth. Pagkatapos, maaari mong itanong:

  • Anong mga katotohanan ang nalaman ninyo tungkol sa pagsunod sa Panginoon mula sa salaysay tungkol kay Ruth? (Ang isang halimbawa ng katotohanang matutukoy ng mga estudyante ay ito: magpapadala ang Panginoon ng mga pagpapala kapag nagtitiwala tayo sa Kanya at nagsasakripisyo upang sumunod sa Kanya.)

Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang listahan ng mga sakripisyong isinulat mo sa pisara sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang alam ninyo tungkol sa Panginoon na nagbibigay-inspirasyon sa inyo na magtiwala sa Kanya at magsakripisyo para masunod Siya?

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila pinagpala nang sila, tulad ni Ruth, ay nagtiwala sa Panginoon at nagsakripisyo para masunod Siya. Maaari mong hilingin sa ilang handang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa mula sa sarili mong buhay.

Bilang pagtatapos, anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga sakripisyong magagawa nila para mas masunod ang Panginoon. Anyayahan silang itala ang kanilang mga plano at iba pang impresyong nadama nila mula sa Espiritu Santo.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Ruth 2–4

Ano ang matututuhan ko tungkol sa aking Manunubos mula sa salaysay tungkol kina Ruth at Boaz?

Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Niyayakap ni Jesus ang bulag na lalaki
Elder D. Todd Christofferson

Isa sa mga pinakamakahulugang titulo na naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos. … Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain. (“Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109)

  • Nang pinag-iisipan ang inyong buhay, sa anong mga paraan ninyo maaaring kailanganin ang pagtubos, pagsagip, o kalayaan sa pamamagitan ni Jesucristo?

Ipaliwanag na ang salaysay tungkol kina Ruth at Boaz ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang tungkulin ni Jesucristo bilang ating Manunubos. Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang sarili nilang pangangailangan na matubos. Habang nag-aaral sila, anyayahan silang hanapin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na matanggap ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo.

Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang alam nila tungkol sa mga sitwasyong naging dahilan upang makilala ni Ruth si Boaz, at ipaalala sa kanila na si Ruth ay isang babaeng Moabita na lumipat sa Bethlehem kasama ang kanyang biyenang Israelita na si Naomi. Kamakailan lang nabalo ang dalawang babae at napakahirap nila. Sa Bethlehem, pumunta si Ruth sa bukid ni Boaz, isang kamag-anak ng namatay na asawa ni Naomi, upang mamulot ng uhay. Pinakitunguhan ni Boaz si Ruth nang may kabaitan at pinahintulutan siyang kumuha ng mga karagdagang pananim mula sa kanyang bukid.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan kung ano ang nangyari sa pagitan nina Ruth at Boaz, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong estudyante at atasan ang bawat estudyante na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata at ang kaukulang entry nito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.

Mga talatang pag-aaralan

Kaugnay na entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Mga talatang pag-aaralan

Ruth 2:15–20

Kaugnay na entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Ruth 2:18–20. Bakit mahalagang si Boaz ang ‘pinakamalapit na kamag-anak’ ni Naomi?

Mga talatang pag-aaralan

Ruth 3:1–13

Kaugnay na entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Ruth 3:1–9. Bakit inutusan ni Naomi si Ruth na humiga sa paanan ni Boaz?

Mga talatang pag-aaralan

Ruth 4:1–10, 13–17

Kaugnay na entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Ruth 4:1–8. Bakit tumanggi ang pinakamalapit na kamag-anak na pakasalan si Ruth?

Kapag natapos nang mag-aral ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang sumusunod sa kanilang grupo:

  1. Isang buod ng mga talatang pinag-aralan nila.

  2. Mga natutuhan nila mula sa kaukulang entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan.

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga natutuhan nila. Maaari mo ring talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Sa anong mga paraan tayo maaaring maging katulad ni Ruth?

  • Sa anong mga paraan naging katulad ni Jesucristo si Boaz?

Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaaring mabigyang-diin ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, matutulungan Niya tayong makaranas ng pagtubos.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder LeGrand R. Curtis Jr., habang naglilingkod siya bilang miyembro ng Pitumpu, at talakayin ang kasamang tanong:

Elder LeGrand R. Curtis Jr.

Ang mga banal na kasulatan, panitikan, at mga karanasan sa buhay ay puno ng mga kuwento ng pagtubos. Sa pamamagitan ni Cristo, maaaring baguhin at binabago ng mga tao ang kanilang buhay at natatamo ang pagtubos. Gustung-gusto ko ang mga kuwento ng pagtubos. (“Pagtubos,” Liahona, Nob. 2011, 36)

  • Ano ang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan o sa inyong sariling karanasan sa buhay kung saan tumanggap ang mga tao ng pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari silang maghanap ng mga halimbawa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tubos, Tinubos, Pagtubos.”

    Maaari mo ring ipanood ang video na “Pagtubos,” mula sa time code na 4:31 hanggang 7:45.

    9:2

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo bilang kanilang personal na Manunubos. Hikayatin sila na isipin kung ano ang magagawa nila para hangarin ang Kanyang pagtubos at itala ang mga kaisipan o impresyon mula sa Espiritu Santo.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Samuel 1–2

Paano magbibigay sa akin ng kapayapaan at lakas ang pagdarasal sa Diyos?

Maaari kayong magsimula sa pamamagitan ng pagkanta o pakikinig sa isang himno tungkol sa panalangin, gaya ng “Naisip Bang Manalangin?” o “Dalanging Taimtim” (Mga Himno, mga blg. 82, 86). Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga salita o mga parirala na pinakamahalaga para sa kanila.

Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na pagnilayan ang sarili nilang mga panalangin. Anyayahan silang maghanap ng mga katotohanang makatutulong sa kanila na mapagbuti ang kanilang pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Ipaliwanag na nagsisimula ang 1 Samuel sa salaysay tungkol sa matwid na Israelita na nagngangalang Elkana na naninirahan kasama ang kanyang dalawang asawa na sina Penina at Ana. May isang hangarin si Ana na hindi natutupad na lubos niyang ipinagdasal na maipagkaloob.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang karanasan ni Ana, maaari mong ipakita ang sumusunod na talahanayan. Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga talata at maghanap ng mga paraan upang makumpleto ang chart. Maaari din ninyong panoorin ang “Hannah’s Faith [Ang Pananampalataya ni Ana]” (3:08).

3:9

Ang mga hamon ni Ana (1 Samuel 1:1–8)

Paano tumugon si Ana (1 Samuel 1:9–20; 2:1–2)

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos ay talakayin ang mga tanong na gaya ng sumusunod:

  • Ano kaya ang maaari nating gawin upang maibuhos natin ang ating kaluluwa sa harapan ng Diyos?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa karanasan ni Ana? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Maidudulog natin ang lahat ng ating problema at hamon sa pagdarasal sa Ama sa Langit. Naririnig ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin at sinasagot Niya ang mga ito ayon sa Kanyang kalooban at panahon.)

  • Ano ang makahahadlang sa atin na idulog ang ating mga hamon sa Ama sa Langit sa panalangin? Ano ang makatutulong sa atin na madaig ang mga hadlang na ito?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap sa mga banal na kasulatan ng mga karagdagang halimbawa ng mga taong nakatanggap ng mga sagot o tulong mula sa Diyos dahil nanalangin sila sa Kanya. (Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong imungkahi na pag-aralan nila ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod: Lucas 22:39–44; Enos 1:1–10, 17; Mosias 24:8–17; Alma 36:6–10, 16–20; Alma 58:6–12; Joseph Smith—Kasaysayan 1:13–17.)

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila sa ka-partner o sa maliit na grupo. Maaari din silang magbahagi ng mga nalaman nila tungkol sa Ama sa Langit mula sa mga salaysay na pinag-aralan nila.

Kapag tapos nang magtalakayan ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi sa kanila ang kanilang mga pananaw. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung kailan narinig at sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Maaari mo ring ipanood ang video na “God Wants You to Pray [Nais ng Diyos na Manalangin Ka]” (3:29).

3:29

Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng plano para tulungan sila na mas pataimtimin ang kanilang mga panalangin sa Ama sa Langit. Maaaring ibahagi ng ilang handang estudyante ang kanilang mga plano sa klase.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Samuel 3

Paano ko mapauunlad ang aking kakayahang marinig ang tinig ng Panginoon?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na suriin ang kanilang mga sarili sa scale na 1 (“Kadalasang hindi totoo tungkol sa akin”) hanggang 5 (“Kadalasang totoo tungkol sa akin”).

  1. Nais kong matanggap ang patnubay ng Panginoon sa aking buhay.

  2. Sadya akong nagsisikap na makatanggap at makilala ang paghahayag mula sa Espiritu Santo.

  3. Alam ko kung paano nakikipag-ugnayan sa akin ang Panginoon.

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang 1 Samuel 3, anyayahan silang pag-isipang mabuti kung paano nila madaragdagan ang kanilang kakayahang tumanggap ng at makilala ang paghahayag mula sa Panginoon.

Ipaalala sa mga estudyante na matapos mapagpakumbabang magsumamo si Ana sa Diyos sa panalangin, biniyayaan Niya siya ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Samuel (tingnan sa 1 Samuel 1:10–11, 19–20). Noong bata pa siya, naglingkod si Samuel sa tabernakulo sa ilalim ng mataas na saserdote na si Eli.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Samuel 3:2–10, 19 kasama ang ka-partner, na inaalam ang mga alituntuning matututuhan nila tungkol sa pakikinig sa tinig ng Panginoon. Anyayahan silang gumawa ng listahan ng mga alituntuning natukoy nila. (Maaaring magandang bahagi ito para ituro ang kasanayang “Identifying Gospel Truths in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.)

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilang katotohanang natukoy nila. Maaari nilang banggitin ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Kung handa tayo at bukas ang ating isipan, maaari nating paunlarin ang ating kakayahang makilala ang tinig ng Panginoon. Kapag dinaragdagan natin ang ating kakayahang tumanggap at maunawaan ang personal na paghahayag, mas madali nating makikilala ang tinig ng Panginoon.

Maaari kang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na opsiyon para matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa mga katotohanang ito:

  1. Sabihin sa mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga banal na kasulatan na naglalarawan ng iba’t ibang paraan ng pakikipag-usap sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari kang magmungkahi ng mga halimbawang tulad ng sumusunod: Juan 14:26; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 11:12–13.)

  2. Panoorin ang isa o mahigit pang video mula sa koleksyon ng video na “Pakinggan Siya” sa Gospel Library.

  3. Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na nakatuon sa pagtanggap at pagkilala ng paghahayag mula sa Espiritu Santo; halimbawa, ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2018, 93–96).

Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga natutuhan nila tungkol sa pakikinig sa tinig ng Panginoon. Maaari ka ring magtanong na tulad ng sumusunod:

  • Paano ninyo mapauunlad ang inyong kakayahang makilala ang tinig ng Panginoon?

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na ang pagkilala sa tinig ng Diyos ay maaaring mangailangan ng panahon at pagsisikap?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kamakailan kung saan biniyayaan sila ng personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo. Maaari nilang ipaliwanag kung ano ang naitulong sa kanila ng mga karanasang iyon na matutuhan o madama tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasang masyadong personal.

Bilang pagtatapos, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! …

Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95–96)

Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang plano para sa pagdaragdag ng kanilang espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”